Pangkalahatang Kumperensya
Ang Hangin ay Hindi Tumigil sa Pag-ihip
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2024


9:46

Ang Hangin ay Hindi Tumigil sa Pag-ihip

Matutulungan natin ang iba na sumulong sa kanilang paglalakbay upang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos.

Noong 2015, sa estado ng Pernambuco, Brazil, nakipagtulungan ang 62 miyembro ng J. Reuben Clark Law Society sa Prosecutor’s Office ng estado sa pag-iimbestiga sa mga legal na problema ng mga residente sa apat na magkakaibang nursing home. Isang Sabado, sa loob ng limang oras, isa-isa na ininterbyu ng mga abogadong ito ang mahigit 200 residente, na ang bawat isa sa kanila ay nakalimutan at napabayaan na ng lipunan.

Sa kanilang mga interbyu, natuklasan nila ang ilang krimen na ginawa laban sa matatandang residente tulad ng pag-abandona, pagmaltrato, at paglustay ng mga pondo. Ang isang mahalagang layunin ng kapisanan ng mga abogado na ito ay pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan. Makalipas lamang ang dalawang buwan, matagumpay na nakapagsampa ng kaso ang piskal laban sa mga responsableng partido.

Ang kanilang pagtulong ay isang perpektong halimbawa ng turo ni Haring Benjamin “na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”

Ang isang residente na personal kong ininterbyu sa pro bono na proyekto na ito ay isang mabait na 93 taong gulang na babaeng nagngangalang Lúcia. Nagpapasalamat para sa aming serbisyo, pabiro niyang isinigaw, “Pakasalan mo ako!”

Nagulat, sumagot ako: “Tumingin po kayo sa maganda at bata pang babae roon! Siya po ang aking asawa at ang piskal ng estado.”

Mabilis siyang sumagot: “Eh, ano ngayon? Siya ay bata pa, maganda, at madaling makapag-aasawa muli. Ikaw lang ang nasa akin!”

Hindi lahat ng mga problema ng mababait na residente ay nalutas noong araw na iyon. Walang alinlangang patuloy silang nakaranas ng paghihirap sa pana-panahon tulad ng mga Jaredita sa kanilang mga gabara sa mahirap na paglalakbay papunta sa lupang pangako, “nalibing sa kailaliman ng dagat, dahil sa mga malabundok na along humahampas sa kanila.”

Pero noong Sabadong iyon, alam ng mga residente ng nursing home na nakalimutan man sila ng lipunan, personal silang kilala ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, Siya na tumutugon maging sa mga pinakasimpleng panalangin.

Pinangyari ng Panginoon ng mga panginoon na umihip ang “malakas na hangin” sa mga Jaredita papunta sa mga ipinangakong pagpapala. Gayundin, maaari tayong magpasiya na magsilbing mapagpakumbabang ihip ng hangin sa mga kamay ng Panginoon. Tulad ng “ang hangin ay hindi tumigil sa pag-ihip” sa mga Jaredita papunta sa lupang pangako, maaari nating tulungan ang iba na sumulong sa kanilang paglalakbay upang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos.

Ilang taon na ang nakalilipas, nang interbyuhin kami ng aking minamahal na asawang si Chris para sa aking katungkulan bilang bishop, hiniling sa akin ng aming stake president na mapanalanging mag-isip ng mga pangalan na irerekomenda bilang mga tagapayo. Matapos marinig ang mga pangalang inirekomenda ko, sabi niya ay may ilang bagay akong kailangang malaman tungkol sa isa sa mga brother.

Una, ang brother na ito ay hindi nakakabasa. Pangalawa, siya ay walang sasakyan na maaaring gamitin upang mabisita ang mga miyembro. Pangatlo, siya ay palaging—palaging—gumagamit ng sunglasses sa simbahan. Sa kabila ng taos-pusong pag-aalala ng stake president, malakas ang pakiramdam ko na kailangan ko pa rin siyang irekomenda bilang aking tagapayo, at sinuportahan ako ng stake president.

Noong araw ng Linggo na sinang-ayunan ako at ang aking mga tagapayo sa sacrament meeting, bakas ang gulat sa mga mukha ng mga miyembro. Ang minamahal na brother na ito ay dahan-dahang naglakad paakyat sa harapan, kung saan ang ilaw sa itaas ay maliwanag na tumatama sa kanyang sunglasses.

Nang umupo siya sa aking tabi, tinanong ko siya, “Brother, may problema ba sa iyong paningin?”

“Wala,” sabi niya.

“Kung gayon, bakit ka nagsusuot ng sunglasses sa simbahan?” tanong ko. “Aking kaibigan, kailangang makita ng mga miyembro ang iyong mga mata, at kailangan mo rin silang makita nang mas maigi.”

Sa sandaling iyon, tinanggal niya ang kanyang sunglasses at hindi na niya ito isinuot muli sa simbahan.

Ang minamahal na brother na ito ay naglingkod sa aking tabi hanggang sa pag-release sa akin bilang bishop. Ngayon, siya ay patuloy na matapat na naglilingkod sa Simbahan at isang halimbawa ng dedikasyon at katapatan sa Panginoong Jesucristo. Ngunit, ilang taon bago iyon, siya ay isang hindi kilala na nakasuot ng sunglasses na nakaupo at nakalimutan sa mga bangko ng chapel. Madalas akong mapaisip, “Ilang matatapat na brother at sister na kasama natin ang nakakalimutan ngayon?”

Tayo man ay kilala o nakalimutan, hindi maiiwasang dumating ang mga pagsubok sa bawat isa sa atin. Kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas, magagawa Niyang “[ilaan] ang [ating] mga paghihirap para sa [ating] kapakinabangan” at matutulungan tayong tumugon sa ating mga pagsubok sa isang paraang nakakatulong sa ating espirituwal na pag-unlad. Ito man ay para sa mga nasa nursing home, sa isang miyembro ng Simbahan na nahusgahan nang mali, o sa sinuman, maaari tayong maging “hangin [na] hindi [tumitigil] sa pag-ihip,” naghahatid ng pag-asa at gumagabay sa iba papunta sa landas ng tipan.

Ang ating minamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson ay gumawa ng isang nakasasabik at nagbibigay-inspirasyon na paanyaya sa mga kabataan: “Muli kong pinagtitibay nang husto na hinihiling ng Panginoon sa bawat karapat-dapat at may kakayahang binatilyo na maghanda para sa at maglingkod sa misyon. Para sa mga lalaking Banal sa mga Huling Araw, ang paglilingkod sa misyon ay isang responsibilidad ng priesthood. … Para sa inyo na bata pa at may kakayahang mga sister, ang misyon ay isa ring maganda, ngunit opsyonal, na oportunidad.”

Araw-araw, libu-libong kabataang lalaki at babae ang tumutugon sa tawag ng propeta ng Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga missionary. Mahuhusay kayo, at tulad ng sinabi ni Pangulong Nelson, maaari kayong “[mas] magkaroon ng epekto sa mundo kaysa naunang mga henerasyon!” Siyempre, hindi iyon nangangahulugan na kayo ay magiging pinakamahusay na bersyon ng inyong mga sarili sa sandaling tumapak kayo sa missionary training center.

Sa halip, maaari ninyong madama ang nadama ni Nephi, “pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [ninyong] gawin. Gayunman, [kayo] ay yumaon.”

Marahil kayo ay nakadarama ng kakulangan sa inyong mga sarili tulad ni Jeremias at nais ninyong sabihing, “Hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako’y kabataan pa.”

Maaaring makita pa ninyo ang inyong mga personal na kakulangan at naisin ninyong magsumamo tulad ni Moises: “O Panginoon, ako’y hindi mahusay magsalita … : sapagkat ako’y makupad sa pananalita at umid ang dila.”

Kung sinuman sa inyo na minamahal at mahuhusay na kabataang lalaki at babae ang nag-iisip ng ganito ngayon, alalahaning sumagot ang Panginoon, “Huwag mong sabihin, ‘Ako’y isang kabataan;’ sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka.” At Kanyang ipinangako, “Ngayon nga’y yumaon ka, at ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.”

Ang inyong pagbabago mula sa inyong pagiging likas na tao tungo sa pagiging espirituwal ay mangyayari “[nang] taludtod sa taludtod, [nang] tuntunin sa tuntunin” habang taimtim kayong nagsisikap na maglingkod kay Jesucristo sa mission field sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisisi, pananampalataya, tiyak na pagsunod, at kasigasigan na “palaging maghanap, magturo ng pagsisisi, at magbinyag ng mga nagbalik-loob.”

Bagama’t nakasuot kayo ng name tag, maaaring madama ninyo na kayo ay hindi kilala o nakalimutan kung minsan. Gayunman, dapat ninyong malaman na mayroon kayong isang perpektong Ama sa Langit na kilala kayo nang personal, at isang Tagapagligtas na nagmamahal sa inyo. Magkakaroon kayo ng mga lider sa misyon na, sa kabila ng kanilang hindi pagiging perpekto, ay maglilingkod sa inyo bilang “hangin [na] hindi [tumitigil] sa pag-ihip” sa paggabay sa inyo sa inyong paglalakbay tungo sa personal na pagbabalik-loob.

Sa “lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot” kung saan kayo maglilingkod sa inyong misyon, kayo ay espirituwal na isisilang na muli at magiging disipulo ni Jesucristo habambuhay habang lumalapit kayo sa Kanya. Malalaman ninyo na hindi kayo kailanman nakalimutan.

Bagama’t maaaring ang ilan ay maghintay nang “matagal” para sa kaginhawaan, sapagka’t “walang taong” maaaring makatulong sa kanila, itinuro sa atin ng Panginoong Jesucristo na walang sinuman ang nakalimutan Niya. Kabaligtaran nito, Siya ay isang perpektong halimbawa ng paghahanap sa isa sa bawat sandali ng Kanyang mortal na ministeryo.

Ang bawat isa sa atin—at ang mga taong nakapaligid sa atin—ay nahaharap sa ating sariling mga unos ng oposisyon at mga alon ng mga pagsubok na naglulubog sa atin araw-araw. Ngunit “ang hangin ay hindi [titigil] sa pag-ihip patungo sa lupang pangako … ; at sa gayon [tayo ay itataboy] ng hangin.”

Ang bawat isa sa atin ay maaaring maging bahagi ng hangin na ito—ang parehong hangin na nagbigay-pagpapala sa mga Jaredita sa kanilang paglalakbay at ang parehong hangin na, sa ating tulong, ay magbibigay-pagpapala sa hindi kilala at nakalimutan upang makarating sa kanilang sariling mga lupang pangako.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya ay isang buhay na Diyos at kumikilos bilang isang malakas na hangin na palaging gagabay sa atin sa landas ng tipan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang J. Reuben Clark Law Society ay isang nonprofit association na binuo ng mga abogado at mag-aaral ng abogasya at inorganisa sa mahigit 100 mga chapter sa mundo. Ito ay pinangalanan bilang parangal kay Joshua Reuben Clark Jr., na naglingkod nang maraming taon bilang tagapayo sa Unang Panguluhan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

  2. Mosias 2:17.

  3. Ang pro bono ay pinaikling anyo ng parirala sa Latin na pro bono publico, na nangangahulugang “para sa ikabubuti ng publiko” o “para sa kapakinabangan ng publiko.” Ito ay isang uri ng boluntaryong paggawa, hindi katulad ng tradisyonal na pagboboluntaryo, na nangangailangan ng mga propesyonal na kwalipikasyon, bagama’t walang bayad.

  4. Eter 6:6.

  5. Eter 6:5.

  6. Tingnan sa 2 Nephi 2:14, 16.

  7. Eter 6:8.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:106.

  9. Tingnan sa Abraham 3:25.

  10. 2 Nephi 2:2; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 122:7.

  11. Russell M. Nelson, “Pangangaral ng Ebanghelyo ng Kapayapaan,” Liahona, Mayo 2022, 6.

  12. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  13. 1 Nephi 4:6–7.

  14. Jeremias 1:6.

  15. Exodo 4:10.

  16. Jeremias 1:7.

  17. Exodo 4:12.

  18. Tingnan sa Mosias 3:19.

  19. 2 Nephi 28:30.

  20. Tingnan sa Alma 26:22.

  21. Neil L. Andersen, “The Faith to Find and Baptize Converts,” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 25, 2016), 6.

  22. Tingnan sa Deuteronomio 11:8–9.

  23. Tingnan sa “Pagiging mga Disipulo ni Jesucristo Habambuhay,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023), 89–114.

  24. Juan 5:6–7.

  25. Tingnan sa Lucas 10:29.

  26. Eter 6:8.

  27. Binanggit ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang larawang ipininta ni Maynard Dixon na may pamagat na Forgotten Man [Nakalimutang Lalaki], na nakasabit sa kanyang opisina sa Church Administration Building sa Salt Lake City: “Makikita ninyo ang araw na kumikinang sa kanyang ulo. Alam ng Kanyang Ama sa Langit na naroon siya. Nakalimutan siya ng mga dumaraang tao, ngunit sa kanyang mga paghihirap, alam ng kanyang Ama sa Langit na naroon siya. … Kasama ko ang ipinintang larawang iyon sa loob ng halos 40 taon, at ito ay nangungusap sa akin at nagpapaalala sa akin ng mga bagay na kailangan kong maalala” (sa Sarah Jane Weaver, “What I Learned from President Oaks about the ‘Forgotten Man,’” Church News, Set. 18, 2022, thechurchnews.com).