Sa Loob ng Hindi Maraming Taon
Kung hindi tayo tapat at masunurin, maaari nating mapalitan ang biyayang kasaganaan ng Diyos ng isang sumpa ng kapalaluan na naglilihis at naglalayo sa atin.
Mga minamahal kong kapatid, ngayong nakaupo ako sa harapan, tatlong beses ko nang nakitang napuno ang Conference Center na ito, sa unang pagkakataon mula nang magkaroon ng COVID. Kayo ay matatapat na disipulo ni Jesucristo na sabik matuto. Pinupuri ko kayo sa inyong katapatan. At mahal ko kayo.
Si Ezra Taft Benson ay naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Nobyembre 1985 hanggang Mayo 1994. Ako ay 33-anyos noong naging Pangulo ng Simbahan si Pangulong Benson at 42-anyos ako noong pumanaw siya. At ang kanyang mga turo at patotoo ay nakaimpluwensya sa akin nang matindi at mabisa.
Isa sa mga natatanging katangian ng ministeryo ni Pangulong Benson ay ang pagtutuon niya noon sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Paulit-ulit niyang binigyang-diin na “ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon—ang saligang bato ng ating patotoo, ang saligang bato ng ating doktrina, at ang saligang bato sa patotoo sa ating Panginoon at Tagapagligtas.” Madalas din niyang bigyang-diin ang mga turo at babala tungkol sa kasalanan na kapalaluan na matatagpuan sa tipang ito ni Jesucristo sa mga huling araw.
Isang partikular na turo ni Pangulong Benson ang nagkaroon ng malaking epekto sa akin at patuloy na nakaiimpluwensya sa pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon. Sabi niya:
“Ang Aklat ni Mormon … ay isinulat para sa ating panahon. Ang aklat ay hindi napasakamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. Sumulat si Mormon nang malapit nang magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakikita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli [ni Mormon] ang mga talaang maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin.”
Patuloy ni Pangulong Benson: “Ang bawat pangunahing manunulat ng Aklat ni Mormon ay nagpatotoo na sumulat siya para sa mga darating na henerasyon. … Kung nakita nila ang ating panahon, at pinili ang mga bagay na magiging [pinakamakabuluhan] sa atin, hindi ba iyon ang dapat na paraan ng pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon na … isama [ang salaysay na ito] sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula [sa payo na ito] na tutulong sa akin na mamuhay sa [araw at] panahong ito?’”
Ang mga pahayag ni Pangulong Benson ay tumutulong sa atin na maunawaan na ang Aklat ni Mormon ay hindi lamang talaan ng kasaysayan na nagbabalik-tanaw sa nakaraan. Sa halip, ang aklat na ito ng banal na kasulatan ay nakatanaw sa hinaharap at naglalaman ng mahahalagang alituntunin, babala, at aral na inilaan para sa mga sitwasyon at hamon sa ating panahon. Kaya nga, ang Aklat ni Mormon ay isang aklat tungkol sa ating hinaharap at sa mga panahon ngayon na nabubuhay tayo at sa darating pang panahon.
Dalangin ko na tulungan ako ng Espiritu Santo habang isinasaalang-alang natin ngayon ang mga aral na nauugnay sa atin mula sa aklat ni Helaman sa Aklat ni Mormon.
Ang mga Nephita at ang mga Lamanita
Ang talaan ni Helaman at ng kanyang mga anak ay naglalarawan sa isang grupo ng mga tao na inaasam ang pagsilang ni Jesucristo. Ang kalahating siglo na isinalaysay sa talaan ng banal na kasulatan ay nagtatampok ng pagbabalik-loob at kabutihan ng mga Lamanita at ng kasamaan, apostasiya, at karumal-dumal na gawain ng mga Nephita.
Ang sunud-sunod na paghahambing at pagkukumpara sa mga Nephita at sa mga Lamanita mula sa sinaunang talaang ito ay napakaraming itinuturo sa atin ngayon.
“Ang mga Lamanita, yaong nakararaming bahagi sa kanila, [ay naging] mabubuting tao, hanggang sa mahigitan nila ang kabutihan ng mga yaong Nephita, dahil sa kanilang tibay at katatagan sa pananampalataya.
“[At] marami sa mga Nephita ang naging matitigas at hindi nagsisisi at napakasasama, hanggang sa tanggihan nila ang salita ng Diyos at lahat ng pangangaral at pagpopropesiyang dumating sa kanila.”
“At sa gayon nakikita natin na nagsimulang manghina sa kawalang-paniniwala ang mga Nephita, at lumubha sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, samantalang ang mga Lamanita ay nagsimulang umunlad nang labis sa kaalaman ng kanilang Diyos; oo, nagsimula nilang sundin ang kanyang mga batas at kautusan, at lumakad sa katotohanan at katwiran sa kanyang harapan.
“At sa gayon natin nakikita na ang Espiritu ng Panginoon ay nagsimulang lumayo mula sa mga Nephita, dahil sa kasamaan at katigasan ng kanilang mga puso.
“At sa gayon natin nakikita na nagsimulang ibuhos ng Panginoon ang kanyang Espiritu sa mga Lamanita, dahil sa kanilang kakayahan at pagnanais na maniwala sa kanyang mga salita.”
Marahil ang lubhang nakagugulat at pinakaseryosong aspekto ng pagbagsak na ito ng mga Nephita sa apostasiya ay ang katotohanan na “ang lahat ng kasamaang ito ay sumapit sa kanila sa loob ng hindi maraming taon.”
Tinalikuran ng mga Nephita ang Diyos
Paano naging matigas at masama ang minsa’y mabubuting taong ito sa gayon kaikling panahon? Paano napakadaling nalimutan ng mga tao ang Diyos na saganang nagpala sa kanila?
Sa mabisa at matinding paraan, ang hindi mabuting halimbawa ng mga Nephita ay may itinuturo sa atin ngayon.
“[Ang] kapalaluan … [ay] nagsimulang pumasok … sa puso ng mga taong nagpahayag na kabilang sila sa simbahan ng Diyos … dahil ito sa napakalaki nilang kayamanan at kanilang pananagana sa lupain.”
“Inilagak [nila] ang [kanilang] mga puso sa mga kayamanan at walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito” “dahil sa yaong kapalaluan na pinahintulutan [nilang] pumasok sa [kanilang] mga puso, na nag-angat sa [kanila] lampas sa yaong mabuti dahil sa [kanilang] napakaraming kayamanan!”
Ang mga sinaunang tinig mula sa alabok ay sumasamo sa atin ngayon na matutuhan ang walang-kamatayang aral na ito: ang kasaganaan, mga pag-aari, at kaginhawahan ay kabilang sa pinaghalong matapang na timplada na maaaring humimok maging sa mabubuti na inumin ang espirituwal na lason ng kapalaluan.
Kapag hinayaan nating pumasok ang kapalaluan sa ating puso, hahantong ito sa pagkutya natin sa yaong banal; pagtatwa sa diwa ng propesiya at paghahayag; pagyurak sa ilalim ng ating mga paa ng mga kautusan ng Diyos; pagtatwa sa salita ng Diyos; pagtaboy, paglait, at pagtangging makinig sa mga propeta; at kalimutan ang Panginoon nating Diyos at “hindi [natin] nais na ang Panginoon [nating] Diyos, na siyang lumikha sa [atin], ang mamuno at mamahala sa [atin].”
Samakatwid, kung hindi tayo tapat at masunurin, maaari nating mapalitan ang biyayang kasaganaan ng Diyos ng isang sumpa ng kapalaluan na naglilihis at naglalayo sa atin sa mga walang-hanggang katotohanan at mahahalagang espirituwal na prayoridad. Dapat lagi tayong maging mapagbantay laban sa udyok ng kapalaluan at labis-labis na pagpapahalaga sa sarili, isang maling pagsusuri sa kasapatan ng ating sarili, at paghahangad na pahalagahan ang sarili sa halip na maglingkod sa kapwa.
Kapag nakatuon tayo sa ating sarili nang may kapalaluan, tayo ay nakararanas din ng espirituwal na pagkabulag at hindi nakikita ang marami, ang karamihan, o marahil ang lahat ng nangyayari sa atin at sa paligid natin. Hindi natin makikita at mapagtutuunan ng pansin si Jesucristo bilang “tanda” kung sarili lamang natin ang nakikita natin.
Ang espirituwal na pagkabulag na ganito ay maaari ding maging dahilan para lumihis tayo sa landas ng kabutihan, lumayo patungo sa mga ipinagbabawal na landas, at mangawala. Kapag tayo ay nabubulagang “nagsihayo sa [ating] kani-kanyang landas” at tinahak ang mapaminsalang mga pasikut-sikot na daan, malamang na umasa tayo sa ating sariling pang-unawa, magmalaki sa ating sariling lakas, at umasa sa ating sariling karunungan.
Malinaw na ibinuod ni Samuel, ang Lamanita ang pagtalikod sa Diyos ng mga Nephita: “Inyong hinangad sa lahat ng araw ng inyong buhay yaong hindi ninyo matatamo; at kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, kung aling bagay ay salungat sa kalikasan ng yaong kabutihan na nasa ating dakila at Walang Hanggang Pinuno.”
Napuna ng propetang si Mormon, “Ang malaking bahagi ng mga tao ay nanatili sa kanilang kapalaluan at kasamaan, at ang maliit na bahagi ay [lumakad] nang higit na maingat sa harapan ng Diyos.”
Bumaling ang mga Lamanita sa Diyos
Sa Aklat ni Helaman, ang tumitinding kabutihan ng mga Lamanita ay nagbigay ng malinaw na kaibahan sa mabilis na espirituwal na pagbagsak ng mga Nephita.
Ang mga Lamanita ay bumaling sa Diyos at nadala sa kaalaman ng katotohanan sa pamamagitan ng paniniwala sa mga turo ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi sa kanilang mga kasalanan, at pagkakaroon ng malaking pagbabago ng puso.
“Samakatwid, kasindami ng sumapit sa ganito, nalalaman ninyo sa inyong sarili, ay matibay at matatag sa pananampalataya, at sa bagay kung saan sila ay ginawang malaya.”
“Inyong [ma]mamasdan na ang malaking bahagi [ng mga Lamanita] ay nasa landas ng kanilang tungkulin, at sila ay lumalakad nang maingat sa harapan ng Diyos, at pinagsisikapan nilang sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga batas at kanyang mga kahatulan. …
“… Sila ay nagsisikap nang walang kapagurang pagsusumigasig upang madala ang nalalabi sa kanilang mga kapatid sa kaalaman ng katotohanan.”
Dahil dito, “[na]higitan [ng mga Lamanita] ang kabutihan ng mga yaong Nephita, dahil sa kanilang tibay at katatagan sa pananampalataya.”
Isang Babala at Isang Pangako
Ipinahayag ni Moroni: “Masdan, ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa yaong hindi maglalaon ay mangyayari, at sa araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito ay mangyayari sa inyo.
“Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa.”
Mangyaring tandaan na ang Aklat ni Mormon ay nakatanaw sa hinaharap at naglalaman ng mahahalagang alituntunin, babala, at aral na inilaan para sa akin at sa inyo sa mga sitwasyon at hamon sa ating panahon.
Ang apostasiya ay maaaring mangyari sa dalawang pangunahing antas—institusyonal at indibiduwal. Sa institusyonal na antas, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi mawawala sa pamamagitan ng apostasiya o hindi na kukunin ito mula sa mundo.
Ipinahayag ni Propetang Joseph Smith: “Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain … ; ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”
Sa indibiduwal na antas, bawat isa sa atin ay dapat na “mag-ingat sa kapalaluan, at baka [tayo] ay maging katulad ng mga Nephita noong sinauna.”
Maaari ko bang sabihin na kung kayo o ako ay naniniwala na sapat na ang ating lakas at katatagan upang maiwasan ang kayabangan ng kapalaluan, kung gayon, tayo marahil ay mayroon na ng nakamamatay na espirituwal na sakit na ito. Sa madaling salita, kung kayo o ako ay hindi naniniwala na maaari tayong magkaroon ng kapalaluan, kung gayon tayo ay mahina at nasa espirituwal na panganib. Sa loob ng hindi maraming araw, linggo, buwan, o taon, maaaring ipagpalit natin ang ating espirituwal na pagkapanganay para sa higit na mas kakarampot pa sa isang mangkok ng nilaga.
Gayunman, kung kayo o ako ay naniniwala na maaari tayong magkaroon ng kapalaluan, kung gayon patuloy tayong gagawa ng maliliit at mga karaniwang bagay na magpoprotekta at tutulong sa atin na maging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin].” “Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba.”
Kapag sinunod natin ang payo ni Pangulong Benson at tinanong ang ating sarili kung bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon na isama sa kanyang pagpapaikli ng Aklat ni Helaman ang mga salaysay, payo, at babala na ginawa niya, ipinapangako ko na mauunawaan natin kung paano ipamuhay ang mga turong ito sa mga partikular na kalagayan ng ating buhay at pamilya ngayon. Kapag pinag-aralan at pinagnilayan natin ang inspiradong talaang ito, pagkakalooban tayo ng mga mata upang makakita, mga tainga upang makarinig, mga isipan at puso upang maunawaan ang mga aral na dapat nating matutuhan upang “mag-ingat sa kapalaluan, baka [tayo] matukso.”
Masaya kong pinatototohanan na ang Diyos Amang Walang Hanggan ay ating Ama. Si Jesucristo ay Kanyang Bugtong at Pinakamamahal na Anak. Siya ang ating Tagapagligtas. At pinatototohanan ko na kapag tayo ay nagpatuloy sa paglakad sa kaamuan ng Espiritu ng Panginoon, maiiwasan at madaraig natin ang kapalaluan at magkakaroon ng kapayapan sa Kanya. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.