Ang mga Salita ni Cristo at ang Espiritu Santo ay Aakay sa Atin sa Katotohanan
Ang pag-alam sa pambihirang planong ito ay makatutulong sa ating malaman na tayo ay mga anak ng Diyos at maaari tayong maging katulad Niya.
Ang Diyos ay ang ating Amang nasa Langit. Tayo ay Kanyang mga espiritung anak, at tayo ay nilalang ayon sa Kanyang larawan. Samakatwid, bawat isa sa atin, bilang anak ng Diyos, ay mayroong banal na potensyal na maging katulad Niya.
Nabuhay tayo kasama Siya bilang espiritu bago tayo dumating sa daigdig na ito. Ang Ama sa Langit, bilang ating espiritung magulang, ay mahal tayo, ninanais ang pinakamabuti para sa atin, at inihanda ang plano para matanggap natin ang Kanyang pinakadakilang pagpapala, na imortalidad at buhay na walang hanggan. Ayon sa plano, tayo, bilang mga espiritung anak, ay bibigyan ng kalayaan na piliin ang Kanyang plano. Sa pagdating sa daigidig, iiwan natin ang presensiya ng Diyos, malilimutan ang buhay bago tayo isinilang, makatatanggap ng mga katawan ng laman at buto, magkakaroon ng sarili nating karanasan, at pauunlarin ang pananampalataya. Taglay ang ating mga katawan ng laman at mga buto, bilang likas na tao, tayo ay mapapailalim sa tukso, magiging marumi at malayo sa Diyos, at hindi makababalik sa Kanyang banal na presensya. Dahil sa walang hanggang pagmamahal ng Ama sa Langit, ipinadala Niya ang Kanyang Panganay na Anak, si Jesucristo, upang ating maging Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo, ang Pagbabayad-sala, ginawang posible ni Jesucristo na tayo ay matubos mula sa ating mga kasalanan at mabuhay na mag-uli at makatanggap ng buhay na walang hanggan.
Labis akong nagpapasalamat sa maluwalhating mga katotohanang ito—ang tinatawag nating plano ng kaligtasan ng Ama, Kanyang plano ng awa, o Kanyang dakilang plano ng kaligayahan. Ang pagkaalam sa mahalagang mga katotohanang ito ay nakatulong sa aking malaman ang aking tunay na pagkakakilanlan at ang mga dakilang pagpapalang inihanda ng Diyos para sa atin na kadakilaan at buhay na walang hanggan. Ang propetang si Nephi ay nagturo sa atin sa ganitong paraan: “Anupa’t, … magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.” Dagdag pa Niya, “Kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.” Ngayon ay nais kong ibahagi kung paanong ang mga salita ni Cristo at ang Espiritu Santo ay nakatulong sa aking mahanap ang mahahalaga at nakapagbibigay-kapayapaang katotohanang ito sa aking pagiging tinedyer.
Ang mga Salita ni Cristo ang Magsasabi sa Inyo ng Lahat ng Bagay na Dapat Ninyong Gawin
Katulad ni Nephi na nagsalita sa panimulang talata sa aklat ng 1 Nephi, ako rin ay “isinilang sa butihing mga magulang.” Lumaki ako sa Nagano, Japan, sa isang tahanang ang pagiging tapat, masipag, at mapagpakumbaba ay labis na hinihikayat, at ang pagsunod sa mga lumang kaugalian ay mahigpit na sinusunod. Ang aking ama ay napakarelihiyosong tao. Pinanood ko siyang manalangin sa harap ng mga altar ng Shinto at Buddhist tuwing umaga at tuwing gabi. Bagama’t wala akong ideya kung kanino siya nananalangin at kung ano ang kanyang ipinagdarasal, naniwala akong may isang uri ng ‘di nakikitang kapangyarihan o Diyos na “may kapangyarihan … na makapagligtas” o na tutulong sa amin kung kami ay tapat na mananalangin.
Tulad ng ibang tinedyer, nakaranas ako ng maraming paghihirap. Nahirapan ako, iniisip na hindi patas ang buhay at napakaraming mga pagsubok at tagumpay. Nadama kong naliligaw ako at walang direksyon ang buhay ko. Parang napakabilis ng buhay kung titingnan dahil matatapos ito kapag tayo ay namatay na. Ang buhay na hindi nalalaman ang plano ng kaligtasan ay nakalilito.
Hindi nagtagal matapos kong simulan ang pag-aaral ng Ingles sa junior high school, ang lahat ng estudyante sa aming paaralan at nakatanggap ng kopya ng Bagong Tipan. Kahit na kasisimula pa lamang namin sa pag-aaral ng Ingles, sinabi ng aming guro na dapat kaming mag-aral ng Ingles sa pamamagitan ng pagbabasa nito. Binuklat ko ito at tinignan ang mga nilalaman. Ang mga salita sa Bagong Tipan ay labis na napakahirap para sa akin. Ang mga salita sa Japanese ay kasing hirap din. Gayunman, nakuha ko ang isang listahan ng mga pahayag at tanong ng kaluluwa na nakalagay bago mismo ang biblical text sa Gideon Bible—mga tanong tungkol sa kalungkutan, kakulangan ng tiwala, pagkalito, pagharap sa mga pagsubok, at iba pa. Ang bawat item sa listahan ay sinusundan ng isang sanggunian sa mga talata at pahina sa Bagong Tipan. Ako ay talagang naakit sa tanong na “Kung ikaw ay napapagod.” Inakay ako ng sanggunian na buklatin ang Mateo 11:28–30, kung saan sinabi ito ni Jesus sa Kanyang mga disipulo:
“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo‘y bibigyan ko ng kapahingahan.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako‘y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.
“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”
Ito ang naaalala ko na unang pagkabasa ko sa mga salita ni Jesucristo. Kahit na hindi ko naunawaan ang lahat ng mga salitang sinabi Niya, ang Kanyang mga salita ay nakaaliw sa akin, nagbigay-sigla sa aking kaluluwa, at nagbigay sa akin ng pag-asa. Habang mas binabasa ko ang Kanyang mga salita, mas nadarama kong parang mas kailangan kong subukan ang bisa ng Kanyang mga salita. Noong araw lamang na iyon ko nadama ang gayong pakiramdam. Nadama kong minamahal ako. Nadama kong kilala ko si Jesucristo.
Habang patuloy ako sa pag-aaral, nadama kong parang direkta Siyang nakikipag-usap sa akin nang sabihin Niya, “Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.”
Pinuno ang aking puso ng Kanyang mga salita kahit na hindi ko mailarawan nang maayos ang aking damdamin sa oras na iyon. Kahit na si Jesucristo ay nabuhay ilang siglo na ang nakalipas sa isang lupang ‘di pamilyar sa akin, naisip kong maaari kong pagtiwalaan ang Kanyang mga salita nang buo kong puso. Umasa akong balang-araw sa hinaharap, maaaring matutunan ko ng higit pa ang tungkol kay Jesucristo.
Ang Espiritu Santo ang Magbibigay-alam sa Inyo ng Lahat ng Bagay na Nararapat Ninyong Gawin
Ang balang-araw na iyon ay dumating ilang taon lamang ang nakalipas. Nakilala ko ang mga dedikado at mga bata pang full-time missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. At agad kong nakilala ang maliit na pangkat ng mababait at masayahing mga Banal sa mga Huling Araw na nagsisikap na sundin si Jesucristo. Kahit na natagalan bago ko sila lubos na pagkatiwalaan, nakita ko sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang hinahanap ko nang pag-aralan ko ang Bagong Tipan—ang mga salita ni Jesucristo at ang pag-asa at kapayapaang nanggagaling sa mga ito.
Ang isang partikular na sagradong karanasan ay noong tinuruan ako ng mga missionary na manalangin. Natutuhan kong dapat nating tawagin ang Diyos sa pangalan. Kapag nananalangin tayo, dapat tayong magsalita mula sa ating puso, ihayag ang pasasalamat, at ibahagi ang ating mga pag-asa at naisin. Pagkatapos mong masabi ang lahat ng nais mong sabihin, tinatapos natin ang ating panalangin sa pagsasabi ng, “Sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Ginagawa natin ito dahil inutos ni Jesus sa atin na manalangin sa Kanyang pangalan. Ang pananalangin sa Ama sa Langit ay nakatulong sa aking malaman kung sino Siya at ang aking relasyon sa Kanya—na ako ay Kanyang minamahal na espiritung anak na lalaki. Natutuhan kong dahil kilala at mahal ako ng Ama sa Langit, makikipag-usap Siya sa akin nang personal, natatangi, at sa mga paraang mauunawaan ko sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Mayroong pagkakataong hindi ko talaga matukoy ang Espiritu Santo. Nagkamali ako ng pag-unawa, iniisip na ang kailangan ko lamang gawin ay sundin ang mga hakbang ng panalangin at may kapansin-pansin na bagay na mangyayari. Isang araw, habang nasa aralin kasama ang mga missionary, umalis ako sa aralin para magpahinga. Nalilito pa rin ako tungkol sa kung ano ang nararapat kong gawin sa buhay kung ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay talagang totoo.
Nang ako ay pabalik na sa silid kung saan naghihintay ang mga missionary, narinig ko ang tinig ng isa sa mga missionary. Narinig ko ang pangalan ko. Kaysa buksan ang pinto, nakinig ako sa tinig sa likuran ng pinto. Natigilan ako. Sila ay nananalangin sa Ama sa Langit. Ang bumibigkas ng panalangin ay sumasamo sa Diyos na dinggin Niya ang aking panalangin. Kahit na hindi bihasa ang kanyang pagsasalita ng Japanese, napalambot ang aking puso nang marinig ko ang kanyang tapat na panalangin. Namangha ako kung bakit labis ang pag-aalala nila sa akin. Pagkatapos ay naisip kong ang kanilang panalangin para sa akin ay sumasalamin sa pagmamahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas para sa akin. Ang pagmamahal na iyon ay nagbigay sa akin ng pag-asa at, pagkatapos, nagtanong ako sa Diyos nang may pananampalataya at may tunay na layunin. Nang gawin ko ito, nakadama ako ng kaligayahan at kapayapaan na ako ay talagang anak ng Diyos at na ako ay may banal na potensyal at tadhana. Ang plano ng kaligtasan ay tumanim sa kaibuturan ng aking puso.
Sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang paraan ng inyong pag-iisip kung sino kayo talaga ay nakakaapekto sa … lahat ng desisyong gagawin ninyo.” Totoo ito para sa akin. Ang desisyong sundin ang Tagapagligtas na si Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng kaloob ng Espiritu Santo ay nagpala sa aking buhay nang higit pa sa kaya kong isipin. Sa pakikipagtipan natin sa Diyos sa binyag, nangangako tayo na handa tayong taglayin ang pangalan ni Jesucristo, sundin ang mga kautusan ng Diyos, at paglingkuran Siya sa natitirang bahagi ng ating buhay. Bilang kapalit, nangangako ang ating Ama sa Langit na palaging mapapasaatin ang Kanyang Espiritu—ang patuloy na patnubay mula sa Espiritu Santo.
Inaanyayahan ko kayong magkaroon ng pananampalataya sa mensaheng itinuro ni Nephi—na ang mga salita ni Cristo at ng Espiritu Santo ay aakay sa inyo sa “lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin.” Lahat! Ito ay isang pambihirang kaloob ng Diyos.
Mga kapatid, nagpapasalamat ako para sa plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit. Dahil mahal Niya tayo, naghanda Siya ng paraan upang makabalik tayo sa Kanyang presensya sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Ang pag-alam sa pambihirang planong ito ay makatutulong sa ating malaman na tayo ay mga anak ng Diyos at maaari tayong maging katulad Niya. Nagpapasalamat ako sa mahalagang katotohanang ito. Sumasaksi ako na ang mga salita ni Jesucristo at ng Espiritu Santo ang aakay sa atin para matanggap ang buhay na walang hanggan. Alam kong totoo ang mga bagay na ito. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.