2011
Ang Panahon ay Darating
Nobyembre 2011


Ang Panahon ay Darating

Kasama ninyo akong namamangha habang ang gawaing ito ay mahimalang sumusulong, nang kagila-gilalas at kahanga-hanga.

Elder L. Whitney Clayton

Ilang buwan akong naglingkod bilang misyonero sa sentrong bahagi ng Lima, Peru. Dahil diyan, maraming beses kong nadaanan ang Plaza de Armas ng Lima. Ang Government Palace, na siyang opisyal na tahanan at opisina ng pangulo ng Peru, ay nasa harapan ng plaza. Inanyayahan namin ng kompanyon ko ang mga tao sa plaza na makinig sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Madalas kong maisip noon kung ano ang pakiramdam ng makapasok sa palasyo, pero ang balak na magawa iyon ay tila malabong mangyari.

Noong nakaraang taon, nakipagpulong kami nina Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawa kay Alan García, na noon ay pangulo ng Peru, sa Government Palace. Ipinakita sa amin ang magagandang silid at magiliw kaming tinanggap ni Pangulong García. Ang pangarap kong makapasok sa palasyo noong misyonero pa ako ay natupad sa paraang hindi ko inisip na mangyayari noong 1970.

Marami nang pagbabago sa Peru mula nang magmisyon ako, lalo na sa Simbahan. Noon ay mga 11,000 ang mga miyembro ng Simbahan at isa lamang ang stake. Ngayon, mayroon nang mahigit 500,000 miyembro at halos 100 stake. Sa mga bayang kaunti lamang noon ang mga nagtitipong miyembro, aktibong stake at magagandang meetinghouse na ang makikita ngayon doon. Ganito rin ang nangyayari sa maraming bansa sa buong mundo.

Ang pambihirang paglago ng Simbahan ay karapat-dapat bigyan ng paliwanag. Magsimula tayo sa isang propesiya sa Lumang Tipan.

Si Daniel ay isang aliping Hebreo sa Babilonia. Binigyan siya ng pagkakataon na bigyang-pakahulugan ang panaginip ni Haring Nabucodonosor. Hiniling ni Daniel sa Diyos na ihayag sa kanya ang panaginip at ang kahulugan nito, at sinagot ang kanyang panalangin. Sinabi niya kay Nabucodonosor, “May isang Dios sa langit na naghahayag ng lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucudonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. … Ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito.” Sinabi ni Daniel na nakakita ang hari ng isang kakila-kilabot na larawan ng tao na may ulo, katawan, mga bisig, binti, at paa. May natibag na isang bato hindi ng mga kamay at dahan-dahang gumulong habang papalaki nang papalaki. Tumama ang bato sa larawang anyong tao at nagkaputul-putol ito, “at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.”

Ipinaliwanag ni Daniel na ang larawan ay kumakatawan sa mga kahariang politikal sa hinaharap at “sa mga kaarawan ng [magiging] mga haring yaon ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man: … kundi kanyang pagpuputol-putulin” ang mga kahariang ito at lilipulin. “At yao’y lalagi magpakailan man.”1

Dumako naman tayo sa panahon ngayon. Si anghel Moroni ay unang nagpakita kay Joseph Smith noong 1823 at sinabi sa kanya “na ang Diyos ay may gawaing ipagagawa [sa kanya]; at ang [kanyang] pangalan ay makikilala sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa, lahi, at wika.”2 Ang mensahe ni Moroni ay tiyak na ikinagulat ni Joseph, na noo’y 17 taong gulang pa lamang.

Noong 1831 sinabi ng Panginoon kay Joseph na ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay muling “ipinagkatiwala sa mga tao sa mundo.” Sinabi Niya na “ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay … hanggang sa mapuno nito ang buong mundo,”3 tulad ng sinabi ni Daniel kay Nabucudonosor.

Noong 1898, ikinuwentong muli ni Pangulong Wilford Woodruff ang kanyang karanasan bilang bagong miyembro noong 1834 habang nasa isang pulong ng priesthood malapit sa Kirtland. Ikinuwento niya: “Nanawagan ang Propeta sa lahat ng maytaglay ng Pagkasaserdote na magtipon sa munting paaralang yari sa kahoy na naroon. Maliit na bahay lang ito, marahil ay mga 14 na piye [4.3 m] kuwadrado. … Nang magkasama-sama kami, nanawagan ang Propeta sa mga Elder ng Israel … na magpatotoo sa gawaing ito. … Nang matapos sila ay sinabi ng Propeta, ‘Mga kapatid lubos akong napatibay at naturuan ng mga patotoo ninyo ngayong gabi, ngunit nais kong sabihin sa inyo sa harapan ng Panginoon, na hinggil sa kahihinatnan ng Simbahang ito [at kaharian], hindi nakahihigit ang nalalaman ninyo sa isang sanggol sa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo nauunawaan ito. … Kakaunti lang ang nakikita ninyong Pagkasaserdote ngayong gabi, subalit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang daigdig.’”4

Ang mga propesiyang ito na:

  • ang kaharian ng Diyos tulad ng batong natibag mula sa bundok ay lalaganap sa buong mundo;

  • ang pangalan ni Joseph Smith ay makikilala sa buong mundo; at

  • ang Simbahan ay lalaganap sa lupain ng Amerika at sa buong mundo

ay maaaring katawa-tawa noong nakalipas na 170 taon. Ang maliit na grupo ng mga miyembro na bumubuo ng Simbahan, na nabubuhay sa kakarampot na kita sa Amerika at nagpalipat-lipat upang umiwas sa pag-uusig, ay mukhang hindi ang saligan ng pananampalataya na makatatawid sa bawat hangganan at tatagos sa puso ng kalalakihan at kababaihan saan mang dako.

Subalit ito mismo ang nangyari. Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa.

Araw ng Pasko noong 1925, sa Buenos Aires, Argentina, inilaan ni Elder Melvin J. Ballard ang buong kontinente ng South America para sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagsapit ng Agosto 1926 may ilan nang nabinyagan. Sila ang unang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na nabinyagan sa buong South America. Iyan ay noong nakalipas na 85 taon, edad na inabot ng marami sa inyong nakikinig sa kumperensya ngayon.

May 23 stake ng Sion sa Buenos Aires ngayon, na may dose-dosenang stake at libu-libong miyembro ng Simbahan sa mga siyudad at bayan sa iba’t ibang panig ng Argentina. Ngayon ay may mahigit 600 stake at ilang milyong miyembro ng Simbahan sa buong South America. Habang nakamasid tayo, ang kaharian ng Diyos ay lumalaganap sa kontinente, at ang pangalan ni Joseph Smith ay naihahayag natin at ng mga naninira sa kanya sa mga bansang hindi man lamang niya marahil narinig noong nabubuhay pa siya.

Halos may 3,000 stake na sa buong Simbahan ngayon, mula Boston hanggang Bangkok at mula Mexico City hanggang Moscow. Malapit nang umabot sa 29,000 ang mga ward at branch natin. Sa maraming bansa ay may matatatag nang stake, na ang mga miyembro ay may mga ninuno na nabinyagan noon. Sa ibang mga lugar, nagtitipon ang maliliit na grupo ng mga bagong miyembro bilang maliliit na branch ng Simbahan sa mga paupahang bahay. Taun-taon lalo pang lumalaganap ang Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Katawa-tawa ba ang mga propesiyang ito tungkol sa paglaganap sa mundo at pagiging kilala sa buong mundo? Siguro. Hindi mangyayari? Walang alinlangang mangyayari. Imposible? Hinding-hindi. Nakikita na natin itong nangyayari.

Napansin ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Noo’y sinasabi na hindi lumulubog ang araw sa British Empire. Ang kahariang ito ngayon ay lumiit. Ngunit totoong hindi lumulubog ang araw sa gawaing ito ng Panginoon dahil naiimpluwensyahan nito ang buhay ng mga tao sa buong mundo.

“At simula pa lamang ito. Kakaunti pa lang ang nagagawa natin. … Walang hangganan ang gawaing ito. … Ang mga bansang sarado sa atin ay mabubuksan balang-araw.”5

Ngayon nakikita natin na ang katuparan ng propesiya sa Aklat ni Mormon ay nalalapit na:

“At … ito ay mangyayari na ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig; sapagkat yaong hindi sinabi sa kanila ay makikita nila; at yaong hindi nila kailanman naririnig ay isasaalang-alang nila.

“Sapagkat sa araw na yaon, para sa aking kapakanan ang Ama ay gagawa ng isang gawain, na magiging dakila at kagila-gilalas na gawa sa kanila.”6

Ang gawaing ito ng Panginoon ay tunay na dakila at kagila-gilalas, subalit ito’y sumusulong na hindi napapansin ng maraming lider sa pulitika, kultura, at akademiya. Pinauunlad nito ang bawat tao at bawat pamilya, nang tahimik at di sapilitan, ang banal na mensahe nito ay nagpapala sa mga tao saan mang dako.

Isang talata sa Aklat ni Mormon ang nagbibigay ng susi sa mahimalang paglago ng Simbahan ngayon: “At bukod dito, sinasabi ko sa inyo, na ang panahon ay darating na ang kaalaman ng Tagapagligtas ay kakalat sa bawat bansa, lahi, wika, at tao.”7

Tayo ay binigyan ng karapatan ng Diyos at inatasang dalhin saan mang dako ang pinakamahalaga nating mensahe, na mayroong Tagapagligtas. Nabuhay Siya sa kalagitnaan ng panahon. Nagbayad-sala Siya sa ating mga kasalanan, ipinako sa krus, at nabuhay na mag-uli. Ang walang kapantay na mensaheng iyan, na inihahayag natin nang may karapatan mula sa Diyos, ang tunay na dahilan kung bakit ganito ang paglago ng Simbahang ito.

Pinatototohanan ko na Siya ay nagpakita kasama ang Kanyang Ama kay Joseph Smith. Sa pamamahala ng Ama, itinatag Niyang muli ang Kanyang ebanghelyo sa lupa. Muli Siyang nagpadala ng mga apostol, propeta, at mga susi ng priesthood sa lupa. Pinamumunuan Niya ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng buhay na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson. Ang Kanyang Simbahan ay ang batong natibag sa bundok hindi ng mga kamay na lumalaganap sa buong mundo.

Nagpapasalamat tayo kay Joseph Smith, at namamangha tayong nakamasid habang ang kanyang pangalan ay pinagpipitaganan at, oo, kinukutya pa ngang lalo sa buong mundo. Ngunit lubos nating alam na ang dakilang gawaing ito sa huling araw ay hindi tungkol sa kanya. Ito ang gawain ng Makapangyarihang Diyos at ng Kanyang Anak, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Tagapagligtas, at kasama ninyo akong namamangha habang ang gawaing ito ay mahimalang sumusulong, nang kagila-gilalas at kahanga-hanga. Tunay nga na “d[um]ating na ang panahon na ang kaalaman ng isang Tagapagligtas … ay k[um]akalat sa bawat bansa, lahi, wika at tao.” Siya ay aking pinatototohanan, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, at ng gawaing ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.