Ang Pribilehiyong Manalangin
Ang pagdarasal ay isa sa pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa tao.
Minamahal kong mga kapatid, ang ating Diyos Ama ay hindi isang pakiramdam o ideya o puwersa. Siya ay banal na tao na, tulad ng itinuturo sa banal na mga kasulatan, may mukha at kamay at may maluwalhating imortal na katawan. Siya ay tunay, kilala Niya ang bawat isa sa atin, at mahal Niya tayo, lahat tayo. Nais Niya tayong pagpalain.
Sinabi ni Jesus:
“O anong tao sa inyo, ang kung siya’y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay?
“O kung hingan siya ng isda, ay bibigyan niya ng ahas?
“Kung kayo nga, bagaman masasama ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa mga nagsisihingi sa kanya?” (Mateo 7:9–11).
Marahil ang isang personal na karanasan ay makakatulong sa paglalarawan ng prinsipyong ito. Noong bata pa akong doktor na nagsasanay sa Boston Children’s Hospital, mahabang oras akong nagtatrabaho at madalas ay nagbibisikleta lang papunta sa ospital at pauwi sa bahay sa Watertown, Massachussets, dahil kailangan ng aking asawa at mga anak ang aming kotse. Isang gabi, ako ay pagod na pagod, nagugutom at medyo pinanghihinaan ng loob, habang nagbibisikleta pauwi matapos ang mahabang oras ng trabaho sa ospital. Alam ko na pag-uwi ko kailangan ng asawa ko at ng apat kong maliliit na anak hindi lang ang aking oras at lakas kundi pati ang masayang pakikitungo. Sa totoo lang, hirap na ako noon sa patuloy na pagpedal.
Sa aking daan pauwi ay may restawran na nagtitinda ng fried chicken, at sa tingin ko mas mababawasan ang gutom at pagod ko kung kakain muna ako nito bago umuwi. Alam ko na may sale sila ng hita o drumstick sa halagang 29 cents bawat isa, pero nang tingnan ko ang pitaka ko, isang nickel (5 cents) na lang pala ang pera ko. Habang patuloy na nagbibisikleta, sinabi ko sa Panginoon ang sitwasyon ko at hiniling, kung Kanyang mamarapatin, na makakita ako ng isang quarter (25 cents) sa gilid ng daan. Sinabi ko sa Kanya na hindi ko kailangan ito bilang tanda pero talagang pasasalamatan ko kung bibigyan Niya ako ng ganitong pagpapala.
Sinimulan kong tingnang mabuti ang daan pero wala akong nakita. Habang nagbibisikleta sinikap kong magtiwala na may pagpapakumbabang pumunta sa restawran. Pagkatapos, eksaktong sa kabila ng daan sa tapat ng tindahan, nakakita ako ng isang quarter (25 cents) sa lupa. May pasalamat at ginhawa kong pinulot ito, ibinili ng manok, ninamnam ang bawat kagat, at masayang nagbisikleta pauwi.
Sa Kanyang awa, ang Diyos ng langit, ang Tagapaglikha at Tagapamahala ng lahat ng bagay sa lahat ng dako, ay narinig ang isang dasal tungkol sa napakaliit na bagay. Siguro may magtatanong kung bakit aabalahin Niya ang Kanyang Sarili sa isang napakaliit na bagay. Naniniwala ako na mahal na mahal tayo ng ating Ama sa Langit kaya ang mahalaga sa atin ay mahalaga rin sa Kanya, dahil nga mahal Niya tayo. Paanong hindi Niya lalong nanaising tulungan tayo sa mga malalaking bagay na hinihiling natin, na tama (tingnan sa 3 Nephi 18:20)?
Mga bata, kabataan, at matatanda, maniwala sana kung gaano ang hangarin ng Ama sa Langit na pagpalain kayo. Pero dahil hindi Siya nanghihimasok sa ating kalayaan sa pagpili, kailangang hingin natin ang Kanyang tulong. Ito ay karaniwang ginagawa sa pamamagitan ng pagdarasal. Ang pagdarasal ay isa sa mga pinakamahalagang kaloob ng Diyos sa tao.
Minsan ay nagtanong ang mga alagad ni Jesus, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin” (Lucas 11:1). Bilang sagot, binigyan tayo ni Jesus ng halimbawa na magsisilbing gabay sa pangunahing alituntunin ng panalangin (tingnan sa Russell M. Nelson, “Mga Aral mula sa Panalangin ng Panginoon,” Liahona, Mayo 2009, 46–49; tingnan din sa Mateo 6:9–13; Lucas 11:1–4). Ayon sa halimbawa ni Jesus:
Nag-uumpisa tayo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ating Ama sa langit: “Ama namin na nasa langit ka” (Mateo 6:9; Lucas 11:2). Pribilehiyo nating dumulog nang direkta sa ating Ama. Hindi tayo nananalangin sa kung ano pa mang katauhan. Tandaan na pinayuhan tayong iwasan ang paulit-ulit na pagsambit, kabilang ang paggamit ng pangalan ng Ama, nang maraming beses kapag nananalangin tayo.1
“Sambahin nawa ang pangalan mo” (Mateo 6:9; Lucas 11:2). Tinawag ni Jesus ang Kanyang Ama na may pagsamba, na kinikilala ang Kanyang kadakilaan at nagbigay ng papuri at pasasalamat sa Kanya. Tiyak na ang ganitong pagpipitagan sa Diyos at pagbigay ng taos-pusong pasasalamat ay isa sa mga susi ng epektibong panalangin.
“Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban” (Mateo 6:10; Lucas11:2). Malaya nating kinikilala ang pag-asa natin sa Panginoon at ipinakikita ang hangarin nating gawin ang Kanyang kalooban, kahit hindi ito tugma sa kagustuhan natin. Ipinapaliwanag sa ating Bible Dictionary: “Ang panalangin ay isang gawain kung saan ang kalooban ng Ama at ang kagustuhan ng anak ay nagkakatugma sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos, kundi upang maisiguro sa ating sarili at sa iba ang mga pagpapala na nais ng Diyos na ipagkaloob, ngunit kinakailangan nating hilingin upang matanggap” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin”).
“Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw” (Mateo 6:11; tingnan din sa Lucas 11:3). Hinihiling natin ang mga bagay na gusto natin mula sa Diyos. Ang katapatan ay mahalaga sa paghiling ng mga bagay mula sa Panginoon. Hindi lubos na matapat, halimbawa, ang paghiling sa Panginoon ng tulong sa pagsusulit sa paaralan kung hindi ako nakinig sa klase, hindi gumawa ng asaynment, o nag-aral para sa pagsusulit. Madalas sa aking pagdarasal, marahang ipinadarama sa akin ng Espiritu na may kailangan pa akong gawin para matanggap ko ang hinihingi kong tulong sa Panginoon. Pagkatapos ay kailangan akong maging deteminado at gawin ang bahagi ko. Salungat sa plano ng Diyos na gawin ng Panginoon ang magagawa natin para sa ating sarili.
“At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang” (Mateo 6:12), o sa ibang bersyon, “At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan” (Lucas 11:4). Isang mahalaga at minsan ay nalilimutang bahagi ng personal na panalangin ay ang pagsisisi. Upang maging mabisa ang pagsisisi, dapat itong maging tiyak, malalim, at panghabambuhay.
“At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang” (Mateo 6:12; tingnan din sa Lucas 11:4). Malinaw na ipinakita ng Tagapagligtas na may kinalaman ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan at ang pagpapatawad natin sa mga nagkasala sa atin. Minsan ang mga nagawang kasalanan sa atin ng iba ay masyadong masakit at mahirap patawarin o makalimutan. Lubos akong nagpapasalamat sa aliw at paghilom na natagpuan ko sa paanyaya ng Panginoon na pawalan na ang mga sakit at ibigay ang mga ito sa Kanya. Sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 64, sinabi Niya:
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao.
“At nararapat na sabihin ninyo sa inyong mga puso—ang Diyos ang hahatol sa akin at sa iyo, at ikaw ay gagantimpalaan alinsunod sa iyong mga gawa” (mga talata 10–11).
Pagkatapos ay kalimutan na natin iyon nang lubusan at ipaubaya na sa Panginoon, kung gusto nating gumaling.
“At huwag mo kaming hayaang maakay ng tukso, sa halip iligtas mo kami sa masama” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:14). Samakatuwid, sa ating mga panalangin maaari na nating umpisahan ang pagsuot ng buong baluti ng Diyos (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:11; D at T 27:15) sa pag-asam sa mga darating na araw at hilingin ang tulong sa minsang nakakatakot na mga sitwasyon na maaari nating makaharap. Mga kaibigan ko, mangyaring huwag kalimutang hilingin sa Panginoon na protektahan at samahan Niya kayo.
“Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man” (Mateo 6:13). Marami tayong natutuhan sa pagtatapos ni Jesus sa panalanging ito sa pamamagitan ng pagpuring muli sa Diyos at pagpapahayag ng Kanyang paggalang at pagpapailalim sa kalooban ng Ama. Kapag tunay tayong naniniwala na pinamamahalaan ng Diyos ang Kanyang kaharian at na taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan at kaluwalhatian, kinikilala natin na Siya ang tunay na namamahala sa lahat, na dalisay ang Kanyang pagmamahal sa atin, at nais Niya tayong maging maligaya. Nalaman ko na isa sa mga sekreto ng maligayang buhay ay ang pagkilala na ang paggawa ng mga bagay ayon sa kalooban ng Panginoon ay mas makakapagpapaligaya sa akin kaysa paggawa ko ng mga bagay sa sarili kong paraan.
May panganib na makaramdam ang isang tao na hindi siya karapat-dapat manalangin. Ang ideyang iyan ay galing sa masamang espiritu na siyang nagtuturo sa atin na huwag magdasal (tingnan sa 2 Nephi 32:8). Nakapanlulumong isipin na masyado tayong makasalanan para magdasal tulad ng isang taong may malubhang sakit na naniniwalang masyado malala ang sakit niya para magpatingin sa doktor!
Huwag nating isipin na ang anumang uri ng panalangin, gaano man ito kataos, ay magiging napakaepektibo kung ang ginagawa lang natin ay sambitin ang panalangin. Hindi lamang tayo dapat manalangin; kailangan din nating ipamuhay ang mga ito. Mas natutuwa ang Panginoon sa taong nagdadasal at pagkatapos ay kumikilos kaysa sa taong nagdadasal lamang. Tulad ng gamot, mabisa ang panalangin kung ginagamit sa paraang itinuro sa atin.
Kapag sinasabi ko na napakagandang pribilehiyo ang pagdarasal, hindi lamang ito dahil sa nagpapasalamat ako na nakakausap ko ang Ama sa Langit at nadarama ko ang Kanyang Espiritu kapag nagdarasal ako. Kundi dahil rin sa sinasagot Niya ang mga panalangin at nakikipag-usap Siya sa atin. Siyempre , ang pakikipag-usap Niya sa atin ay hindi sa pamamagitan ng boses na naririnig natin. Paliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang magiliw, at mahinang tinig ng inspirasyon ay mas nadarama kaysa naririnig. Ang dalisay na katalinuhan ay masasabi sa isipan. … Ang patnubay na ito ay dumarating bilang mga ideya, damdamin sa pamamagitan ng mga pahiwatig at palagay” (“Panalangin at mga Pahiwatig,” Liahona, Nob. 2009, 44).
Minsan parang hindi nasasagot ang ating taos at marapat na mga dasal. Kailangan ang panampalataya para maniwalang sumasagot ang Panginoon ayon sa Kanyang panahon at sa pamamaraang pinakamainam para mabiyayaan tayo. O, kung iisiping mabuti, madalas nating matatanto na alam na alam na natin ang dapat nating gawin.
Huwag sana kayong mawalan ng pag-asa kung hindi agad ito nangyayari. Tulad ng pag-aaral ng wikang banyaga, kinakailangan nito ang pagsasanay at pagsisikap. Subalit dapat niyong malaman na matututuhan ninyo ang wika ng Espiritu, at kapag nangyari ito, lalakas ang inyong pananampalataya at kapangyarihan sa kabutihan.
Napakahalaga sa akin ang payo ng ating mahal na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, na nagsabing: “Sa inyong mga nakaririnig sa akin na nahihirapan sa mga hamon at pagsubok, malaki man o maliit, ang panalangin ang nagbibigay ng espirituwal na lakas; ito ang nagdudulot ng kapayapaan. Ang panalangin ang paraan upang makausap natin ang ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Kausapin Siya sa panalangin at pakinggan ang kasagutan. Ang mga himala ay nagaganap sa pamamagitan ng panalangin” (“Maging Pinakamainam,” Liahona, Mayo 2009, 68).
Lubos akong nagpapasalamat sa pribilehiyong dumulog sa aking banal na Ama sa Langit sa panalangin. Nagpapasalamat ako na maraming beses Niya akong pinakinggan at sinagot. Dahil sinasagot Niya ako, na kung minsan ay sa mababatid at mahimalang paraan, alam ko na buhay Siya. Mapagpakumbaba ko ring pinatototohanan na si Jesus, ang Kanyang banal na Anak, ay ating buhay na Tagapagligtas. Ito ang Kanyang Simbahan at kaharian sa lupa; ang gawaing ito ay totoo. Si Thomas S. Monson, na taimtim nating ipinapanalangin, ay Kanyang propeta na lubos kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.