Pangkalahatang Kumperensya
Pag-ayon ng Ating Kalooban sa Kanyang Kalooban
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2024


15:20

Pag-ayon ng Ating Kalooban sa Kanyang Kalooban

Ang pagsunod sa kalooban ng Panginoon sa buhay natin ay magbibigay sa atin ng kakayahang mahanap ang pinakamahalagang perlas sa mundo—ang kaharian ng langit.

Sa isang partikular na pagkakataon, nagsalita si Jesus tungkol sa isang mangangalakal na naghahanap ng “magagandang perlas.” Sa paghahanap ng mangangalakal, natagpuan niya ang isang perlas na “mamahalin.” Gayunman, upang makuha ang kahanga-hangang perlas, ang lalaking ito ay kinailangang ipagbili ang lahat ng mayroon siya, na kaagad at maligaya niyang ginawa.

Sa pamamagitan ng maikli at makahulugang talinghagang ito, mahusay na itinuro ng Tagapagligtas na ang kaharian ng langit ay inihalintulad sa walang kasinghalagang perlas, na talagang pinakamahalagang kayamanan na dapat naisin kaysa sa lahat ng iba pang bagay. Ang katotohanan na agad na ipinagbili ng mangangalakal ang lahat ng mayroon siya upang makuha ang mahalagang perlas na iyon ay malinaw na nagpapakita na nararapat nating iayon ang ating isipan at pagnanais sa kalooban ng Panginoon at kusang-loob na gawin ang lahat ng makakaya sa ating paglalakbay sa buhay na ito upang matamo ang walang hanggang mga pagpapala sa kaharian ng Diyos.

Upang maging karapat-dapat sa dakilang gantimpalang ito, talagang kailangan natin, bukod sa iba pang mga bagay, na ibigay ang lahat ng makakaya natin para isantabi ang makasariling mga hangarin at iwan ang anumang gusot na pumipigil sa atin pabalik sa pagiging lubos na tapat sa Panginoon at sa Kanyang mas mataas at mas banal na mga paraan. Tinukoy ng Apostol na si Pablo ang mga hangaring ito bilang “[pagkakaroon ng] pag-iisip ni Cristo.” Tulad ng ipinakita ni Jesucristo, ang ibig sabihin nito ay “laging [paggawa ng] mga bagay na nakakalugod sa [Panginoon]” sa ating buhay, o tulad ng sinasabi ng ilang tao sa ating panahon, ito ay “paggawa ng kung ano ang naaayon sa Panginoon.”

Sa diwa ng ebanghelyo, ang “laging [paggawa ng] mga bagay na nakakalugod sa [Panginoon]” ay nauugnay sa pagpapasakop ng ating kalooban sa Kanyang kalooban. Ang Tagapagligtas ay maalalahaning itinuro ang kahalagahan ng alituntuning ito habang tinatagubilinan ang Kanyang mga disipulo:

“Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

“At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.

“Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya‘y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”

Natamo ng Tagapagligtas ang perpekto at banal na antas ng pagpapasakop sa Ama sa pamamagitan ng pagtutulot sa Kanyang kalooban na mapasakop sa kalooban ng Ama. Minsan Niyang sinabi, “At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.” Sa pagtuturo kay Propetang Joseph Smith tungkol sa matinding pagdurusa at sakit ng Pagbabayad-sala, sinabi ng Tagapagligtas:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; …

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”

Habang tayo ay naglalakbay sa mortalidad, madalas na nalilito tayo sa inaakala nating alam natin, sa inaakala natin na pinakamainam at angkop para sa atin, sa halip na unawain kung ano talaga ang nalalaman ng Ama sa Langit, ano ang pinakamaganda sa walang hanggan, at ano ang lubos na angkop para sa mga anak na nakapaloob sa Kanyang plano. Ang malaking pagkalito na ito ay maaaring maging napakatindi, lalo na kung iisipin ang mga propesiya sa mga banal na kasulatan para sa panahon natin: “Ngunit unawain mo ito, na sa mga huling araw … ang mga tao‘y magiging maibigin sa kanilang sarili, … mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos.”

Ang isang tanda na nagpapahiwatig ng katuparan ng propesiyang ito ay ang kasalukuyang nauuso sa mundo, na ginagawa ng napakarami, ng mga taong sa sarili lamang nakatuon at palaging nagsasabing, “Kahit ano pa ang isipin ng iba, gagawin ko kung ano sa tingin ko ang angkop para sa akin.” Tulad ng sinabi ni Apostol Pablo, “pinagsisikapan nila … ang para sa kanilang sariling kapakanan, hindi ang mga bagay ni Jesucristo.” Ang ganitong paraan ng pag-iisip ay kadalasang pinangangatwiranan na “tunay” ng mga taong nagpapakasasa sa mga makasariling hangarin, nagtutuon sa personal na kagustuhan, o nais pangatwiranan ang mga partikular na uri ng pag-uugali na kadalasang hindi akma sa mapagpalang plano ng Diyos at sa Kanyang naisin para sa kanila. Kung hahayaan natin ang ating puso at isipan na tanggapin ang ganitong paraan ng pag-iisip, makagagawa tayo ng malaking balakid para sa ating sarili sa pagkuha ng pinakamahalagang perlas na mapagmahal na inihanda ng Diyos para sa Kanyang mga anak—ang buhay na walang hanggan.

Bagama’t totoo na bawat isa sa atin ay naglalakbay bilang indibiduwal sa pagiging disipulo sa landas ng tipan, na nagsisikap na panatilihing nakatuon ang ating puso at isipan kay Cristo Jesus, kailangan nating maging maingat at patuloy na maging mapagbantay upang hindi matukso na gayahin ang ganitong uri ng makamundong pilosopiya sa buhay natin. Sinabi ni Elder Quentin L. Cook na “ang tapat na pagiging tulad ni Cristo ay mas mahalagang mithiin kaysa pagiging tunay.”

Mahal kong mga kaibigan, kung pipiliin natin ang Diyos na maging pinakamakapangyarihang impluwensiya sa ating buhay nang higit sa mga makasariling hangarin, makasusulong tayo sa ating pagkadisipulo at madaragdagan ang ating kakayahang pag-isahin ang ating isipan at puso sa Tagapagligtas. Sa kabilang banda, kung hindi natin hahayaang manaig ang pamamaraan ng Diyos sa ating buhay, tayo ay maiiwan sa ating sarili, at dahil walang inspiradong patnubay ng Panginoon, maaari nating pangatwiranan ang halos anumang bagay na ating gagawin o hindi gagawin. Maaari din tayong magdahilan para sa ating sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay ayon sa ating paraan, na sa madaling salita, “Ginagawa ko lang ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan.”

Sa isang pagkakataon, habang ipinahahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang doktrina, hindi tinanggap ng ilang tao, lalo na ng mapagmalinis na mga Fariseo, ang Kanyang mensahe at tahasang sinabi na sila ay mga anak ni Abraham, na ipinahihiwatig na ang kanilang pinagmulan ay makapagbibigay sa kanila ng espesyal na mga pribilehiyo sa paningin ng Diyos. Ang kaisipang iyan ay humantong sa pag-asa nila sa sarili nilang pang-unawa at hindi paniniwala sa itinuturo ng Tagapagligtas. Ang reaksyon ng mga Fariseo kay Jesus ay malinaw na katibayan na ang kanilang mapangahas na ugali ay hindi nagbibigay ng puwang sa kanilang mga puso para sa mga salita ng Tagapagligtas at pamamaraan ng Diyos. Bilang tugon, matalino at matapang na sinabi ni Jesus na kung sila ay totoong pinagtipanang mga anak ni Abraham, gagawin nila ang mga gawain ni Abraham, na higit na isinasaalang-alang na ang Diyos ni Abraham ay nakatindig sa harapan nila at itinuturo sa kanila ang katotohanan sa mismong sandaling iyon.

Mga kapatid, tulad ng nauunawaan ninyo, ang pangangatwirang ito na gagawin ko “ang sa tingin ko ay angkop para sa akin” salungat sa gagawin “kung ano ang laging nakalulugod sa Panginoon” ay hindi isang bagong uso na kakaiba sa panahon natin. Ito ay isang napakatagal nang kaisipan na nagpatuloy sa mga siglo at kadalasang bumubulag sa mga tao na nag-aakalang sila lamang ang matalino at nililito at nililinlang ang marami sa mga anak ng Diyos. Ang kaisipang ito, sa katunayan, ay isang lumang panlilinlang ng kaaway; ito ay isang mapanlinlang na landas na dahan-dahang umaakay sa mga anak ng Diyos palayo mula sa totoo at tunay na landas ng tipan. Bagama’t nakakaimpluwensya ang mga personal na kalagayan tulad ng genetics, heograpiya, at pisikal at mental na mga hamon sa ating mortal na paglalakbay, sa mga bagay na tunay na mahalaga, tayo ay may kakayahang mag-isip at malaya tayong pumili kung magdedesisyon tayong sumunod o hindi sa huwarang inihanda ng Panginoon para sa ating buhay. Tunay ngang “Namuno S’ya at landas ay ’tinuro, Lahat ng bagay ay [tinungo].”

Bilang mga disipulo ni Cristo, ninanais nating lumakad sa landas na Kanyang minarkahan para sa atin sa Kanyang mortal na ministeryo. Hindi lamang natin ninanais na gawin ang Kanyang kalooban at lahat ng nakalulugod sa Kanya kundi hinahangad din nating tularan Siya. Habang tayo ay nagsisikap na maging tapat sa bawat tipan na ginawa natin at namumuhay nang naaayon sa “bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos,” mapoprotektahan tayo upang hindi maging biktima ng mga kasalanan at kamalian sa mundo—kamalian ng mga pilosopiya at doktrinang aakay sa atin palayo sa pinakamahahalagang perlas.

Ako ay personal na nabigyang-inspirasyon ng kung gaano ang epekto ang gayong espirituwal na pagpapasakop sa Diyos sa buhay ng matatapat na disipulo ni Cristo nang piliin nilang gawin ang naaayon at nakalulugod sa Panginoon. May kilala akong kabataang lalaki na hindi sigurado kung siya ay magmimisyon pero nadama niyang dapat siang humayo at maglingkod sa Panginoon nang makinig siya sa isang senior na lider ng Simbahan na nagbahagi ng sariling personal na patotoo at sagradong karanasan ng paglilingkod bilang missionary.

Sa sarili niyang mga salita, ang kabataang ito, na ngayon ay isa nang returned missionary, ay nagsabi: “Habang nakikinig ako sa patotoo ng isang Apostol ng Tagapagligtas na si Jesucristo, nadama ko ang pagmamahal ng Diyos para sa akin, at ninais kong ibahagi ang pagmamahal na iyon sa iba. Sa sandaling iyon, nalaman ko na dapat akong magmisyon sa kabila ng takot, pagdududa, at alalahanin ko. Nadama ko ang buong pagtitiwala sa mga pagpapala at pangako ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Ngayon, isa na akong bagong tao; May patotoo ako na ang ebanghelyong ito ay totoo at ang Simbahan ni Jesucristo ay naipanumbalik na sa daigidig.” Pinili ng binatang ito ang paraan ng Panginoon at naging halimbawa ng isang tunay na disipulo sa lahat ng aspeto.

Isang matapat na dalaga ang nagdesisyong hindi ibababa ang kanyang mga pamantayan kapag hinilingan siyang magsuot ng hindi disenteng damit upang umangkop sa business division ng fashion company kung saan siya nagtatrabaho. Dahil nauunawaan niya na ang kanyang katawan ay sagradong kaloob mula sa ating Ama sa Langit at kung saan mananahan ang Espiritu, nahikayat siya na mamuhay ayon sa pamantayang mas mataas kaysa sa pamantayan ng mundo. Hindi lamang niya nakuha ang tiwala ng mga nakakita sa kanya na ipinamumuhay niya ang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo kundi nanatili rin siya sa kanyang trabaho, na sa maikling panahon ay nanganib na mawala sa kanya. Ang kanyang kagustuhang gawin ang nakalulugod sa Panginoon, kaysa sa kagustuhan ng mundo, ang nagbigay sa kanya ng tiwala sa tipan sa gitna ng mahihirap na pagpili.

Mga kapatid, tayo ay patuloy na humaharap sa katulad na mga desisyon sa ating paglalakbay sa buhay sa araw-araw. Kailangan ang isang matapang at handang puso na tumigil sandali at tapat at mapagpakumbabang suriin ang sarili at kilalanin ang ating kahinaan na maaaring makahadlang sa kusa nating pagpapasakop ng ating sarili sa Diyos, at lubusang magdesisyong gawin ang Kanyang paraan sa halip na ang sarili nating paraan. Ang pinakamalaking pagsubok ng ating pagkadisipulo ay makikita sa ating kagustuhang isuko kung sino tayo noon at ipasakop ang ating puso at kaluluwa sa Diyos upang ang Kanyang naisin ay maging naisin natin.

Isa sa pinakadakilang sandali ng mortalidad ay nangyayari kapag natutuklasan natin na dumarating ang kaligayahan kapag ang palaging ginagawa natin na “naaayon at nakalulugod sa Panginoon” at “ang sa tingin natin ay angkop para sa atin” ay naging isa at magkatulad! Kailangan ang marangal at masigasig na pagkadisipulo upang tiyak at walang pagdududa na masunod natin ang kalooban ng Panginoon! Sa kahanga-hangang sandaling iyon, tayo ay nagiging banal sa Panginoon at lubusang iniaayon ang ating kalooban sa Kanya. Ang gayong espirituwal na pagpapasakop, sa madaling salita, ay maganda, makapangyarihan, at nakapagpapabago.

Pinatototohanan ko sa inyo na ang pagsunod sa kalooban ng Panginoon sa buhay natin ay magbibigay sa atin ng kakayahang mahanap ang pinakamahalagang perlas sa mundo—ang kaharian ng langit. Dalangin ko na ang bawat isa sa atin, sa ating oras at panahon, ay maipahayag, nang may tiwala sa tipan, sa ating Ama sa Langit at Tagapagligtas na si Jesucristo na “kung ano po ang naaayon sa Inyo ay naaayon din po sa akin.” Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa sagradong pangalan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.