Tanggapin ang Kaloob ng Panginoon na Pagsisisi
Huwag nating hintayin na maging mahirap ang mga bagay-bagay bago bumaling sa Diyos. Huwag nating hintayin ang katapusan ng ating buhay sa mundong ito bago tunay na magsisi.
Pinatototohanan ko ang isang mapagmahal na Ama sa Langit. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2019, ilang sandali matapos akong sang-ayunan sa bago kong responsibilidad bilang General Authority Seventy, inawit ng koro ang “Ako’y Namangha” na tumagos sa aking puso at kaluluwa.
Habang naririnig ko ang mga salitang iyon, namangha ako. Nadama ko na sa kabila ng aking mga kakulangan at kamalian, pinagpala ako ng Panginoon na malaman na “sa kanyang lakas ay maaari kong magawa ang lahat ng bagay.”
Ang karaniwang nadaramang kakulangan, kahinaan, o maging ang ‘di pagiging karapat-dapat ay isang bagay na kung minsan ay nahihirapan ang marami sa atin. Nahihirapan pa rin ako rito; naramdaman ko ito noong araw na tinawag ako. Maraming beses ko na itong naramdaman, at nararamdaman ko pa rin ito habang nagsasalita sa inyo ngayon. Gayunpaman, nalaman ko na hindi lang ako ang nakadarama nito. Sa katunayan, maraming tala sa mga banal na kasulatan ang tungkol sa mga taong tila gayundin ang pakiramdam. Halimbawa, naaalala natin si Nephi bilang tapat at magiting na lingkod ng Panginoon. Kung minsan, maging siya ay nakadama na hindi siya karapat-dapat, mahina, at may kakulangan.
Sinabi niya: “Gayunpaman, sa kabila ng dakilang kabaitan ng Panginoon, sa pagpapakita sa akin ng kanyang mga dakila at kagila-gilalas na gawain, ang aking puso ay napabulalas: O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot dahil sa aking laman; ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan.”
Binanggit ni Propetang Joseph Smith na madalas niyang naramdamang siya’y “isinumpa,” noong kanyang kabataan, “dahil sa [kanyang] kahinaan at mga kamalian.” Ngunit ang nadama ni Joseph na hindi pagiging karapat-dapat at pag-aalala ang isang dahilan kaya siya nagnilay-nilay, nag-aral, natuto, at nanalangin. Tulad ng naaalala ninyo, nanalangin siya sa kakahuyan malapit sa kanyang tahanan para hanapin ang katotohanan, kapayapaan, at kapatawaran. Narinig niyang sinabi sa kanya ng Panginoon: “Joseph, anak ko, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na sa iyo. Humayo ka, lumakad sa aking mga palatuntunan, at sundin ang aking mga kautusan. Masdan, ako ang Panginoon ng Kaluwalhatian. Ipinako Ako sa krus para sa sanlibutan nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”
Ang tapat na hangarin ni Joseph na magsisi at hangarin ang kaligtasan ng kanyang kaluluwa ay nakatulong sa kanya na lumapit kay Jesucristo at tumanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan. Ang patuloy na pagsisikap na ito ang nagbukas ng pintuan sa patuloy na Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang pambihirang karanasang ito ni Propetang Joseph Smith ay naglalarawan kung paano makatutulong sa atin ang makadama ng kahinaan at kakulangan na matanto ang ating likas na nahulog na kalagayan. Kung tayo ay mapagpakumbaba, ito ay makatutulong sa atin na magtiwala at umasa kay Jesucristo at maghikayat sa ating puso ng tapat na pagnanais na bumaling sa Tagapagligtas at magsisi sa ating mga kasalanan.
Mga kaibigan, ang pagsisisi ay kagalakan! Ang nakapapanatag na pagsisisi ay bahagi ng araw-araw na proseso kung saan, “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,” tinuturuan tayo ng Panginoon na mamuhay nang nakasentro sa Kanyang mga turo. Tulad nina Joseph at Nephi, maaari tayong “magsumamo sa [Diyos] ng awa; sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.” Magagawa Niyang tuparin ang anumang matuwid na hangarin o pag-asam at kaya niyang pagalingin ang anumang sugat sa ating buhay.
Sa Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, makakakita tayo ng napakaraming salaysay tungkol sa mga taong natuto kung paano lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi.
Nais kong ibahagi sa inyo ang isang halimbawa ng magiliw na awa ng Panginoon sa pamamagitan ng isang karanasan na naganap sa pinakamamahal kong isla ng Puerto Rico.
Doon sa bayan namin sa Ponce kung saan isang sister sa Simbahan, si Célia Cruz Ayala, ang nagpasiya na reregaluhan niya ng Aklat ni Mormon ang isang kaibigan. Binalot niya ito at umalis na para ihatid ang regalong ito, na mas mahalaga sa kanya kaysa sa mga diamante o rubi, sabi niya. Habang nasa daan, isang magnanakaw ang lumapit sa kanya, hinablot ang kanyang bag na may lamang espesyal na regalo, at tumakbo palayo.
Nang ikuwento niya ito sa simbahan, sinabi ng kaibigan niya, “Malay mo? Baka ito ang pagkakataon mong maibahagi ang ebanghelyo!”
Ilang araw ang lumipas, alam ba ninyo kung ano ang nangyari? Nakatanggap ng sulat si Célia. Hawak ko ngayon ang sulat na iyan, na ibinahagi sa akin ni Célia. Sabi rito:
“Mrs. Cruz:
“Patawarin mo ako, patawarin mo ako. Hindi mo mawawari kung gaano ko pinagsisihan na ninakawan kita. Pero dahil diyan, nagbago at patuloy na magbabago ang buhay ko.
“Ang aklat na iyon [ang Aklat ni Mormon] ay nakatulong sa buhay ko. Ang pangitain ng taong iyon ng Diyos ay umantig sa akin. … Ibinabalik ko ang iyong limang [dolyar,] sapagkat hindi ko maaaring gastusin ito. Gusto kong malaman mo na tila may kakaiba kang ningning na taglay. Ang liwanag na iyon ang tila pumigil sa akin [na saktan ka, kaya] tumakbo ako palayo.
“Gusto kong malaman mo na makikita mo akong muli, pero sa pagkakataong ito, hindi mo ako makikilala, sapagkat ako ay magiging kapatid mo. … Dito, kung saan ako nakatira, kailangan kong hanapin ang Panginoon at pumunta sa simbahan na kinabibilangan mo.
“Napaluha ako sa mensaheng isinulat mo sa aklat na iyon. Simula pa noong Miyerkules ng gabi ay ‘di ko magawang tigilang basahin ito. Nanalangin ako at hiniling sa Diyos na patawarin ako, [at] hinihiling ko sa iyo na patawarin ako. … Akala ko ang iyong nakabalot na regalo ay pwede kong ibenta. [Sa halip,] dahil dito ay gusto kong [baguhin] ang buhay ko. … Patawarin mo ako, patawarin mo ako, nagmamakaawa ako sa iyo.
Mga kapatid, ang liwanag ng Tagapagligtas ay makakaabot sa ating lahat, anuman ang ating kalagayan. “Hindi posibleng lumubog kayo nang mas malalim kaysa kayang abutin ng walang-hanggang liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo,” sabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland.
Tungkol naman sa hindi sinasadyang tumanggap ng regalo ni Célia, ang Aklat ni Mormon, ang kapatid na ito ay nakasaksi ng mas marami pang awa ng Panginoon. Bagama’t matagal bago pinatawad ng brother na ito ang kanyang sarili, nagalak siya sa pagsisisi. Kaylaking himala! Isang tapat na sister, isang Aklat ni Mormon, taos-pusong pagsisisi, at kapangyarihan ng Tagapagligtas ang humantong sa pagtatamasa ng kabuuan ng mga pagpapala ng ebanghelyo at mga sagradong tipan sa bahay ng Panginoon. Ang iba pang mga miyembro ng pamilya ay sumunod at tumanggap ng mga sagradong responsibilidad sa ubasan ng Panginoon, kabilang na ang paglilingkod sa full-time mission.
Kapag lumalapit tayo kay Jesucristo, ang landas natin ng taos-pusong pagsisisi ang aakay sa atin sa banal na templo ng Tagapagligtas.
Napakamatwid na pagpapasiyang maging malinis—maging karapat-dapat sa kabuuan ng mga pagpapalang ginawang posible ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng mga sagradong tipan sa templo! Ang regular na paglilingkod sa bahay ng Panginoon at pagsisikap na tuparin ang mga sagradong tipang ginawa natin doon ay magpapalakas kapwa sa ating hangarin at kakayahan na maranasan ang pagbabago ng puso, lakas, pag-iisip at kaluluwang kailangan para maging mas katulad tayo ng ating Tagapagligtas. Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan [kaysa sa pagsamba sa templo]. Wala!”
Mahal kong mga kaibigan, nadarama ba ninyong may kakulangan kayo? Nadarama ba ninyong hindi kayo karapat-dapat? Nag-aalinlangan ba kayo sa inyong sarili? Marahil nag-aalala kayo at nagtatanong: Sapat na ba ang kakayahan ko? Huli na ba ang lahat para sa akin? Bakit palagi akong nabibigo kahit sinisikap ko namang gawin ang lahat ng makakaya ko?
Mga kapatid, walang-alinlangang makagagawa tayo ng mga pagkakamali sa buhay. Pero tandaan lamang na, tulad ng itinuro ni Elder Gerrit W. Gong, “Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang katapusan at walang hanggan. Bawat isa sa atin ay nag-aalinlangan at nabibigo. Tayo, sa sandaling panahon, ay maaaring maligaw ng landas. Buong pagmamahal na tinitiyak sa atin ng Diyos [na] saanman tayo naroon o anuman ang ating ginawa, palagi tayong makababalik sa Kanya. Naghihintay Siya at handa tayong yakapin.”
Tulad ng itinuro din sa akin ng aking mahal na asawang si Cari Lu, lahat tayo ay kailangang magsisi, mag-rewind, at mag-reset ng oras sa “zero o’clock” bawat araw.
Darating ang mga hadlang. Huwag nating hintayin na maging mahirap ang mga bagay-bagay bago bumaling sa Diyos. Huwag nating hintayin ang katapusan ng ating buhay sa mundong ito bago tunay na magsisi. Sa halip, gawin natin ngayon, nasaan man tayo sa landas ng tipan, na magtuon sa nakatutubos na kapangyarihan ni Jesucristo at sa hangarin ng Ama sa Langit na makabalik tayo sa Kanya.
Ang bahay ng Panginoon, Kanyang mga banal na kasulatan, Kanyang mga banal na propeta at apostol ay nagbibigay-inspirasyon sa atin na magsikap na makamit ang sariling kabanalan sa pamamagitan ng doktrina ni Cristo.
At sinabi ni Nephi: “At ngayon, masdan, mga minamahal kong kapatid, ito ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos. At ngayon, masdan, ito ang doktrina ni Cristo, at ang tangi at tunay na doktrina ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.”
Ang ating proseso ng “at-one-ment” sa wikang Ingles o pagiging isa sa Diyos ay maaaring mahirap gawin. Ngunit kayo at ako ay maaaring tumigil sandali, mapanatag, magtuon sa Tagapagligtas, at hangaring malaman at gawin ang nais Niyang baguhin natin. Kung gagawin natin ito nang may buong layunin, masasaksihan natin ang Kanyang pagpapagaling. At isipin kung paano pagpapalain ang ating mga inapo kapag tinanggap natin ang kaloob ng Panginoon na pagsisisi!
Ang Dalubhasang Magpapalayok, turo ng aking ama, ang huhubog at magpipino sa atin, na maaaring maging mahirap. Gayunman, ang Dalubhasang Tagapagpagaling ay lilinisin din tayo. Naranasan ko at patuloy na nararanasan ang kapangyarihang iyon sa pagpapagaling. Pinatototohanan ko na ito ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa araw-araw na pagsisisi.
Pinatototohanan ko ang pagmamahal ng Diyos at ang walang-hanggang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak. Madarama natin ito nang husto kapag taos-puso at buong katapatan tayong nagsisisi.
Mga kaibigan, saksi ako sa maluwalhating Panunumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith at sa kasalukuyang banal na patnubay ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang propeta at tagapagsalita na si Pangulong Russell M. Nelson. Alam ko na buhay si Jesucristo at Siya ang Dakilang Tagapagpagaling ng ating mga kaluluwa. Alam ko at pinatototohanan ko na totoo ang mga bagay na ito, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.