2011
Ang Kapangyarihan ng Aaronic Priesthood
Nobyembre 2011


Ang Kapangyarihan ng Aaronic Priesthood

Kayo at ang katungkulan sa Aaronic Priesthood na hawak ninyo ay mahalaga sa gawain ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak at sa paghahanda sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito.

Bishop Keith B. McMullin

Sa isang training session kamakailan para sa mga General Authority, muling binigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson ang mga tungkulin at oportunidad para sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood.1 Batay sa diwa ng tagubiling iyon ang mensahe ko sa inyo ngayon.

Ang tungkulin, kapag isinagawa nang wasto, ang nagsasaad ng kapalaran ng mga tao at bansa. Napakahalaga ng prinsipyo ng tungkulin kung kaya’t ang mga maytaglay ng priesthood ay pinayuhan na, “Dahil dito, ang bawat tao ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”2

Ipinaliwanag ni Pangulong Monson na, “Maaaring dumating nang tahimik ang tawag ng tungkulin kapag tayong may priesthood ay gumaganap sa tungkuling tinanggap natin.”3 Binanggit ni Pangulong Monson ang sinabi ni George Albert Smith: “Tungkulin ninyo una sa lahat na malaman ang nais ng Panginoon at pagkatapos sa kapangyarihan at lakas ng Kanyang banal na Priesthood ay magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa harapan ng inyong kapwa upang matuwang sumunod sa inyo ang mga tao.”4

Sa pagsasalita tungkol sa Kanyang tungkulin, sinabi ng ating Panginoon: “Hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng Ama.”5 “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”6 Dahil ginampanan ni Jesucristo ang Kanyang tungkulin, “ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”7 Mga kapatid, ito ang pamantayang dapat nating sundin.

Batay sa karanasan ko kayong naglilingkod na mga deacon, teacher, at priest ay handa, maaasahan, at may kakayahang gampanan ang inyong tungkulin gaya ng inaasahan namin sa inyo. Hanga kami sa inyo. Nakakahawa ang inyong lakas, pambihira ang inyong kakayahan, ang inyong pakikisama ay nakapagpapalakas. Kayo at ang katungkulan sa Aaronic Priesthood na hawak ninyo ay mahalaga sa gawain ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak at sa paghahanda sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito ng Kanyang banal na Anak. Hindi namin nakikita ang inyong kabataan sa pagsasaalang-alang namin sa inyo at sa inyong tungkulin. Si Pablo ay nagsalita tungkol sa inyo na nagsasabing, “Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”8

Sa kalalakihan ay dumating noon

Ang priesthood na ipinangalan kay Aaron.

Sa mga Levita, pari, at mga propeta,

Sa mga anak ng Diyos ito’y nagpala.

At dumating ang Tagapagligtas ng sanlibutan

At hinanap ang taong nagngangalang Juan,

Upang sa kapangyarihan ding ito’y mabinyagan

At maihudyat ang kaligtasan.

Sa mga huling araw ang kapangyarihan ding ito

Ay muling ibinalik sa mundo,

Upang mga katotohanan ng ebanghelyo

Ay maisilang sa kaluluwa ng tao.

Aaronic Priesthood, sukdulang katotohanan,

Ay dumating bilang paghahanda—

Upang pagtubos ay makamtan

Sa Anak ng Diyos na Kinalulugdan!

At sa kanya na nangangasiwa sa kapangyarihang ito—

Na ‘di lamang isang binatilyo.

Sa taglay niyang balabal ng priesthood

Sabihin nating, “Purihin ang lalaking ito!”9

“Ang kapangyarihan at karapatan ng … Pagkasaserdoteng Aaron, ay hawakan ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at upang pangasiwaan ang mga panlabas na ordenansa, ang titik ng ebanghelyo, ang pagbibinyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sang-ayon sa mga tipan at kautusan.”10 Napansin ni Pangulong Boyd K. Packer na: “Maganda ang nagawa natin sa pamamahagi ng awtoridad ng priesthood. Naitatag natin ang awtoridad ng priesthood sa halos lahat ng dako. … Ngunit sa palagay ko naunang umunlad ang pamamahagi ng awtoridad ng priesthood kaysa kapangyarihan ng priesthood.”11 Dapat itong malutas para sa walang-hanggang kapakanan ng mga anak ng Diyos.

Sinabi sa atin ng ating propeta kung paano ito magagawa. Sa pagbanggit ni Pangulong Monson sa sinabi ni George Q. Cannon, sinabi niya na: “Nais kong makita na mapalakas ang kapangyarihan ng priesthood. … Nais kong makita ang lakas at kapangyarihang ito na nakakalat sa kabuuan ng Priesthood, mula sa mga pinuno hanggang sa pinakamaliit at mapagpakumbabang deacon sa Simbahan. Bawat tao ay dapat hangarin at tamasahin ang mga paghahayag ng Diyos, ang liwanag ng kalangitan na nagniningning sa kanyang kaluluwa at nagbibigay sa kanya ng kaalaman hinggil sa kanyang mga tungkulin, hinggil sa bahagi ng gawain … na nasasakupan niya sa kanyang Priesthood.”12

Ano ang maaaring gawin ng deacon, teacher, o priest upang matanggap ang diwa ng paghahayag at gampanang mabuti ang kanyang tungkulin? Maaari siyang mamuhay sa paraan na siya ay malilinis, mapababanal, at matatanglawan ng kapangarihan ng Espiritu Santo.

Ang kahalagahan nito ay makikita sa mga salita ni Alma: “Ngayon sinasabi ko sa inyo na ito ang orden kung saan ako ay tinawag … ang mangaral sa … darating na salinlahi … na sila ay kailangang magsisi at isilang na muli.13 Kapag ang isang tao ay isinilang na muli, ang kanyang puso ay nagbabago. Wala na siyang hangarin sa mga bagay na masasama o marumi. Nakadarama siya ng matinding pagmamahal sa Diyos. Nais niyang maging mabuti, maglingkod sa kapwa, at sundin ang mga kautusan.14

Inilarawan ni Pangulong Joseph F. Smith ang kanyang karanasan sa malaking pagbabagong ito: “Nakadama ako ng dalisay na kapayapaan, ng pag-ibig at liwanag. Nadama ko sa aking kaluluwa na kung nagkasala ako … napatawad na ito; na talagang nalinis ako mula sa kasalanan; naantig ang puso ko, at nadama kong hindi ko sasaktan ang pinakamaliit na insekto sa ilalim ng aking paa. Dama ko na para bang gusto kong gumawa ng mabuti sa lahat ng dako sa lahat ng tao at sa lahat ng bagay. Nakadama ako ng panibagong-buhay, panibagong hangaring gawin ang tama. Walang naiwan sa aking kaluluwa ni katiting na hangarin sa masama. Bata lamang ako noon, totoo, … ngunit ito ang damdaming lumukob sa akin, at alam kong galing ito sa Diyos, at noon at kailanman ito ay mananatiling saksi sa akin sa pagtanggap ko sa Panginoon.”15

Kaya’t nananawagan kami sa inyong magigiting na kabataan na pakasikaping “isilang na muli.”16 Ipagdasal na matanggap ninyo ang malaking pagbabagong ito sa inyong buhay. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Higit sa lahat hangaring makilala ang Diyos at maging katulad ng Kanyang banal na Anak. Masiyahan sa inyong kabataan ngunit “iwan ang mga bagay ng pagkabata”:17

Iwasan ang mga usapang walang-kabuluhan at hangal.

Layuan ang lahat ng kasamaan.

Iwasang makipagtalo.

Magsisi kapag kailangan.18

Tutulungan kayo nitong magkaroon ng hustong kaisipan at maging kagalang-galang. Ang mga katangian ng katapangan, ng pagiging mapagkakatiwalaan, kababaang-loob, mapanampalataya, at kabutihan ay mapapasainyo. Hahangaan kayo ng mga kaibigan, pupurihin kayo ng mga magulang, aasa sa inyo ang mga kapatid sa priesthood, at titingalain kayo ng mga young women at magiging mas mabuting tao sila dahil sa inyo. Bibigyan kayo ng Diyos ng karangalan at ang inyong paglilingkod sa priesthood ay pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.

Gagawin namin ang aming bahagi. Bilang mga magulang at mga lolo’t lola, ihahanda namin kayo para sa mas magiting na paglilingkod sa kaharian ng Diyos. Bilang inyong mga kapatid, kami’y magiging mga halimbawa na inyong tutularan. Palalakasin namin ang inyong mga korum. Aalalayan namin ang inyong mga quorum presidency sa paggamit nila ng kanilang mga susi sa pamumuno. Bibigyan namin kayo ng pagkakataon upang lubusang tuparin ang mga tungkulin ng Aaronic Priesthood at gampanang mabuti ang inyong tungkulin doon.

Sa inyong paglilingkod, malalaking pagpapala ang darating sa Simbahan. “Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”19 Magagawa rin ninyo ito. Sa pagsasalita ninyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at sa pangangasiwa ninyo ng sakrament, ang mga kalalakihan at kababaihan, at mga bata ay magsisikap na magsisi, upang madagdagan ang kanilang pananampalataya kay Cristo, at nang ang Banal na Espiritu ay palaging mapasakanila.

Sa pag-aayuno ninyo at pagkolekta ng mga handog-ayuno, magaganyak ang mga miyembro na sundan ang ginawa ng Tagapagligtas. Pinangalagaan ng Panginoon ang mahihirap at naaapi, at sinabi Niyang, “Pumarito ka, sumunod kayo sa akin.”20 Sa inyong pagmamalasakit sa mga kapus-palad tayo ay nakikibahagi sa Kanyang banal na gawain at tinutulungan ninyo kaming panatilihin ang kapatawaran ng aming mga nagawang kasalanan.21

Sa inyong “pagdalaw sa bahay ng bawat kasapi,”22 huwag mangamba o mahiya. Ibibigay sa inyo ng Espiritu Santo sa sandaling iyon ang mga sasabihin, ang patotoong ibabahagi, ang gagawing paglilingkod.

Ang masigasig ninyong pagsisikap na “pangalagaan ang simbahan tuwina”23 ay magbubunga ng mabuti. Ang mapagpakumbaba ninyong asal ang magpapalambot sa puso ng taong di-nananalig at magpapaluwag sa pagsakmal ng kalaban. Ang pag-anyaya ninyo sa iba na sumama sa inyo sa pagsisimba, makibahagi ng sakramento na kasama ninyo, at maglingkod na kasama ninyo ay magpapala sa mga taong naliligaw dahil sa malamlam o wala na sa kanila ang liwanag ng ebanghelyo.

O, minamahal kong mga batang kapatid, “huwag pabayaan ang kaloob na nasa inyo,”24 na natanggap ninyo nang igawad sa inyo ang Aaronic Priesthood at ordenan kayo.

“Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig, at ng kahusayan.

“Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon. … Magtiis ka … dahil sa evangelio ayon sa kapangyarihan ng Dios;

“Na siyang … sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, … na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan.”25

Ang ating minamahal na propeta ang “tumawag sa inyo na maglingkod sa Priesthood.”26 Saludo kami sa inyo, ipinagdarasal namin kayo, nagagalak kaming makasama kayo sa paglilingkod, at nagpapasalamat kami sa Diyos sa kapangyarihan ng inyong nakapagliligtas na ministeryo.

Pinatototohanan ko, ang Diyos ang ating Amang Walang Hanggan at Siya ay nasa kalangitan. Si Jesus na Cristo ang banal na Anak ng Diyos, ang Manunubos ng daigdig, at kayo na nasa Aaronic Priesthood ang Kanyang mga sugo sa mundo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.