Ang Mabisang Banal na Siklo ng Doktrina ni Cristo
Inaanyayahan ko kayo na paulit-ulit, patuloy, at sadyang ipamuhay ang doktrina ni Cristo at tulungan ang iba na gawin din iyon.
Ilang taon na ang nakalipas nang kami ng asawa kong si Ruth, at ang anak naming si Ashley ay sumama sa iba pang mga turista para mamasyal sakay ng kayak sa estado ng Hawaii sa Estados Unidos. Ang kayak ay isang maliit na bangkang parang canoe kung saan nakaupo nang paharap sa unahan ang nagsasagwan gamit ang isang baligtarang sagwan. Ang plano ay sumakay sa kayak mula sa Oahu papunta sa dalawang maliliit na isla at pabalik. Kampante ako rito dahil noong bata ako ay sanay akong sumakay sa kayak sa mga lawa sa kabundukan. Ang sobrang tiwala sa sarili ay hindi kailanman maganda ang kinahihinatnan, hindi ba?
Nagbigay ang guide namin ng mga tagubilin at ipinakita ang mga ocean kayak na gagamitin namin. Kakaiba ito sa mga nagamit ko noon. Mas mataas ang puwesto ng upuan ko rito kaysa sa mga kayak na nagamit ko noon. Nang sumakay ako sa kayak, ang center of gravity ko ay mas mataas kaysa sa nakasanayan ko, kaya mas maalog ang kayak ko.
Sa simula, mas mabilis ang aking pagsagwan kaysa kina Ruth at Ashley. Maya-maya pa, malayo na ako sa kanila. Bagama’t masaya ako sa aking bilis, huminto ako sa pagsagwan para hintayin silang makahabol. Isang malaking alon—na mga 13 sentimetro ang taas1—ang humampas sa tagiliran ng aking kayak at tumaob ito at nahulog ako sa tubig. Nang maitihaya ko na ang kayak at muli akong makasampa rito, nalampasan na ako nina Ruth at Ashley, pero pagod na pagod na ako para sumagwan pa ulit. Bago ko pa man nahabol ang aking hininga, isa pang malaking alon, na talagang napakalaki—hindi kukulangin sa 20 sentimetro ang taas2—ang humampas sa aking kayak at muli akong itinaob. Nang maitihaya ko na ulit ang kayak, halos ubos na ang hininga ko at parang hindi ko na kayang sumampa sa kayak.
Nang makita ako ng guide namin, nilapitan niya ako at hinawakan ang aking kayak para mas madali akong makasampa rito. Nang makita niya na hinahabol ko pa ang aking paghinga para sumagwang mag-isa, itinali niya ang aking kayak sa kayak niya at nagsimulang sumagwan at hinila ako. Di nagtagal ay nakabawi na ako ng lakas at ako na ang nagsagwan sa aking kayak. Inalis niya ang tali at narating ko ang unang isla nang walang karagdagang tulong. Pagdating sa pampang, napahiga ako sa buhangin, na pagod na pagod.
Pagkatapos magpahinga ng grupo, bumulong sa akin ang guide namin, “Mr. Renlund, kung patuloy ka lang sa pagsagwan at pananatilihin ang iyong momentum, sa palagay ko ay makakaya mo ito.” Sinunod ko ang kanyang payo habang sumasagwan kami papunta sa pangalawang isla at pabalik kung saan kami nagsimula. Dalawang beses tumabi sa akin ang aming guide at sinabing magaling ang aking ginagawa. May mas malalaking alon pa na humapas sa aking kayak, pero hindi na ako tumaob.
Sa patuloy na pagsagwan sa kayak, napanatili ko ang aking momentum at patuloy akong umusad, at nalabanan ang epekto ng mga alon na humahampas sa gilid. Angkop din ang alituntuning ito sa espirituwal na aspeto ng ating buhay. Mas madali tayong matatangay ng kaaway kapag bumagal tayo, at lalo na kapag huminto tayo.3 Kapag pinanatili natin ang ating espirituwal na momentum sa pamamagitan ng patuloy na “pagsagwan” tungo sa Tagapagligtas, mas magiging ligtas tayo dahil ang ating buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa ating pananampalataya sa Kanya.4
Ang espirituwal na momentum ay nangyayari “sa buong buhay habang paulit-ulit nating niyayakap ang doktrina ni Cristo.”5 Sa paggawa nito, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ito ay nagdudulot ng “mabisang banal na siklo.”6 Tunay nga na ang mga elemento ng doktrina ni Cristo—tulad ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pakikipagtipan sa Panginoon sa pamamagitan ng binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas7—ay hindi nilayong maranasan at magawa lang nang minsanan. Ang “pagtitiis hanggang wakas” ay hindi talaga isang hiwalay na hakbang sa doktrina ni Cristo—na para bang kinukumpleto natin ang unang apat na elemento at pagkatapos ay nauupo tayo nang panatag, manatiling may determinasyon, at naghihintay na mamatay. Hindi, ang patitiis hanggang wakas ay ang paulit-ulit na pagsasabuhay ng ibang elemento ng doktrina ni Cristo, na lumilikha ng “mabisang banal na siklo” na inilarawan ni Pangulong Nelson.8
Ang ibig sabihin ng paulit-ulit ay na paulit-ulit nating nararanasan ang mga elemento ng doktrina ni Cristo sa buong buhay natin. Ang ibig sabihin ng patuloy ay na mas napapatatag at napapabuti tayo sa bawat pag-uulit. Kahit paulit-ulit nating ginagawa ang mga elementong ito, hindi lamang tayo paikut-ikot nang walang patutunguhan. Sa halip ay mas napapalapit tayo kay Jesucristo sa bawat pag-uulit na ginagawa natin.
Ang momentum ay kinabibilangan kapwa ng bilis at ng direksyon.9 Kung malakas kong isinagwan ang kayak sa maling direksyon, malamang na nakalikha ako ng makabuluhang momentum, ngunit hindi ko sana narating ang layon kong puntahan. Gayundin, sa ating buhay, kailangan nating “sumagwan” patungo sa Tagapagligtas para mapalapit tayo sa Kanya.10
Ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay kailangang pangalagaan araw-araw.11 Pinangangalagaan natin ito kapag tayo ay araw-araw na nananalangin, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, pinagninilayan ang kabutihan ng Diyos, nagsisisi, at sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Kung paanong masama sa kalusugan ang ipagpaliban ang anumang pagkain hanggang sa araw ng Linggo at pagkatapos ay magpakabusog sa lahat ng sustansyang kailangan nating kainin sa buong linggo sa araw na iyon, hindi espirituwal na nakalulusog ang limitahan ang mga gawaing nagpapalakas sa ating patotoo sa isang araw sa isang linggo.12
Kapag inako natin ang responsibilidad para sa ating sariling patotoo,13 nagtatamo tayo ng espirituwal na momentum at unti-unting nagkakaroon ng matibay na pundasyon ng pananampalataya kay Jesucristo, at nagiging sentro ng layunin ng buhay ang doktrina ni Cristo.14 Ang momentum ay lumalakas din kapag sinisikap nating sundin ang mga batas ng Diyos at nagsisisi. Masaya ang magsisi at tinutulutan tayo nitong matuto mula sa ating mga pagkakamali, na siyang paraan para tayo ay umunlad nang walang hanggan. Tiyak na magkakaroon tayo ng mga pagkakataon na tataob ang ating kayak at mahuhulog tayo sa malalim na tubig. Sa pamamagitan ng pagsisisi, muli tayong makasasampa sa ating kayak at makapagpapatuloy, kahit ilang beses pa tayo mahulog.15 Ang mahalaga ay hindi tayo dapat sumuko.
Ang susunod na elemento ng doktrina ni Cristo ay ang binyag, na kinabibilangan ng binyag sa tubig at, sa pamamagitan ng kumpirmasyon, ng binyag ng Espiritu Santo.16 Bagama’t minsanan lang ang binyag, paulit-ulit nating pinaninibago ang ating tipan sa binyag kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Ang sakramento ay hindi pinapalitan ang binyag, kundi iniuugnay ang paunang mga elemento sa doktrina ni Cristo—ang pananampalataya at pagsisisi—sa pagtanggap ng Espiritu Santo.17 Sa patuloy na pagtanggap natin ng sakramento,18 inaanyayahan natin ang Espiritu Santo sa ating buhay, tulad noong tayo ay bininyagan at kinumpirma.19 Kapag tinutupad natin ang tipan na binabanggit sa panalangin ng sakramento, makakasama natin ang Espiritu Santo.
Kapag nagkaroon ng higit na impluwensya ang Espiritu Santo sa ating buhay, unti-unti tayong magkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo. Magbabago ang ating puso. Mababawasan ang pagnanais nating gumawa ng mali. Magkakaroon tayo ng higit na pagnanais na gumawa ng mabuti hanggang sa naisin na lamang natin na “patuloy na gumawa ng mabuti.”20 At sa gayon ay matatanggap natin ang kapangyarihan ng langit na kailangan para makapagtiis hanggang wakas.21 Lalakas ang ating pananampalataya, at handa na tayong uliting mabisang banal na siklo muli.
Hinihikayat din tayo ng ating pasulong na espirituwal na momentum na makipagtipan sa Diyos sa bahay ng Panginoon. Maraming tipan ang naglalapit sa atin kay Cristo at higit na nag-uugnay sa atin sa Kanya. Sa pamamagitan ng mga tipang ito, higit nating matatanggap ang Kanyang kapangyarihan. Nais ko lang linawin na ang mismong mga tipan sa binyag at sa templo ay hindi pinagmumulan ng kapangyarihan. Ang pinagmumulan ng kapangyarihan ay ang Panginoong Jesucristo at ang ating Ama sa Langit. Ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagbibigay-daan para matanggap natin ang Kanilang kapangyarihan sa ating buhay. Kapag namuhay tayo ayon sa mga tipang ito, kalaunan ay mamanahin natin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.22 Ang momentum na nalikha sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ay hindi lamang nagbibigay ng kapangyarihang baguhin ang ating likas na pagkatao tungo sa ating walang-hanggang tadhana kundi hinihikayat din nito tayong tulungan ang iba sa angkop na mga paraan.
Isipin kung paano ako tinulungan ng aming guide nang tumaob ang aking kayak. Hindi siya sumigaw mula sa malayo at nagtanong ng, “Mr. Renlund, ano ang ginagawa mo sa tubig?” Hindi siya lumapit sa akin at sinabing, “Mr. Renlund, hindi mo sana ito naranasan kung mas malakas lang ang iyong katawan.” Hindi niya hinila ang aking kayak habang sinusubukan kong muling makasampa rito. At hindi niya ako itinama sa harapan ng grupo. Sa halip, tinulungan niya ako sa oras na talagang kailangan ko ng tulong. Pinayuhan niya ako noong handa na akong tumanggap ng payo. At talagang sinikap niyang palakasin ang loob ko.
Kapag naglilingkod tayo sa iba, hindi tayo kailangang magtanong nang walang katuturan o bumanggit ng mga bagay na alam na nila. Alam ng karamihan sa mga taong nahihirapan na nahihirapan sila. Hindi tayo dapat maging mapanghusga; ang ating panghuhusga ay hindi nakakatulong ni katanggap-tanggap, at kadalasa’y walang batayan.
Ang pagkukumpara ng ating sarili sa iba ay maaari tayong akayin sa nakapipinsalang mga pagkakamali, lalo na kung ipasiya natin na mas matwid tayo kaysa sa mga may pinagdaraanan. Ang gayong pagkukumpara ay parang pagkalunod sa tatlong metrong23 lalim ng tubig, pagkakita sa isa pang taong nalulunod sa apat na metrong24 tubig, at paghusga na ito ay mas makasalanan, at pagkakaroon ng magandang pakiramdam sa sarili. Kung tutuusin, lahat tayo ay may kanya-kanyang pinagdaraanan. Walang magagawa ang sinuman sa atin para maligtas.25 Hindi natin magagawa iyan kailanman. Itinuro ni Jacob sa Aklat ni Mormon na, “Tandaan, matapos [tayong] makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos [tayo] maliligtas.”26 Kailangan nating lahat ang walang-hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at hindi lang ang bahagi nito.
Kailangan natin ang lahat ng ating habag, pakikiramay, at pagmamahal habang nakikipag-ugnayan tayo sa mga tao sa ating paligid.27 Ang mga taong nahihirapan ay “[kailangang] maranasan ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo na maipapakita sa [ating] mga salita at kilos.”28 Habang naglilingkod tayo, madalas nating pinalalakas ang loob ng iba at nag-aalok tayo ng tulong. Kahit hindi ayaw tayong pansinin ng isang tao, patuloy tayong maglingkod kung payagan niya tayo. Itinuro ng Tagapagligtas na, “sa mga yaon kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila; at kayo ang magiging daan ng pagdadala ng kaligtasan sa kanila.”29 Ang gawain ng Tagapagligtas ay magpagaling. Ang gawain natin ay magmahal—magmahal at maglingkod sa paraang maglalapit sa iba kay Jesucristo. Ito ang isa sa mga bunga ng makapangyarihan at magandang resulta ng doktrina ni Cristo.
Inaanyayahan ko kayo na paulit-ulit, patuloy, at sadyang ipamuhay ang doktrina ni Cristo at tulungan ang iba na gawin din iyon. Pinatototohanan ko na ang doktrina ni Cristo ay napakahalaga sa plano ng Ama sa Langit; ito naman talaga ang Kanyang doktrina. Kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, susulong tayo sa landas ng tipan at magkakaroon ng hangaring tulungan ang iba na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Maaari tayong maging mga tagapagmana sa kaharian ng Ama sa Langit, na siyang kasukdulan ng matapat na pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.