S’yang Kaniig ni Jehova
Si Joseph Smith ay “[pinagpala na simulan ang] huling dispensasyon,” at mapalad tayo na ginawa niya iyon.
Ang layunin ko sa araw na ito at sa tuwina ay patotohanan si Jesucristo, na Siya ang Anak ng Diyos, ang Lumikha at Tagapagligtas ng sanlibutan, ang ating Tagasagip at Manunubos. Dahil “ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo,” ibinabahagi ko sa inyo ngayon ang aking kaalaman at patotoo tungkol sa Tagapagligtas na napalakas at napalalim sa pamamagitan ng buhay at mga turo ng isang pangunahing apostol at propeta.
Ang Simula ng Karunungan
Isang maganda at maaliwalas na umaga noong tagsibol ng 1820, nagpunta ang 14-anyos na si Joseph Smith sa kakahuyang malapit sa tahanan ng kanyang pamilya upang manalangin para sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan at magtanong kung aling simbahan ang sasapian. Ang kanyang taimtim na panalangin, na inialay nang may matibay na pananampalataya, ay narinig ng mga pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob, kabilang ang Ama at ang Anak. At ang diyablo. Bawat isa sa kanila ay may matinding interes sa panalanging iyon at sa batang iyon.
Ang tinatawag natin ngayon na Unang Pangitain ang nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng lahat ng bagay sa huling dispensasyong ito. Ngunit para kay Joseph, ang karanasan ay personal at paghahanda rin. Ang tanging gusto niya ay mapatawad at magabayan. Ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon ang mga ito. Ang tagubilin na “hindi [siya] dapat sumapi sa alinman sa [mga simbahan]” ay nag-uutos. Ang mga salitang, “Pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan” ay nakatutubos.
Sa lahat ng magagandang katotohanan na maaari nating matutuhan sa Unang Pangitaing iyon, marahil ang pangunahing natutuhan ni Joseph ay, “Napag-alaman kong tama ang patotoo ni Santiago—na ang isang taong nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo.”
Tulad ng sinabi ng isang iskolar: “Ang pinakamahalagang mensahe ng Unang Pangitain ngayon sa ating panahon ay ang malaman na likas sa Diyos ang magkaloob sa mga yaong nagkukulang ng karunungan. … Ang Diyos na nagpakita ng Kanyang sarili kay Joseph Smith sa sagradong kakahuyan ay isang Diyos na sumasagot sa mga tinedyer sa panahon ng kagipitan.”
Ang karanasan ni Joseph sa kakahuyan ay nagpalakas ng kanyang loob na humingi ng kapatawaran at patnubay sa buong buhay niya. Ang kanyang karanasan ay nagpalakas din ng aking loob na humingi ng kapatawaran at patnubay sa buong buhay ko.
Palagiang Pagsisisi
Noong Setyembre 21, 1823, taimtim na nanalangin si Joseph para sa kapatawaran, nagtitiwala na dahil sa kanyang karanasan sa kakahuyan tatlong taon na ang nakararaan, muling tutugon ang langit. At nangyari nga iyon. Nagsugo ang Panginoon ng isang anghel, si Moroni, upang tagubilinan si Joseph at ipabatid sa kanya ang tungkol sa isang sinaunang talaan na isasalin niya kalaunan sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos—ang Aklat ni Mormon.
Halos 13 taon matapos iyon, lumuhod sina Joseph at Oliver Cowdery upang taimtim at tahimik na manalangin sa bagong inilaan na Kirtland Temple. Hindi natin alam kung ano ang ipinagdasal nila, pero malamang na kasama sa kanilang mga panalangin ang paghingi ng kapatawaran, dahil, nang tumayo sila, nagpakita ang Tagapagligtas at nagpahayag na, “Masdan, ang inyong mga kasalanan ay pinatatawad na sa inyo; kayo ay malinis na sa aking harapan.”
Sa mga susunod na buwan at taon pagkatapos ng karanasang ito, muling magkakasala sina Joseph at Oliver. At muli’t muli pa. Pero sa sandaling iyon, para sa sandaling iyon, bilang tugon sa kanilang pagsamo at bilang paghahanda sa mangyayaring maluwalhating pagpapanumbalik ng mga susi ng priesthood, ginawa sila ni Jesus na walang kasalanan.
Ang palagiang pagsisisi ni Joseph ay nagpapalakas ng aking loob na “lumapit [nang] may katapangan sa trono ng biyaya, upang [ako ay] tumanggap ng awa.” Natutuhan ko na si Jesucristo ay talagang “likas na mapagpatawad.” Hindi Niya misyon o likas na katangian ang magparusa. Naparito Siya upang magligtas.
Pagtatanong sa Panginoon
Bilang bahagi ng ipinangakong “pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay,” inilabas ng Panginoon, sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Aklat ni Mormon at ang iba pang mga paghahayag na naglalaman ng kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Ang mahahalagang katotohanan ay binigyan ng kalinawan at kabuuan nang paulit-ulit na magtanong at humingi ng patnubay si Joseph. Pag-isipan ang sumusunod:
-
Ang Ama at ang Anak ay may mga katawan “na nahihipo gaya ng sa tao.”
-
Hindi lamang mga kasalanan natin ang inako ni Jesucristo, kundi pati na rin ang ating mga sakit, paghihirap, at kahinaan.
-
Napakasakit ng Kanyang Pagbabayad-sala kaya nilabasan Siya ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng Kanyang balat.
-
Naligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”
-
Sa paglapit natin kay Cristo, hindi lamang Niya patatawarin ang ating mga kasalanan, kundi babaguhin din Niya ang ating likas na pagkatao, upang “[tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama.”
-
Laging iniuutos ni Cristo sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo, kung saan maipapakita Niya ang Kanyang sarili sa kanila at magkakaloob sa kanila ng kapangyarihan mula sa langit.
Pinatototohanan ko na lahat ng bagay na ito ay totoo at mahalaga. Ang mga ito ay kumakatawan lamang sa isang bahagi ng kabuuan na ipinanumbalik ni Jesucristo sa pamamagitan ni Joseph Smith bilang tugon sa paulit-ulit na paghingi ng patnubay ni Joseph.
Ang Patuloy na Pagsulong ng Kahariang Ito
Noong 1842, isinulat ni Joseph ang tungkol sa mga kamangha-manghang bagay na mangyayari sa huling dispensasyong ito. Ipinahayag niya na sa ating panahon, “ang priesthood sa langit ay makikipag-isa sa priesthood sa mundo, upang maisakatuparan ang mga dakilang layuning iyon; at habang tayo ay nagkakaisa sa iisang adhikain upang isulong ang kaharian ng Diyos, ang Priesthood sa langit ay hindi lamang manonood.”
Sa kanyang kaibigang si Benjamin Johnson, sinabi ni Joseph, “Benjamin, [kung ako ay mamatay] hindi ako malalayo sa iyo, at kapag [ako ay nasa] kabilang panig na ng tabing, makikipagtulungan pa rin ako sa iyo, at nang may mas malakas na kapangyarihan, upang patuloy na maisulong ang kahariang ito.”
Noong Hunyo 27, 1844, pinaslang si Joseph Smith at ang kanyang kapatid na si Hyrum. Nakahimlay na ang katawan ni Joseph, ngunit ang kanyang patotoo ay patuloy na nakaiimpluwensya sa iba’t ibang panig ng mundo at sa aking kaluluwa:
“Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila.”
“Kahit kailan hindi ko sinabi sa inyong perpekto ako; ngunit walang mali sa paghahayag na itinuturo ko.”
“Ang mga pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit; at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”
Ang sinabi tungkol kay Juan Bautista ay maaari ding sabihin tungkol kay Joseph Smith: “Mayroong isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay [Joseph]. … “Hindi siya ang Ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa Ilaw,” “upang sa pamamagitan niya’y sumampalataya ang lahat.”
Naniniwala ako. Naniniwala at nakatitiyak ako na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay. Pinatototohanan ko na ang buhay na Diyos ang ating mapagmahal na Ama. Alam ko ito dahil sinabi ito sa akin ng tinig ng Panginoon, at gayon din ng tinig ng Kanyang mga tagapaglingkod, ang mga apostol at propeta, kabilang si Joseph Smith at sa kanya nagsimula.
Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos noon at ngayon, isang saksi at tagapaglingkod ng Panginoong Jesucristo. Siya ay “[pinagpala na simulan ang] huling dispensasyon,” at mapalad tayo na ginawa niya iyon.
Inutusan ng Panginoon si Oliver at tayong lahat na, “Umagapay sa aking tagapaglingkod na si Joseph, nang tapat.” Pinatototohanan ko na pinaninindigan ng Panginoon ang Kanyang tagapaglingkod na si Joseph at ang Pagpapanumbalik na naganap sa pamamagitan niya.
Si Joseph Smith ngayon ay bahagi na ng priesthood na iyon sa langit na kanyang binanggit. Tulad ng ipinangako niya sa kanyang kaibigan, hindi siya malayo sa atin, at sa kabilang panig ng tabing, siya ay nakikipagtulungan pa rin sa atin, at nang may mas malakas na kapangyarihan, upang patuloy na maisulong ang kahariang ito. Nang may galak at pasasalamat, itinataas ko ang aking tinig sa “papuri sa propeta na kaniig ni Jehova.” At higit sa lahat, purihin si Jehova, na kaniig ang propetang iyon! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.