2021
Pamumukod-tangi sa Ireland
Oktubre 2021


“Pamumukod-tangi sa Ireland,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.

Pamumukod-tangi sa Ireland

Si Evan K. ang kaisa-isang binatilyong miyembro ng Simbahan sa kanyang paaralan—ngunit hindi siya nag-iisa.

binatang nagbibisikleta

Mga larawang kuha ni Ashley-Ann K.

Narinig mo na ba ang kasabihang “Ang damuhan ay palaging mas berde sa kabilang panig ng bakod”? Ang labinlimang taong gulang na si Evan K. ng Ireland ay malamang na hindi sabihin iyon sa anumang nalalapit na panahon. “Napaka-berde ng damo sa amin!” sabi niya.

May magandang dahilan kung bakit itinuturing kung minsan ang Ireland bilang “Ang Islang Esmeralda.”

“Maganda rito,” sabi ni Evan. Tinatamasa niya nang husto ang kagandahang iyon, madalas habang nakasakay sa kanyang bisikleta. “Gustung-gusto kong magbisikleta pababa sa ilan sa maraming tahimik na kalsada sa paligid namin.”

Napapaligiran siya ng mga esmeraldang berdeng damo at iba pang likas na kagandahan. Gayunman, ang bagay na kakaunti lamang ay ang iba pang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na kaedad niya. Si Evan at ang kanyang nakababatang mga kapatid na babae lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa kanilang paaralan.

Ang Naiiba

Sa Ireland, marami sa mga paaralan ay mga paaralang panrelihiyon. Dumadalo si Evan at ang kanyang mga kapatid sa isang lokal na paaralan ng mga Katoliko kasama ang iba pang mga kabataan na nakatira sa kanilang rehiyon sa Ireland.

Pagdating sa mga pagpili sa uri ng pamumuhay, may ilang partikular na aspekto kung saan namumukod-tangi si Evan. “Mahirap kung minsan dahil nagmumura ang lahat,” sabi niya. Ang pagmumura ay karaniwan doon, paliwanag ni Evan. Ngunit may isang bahagi ng kulturang Irish na sinasabi ni Evan na maaaring maging mas malaking hamon.

“Ang mga kabataan ay mahilig magkita-kita at lumabas para uminom ng alak,” paliwanag niya. “Palaging ako ang naiiba.”

Ang tinutukoy niya ay ang mga kaibigan niya sa paaralan na kaedad niya. Karaniwan ang pag-inom ng alak sa murang edad kung saan nakatira si Evan. Madalas mangyari ang mga aktibidad na ito kaya sinabi ni Evan na kung minsan ay naiisip niyang sumama para hindi siya palaging napag-iiwanan. Ngunit sa bawat pagkakataon ay nananatili siya sa bahay.

“Iniisip ko, ‘Ano ang mangyayari kung sasama ako sa kanila?’” sabi niya. “Alam ko na kung pipiliin kong huwag pumunta, pagpapalain ako dahil dito. Ang mga pagpapala ng pagsunod sa mga kautusan ay higit na mas matimbang kaysa sa sakit na dulot ng pagiging naiiba.”

binatilyo

Si Evan ay umaasa sa Espiritu Santo na tulungan siya sa mga pang-araw-araw na pagpili. Bukod pa rito, mayroon din siyang iba pang mga pinagkukunan ng lakas.

Isang text message lang ang nasa pagitan niya at ng kanyang mga Irish na kaibigan sa Simbahan.

Mga Kaibigan sa Online at Lakas na Pang-araw-araw

Napakaraming ginagawang mga virtual meeting kung saan naninirahan si Evan dahil ang mga kabataan sa Simbahan ay napakalayo sa isa’t isa. Halimbawa, nagkaklase sila sa seminary nang online.

“Nakatutuwa ang lingguhang seminary,” sabi ni Evan. “Hindi lamang kami natututo tungkol kay Cristo at sa ebanghelyo habang nagse-seminary, pero pagkatapos ay iniiwan ng guro ang Zoom call na bukas para sa amin.”

Sa Zoom call na iyon, nagkakasama, nagbibiruan, naglalaro, at nakikipagkaibigan sila sa ibang mga kabataan na kapareho nila ang mga pinahahalagahan. Para kay Evan, nabuo ang ilan sa kanyang pinakamalalapit na pakikipagkaibigan sa pamamagitan ng mga ugnayan sa Simbahan.

Isa sa mga nakakaugnayan niyang iyon ay ang kanyang mabuting kaibigang si Rob. “Pareho kaming natatawa sa napakaraming magkakatulad na bagay,” sabi ni Evan. “Kapag may nakita si Rob na nakakatawa sa social media na alam niyang gusto ko, ipadadala niya ito sa akin. Pagkatapos ay magte-text kami nang kaunti sa isa’t isa. Makalipas ang ilang oras, kapag may nakita akong isang bagay na nakakatawa, ipapadala ko ito sa kanya.”

Napakakaraniwang bagay lang, ‘di ba? Ngunit ang maliliit na pakikipag-ugnayang ito ay malaking tulong sa buong linggo. “Maganda ito dahil napapatawa namin ang isa’t isa, ngunit hindi kailangang may anumang pagmumura o iba pang ginagawa.” Maaari din nilang i-text ang isa’t isa anumang oras na kailangan lang nila ng kaunting dagdag na lakas sa ebanghelyo.

Isang Irish na Pagsasama-sama

Kahit magkakahiwalay ang mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa Ireland, sinisikap pa rin nilang magkasama-sama nang personal sa buong taon—kung minsan ay kinabibilangan ito ng mga kabataan mula sa buong bansa.

Iba-iba ang mga aktibidad na ito, mula sa mga service project hanggang sa pag-aarkila ng mga inflatable sumo wrestling suit. “Sobrang saya ng mga ito!” sabi ni Evan.

Kung minsan, sa katapusan ng mga aktibidad ay may disco (isang sayawan). Ang mga ito ay lubhang kakaiba sa mga disco na nagaganap sa kalapit na mga paaralan at komunidad. Halimbawa, sa isang disco sa komunidad, kung hiniling ng isang batang lalaki sa isang batang babae na makipagsayaw sa kanya, halos parang hinihiling na niya dito na makipagdeyt—o maging kasintahan nito. Muli, bahagi lang ito ng kultura roon.

Gayunman, ang mga bagay-bagay ay naiiba sa mga disco sa Simbahan. Doon, sabi ni Evan, “maaari naming hilinging makipagsayaw sa isang tao at hindi nila iisipin na hinihiling namin sa kanila na magkaroon kami ng isang seryosong relasyon. Mas maganda ito.”

Ang mga aktibidad na ito kasama ng iba pang mga kabataan ng Simbahan sa Ireland ay may pangmatagalang epekto sa buong taon. Ipinagpapatuloy nila ang kanilang pagkakaibigan sa pamamagitan ng paglalaro ng mga online game, pagpapadala ng mga text at pakikipag-usap sa telepono, at pagsuporta sa isa’t isa hanggang sa makapagtipon silang muli nang personal.

magkapatid na nagbibisikleta
pamilyang kumakanta
pamilya

Gustung-gusto ni Evan na mag-ukol ng oras sa kanyang pamilya, kabilang na ang sama-samang pagbibisikleta at pagkanta ng mga himno sa bahay.

Pag-unlad at Liwanag ng Ebanghelyo

Si Evan ay may kaunting payo para sa iba pang mga kabataan na nasa sitwasyong katulad niya. “Kung nadarama ninyong kayo lang ang kabataan ng Simbahan sa inyong paaralan, huwag ninyong baguhin ang inyong mga pamantayan para sumubok at makibagay. Kung kayo ay magmumura, iinom, o maninigarilyo para makibagay, marami kayong mapapalampas. Ang mga pagpapala ay higit na mas mainam kaysa sa kasiyahang mula sa pagsisikap na makibagay!”

At kung sakaling nag-aalala ka na nalulungkot si Evan sa paaralan dahil pinipili niyang mamuhay nang naiiba, mag-isip kang muli. Sinabi niya na alam ng mga tao ang kanyang mga paniniwala at iginagalang siya kahit na mula siya sa ibang relihiyon. “Tinatanggap ko ang kanilang mga paniniwala, at tinatanggap nila ang sa akin,” paliwanag niya. “Mabubuting kaibigan ko ang lahat ng nasa paaralan ko.”

Sa huli, bagama’t maaaring hindi napaliligiran si Evan ng mga kabataan ng Simbahan araw-araw, hinahayaan pa rin niyang magliwanag ang kanyang liwanag ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, sino ang makapagsasabi kung gaano karaming binhi ng ebanghelyo ang naitatanim niya sa pagiging mabuting halimbawa lamang? Lalo na, mainam ang paglago ng mga bagay-bagay sa Ireland!