2011
Ika-181 Ikalawang Taunang Pangkalahatang kumperensya
Nobyembre 2011


Ika-181 Ikalawang Taunang Pangkalahatang kumperensya

Mahigit 100,000 tao ang dumalo sa limang sesyon ng ika-181 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Oktubre 1 at 2. Milyun-milyon pa ang nanood o nakinig sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, at Internet.

Sa unang sesyon noong ika-1 ng Oktubre, ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga pagtatayuan ng anim na bagong templo: Barranquilla, Colombia; Durban, South Africa; Kinshasa, Democratic Republic of the Congo; Paris, France; Provo, Utah, USA; at Star Valley, Wyoming, USA.

Kasunod ng pahayag na ito, inanyayahan ni Pangulong Monson ang mga miyembro na mag-ambag sa General Temple Patron Assistance Fund ng Simbahan. “Sa pondong ito tutustusan ang isang beses na pagbisita sa templo ng mga miyembrong hindi makapunta sa templo,” sabi niya.

Noong Sabado ng hapon, ibinalita ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang bagong bahagi ng youth.lds.org—FamilySearch Youth and Family History (lds.org/familyhistoryyouth). Layunin ng bagong bahaging ito na tulungan ang kabataan na tuklasin ang kanilang family history at paglingkuran ang kanilang mga ninuno sa pamamagitan ng paghahanap ng kanilang mga talaan. (Tingnan ang artikulo sa pahina 128.)

Sa sesyon ding ito, ini-release si Elder Claudio R. M. Costa mula sa Panguluhan ng Pitumpu. Ang sinang-ayunan bilang Panguluhan ng Pitumpu ay si Elder Tad R. Callister (tingnan ang pahina 128 para sa kanyang talambuhay). Labindalawang Pitumpu at Area Seventy ang ini-release o kinilala bilang emeritus (tingnan sa pahina 23 para sa mga pagsang-ayon at pag-release).

Sa kanyang mensahe noong Linggo ng umaga, ipinaalala ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, sa bawat isa ang panawagan—na ibinigay noong pangkalahatang kumperensya ng Abril ng taong ito—na makibahagi ang mga miyembro sa isang araw na paglilingkod sa taong 2011 (tingnan sa Henry B. Eyring, “Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti,” Liahona, Mayo 2011, 22).

Nakilahok ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo sa kumperensyang isinahimpapawid sa 93 wika. Para malaman kung kailan magkakaroon ng teksto, audio, at bersyon sa video ng kumperensya sa iba’t ibang wika, bisitahin ang lds.org/general-conference/when-conference-materials-will-be-available.

Isang dibuho ang nagpapakita ng muling pagtatayo sa Provo Tabernacle, na tinupok ng apoy, bilang pangalawang templo sa Provo, Utah, USA.

© 2011 Intellectual Reserve, Inc. Ang lahat ng karapatan ay nakalaan