Pangkalahatang Kumperensya
Magtuon kay Jesucristo at sa Kanyang Ebanghelyo
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2024


10:50

Magtuon kay Jesucristo at sa Kanyang Ebanghelyo

Kapag hindi natin pinansin ang mga panggagambala ng mundo at nagtuon tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, tinitiyak sa atin ang tagumpay.

Noong 1996, ang men’s football team ng Nigeria ay nagwagi ng ginto sa Olympic Games na ginanap sa Atlanta sa Estados Unidos. Nang matapos ang huling laro, ang nagdiriwang na mga tao ay nagpunta sa mga lansangan ng bawat lungsod at bayan sa Nigeria; ang bansang ito ng 200 milyong katao ay biglang sama-samang nagdiwang sa ganap na alas-dos ng umaga! May nakakahawang kagalakan, kasiyahan, at kasabikan habang ang mga tao ay kumakain, kumakanta, at sumasayaw. Sa oras na iyon, nagkaisa ang Nigeria, at ang bawat Nigerian ay nakuntento sa pagiging Nigerian.

Bago ang Olympics, ang koponan na ito ay naharap sa maraming pagsubok. Nang magsimula ang paligsahan, doon naman nagwakas ang kanilang suportang pinansyal. Ang koponan ay naglaro nang walang tamang kagamitan, lugar para sa pagsasanay, pagkain, o mapaglalabhan ng mga damit.

Ang Nigerian football team na may mga gintong medalya.

Jerome Prevost/Getty Images

Sa isang pagkakataon, ilang minuto na lang ang nalalabi at matatalo na sila, pero ang koponan ng Nigeria ay nanalo sa kabila ng lahat. Binago ng napakahalagang sandaling ito ang pagtingin nila sa kanilang sarili. Sa bagong kumpiyansang ito, at sa matinding pagsisikap ng bawat indibiduwal at ng buong koponan at walang humpay na determinasyon, magkakasama nilang hindi pinansin ang mga gumagambala sa kanila at nagtuon sila sa pagkapanalo. Ang pagtuon na ito sa pagwawagi ay nagbunga ng mga gintong medalya, at binansagan sila ng mga Nigerian na “Dream Team.” Ang Dream Team sa 1996 Olympics ay patuloy na binabanggit sa isports sa Nigeria.

Dream Team ng Nigeria.

David Cannon/Allsport/Getty Images

Nang matutuhan ng football team na hindi pansinin ang maraming gumagambala sa kanila at nagtuon sa kanilang mithiin, sila ay nagtagumpay nang higit pa sa inakala nilang posible at nakaranas sila ng malaking kagalakan. (At gayundin ang naranasan naming lahat sa Nigeria!)

Sa parehong paraan, kapag hindi natin pinansin ang mga panggagambala ng mundo at nagtuon tayo kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo, tinitiyak sa atin ang tagumpay na higit pa sa kaya nating maisip at makadarama tayo ng malaking kagalakan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kapag nakatuon ang ating buhay … kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”

Dalangin ko na tulungan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin na gawin ang paanyaya sa atin ni Pangulong Nelson na ituon ang ating buhay kay “Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo” para makaranas tayo ng kagalakan kay Cristo “anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”

Ang ilang tala sa Aklat ni Mormon ay naglarawan ng mga taong binago ang kanilang buhay sa pamamagtian ng pagbaling kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Isipin ang Nakababatang Alma. Siya ay nagrebelde at nilabanan ang Simbahan. Ang kanyang amang si Alma ay nanalangin at nag-ayuno. Nagpakita ang isang anghel at sinabihan ang Nakababatang Alma na magsisi. Sa sandaling iyon, si Alma ay nagsimulang magdusa ng “mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa.” Sa kanyang pinakamadilim na sandali, naalala niyang itinuro ng kanyang Ama na darating si Cristo upang magbayad-sala sa mga kasalanan ng mundo. Nang matuon ang kanyang isipan sa bagay na ito, siya ay nagsumamo sa Diyos para humingi ng awa. Kagalakan ang naging resulta, isang kagalakan na inilarawan niya na napakaganda! Ang awa at kagalakang natanggap ni Alma ay dahil siya at ang kanyang ama ay nagtuon sa Tagapagligtas.

Sa mga magulang na may mga anak na lumihis ng landas, huwag panghinaan ng loob! Sa halip na isipin kung bakit hindi pa dumarating ang anghel na tutulong sa inyong anak na magsisi, tandaan na ang Panginoon ay nagpadala ng mortal na anghel sa kanyang landas: ang bishop, iba pang lider sa Simbahan, o ministering brother o ministering sister. Kung kayo ay mag-aayuno at mananalangin, kung hindi kayo magtatakda ng iskedyul o deadline para sa Diyos, at kung mananalig kayo na iniuunat ng Panginoon ang Kanyang kamay para tumulong, hindi maglalaon ay makikita ninyo na inaantig ng Diyos ang puso ng inyong anak kapag pinili niyang makinig. Ito ay dahil si Cristo ang kagalakan, si Cristo ang pag-asa; Siya ang “ipinangakong mabubuting bagay na darating.” Kaya ipagkatiwala kay Cristo ang inyong anak, dahil Siya ang lakas ng bawat magulang at ng bawat anak.

Nang maranasan niya ang kagalakan kay Cristo, namuhay ang Nakababatang Alma na taglay ang kagalakang ito. Pero paano niya napanatili ang gayong kagalakan kahit na may mga paghihirap at pagsubok? Sabi niya:

“At magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako’y gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila’y madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman. …

“… At … binigyan ako ng Panginoon ng labis na kagalakan sa bunga ng aking mga pagpapagal. …

“At ako’y tinulungan sa ilalim ng mga pagsubok at suliranin ng lahat ng uri.”

Ang kagalakan kay Cristo ay nagsimula para kay Alma nang sumampalataya siya sa Kanya at nagsumamo para sa awa. Pagkatapos, si Alma ay sumampalataya kay Cristo sa pamamagitan ng pagsisikap na tulungan ang iba na matikman ang gayon ding kagalakan. Ang patuloy na mga pagsisikap na ito ay naghatid ng malaking kagalakan kay Alma, kahit na nakaranas siya ng lahat ng uri ng pagsubok at problema. Makikita ninyo na “nais ng Panginoon na may pagsisikap,” at ang pagsisikap ay naghahatid ng mga pagpapala. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay “[nalulon] sa kagalakan dahil kay Cristo.”

Ang isa pang grupo sa Aklat ni Mormon na ginawang sentro ng kanilang buhay si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo at nagkaroon ng kagalakan ay ang mga nagtatag ng lunsod ng Helam—isang lugar kung saan mapapalaki nila ang kanilang mga anak at matatamasa ang malayang pagsasabuhay ng kanilang relihiyon. Ang mabubuting taong ito na namumuhay nang matwid ay inalipin ng mandarambong na grupo ng mga Lamanita at inalis sa kanila ang pangunahing karapatang pantao na ipamuhay ang relihiyon. Kung minsan ay may nangyayaring hindi maganda sa mabubuting tao:

“Minarapat ng Panginoon na pahirapan ang kanyang mga tao; oo, sinusubukan niya ang kanilang tiyaga at kanilang pananampalataya.

“Gayon pa man—sinuman ang magbibigay ng kanyang tiwala sa kanya, siya rin ay dadakilain sa huling araw. Oo, at gayon din sa mga taong ito.”

Paano nakaya ng mga taong ito ang kanilang mga pagsubok at pagdurusa? Sa pagtutuon kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang kanilang pagkakakilanlan ay hindi nakabatay sa kanilang mga problema; sa halip, ang bawat isa sa kanila ay bumaling sa Diyos, marahil na itinuring nila ang kanilang mga sarili bilang anak ng Diyos, anak ng tipan, at disipulo ni Jesucristo. Dahil isinasaisip nila kung sino sila at nanalangin sa Diyos, sila ay nakatanggap ng kapayapaan, lakas, at sa huli, kagalakan kay Cristo:

“At si Alma at ang kanyang mga tao ay … ibinuhos ang kanilang mga puso sa [Diyos]; at kanyang nalalaman ang mga nasasaloob ng kanilang mga puso.

“At ito ay nangyari na, na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa kanila sa kanilang mga paghihirap, sinasabing: Itaas ang inyong mga ulo at maaliw, sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.”

Bilang tugon, “[pinagaan ng Panginoon] ang mga pasanin … sa [kanilang] mga balikat. … Oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.” Pansin na hinayaan ng mga Banal na ito na ang kanilang mga problema, pagdurusa, at pagsubok ay malulon sa kagalakan dahil kay Cristo! Pagkatapos, sa takdang panahon, ipinakita Niya kay Alma ang paraan para makatakas, at si Alma—isang propeta ng Diyos—ang gumabay sa kanila tungo sa kaligtasan.

Kapag nakatuon tayo kay Jesucristo at sinusunod natin ang Kanyang propeta, magagabayan din tayo tungo kay Cristo at sa kagalakan ng Kanyang ebanghelyo. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang kagalakan ay makapangyarihan, at ang pagtutuon sa kagalakan ay maghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, ‘na [S]iya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus’ [Mga Hebreo 12:2].”

Nanay ni Elder Egbo.
Si Elder Egbo kasama ang kanyang ina.

Kamakailan lang ay pumanaw ang aking ina; talagang nakakabigla ito. Mahal ko ang aking ina at hindi ko inasahang mawawala siya nang maaga. Pero sa kanyang pagpanaw, ang aming pamilya ay nakaranas ng kalungkutan at kagalakan. Alam ko na dahil sa Kanya, hindi siya patay—siya ay buhay! At alam ko na dahil kay Cristo at sa mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, muli ko siyang makakasama. Ang kalungkutan sa pagpanaw ng aking ina ay nalulon ng kagalakan dahil kay Cristo! Natututuhan ko na ang “mag-isip nang selestiyal” at ang “hayaang manaig ang Diyos” ay kinabibilangan ng pagtutuon sa kagalakang nagmumula kay Cristo.

Inaanyayahan Niya tayo na, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.