Ang Kahalagahan ng Pangalan
Ugaliin natin … na bigyang-diin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangalang iniutos ng Panginoon mismo na itawag dito.
Elder Hales, mula sa aming lahat, ipinararating namin ang aming taos na pagmamahal at nagpapasalamat kami na narito kayo ngayong umaga.
Mula pa noong huling pangkalahatang kumperensya ng Abril, paulit-ulit na natuon ang aking isipan sa kahalagahan ng pangalan. Nitong nakalipas na ilang buwan, ilang apo-sa-tuhod ang isinilang sa aming pamilya. Bagama’t tila mas mabilis ang pagdating nila kaysa kaya kong sabayan, bawat anak ay malugod na tinatanggap sa aming pamilya. Bawat isa ay nabigyan ng espesyal na pangalang pinili ng kanyang mga magulang, na magiging pangalan niya habambuhay, na magtatangi sa kanya sa iba. Ginagawa iyan sa bawat pamilya, gayundin sa iba pang relihiyon sa mundo.
Alam ng Panginoong Jesucristo kung gaano kahalaga na pangalanan nang malinaw ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito. Sa ika-115 bahagi ng Doktrina at mga Tipan, Siya mismo ang nagbigay ng pangalan sa Simbahan: “Sapagka’t sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (talata 4).
At itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao sa panahon ng Aklat ni Momon:
“Nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo, kayong lahat na nakipagtipan sa Diyos, na kayo ay maging masunurin hanggang sa wakas ng inyong mga buhay. …
“At nais kong inyo ring pakatandaan, na ito ang pangalang sinabi ko na aking ibibigay sa inyo na hindi kailanman mabubura, maliban na lamang kung dahil sa kasalanan; kaya nga, ingatan ninyo na hindi kayo magkasala, nang ang pangalan ay hindi mabura sa inyong mga puso” (Mosias 5:8, 11).
Tinataglay natin ang pangalan ni Cristo kapag tayo ay bininyagan. Pinaninibago natin ang tipang ginawa sa binyag na iyon bawat linggo kapag nakikibahagi tayo ng sakramento, na nagpapakita ng kahandaan nating taglayin ang Kanyang pangalan at nangangako tayo na lagi Siyang aalalahanin (tingnan sa D at T 20:77, 79).
Nadarama ba natin kung gaano tayo pinagpala na taglayin ang pangalan ng Pinakamamahal at Bugtong na Anak ng Diyos? Nauunawaan ba natin kung gaano kahalaga ito? Ang pangalan ng Tagapagligtas ang tanging pangalan sa silong ng langit na makapagliligtas sa tao (tingnan sa 2 Nephi 31:21).
Kung natatandaan ninyo, tinalakay ni Pangulong Boyd K. Packer ang kahalagahan ng pangalan ng Simbahan sa huling pangkalahatang kumperensya noong Abril. Ipinaliwanag niya na dahil “masunurin tayo sa paghahayag, tinatawag natin ang ating sarili na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw [sa halip na Simbahan ng mga Mormon]” (“Ginagabayan ng Banal na Espiritu,” Liahona, Mayo 2011, 30).
Dahil napakahalaga ng buong pangalan ng Simbahan, babanggitin kong muli ang mga paghahayag mula sa mga banal na kasulatan, ang mga tagubilin ng Unang Panguluhan sa mga liham noong 1982 at 2001, at ang mga salita ng iba pang mga Apostol na naghikayat sa mga miyembro ng Simbahan na ipaalam at ituro sa mundo na ang Simbahan ay kilala sa pangalan ng Panginoong Jesucristo. Sa ganitong pangalan tayo tatawagin ng Panginoon sa huling araw. Sa ganitong pangalan mamumukod ang Kanyang Simbahan sa lahat ng iba pa.
Pinag-isipan kong mabuti kung bakit ibinigay ng Tagapagligtas ang mahabang pangalang ito sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Tila mahaba nga ito, ngunit kung iisipin natin ito bilang pagbubuod ng katangian ng Simbahan, bigla itong umiikli, nagiging tapat, at tuwiran. Ano pa kayang paglalarawan ang mas tuwiran at malinaw ngunit naipapahayag sa iilang salita?
Bawat salita ay malinaw at mahalaga. Ang salitang Ang ay nagsasaad ng kakaibang katayuan ng ipinanumbalik na Simbahan sa mga relihiyon sa daigdig.
Ang mga salitang Simbahan ni Jesucristo ay nagpapahayag na ito ang Kanyang Simbahan. Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Jesus: “At paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan? Sapagkat kung ang isang simbahan ay tinatawag sa pangalan ni Moises, kung gayon iyon ay simbahan ni Moises; o kung iyon ay tatawagin sa pangalan ng isang tao [tulad ng Mormon] kung gayon iyon ay simbahan ng isang tao; ngunit kung ito ay tinatawag sa aking pangalan kung gayon ito ay aking simbahan, kung mangyayari na ang mga ito ay nakatayo sa aking ebanghelyo” (3 Nephi 27:8).
Ang sa mga Huling Araw ay nagpapaliwanag na ito rin ang Simbahang itinayo ni Jesucristo nang magministeryo Siya sa lupa ngunit ipinanumbalik sa mga huling araw na ito. Alam natin na nagkaroon muna ng pagtaliwakas, o apostasiya, kaya kinailangang ipanumbalik ang Kanyang tunay at perpektong Simbahan sa ating panahon.
Ang ibig sabihin ng mga Banal ay sumusunod sa Kanya ang mga miyembro nito at nagsisikap silang gawin ang Kanyang kalooban, sundin ang Kanyang mga utos, at maghanda na muling makasama Siya at ang Ama sa Langit sa hinaharap. Ang salitang Banal ay tumutukoy lang sa lahat ng naghahangad na pabanalin ang kanilang buhay sa pakikipagtipang sundin si Cristo.
Ang pangalang ibinigay ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan ay nagsasabi mismo sa atin kung sino tayo at ano ang ating pinaniniwalaan. Naniniwala tayo na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Nagbayad-sala siya para sa lahat ng magsisisi ng kanilang mga kasalanan, at nilagot Niya ang mga gapos ng kamatayan at naglaan ng pagkabuhay na mag-uli mula sa libingan. Sinusunod natin si Jesucristo. At tulad ng sinabi ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, inuulit ko ngayon sa ating lahat: “Inyong pakatandaan na panatilihing laging nakasulat ang [Kanyang] pangalan sa inyong mga puso” (Mosias 5:12).
Tayo ay inatasang tumayo bilang saksi Niya “sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Ibig sabihin nito, dapat ay handa tayong ipaalam sa iba kung sino ang sinusunod natin at kaninong Simbahan tayo kabilang: sa Simbahan ni Jesucristo. Walang pasubaling nais nating gawin ito nang may pagmamahal at patotoo. Nais nating sundin ang Tagapagligtas sa pagsasabi nang simple at malinaw, ngunit mapagpakumbaba, na tayo ay mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Sinusunod natin Siya sa pagiging mga Banal sa mga Huling Araw—mga disipulo sa mga huling araw.
Madalas bigyan ng iba ng palayaw ang mga tao at organisasyon. Ang palayaw ay maaaring isang pinaikling pangalan, o ibinatay sa isang kaganapan o sa pisikal o iba pang katangian. Kahit hindi magkakapareho ang uri o kahalagahan ng mga palayaw na tulad ng mga tunay na pangalan, magagamit nang wasto ang mga ito.
Ang Simbahan ng Panginoon noon at ngayon ay nagkaroon ng iba’t ibang palayaw. Ang mga Banal sa Bagong Tipan ay tinawag na mga Kristiyano dahil naniwala sila kay Jesucristo. Ang pangalang iyan, na unang ginamit sa mapanlait na paraan ng mga naninira sa kanila, ay isa na ngayong kapita-pitagang pangalan; at karangalan nating matawag na isang simbahang Kristiyano.
Ang ating mga miyembro ay tinawag na mga Mormon dahil naniniwala tayo sa Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo. Maaaring subukang gamitin ng iba ang salitang Mormon sa mas malawak na paraan upang ibilang at tukuyin ang mga tumiwalag sa Simbahan at bumuo ng iba’t ibang mga grupo. Makakalito lang ang paggamit niyon. Nagpapasalamat tayo na sinisikap iwasan ng media ang paggamit ng salitang Mormon sa paraang mapagkakamalan ng madla na may kinalaman ang Simbahan sa grupo ng mga polygamist o iba pang fundamentalist. Lilinawin ko na walang grupong polygamist, pati na yaong ang tawag sa kanilang sarili ay mga fundamentalist Mormon o iba pang hinango sa ating pangalan, na may anumang kaugnayan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Bagama’t hindi buo at tamang pangalan ng Simbahan ang katagang Mormon, at kahit ibinansag ito ng mga naninira sa atin noong sinisimulan pa lang tayong usigin, naging tanggap na itong palayaw kapag tumutukoy sa mga miyembro sa halip na sa institusyon. Hindi natin kailangang ihinto ang paggamit ng pangalang Mormon kung nararapat, ngunit dapat nating patuloy na bigyang-diin ang buo at tamang pangalan ng Simbahan mismo. Sa madaling salita, dapat nating iwasan at huwag hikayatin na tawagin tayong “Simbahan ni Mormon.”
Sa maraming taon ng pagtupad ko sa mga tungkulin sa iba’t ibang panig ng mundo, maraming beses na akong tinanong kung kabilang ako sa Simbahan ni Mormon. Ang lagi kong isinasagot ay “Ako ay miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Dahil naniniwala kami sa Aklat ni Mormon, na ipinangalan sa Amerikanong propeta at pinuno noong araw at isa pang tipan ni Jesucristo, kung minsan ay tinatawag kaming mga Mormon.” Sa bawat okasyon ay nagustuhan ang sagot na ito at katunayan ay nabigyan pa ako nito ng maraming pagkakataon upang ipaliwanag ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito.
Mga kapatid, isipin na lang ninyo ang magiging epekto natin sa simpleng pagsagot sa paggamit ng buong pangalan ng Simbahan tulad ng ipinahayag ng Panginoon na dapat nating gawin. At kung hindi ninyo kaagad magamit ang buong pangalan, sabihin na lang ninyong, “Kasapi ako ng Simbahan ni Jesucristo” at ipaliwanag kalaunan ang “ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Maaaring may magtanong, paano naman ang mga Internet site na tulad ng Mormon.org at ang iba pang mga media campaign ng Simbahan? Tulad ng sabi ko, ang pagtukoy ng Mormon sa lahat ng miyembro ay angkop kung minsan. Mas praktikal para sa mga hindi natin kasapi na hanapin tayo sa ganyang pangalan. Ngunit kapag binuksan ninyo ang Mormon.org, ipinapaliwanag sa home page ang angkop na pangalan ng Simbahan, at lumilitaw ito sa bawat kasunod na page sa site. Hindi praktikal na i-type ang buong pangalan ng Simbahan kapag hinahanap tayo o nagla-log on sa ating website.
Bagama’t maaaring magpatuloy ang mga praktikal na bagay na ito, hindi nito dapat mapigilan ang mga miyembro sa paggamit ng buong pangalan ng Simbahan hangga’t maaari. Ugaliin nating liwanagin sa ating pamilya at sa mga aktibidad sa Simbahan at sa pakikihalubilo natin sa araw-araw na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangalang iniutos ng Panginoon mismo na itawag dito.
Nakasaad sa isang survey kamakailan na napakarami pa rin ng mga hindi makaunawa na ang pangalang Mormon ay tumutukoy sa mga miyembro ng ating Simbahan. At karamihan sa mga tao ay hindi pa rin sigurado kung Kristiyano ang mga Mormon. Kahit na nababasa nila ang pagtulong ng ating Helping Hands sa buong mundo sa mga biktima ng buhawi, lindol, baha, at taggutom, hindi nila iniuugnay ang ating mga pagkakawanggawa sa atin bilang isang organisasyong naniniwala kay Cristo. Tunay ngang mas madali nilang mauunawaan na naniniwala tayo at sumusunod sa Tagapagligtas kung tutukuyin natin ang ating sarili bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa ganitong paraan yaong mga nakakarinig sa pangalang Mormon ay maiuugnay ang salitang iyan sa ating inihayag na pangalan at sa mga taong sumusunod kay Jesucristo.
Tulad ng hiling ng Unang Panguluhan sa kanilang liham noong Pebrero 23, 2001: “Ang paggamit ng inihayag na pangalan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … , ay lalong mahalaga sa ating responsibilidad na ipahayag ang pangalan ng Tagapagligtas sa buong mundo. Alinsunod dito, hinihiling namin na kapag tinukoy natin ang Simbahan gamitin natin ang buong pangalan nito hangga’t maaari.”
Noong 1948 sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre, sinabi ni Pangulong George Albert Smith, “Mga kapatid, pag-alis ninyo sa kumperensyang ito, maaari ninyong makahalubilo ang iba’t ibang relihiyon sa mundo, ngunit tandaan na iisa lang ang Simbahan sa buong mundo na sa utos ng langit ay nagtataglay ng pangalan ni Jesucristo, na ating Panginoon” (sa Conference Report, Okt. 1948, 167).
Mga kapatid, nawa’y tandaan din natin ito sa pag-alis natin sa kumperensyang ito ngayon. Iparinig ang ating patotoo tungkol sa Kanya at panatilihin sa ating puso ang ating pagmamahal sa Kanya, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.