2011
Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Isang Makasaysayang Gawain para sa Kababaihang LDS Ngayon
Nobyembre 2011


Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Isang Makasaysayang Gawain para sa Kababaihang LDS Ngayon

Ang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society, isang bagong aklat na inihanda sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan, ay naglalaman ng pamana ng Relief Society at ng kababaihan ng Simbahan, sabi ni Julie B. Beck, Relief Society general president, noong Setyembre 2011 sa pangkalahatang pulong ng Relief Society.

“Pagkakaisahin at iaayon nito ang pandaigdigang kapatiran ng kababaihan sa mga layunin ng Relief Society at mga huwaran at pribilehiyo ng mga disipulo,” sabi niya. “Ito ay isang saksi sa mahalagang papel ng mga babae sa plano ng kaligayahan ng ating Ama, at naglalaan ng di-natitinag na pamantayan ng ating pinaniniwalaan, ginagawa, at ipagtatanggol” (pahina 113 ng isyung ito).

Ayon kay Sister Beck ang aklat ay nagsisilbing pundasyon ng pagkakakilanlan ng kababaihan bilang mga anak ng Diyos. Sa pag-aaral ng mga tao sa aklat, sabi niya, makikita nila kung paano nakaiimpluwensya sa buhay ng bawat kapatid na babae sa Simbahan ang Relief Society

Paano Ginawa ang Aklat

Nagsimula ang proyekto bilang asaynment mula sa Unang Panguluhan. Si Susan W. Tanner, dating Young Women general president, ang itinalagang sumulat ng aklat. Sina Sister Beck at kanyang mga tagapayo, sina Silvia H. Allred at Barbara Thompson, ang inatasang pamahalaan ang gawain at makipagtulungan kay Sister Tanner, sa mga patnugot, taga-disenyo, at iba pa para maisagawa ito ayon sa diwa ng paghahayag. “Hindi pa ako nakagawa kailanman noon ng proyektong may higit na patnubay ng Espiritu kaysa rito,” sabi ni Sister Beck.

Bahagi ng prosesong iyan ang pagpapasiya kung alin sa libu-libong pahina ng mga makasaysayang tala ang isasama sa aklat. Nirepaso ni Sister Beck, kanyang mga tagapayo, at si Sister Tanner ang mga katitikan [minutes] mula sa mga pulong ng Relief Society sa Nauvoo at iba pang mga kasaysayan at tala tungkol sa Relief Society at sa kababaihan ng Simbahan.

Ang naging resulta nito, ayon kay Sister Beck, ay hindi karaniwang aklat ng mga kasaysayan na pinagsunud-sunod kundi isang espirituwal na kasaysayan ng kababaihan ng Simbahan at Relief Society.

“Pinag-aaralan natin ang ating kasaysayan dahil tinutulungan tayo nito na magbago,” sabi ni Sister Beck sa kanyang mensahe noong pangkalahatang pulong ng Relief Society ng Setyembre 2010. “Sa huli, ang kahalagahan ng kasaysayan ay hindi batay sa petsa, panahon, at lugar nito. Mahalaga ito dahil itinuturo sa atin ang mga alituntunin, layunin, at huwarang dapat nating sundin, at ipinaaalam sa atin kung sino tayo at ano ang ating gagawin, at pinagkakaisa tayo sa pagpapatatatag ng mga tahanan ng sion o ng kaharian ng Diyos sa lupa” (“Mga Anak na Babae sa aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society,” Liahona, Nob. 2010, 115).

Bagama’t may sinusunod na time line ang aklat, inilalarawan ang mga turo nito sa mga kabanatang naaayon sa panahon. Gumagamit ito ng mga kuwento at halimbawa mula sa banal na kasulatan at makabagong panahon, mga salita ng mga propeta, at mula sa mga lider ng Relief Society para ituro ang mahahalagang mensahe nito.

Ang impluwensya ng Aklat

Ayon pa kay Sister Beck matututuhan ng kababaihan sa pamamagitan ng aklat kung paano isakatuparan ang mga layunin ng Relief Society sa kanilang buhay at bilang kapatiran ng mga disipulong tumutupad sa tipan.

“Matututuhan nila ang kahulugan ng pagpapaibayo ng pananampalataya at kabutihan ng sarili, pagpapalakas ng mga pamilya at tahanan, at paghanap at pagtulong sa mga nangangailangan,” sabi ni Sister Beck nang kapayanamin ng Church magazines. “Kapag naunawaan ng kababaihan ang kanilang tungkulin sa gawain ng Relief Society, mauunawaan nila ang laki ng impluwensyang nagagawa ng kababaihan sa pag-unlad ng Simbahan, noon at ngayon, at malalaman nila ang kanilang layunin at identidad.”

Naniniwala si Sister Beck na matututuhan ng mga babasa ng aklat sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin kung paano makinig sa Espiritu Santo at tumanggap ng personal na paghahayag. Sila din ay mapalalakas at mabibigyan ng pag-asa sa araw-araw nilang pamumuhay at sa kanilang mga pagsubok at paghihirap.

“Napakaraming halimbawa ng kalakasang makukuha sa aklat—mga kalakasang matutularan natin,” sabi ni Sister Beck. “Kaya sa panahon ng mga pagsubok, umaasa akong kaagad kukunin ng mga tao ang aklat, at magbabasa ng isang kuwento o halimbawa rito na magpapalakas sa kanila.”

Ayon din kay Sister Beck, ipamamahagi ang aklat sa mga pamilya sa Simbahan sa pamamagitan ng kababaihan, ngunit naniniwala siya na makatutulong nang malaki ang aklat kapwa sa kalalakihan at kababaihan. Matutulungan nito ang mga kabataang babae na maunawaan kung paano sila magiging bahagi ng malaking kapatiran sa iba’t ibang panig ng mundo, at mapag-iisa nito ang mga mag-asawa sa kanilang banal na gawaing gabayan ang kanilang pamilya at maglingkod sa Simbahan.

Matapos pag-aralan ang aklat, sinabi ni Dale Cook, pangulo ng Syracuse Utah Bluff Stake, na mahalaga ang maitutulong nito upang ang tungkulin ng pagiging disipulo ni Cristo ay maipaunawa hindi lamang sa kababaihan ng Simbahan kundi maging sa kalalakihan. “Nababasa at nakikita ninyo kung paano ito [ang Relief Society] ay hindi maihihiwalay at laging kaugnay ng priesthood,” sabi ni Pangulong Cook. “Tinulungan ako nitong maunawaan ang lakas na taglay ng aking maybahay at [kung paano] siya [higit] na mahalin at tulungan at suportahan.”

Impormasyon Tungkol sa Aklat

Ang aklat ay gagamitin para sa personal na pag-aaral at pagtuturo sa tahanan, sa Relief Society, at sa iba pang kaganapan sa Simbahan. Ipadadala ito sa mga bishop at branch president, na makikipagtulungan sa mga pangulo ng Relief Society para pagpasiyahan kung paano makakatulong ang pamamahagi ng mga aklat sa kababaihan sa ward at branch.

Inaasahang mababasa ang aklat sa halos 24 na wika sa katapusan ng Enero 2012. Marami sa mga ito ang mababasa na online, kung saan makakakuha ang mga miyembro ng mga video, makapagbabahagi ng sipi, at makababasa ng mga mungkahi sa paggamit at pagbabahagi ng mga mensahe sa aklat. Puntahan ang lds.org/relief-society/daughters-in-my-kingdom. I-click ang “Additional Languages (PDF)” sa gitna ng pahinang nasa ilalim ng “Related Resources.” lalabas ang listahan ng mga naisaling wika sa kanang bahagi ng sumunod na pahina. Ang website ay isasalin sa ilan pang wika kalaunan.

Ang edisyon ng aklat na naka-hardbound ay pinlanong ilabas sa wikang Ingles, Portuges, at Espanyol sa katapusan ng taon at makukuha na sa Distribution Services at store.lds.org.

LARAWANG KUHA NI RICK WALLACE