“Ano ang dapat kong gawin kung nagsisi na ako pero hindi ko mapigilang isipin ang nagawa kong mali?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Okt. 2021.
Mga Tanong at mga Sagot
“Ano ang dapat kong gawin kung nagsisi na ako pero hindi ko mapigilang isipin ang nagawa kong mali?”
Kilalanin ang Iyong Pagpapakabuti
Hindi inaasahan ng Ama sa Langit na maging perpekto tayo, kaya ginagamit ko ang aking mga pagkakamali bilang mga karanasan sa pagkatuto. Sinisikap ni Satanas na pabagsakin tayo sa pamamagitan ng pag-uusig ng ating budhi, pero wala siyang anupamang ibang kapangyarihan maliban diyan. Ngayong alam ko na iyan, sinisikap kong makita kung paano ako nagpapakabuti sa halip na magtuon sa aking mga kasalanan.
Luke M., 14, Utah, USA
Patawarin ang Iyong Sarili
Kapag pinatawad mo ang iyong sarili, madarama mo ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa iyo, dahil napatawad ka na Niya. Nais ni Satanas na magpasok ng nakapanghihinang mga ideya sa iyong isipan, pero mas matatag ka. Ang mga ideyang iyon ay hindi nagmumula sa Ama sa Langit, kaya iwaksi mo ang mga iyon!
Camila A., 18, Dominican Republic
Nakasisiglang Musika
Gusto kong nakikinig sa nagbibigay-inspirasyong mga awitin para pasiglahin ako at palakasin ang loob ko. Kapag humihingi ako ng tulong sa Ama sa Langit sa panalangin, at pagkatapos ay nagpapatugtog ako ng nakasisiglang musika, talagang nadarama ko nang husto ang Espiritu at tinutulungan ako nitong makasulong.
Elma P., 18, Negros Occidental, Philippines
Kapayapaan sa mga Banal na Kasulatan
Kung sa pakiramdam mo ay nakapagsisi ka na, maghanap ng kapayapaan sa mga banal na kasulatan. Ang mga salita ng Panginoon ay ibinigay sa atin upang makadama tayo ng kapayapaan sa ating buhay. Kung ipinagdarasal mo na mapasaiyo ang Espiritu Santo habang nagbabasa ka, gagabayan ka Niya.
Emma M., 19, Spain
Makatutulong ang Pag-alala
Sa Alma 36:17–19, inilarawan ng propetang si Alma ang pag-alala sa kanyang mga kasalanan, pero lalo lang siyang pinasabik nito sa kung gaano kalaki na ang kanyang pagbabago at pagbuti. Tulad ni Alma, ang pag-alaala sa ating nakaraang mga pagkakamali ay tumutulong sa atin na hindi na muling magawa ang mga iyon.
Júlia M., 18, Bahia, Brazil
Hindi na Naaalala ng Diyos ang Ating mga Kasalanan
Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na matapos kang magsisi mula sa kasalanan, hindi na naaalala ng Diyos ang kasalanang iyon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58:42). Kahit hindi na ito naaalala ng Diyos, naaalala pa rin natin ito. Maaaring masakit ang maalala ang nakaraang mga pagkakamali, pero sa halip na ituring na isang pasanin ang nakaraang pagkakasala, ituring itong isang paalala na gawin ang lahat ng makakaya mo.
Elijah W., 17, Utah, USA
Pagbabayad-sala ni Cristo—Para sa Iyo
Kapag iniisip ko ang dati kong mga kasalanan, madaling madama na hindi pa ako lubos na nakapagsisi o na hindi ako karapat-dapat na mapatawad ng Diyos. Pero mahalagang tandaan na nais ng Ama sa Langit na magpakabuti pa tayo. Ayaw Niyang isipin nating palagi ang nakaraan o bagabagin tayo ng ating budhi magpakailanman. Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo bilang isang Tagapagligtas upang makapagsisi at maging malinis tayong muli sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Chloe W., 16, Arizona, USA
Isipin ang Iba
Maaaaring iniisip mo na kapag nagsisi ka na, titigil na ang mga problema at pag-iisip mo tungkol sa iyong mga pagkakamali. Pero hindi iyan palaging totoo. Kung minsan pinananatili roon ng Diyos ang mga damdaming ito para matuto kang labanan ang mga ito. Kung taos-puso ka nang nagsisi pero parang hindi mo malimutan ang iyong mga pagkakamali, sikaping isipin ang iba, tulad ng gagawin ni Cristo, sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga nasa paligid mo at pagbabahagi ng iyong patotoo. Makatutulong ito para mawala sa isip mo ang sarili mong mga pagkukulang, at matutulungan mo ang ibang tao kapag ginawa mo ito.
Jacob W., 21, Utah, USA