2011
Mga Turo ni Jesus
Nobyembre 2011


Mga Turo ni Jesus

Si Jesucristo ang Bugtong at Pinakamamahal na Anak ng Diyos. … Siya ang ating Tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ang pinakamahalagang kaalaman sa mundo.

Elder Dallin H. Oaks

“Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo?” (Mateo 22:42). Sa mga salitang iyon ay nilito ni Jesus ang mga Fariseo sa Kanyang panahon. Sa mga salita ring iyon ay tinatanong ko ang aking kapwa miyembro at iba pang Kristiyano kung ano talaga ang pinaniniwalaan ninyo tungkol kay Jesucristo at ano ang ginagawa ninyo dahil sa paniniwalang iyan.

Halos lahat ng babanggitin kong talata ay magmumula sa Biblia, dahil pamilyar ito sa karamihan ng mga Kristiyano. Ang interpretasyon ko mangyari pa ay huhugutin sa itinuturo sa atin ng makabagong banal na kasulatan, ang Aklat ni Mormon, tungkol sa kahulugan ng mga talata sa Biblia na napakalabo kung kaya’t hindi magkasundo ang mga Kristiyano sa kahulugan ng mga ito. Magsasalita ako sa mga nananalig gayundin sa iba pa. Gaya ng itinuro sa atin ni Elder Tad R. Callister kaninang umaga, ang ilan na nagsasabing Kristiyano sila ay pinupuri si Jesus bilang dakilang guro ngunit ayaw nilang panindigan ang Kanyang kabanalan. Sa pagsasalita sa kanila, ginamit ko ang mga salita ni Jesus mismo. Pag-isipan nating lahat ang itinuro Niya mismo tungkol sa kung sino Siya at ano ang ipinagagawa sa Kanya sa lupa.

Bugtong na Anak

Itinuro ni Jesus na Siya ang Bugtong na Anak. Sabi Niya:

“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

“Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” (Juan 3:16–17).

Pinagtibay ito ng Diyos Ama. Sa pagtatapos ng sagradong karanasan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo, sinabi Niya mula sa langit, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan” (Mateo 17:5).

Itinuro din ni Jesus na kawangis Siya ng Kanyang Ama. Sa Kanyang mga Apostol, sinabi Niya:

“Kung ako’y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya’y inyong mangakikilala, at siya’y inyong nakita.

“Sinabi sa kaniya ni Felipe, Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at sukat na ito sa amin.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama” (Juan 14:7–9).

Kalaunan ay inilarawan ni Apostol Pablo ang Anak na siyang “tunay na larawan ng [Diyos Ama]” (Mga Hebreo 1:3; tingnan din sa II Corinto 4:4).

Lumikha

Isinulat ni Apostol Juan na si Jesus, na tinawag niyang “ang Verbo,” “nang pasimula’y sumasa Dios. Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya” (Juan 1:2–3). Sa gayon, sa plano ng Ama, si Jesucristo ang Lumikha ng lahat ng bagay.

Panginoong Diyos ng Israel

Sa pagmiministeryo sa Kanyang mga tao sa Palestina, itinuro ni Jesus na Siya si Jehova, ang Panginoong Diyos ng Israel (tingnan sa Juan 8:58). Kalaunan, bilang nagbangong Panginoon, nagministeryo Siya sa Kanyang mga tao sa Amerika. Doon ay ipinahayag Niya:

“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig. …

“… Ako ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan” (3 Nephi 11:10, 14).

Ang Nagawa Niya para sa Atin

Sa isang stake conference maraming taon na ang nakalilipas, nakilala ko ang isang babaeng nagsabi na pinababalik siya sa simbahan pagkaraan ng maraming taon ng paglayo ngunit hindi niya maisip kung bakit dapat niyang gawin iyon. Para mahikayat siya sinabi ko, “Kapag inisip mo ang lahat ng nagawa ng Tagapagligtas para sa atin, wala ka bang dahilang bumalik sa simbahan para sambahin at paglingkuran Siya?” Nagulat ako sa isinagot niya: “Ano ang nagawa Niya para sa akin?” Para sa mga hindi nauunawaan kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa atin, sasagutin ko ang tanong na iyan sa sarili Niyang mga salita at sa sarili kong patotoo.

Buhay ng Sanlibutan

Nakatala sa Biblia ang turo ni Jesus: “Ako’y naparito upang sila’y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito” (Juan 10:10). Kalaunan, sa Amerika, sinabi Niya, “Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Ne. 11:11). Siya ang buhay ng mundo dahil Siya ang Lumikha sa atin at dahil, sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, tayong lahat ay nakatitiyak na mabubuhay tayong muli. At ang buhay na ibinibigay Niya sa atin ay hindi lamang mortal na buhay. Itinuro Niya, “Sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay” (Juan 10:28; tingnan din sa Juan 17:2).

Ilaw ng Sanlibutan

Itinuro din ni Jesus, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman” (Juan 8:12). Sinabi din Niya, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Siya ang daan at Siya ang ilaw dahil tinatanglawan ng Kanyang mga turo ang landas ng ating mortal na buhay at ipinapakita ang daan pabalik sa Ama.

Pagsunod sa Kalooban ng Ama

Iginalang at sinunod ni Jesus ang Ama sa tuwina. Kahit noong bata pa Siya ipinahayag Niya sa Kanyang mga magulang sa lupa, “Di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49). “Sapagka’t bumaba akong mula sa langit,” itinuro Niya kalaunan, “hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38; tingnan din sa Juan 5:19). At itinuro ng Tagapagligtas, “Sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6; tingnan din sa Mateo 11:27).

Babalik tayo sa Ama sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang kalooban. Itinuro ni Jesus, “Hindi bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21). Ipinaliwanag Niya:

“Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan? at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio? at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

“At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 22–23).

Kung gayo’y sino ang makakapasok sa kaharian ng langit? Hindi yaong basta gumagawa ng mga makapangyarihang gawain gamit ang pangalan ng Panginoon, pagtuturo ni Jesus, kundi yaon lamang “gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”

Ang Dakilang Huwaran

Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano ito gawin. Muli’t muli Niya tayong inanyayahang sumunod sa Kanya: “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27).

Kapangyarihan ng Priesthood

Binigyan Niya ng kapangyarihan ng priesthood ang Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mateo 10:1) at ang iba. Kay Pedro, ang nakatatandang Apostol, sinabi Niya, “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19; tingnan din sa Mateo 18:18).

Itinala ni Lucas na “ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila’y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa’t bayan at dako na kaniyang paroroonan” (Lucas 10:1). Kalaunan ay masayang sinabi ng Pitumpung ito kay Jesus, “Pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan” (Lucas 10:17). Saksi ako sa kapangyarihang iyan ng priesthood.

Patnubay ng Espiritu Santo

Sa pagtatapos ng Kanyang ministeryo sa lupa, itinuro ni Jesus sa Kanyang mga Apostol, “Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26), at “papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:13).

Patnubay sa Kanyang mga Utos

Pinapatnubayan din Niya tayo sa Kanyang mga utos. Sa gayon inutusan Niya ang mga Nephita na huwag na silang magtalo hinggil sa doktrina, dahil, sabi Niya:

“Siya na may diwa ng pagtatalo ay hindi sa akin, kundi sa diyablo, na siyang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa.

“Masdan, hindi ito ang aking doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa; kundi ito ang aking doktrina, na ang mga gayong bagay ay maiwaksi” (3 Nephi 11:29–30).

Magtuon sa Buhay na Walang Hanggan

Hinahamon din Niya tayong magtuon sa Kanya, hindi sa mga bagay na makamundo. Sa Kanyang sermon tungkol sa tinapay ng buhay, ipinaliwanag ni Jesus ang pagkakaiba ng mortal na kabusugan at ng walang hanggang kabusugan. “Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis,” wika Niya, “kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao” (Juan 6:27). Itinuro ng Tagapagligtas na Siya ang Tinapay ng Buhay, ang pinagmumulan ng walang hanggang kabusugan. Sa pagsasalita tungkol sa mortal na kabusugang iniaalok ng mundo, pati na ang manna na ipinadala ni Jehova sa mga anak ni Israel sa ilang, itinuro ni Jesus na yaong mga umasa sa tinapay na ito ay nangamatay na (tingnan sa Juan 6:49). Sa kabilang banda, ang kabusugang inialok Niya ay ang “tinapay na buhay na bumabang galing sa langit,” at, itinuro ni Jesus, “Sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man” (Juan 6:51).

Sinabi ng ilan sa Kanyang mga disipulo na “matigas ang pananalitang ito,” at mula noon marami sa Kanyang mga alagad ang “nagsitalikod, at hindi na nagsisama sa kaniya” (Juan 6:60, 66). Mukhang hindi nila tinanggap ang nauna Niyang turo na dapat ay “hanapin muna [nila] ang … kaharian [ng Diyos]” (Mateo 6:33). Kahit ngayon ang ilang nagsasabi na sila ay Kristiyano ay mas naaakit sa mga bagay ng mundo—na nagbibigay-buhay sa lupa ngunit walang kabusugan tungo sa buhay na walang hanggan. Para sa ilan, ang Kanyang “matigas na pananalita” ay dahilan pa rin upang hindi sundin si Cristo.

Ang Pagbabayad-sala

Ang katapusan ng mortal na ministeryo ng ating Tagapagligtas ay ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng mundo. Ipinropesiya ito ni Juan Bautista nang sabihin niyang, “Narito, ang Codero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan” (Juan 1:29). Kalaunan, itinuro ni Jesus na “ang Anak ng tao ay … naparito … upang maglingkod at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami” (Mateo 20:28). Sa Huling Hapunan, ipinaliwanag ni Jesus, ayon sa salaysay sa Mateo, na ang alak na binasbasan Niya ang “aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28).

Nang magpakita sa mga Nephita, pinalapit sila ng nagbangong Panginoon upang hipuin ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa. Ginawa Niya ito, paliwanag Niya, “upang inyong malaman na ako nga ang Diyos ng Israel, at ang Diyos ng buong sangkatauhan, at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan” (3 Nephi 11:14). At, pagpapatuloy ng salaysay, ang madla ay “nagsiluhod sa paanan ni Jesus, at sinamba siya” (talata 17). Dahil dito, sasambahin Siya ng buong mundo sa huli.

Itinuro pa ni Jesus ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang Aklat ni Mormon, na nagdedetalye ng mga turo ng Tagapagligtas at nagbibigay ng pinakamagandang paliwanag sa Kanyang misyon, ay iniulat ang turong ito:

“Isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus … , upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, …

“… upang sila ay mahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa.

“At … sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos; at kung siya ay magtitiis hanggang wakas, masdan, siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan. …

“At walang maruming bagay ang makapapasok sa kaharian [ng Ama]; anupa’t walang makapapasok sa kanyang kapahingahan maliban sa mga yaong nahugasan ang kanilang mga kasuotan ng aking dugo, dahil sa kanilang pananampalataya, at sa pagsisisi ng lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa kanilang katapatan hanggang sa wakas” (3 Nephi 27:14–16, 19).

Kaya nga nauunawaan natin na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong madaig ang espirituwal na kamatayang sanhi ng kasalanan at, sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan, mabiyayaan ng buhay na walang hanggan.

Hamon at Patotoo

Ibinigay ni Jesus ang hamon na “Ano ang akala ninyo tungkol kay Cristo?” (Mateo 22:42). Hinamon ni Apostol Pablo ang mga taga-Corinto na “siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya” (II Mga Taga Corinto 13:5). Dapat nating saguting lahat sa ating sarili ang mga hamong iyan. Nasaan ang ating lubos na katapatan? Katulad ba tayo ng mga Kristiyanong inilarawan ni Elder Maxwell na lumipat ng tirahan sa Sion ngunit may bahay pa rin sa Babilonia?1

Kailangan nating pumili. Tayo ay mga alagad ni Jesucristo. Tayo ay mga miyembro ng Kanyang Simbahan at sumusunod sa Kanyang ebanghelyo, at hindi natin dapat tularan ang kilos ng mga mamamayan ng Babilonia. Dapat nating purihin ang Kanyang pangalan, sundin ang Kanyang mga utos, at “huwag hangarin ang mga bagay ng mundong ito kundi … hanapin muna ang kaharian ng Diyos, at ang kaniyang katuwiran” (Mateo 6:33, footnote a; mula sa Joseph Smith Translation, Matthew 6:38).

Si Jesucristo ang Bugtong at Pinakamamahal na Anak ng Diyos. Siya ang Lumikha sa atin. Siya ang Ilaw ng Sanlibutan. Siya ang ating Tagapagligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Ito ang pinakamahalagang kaalaman sa lupa, at malalaman ninyo ito sa inyong sarili, tulad ng pagkaalam ko rito sa aking sarili. Ang Espiritu Santo, na sumasaksi sa Ama at sa Anak at umaakay sa atin sa katotohanan, ay inihayag sa akin ang mga katotohanang ito, at ihahayag Niya ito sa inyo. Ang paraan ay pagnanais at pagsunod. Tungkol sa pagnanais, itinuro ni Jesus, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Tungkol sa pagsunod, itinuro Niya, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili” (Juan 7:17). Pinatototohanan ko na totoo ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. Tingnan sa Neal A. Maxwell, A Wonderful Flood of Light (1990), 47.