“Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian: Kabilang Ka,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.
Pagkaakit sa Kaparehong Kasarian: Kabilang Ka
Kung naaakit ka sa kaparehong kasarian, dapat mong malaman na mahal ka ng Diyos. May lugar para sa iyo sa Kanyang kaharian.
Para sa sinumang nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian, maaaring iniisip mo kung nababagay ka sa loob ng Simbahan, o maging kung ang plano ng kaligayahan ng Diyos ay angkop sa iyo.
Ang mga nararamdaman mo ay maaaring tila taliwas sa maraming inaasahan. Maaaring naiisip mo, “Bakit ito nangyayari sa akin?” Mahal ba talaga ako ng Diyos? May lugar ba para sa akin sa Kanyang kaharian?”
1. Mahal Ka ng Diyos
Ang unang dapat malaman mo ay mahal ka ng iyong Ama sa Langit. Ang pag-ibig ng Diyos ay perpekto, nagtatagal, at kamangha-mangha. At mahal Niya ang bawat isa sa inyo. Alam Niya ang pangalan mo.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Hindi tumitingin ang Diyos sa panlabas na anyo. Naniniwala ako na hindi mahalaga sa Kanya kung nakatira tayo sa palasyo o sa kubo, kung guwapo tayo o pangkaraniwan, kung tanyag tayo o kinalimutan. Kahit nagkukulang tayo, lubos tayong mahal ng Diyos. Kahit hindi tayo perpekto, sakdal ang pag-ibig Niya sa atin. Kahit nadarama nating naligaw tayo at walang gabay, yakap tayo ng pag-ibig ng Diyos.
“Mahal Niya tayo dahil puspos Siya ng walang-hangganang banal, dalisay, at di-maipaliwanag na pag-ibig. Mahalaga tayo sa Diyos hindi dahil sa ating résumé kundi dahil tayo ay Kanyang mga anak. Mahal Niya tayong lahat” (“Ang Pag-ibig sa Diyos,” pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2009 [Liahona, Nob. 2009, 22–23]).
“Mahal tayong lahat ng Diyos. Mahal Niya ang mga taong iba ang relihiyon at ang mga taong walang pananampalataya. Mahal Niya ang mga nagdurusa. Mahal niya kapwa ang mayayaman at mahihirap. Mahal Niya ang mga tao ng bawat lahi at kultura, may-asawa o wala, at ang mga nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian” (ChurchofJesusChrist.org/topics/gay).
2. Kabilang Ka
Tayong lahat ay may pagkakaiba sa ilang paraan. Mayroon tayong iba’t ibang lahi, etnisidad, pinagmulan, at kultura. Ang ilan sa atin ay isinilang sa Simbahan; ang iba ay mga bagong binyag. At ang ilan ay naaakit sa kaparehong kasarian, samantalang ang iba ay hindi.
Lahat tayo ay kabilang. Itinuro ng sinaunang apostol na si Pedro, “Walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya” (Mga Gawa 10:34–35). Ang ibig Niyang sabihin ay lahat ng nagsisikap na sundin ang mga kautusan ay tatanggap ng Kanyang mga pagpapala, anuman ang pinagmulan nila.
Itinuro ni Elder L. Whitney Clayton, emeritus member ng Pitumpu: “Nagsasalita ako ngayon mismo sa mga miyembro ng Simbahan na nakararanas ng pagkaakit sa kaparehong kasarian. … Gusto naming malaman ninyo na mahal namin kayo. Malugod kayong tinatanggap. Gusto naming maging bahagi kayo ng ating mga kongregasyon. Mayroon kayong mga nakamamanghang talento at kakayahang maihahandog sa kaharian ng Diyos sa lupa, at kinikilala namin ang maraming mahahalagang kontribusyong ginagawa ninyo” (ChurchofJesusChrist.org/topics/gay).
3. Bumaling sa Diyos—Tutulungan Ka Niya
Kahit na wala palaging kasagutan kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay sa ating buhay, alam natin na alam ng Ama sa Langit ang pinagdaraanan mo. At dahil sa Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo, lahat ng anak ng Diyos ay makasusumpong ng biyaya, mapagpapala, at makababalik sa Kanya.
Kaya kung naaakit ka sa kaparehong kasarian, ano ang ginagawa mo ngayon?
Narito ang nakatulong sa isang young adult nang matanto niya na naaakit siya sa kaparehong kasarian:
“Nagpasiya ako mula sa simula pa lang na anyayahan ang Diyos sa bawat hakbang ng aking paglalakbay, at iyon ay naging isang espirituwal na karanasan para sa akin.
“Hindi ko mahuhulaan kung ano ang magiging buhay ko sa loob ng 20 taon. Hindi ko lubos na nakikinita ang aking walang-hanggang potensyal, at bihira kong malaman kung anong kapanatagan o patnubay ang kailangan ko, ngunit alam ng Diyos ang lahat ng bagay na iyon. Hindi ko alam kung paano ko malalampasan ang nakalipas na ilang taon kung wala ang Kanyang tulong.
“Ang mga simpleng bagay—panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdalo sa templo at pagsisimba—ay talagang nakagagawa ng kaibhan. Ang mga ito ay naging angkla sa buhay ko ngayon nang higit kailanman. Mas kilala ako ng Ama sa Langit kaysa sa pagkakakilala ko sa aking sarili, kaya hindi ko kailangang magtago sa Kanya. Humihingi ako ng tulong sa Kanya at nagtitiwala ako na mas ninanais Niya ang kaligayahan ko kaysa sa akin. Sinisikap ko ring ipaalam sa iba kapag kailangan ko ng yakap o paalala na mahal nila ako. Natutuhan ko na hindi ko kailangang buhatin ang aking mga pasanin nang mag-isa.”
Laura F., Utah
4. Makasusumpong Ka ng Kapayapaan
Nais ng Ama sa Langit na magkaroon ka ng kapayapaan at kaligayahan. Nais Niyang mahalin mo ang iyong sarili at magalak sa iyong mortal na paglalakbay. At naririyan Siya, kasama mo sa bawat hakbang—kahit kung minsan ay nararamdaman mong hindi ka kabilang. Ikaw ay nabibilang sa Kanya—at palaging magiging gayon.