“Ang Bahay ng Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021. Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin Ang Bahay ng Panginoon Doktrina at mga Tipan 109–110 Ni Matthew C. Godfrey Isinalarawan ni Bethany Stancliffe Noong Disyembre 1832, inutusan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, na magtayo ng isang templo. “Magtayo ng isang bahay, maging … isang bahay ng Diyos.” Inabot nang tatlong taon ang templo bago nayari. Nagsakripisyo ng oras at pera ang mga Banal para maitayo ito. Noong Marso 1836 natapos ito. Sinabi ni Joseph Smith sa mga Banal na magtipon para sa paglalaan. Noong umaga ng Marso 27, 1836, mga 1,000 katao ang dumalo sa paglalaan sa templo. Nagsalita si Sidney Rigdon nang mahigit dalawang oras. Pagkatapos ay binasa ni Joseph Smith ang panalangin ng paglalaan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109). “Aming hinihiling sa inyo, O Panginoon, na tanggapin ang bahay na ito.” Inawit ng koro ang “Espiritu ng Diyos,” na partikular na isinulat para sa okasyong iyon. Maraming nagpatotoo sa magagandang espirituwal na karanasan nila sa paglalaan, kabilang na ang pagbuhos ng Espiritu Santo at pagpapakita ng mga anghel. Noong Abril 3, nagpakita si Jesucristo kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa templo. Sinabi Niya sa kanila na tinatanggap Niya ito bilang Kanyang bahay at na dapat magalak ang mga Banal dahil sa mga pagpapalang matatanggap nila.