Ang Kagalakan ng Ating Pagkakatubos
Ang bawat isa sa atin ay maaaring maligtas ng pagmamahal at kapangyarihan ni Jesucristo mula sa ating mga pagkakamali, kahinaan, at kasalanan at tulungan tayong maging higit pa.
Mga 10 taon na ang nakalipas nang magkaroon ako ng impresyong ipinta ang isang larawan ng Tagapagligtas. Bagama’t isa akong artist, nakadama ako ng kaunting kaba. Paano ko ipipinta ang isang larawan ni Jesucristo na sasalamin sa Kanyang Espiritu? Saan ako magsisimula? At kailan ako magkaka-oras para gawin ito?
Kahit pa may mga katanungan ako, nagpasiya akong ituloy ito at tiwala ako na tutulungan ako ng Panginoon. Kailangan kong magpatuloy sa mga ginagawa ko at ipaubaya ang mga posibilidad sa Kanya. Nagdasal ako, nagnilay, nagsaliksik, at nag-sketch, at pinagpala akong makahanap ng tulong at mga resource. At ang isang puting canvas ay nagsimulang magbago sa isang bagay na higit pa sa dati.
Hindi naging madali ang prosesong ito. Kung minsan, ang tingin ko rito ay hindi tulad ng inaasahan ko. Kung minsan, may mga sandaling inspirado akong gumuguhit at puno ng mga ideya. Maraming beses na kailangan kong magpaulit-ulit.
Noong inakala kong tapos at tuyo na sa wakas ang oil painting, nagsimula akong lapatan ito ng barnis na walang kulay upang protektahan ito mula sa dumi at alikabok. Nang gawin ko iyon, napansin kong nagsimulang magbago, magmantsa, at malusaw ang buhok na ipininta ko. Agad kong napagtanto na napaaga ang pagbarnis ko, na basa pa ang bahaging iyon ng painting!
Literal na binura ko ng barnis ang isang bahagi ng painting ko. Lungkot na lungkot ako. Pakiramdam ko ay sinira ko lamang ang bagay na tinulungan ako ng Diyos na gawin. Umiyak ako at masama ang loob ko. Sa kawalan ng pag asa, ginawa ko ang karaniwang ginagawa ng sinuman sa sitwasyong tulad nito: tinawagan ko ang nanay ko. Matalino at mahinahon niyang sinabi, “Hindi mo na mababawi ang naiwala mo, ngunit gawin mo ang lahat ng makakaya mo sa bagay na naiwan sa iyo.”
Kaya nanalangin ako at humingi ng tulong at buong magdamag na nagpinta para ayusin ito. At naaalala ko, nang tinitingnan ko ang painting kinaumagahan—mas maganda ito kaysa dati. Paano nangyari iyon? Ang inakala kong pagkakamali na hindi maiwawasto ay isa palang pagkakataon para makita ang Kanyang maawaing kamay. Hindi pa Siya tapos sa pagpinta, at hindi pa Siya tapos sa akin. Napuspos ng saya at pasasalamat ang puso ko. Pinuri ko ang Panginoon sa Kanyang awa, sa himalang ito na hindi lamang nagligtas sa painting kundi nagturo sa akin ng marami pang bagay tungkol sa Kanyang pagmamahal at kapangyarihan na magliligtas sa bawat isa sa atin mula sa ating mga pagkakamali, kahinaan, at kasalanan at tulungan tayong maging higit pa.
Tulad ng pagsidhi ng pasasalamat ko sa Tagapagligtas nang kaawaan Niya ako at tulungang ayusin ang “hindi maaayos” na painting, lalo ring tumindi ang pagmamahal at pasasalamat ko sa aking Tagapagligtas habang sinisikap kong makipagtulungan sa Kanya sa aking mga kahinaan at mapatawad sa aking mga pagkakamali. Pasasalamatan ko magpakailanman ang aking Tagapagligtas dahil maaari akong magbago at maging malinis. Nasa Kanya ang puso ko, at umaasang magagawa ko anuman ang nais Niyang gawin at kahinatnan ko.
Ang pagsisisi ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong madama ang pagmamahal ng Diyos at makilala at mahalin Siya sa mga paraan na hindi natin malalaman kailanman sa ibang paraan. Sa babaeng nagpahid ng langis sa mga paa ng Tagapagligtas, sinabi Niya, “Ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal nang malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.” Lubos niyang minahal si Jesus, sapagkat siya ay pinatawad Niya nang lubos.
Nakagagaan ng kalooban at nakapagbibigay pag-asa na malaman na maaari tayong sumubok muli—na, tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar, makatatanggap tayo ng patuloy na kapatawaran sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo kapag tunay at taos-puso tayong nagsisisi.
Ang nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo ay isa sa pinakadakilang pagpapala na ipinangako ng ating mga tipan. Isaisip ito kapag lumalahok kayo sa mga sagradong ordenansa. Kung wala ito, hindi tayo makauuwi sa piling ng ating Ama sa Langit at sa mga mahal natin sa buhay.
Alam ko na ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay makapangyarihang magligtas. Bilang Anak ng Diyos, na nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan at nag-alay ng Kanyang sariling buhay at muling ibinangon ito, hawak Niya ang kapangyarihan ng pagtubos at pagkabuhay na mag-uli. Ginawa Niyang posible para sa lahat ang imortalidad at buhay na walang-hanggan para sa mga taong pinipili Siya. Alam ko, sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, makapagsisisi tayo at tunay na malilinis at matutubos. Isang himala ito na mahal Niya kayo at ako sa ganitong paraan.
Sinabi Niya, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?” Maaari Niyang pagalingin ang mga “sirang dako” ng inyong kaluluwa—ang mga lugar na ginawang tuyo, magaspang, at mapanglaw dahil sa kasalanan at kalungkutan—at “gagawing tulad ng Eden [ang inyong] ilang.”
Tulad ng hindi natin mauunawaan ang paghihirap at lalim ng pagdurusa ni Cristo sa Getsemani at sa krus, gayon din naman “hindi natin masusukat ang mga hangganan ni hindi natin mauunawaan ang kalaliman ng [Kanyang] banal na kapatawaran,” awa, at pag ibig.
May mga pagkakataon na maaaring madama ninyo na imposibleng matubos kayo, na marahil hindi kayo sakop ng pagmamahal ng Diyos at ng nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas dahil sa mga pinagdaraanan ninyo o dahil sa nagawa ninyo. Ngunit, pinatototohanan ko na hindi kayo napakalayo para hindi maabot ng Guro. Ang Tagapagligtas ay “nagpakababa-baba sa lahat ng bagay” at nasa banal na posisyon upang iangat kayo at angkinin kayo mula sa pinakamadilim na kailaliman at dalhin kayo sa “kanyang kagila-gilalas na liwanag.” Dahil sa Kanyang mga pagdurusa, nabuksan Niya ang daan para sa bawat isa sa atin na madaig ang sarili nating mga kahinaan at kasalanan. “Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan upang iligtas ang bawat taong naniniwala sa kanyang pangalan at namumunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi.”
Tulad ng kinakailangang pagkilos at pagsusumamo sa tulong ng langit na ayusin ang painting, kailangan ang pagkilos, katapatan ng puso, at pagpapakumbaba upang “mamunga ng bunga na karapat-dapat sa pagsisisi.” Kabilang sa mga bungang ito ang ating pagsampalataya at pagtitiwala kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, pag-aalay sa Diyos ng bagbag na puso at nagsisising espiritu, pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan, pagpapanumbalik ng napinsala sa abot ng ating makakaya, at pagsisikap na mamuhay nang matwid.
Upang tunay na magsisi at magbago, dapat muna tayong “mapaniwala sa ating mga kasalanan.” Hindi nakikita ng isang tao na kailangang uminom ng gamot maliban kung nauunawaan niya na siya ay may sakit. May mga pagkakataon na maaaring hindi tayo handang tingnan ang ating sarili at makita ang tunay na kailangang pagalingin at kumpunihin.
Sa mga sulatin ni C. S. Lewis, sinabi ni Aslan ang mga salitang ito sa isang lalaking inilagay sa gusot ang kanyang sarili sa sarili niyang mga pakana: “O, [sangkatauhan], gaano katalino ninyong ipinaglalaban ang inyong sarili [mula] sa lahat ng makabubuti sa inyo!”
Saan kaya natin ipinaglalaban ang ating sarili mula sa mga bagay na makabubuti sa atin?
Huwag nating ipaglaban ang ating sarili mula sa kabutihang nais ng Diyos na pagpalain tayo. Mula sa pagmamahal at awa na nais Niyang madama natin. Mula sa liwanag at kaalaman na nais Niyang ipagkaloob sa atin. Mula sa pagpapagaling na alam Niyang kailangang-kailangan natin. Mula sa mas malalim na kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng tipan na inilaan Niya para sa lahat ng Kanyang mga anak na lalaki at babae.
Dalangin ko na isantabi natin ang anumang “mga sandata ng digmaan” na sinasadya o hindi natin namamalayang itinataas natin para ipaglaban ang ating sarili mula sa mga pagpapala ng pagmamahal ng Diyos. Mga sandata na kapalaluan, kasakiman, takot, poot, pagkakasala, pagkakampante, di-makatwirang paghatol, inggit—anumang bagay na pipigil sa atin para mahalin ang Diyos nang buong puso natin at tuparin ang lahat ng ating tipan sa Kanya.
Kapag ipinamuhay natin ang ating mga tipan, maibibigay sa atin ng Panginoon ang tulong at kapangyarihan na kailangan natin para makilala at madaig ang ating mga kahinaan, kabilang na ang espirituwal na parasito ng kapalaluan. Sinabi ng ating propeta:
“Ang … pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan, at ang kadalisayan ay nagdadala ng kapangyarihan.”
“At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”
Tulad ng painting ko, hindi pa tapos sa atin ang Panginoon kapag nagkamali tayo, ni hindi Siya lalayo kapag tayo ay nanghihina. Ang kailangan nating pagpapagaling at tulong ay hindi pabigat sa Kanya, kundi ang mismong dahilan kung bakit Siya pumarito. Sinabi mismo ng Tagapagligtas:
“Masdan, pumarito ako sa daigdig upang bigyang-kaganapan ang pagtubos sa sanlibutan, upang iligtas ang sanlibutan mula sa kasalanan.”
“Ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin.”
Kaya’t halikayo—magsiparito kayo na pagod, nanghihina, at malungkot; lumapit kayo at iwanan ang inyong mga ginagawa at makahanap ng kapahingahan sa Kanya na nagmamahal sa inyo nang lubos. Pasanin ninyo ang Kanyang pamatok, sapagkat Siya ay maamo at may mapagpakumbabang puso.
Nakikita kayo ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Alam Nila ang nasa puso ninyo. May malasakit Sila sa mga bagay na mahalaga sa inyo, pati na sa mga mahal ninyo sa buhay.
Matutubos ng Tagapagligtas ang nawawala, kabilang na ang nasira at nagkalamat na mga relasyon. Gumawa Siya ng paraan para matubos ang lahat ng nahulog—ang bigyan ng hininga ng buhay ang tila patay na at walang pag-asa.
Kung nahihirapan kayo sa isang sitwasyon na sa inyong palagay ay dapat nang napagtagumpayan ninyo, huwag sumuko. Maging mapagpasensya sa inyong sarili, tuparin ang inyong mga tipan, madalas na magsisi, humingi ng tulong sa inyong mga lider kung kinakailangan, at malimit na pumunta sa bahay ng Panginoon hangga’t kaya ninyo. Makinig at pakinggan ang mga pahiwatig na Kanyang ipinararating sa inyo. Hindi Niya tatalikuran ang Kanyang kaugnayan sa inyo sa pamamagitan ng tipan.
May mahihirap at masalimuot na relasyon sa buhay ko na nahihirapan ako at totoong pinagsisikapan kong isaayos. May mga pagkakataon na sa pakiwari ko mas madalas na bigo ako. Napapaisip ako, “Hindi ko ba naayos ito dati? Hindi ko pa ba talaga nadadaig ang kahinaan ko?” Nalaman ko sa paglipas ng panahon na hindi sa may depekto ako; sa halip, kadalasan, mas marami pang dapat gawin at mas marami pang pagpapagaling na kinakailangan.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Tiyak na pagpapalain ng Panginoon ang taong nais humarap sa paghuhukom nang karapat-dapat, na tunay na nagsusumikap sa araw-araw na gawing kalakasan ang kanyang kahinaan. Ang tunay na pagsisisi, ang tunay na pagbabago ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, ngunit may isang bagay na nagpapadalisay at nagpapabanal sa gayong pagsisikap. Ang [banal na] pagpapatawad at pagpapagaling ng Diyos ay kusang dumarating sa taong iyon.”
Bawat araw ay isang bagong araw na puno ng pag-asa at mga posibilidad dahil kay Jesucristo. Sa bawat araw, kayo at ako ay mauunawaan, tulad ng ipinahayag ni Inang Eva, “ang kagalakan ng ating pagkakatubos,” ang kagalakan ng pagiging buo, ang kagalakan na maramdaman ang walang-sawang pagmamahal ng Diyos sa inyo.
Alam ko na mahal kayo ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas. Si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan. Siya ay buhay. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ang mga gapos ng kasalanan at kamatayan ay napigtas magpakailanman upang tayo ay maging malaya na piliin ang pagpapagaling, pagkatubos, at buhay na walang-hanggan kasama ang mga mahal natin sa buhay. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito sa Kanyang pangalan, si Jesucristo, amen.