2011
Paghahandang Magpabinyag para sa mga Patay
Setyembre 2011


Paghahandang Magpabinyag para sa mga Patay

Kapag kayo ay 12 taong gulang, maaari kayong magkaroon ng pagkakataong pumunta sa templo para magpabinyag at magpakumpirma para sa mga pumanaw na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo. Narito ang ilang paraan ng paghahanda para makapasok sa templo at madama ang Banal na Espiritu roon.

Paano Maghanda

  • Sumampalataya kay Jesucristo. Magpabinyag at magpakumpirmang miyembro ng Kanyang Simbahan. Ang mga batang lalaki ay dapat magtaglay ng Aaronic Priesthood.

  • Sundin ang mga kautusan at gumawa ng mabubuting pasiya. Magsisi kapag nakagawa kayo ng pagkakamali.

  • Magpainterbyu sa inyong bishop o branch president. Kung kayo ay karapat-dapat, bibigyan niya kayo ng temple recommend na may limitadong gamit.

  • Tumulong sa paggawa ng family history para madala ninyo ang mga pangalan ng inyong mga kapamilya sa templo, kung maaari.

  • Pag-aralan ang mga banal na kasulatan at mga lathalain ng Simbahan (tulad ng Liahona noong Oktubre 2010) na magpapaunawa sa inyo tungkol sa gawain sa templo.

Sa Araw na Iyon

  • Isuot ang inyong damit-pangsimba. Maging malinis at maayos.

  • Basahin ang mga banal na kasulatan o magasin ng Simbahan, o makinig sa nagbibigay-inspirasyong musika.

  • Manalangin para madama ang Espiritu Santo kapag nasa templo kayo.

  • Huwag magdala ng mga aklat, electronic device, o musika papunta sa templo na hindi makatutulong sa inyo na maging mapitagan.

Sa Loob ng Templo

  • Bibigyan kayo ng puting damit na pamalit sa suot ninyo. Ang puti ay simbolo ng kadalisayan at kalinisan.

  • Sa bautismuhan makikita ninyo ang ibang binibinyagan para sa mga patay.

  • Habang naghihintay kayo, maaari kayong manalangin at magnilay-nilay. Ang templo ay isang espesyal na lugar kung saan magiging malapit kayo sa Ama sa Langit.

  • Kayo ay kukumpirmahan para sa mga taong napabinyagan na.

  • Isipin ninyo ang mga taong nabinyagan at nakumpirma sa pamamagitan ninyo at ang mga pagpapalang maaari na nilang makuha dahil sa paglilingkod ninyo sa templo.

Paglalarawan ni Christina Smith

Print