2011
Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi
Nobyembre 2011


Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi

Sa pamamagitan lamang ng pagsisisi natin nakakamtan ang biyaya ng pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Elder D. Todd Christofferson

Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng salaysay tungkol sa isang taong nagngangalang Nehor. Madaling maunawaan kung bakit naisip ni Mormon, nang paikliin niya ang libu-libong taon nang mga talaan ng mga Nephita, na mahalagang isama ang tungkol sa lalaking ito at ang nagtagal na impluwensya ng doktrina nito. Hangad ni Mormon na balaan tayo, dahil alam niya na muling lilitaw ang pilosopiyang ito sa ating panahon.

Unang nabanggit si Nehor sa Aklat ni Mormon mga 90 taon bago isinilang si Cristo. Itinuro niya “na ang buong sangkatauhan ay maliligtas sa huling araw, … sapagkat nilikha ng Panginoon ang lahat ng tao, at kanya ring tinubos ang lahat ng tao; at sa katapusan, ang lahat ng tao ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (Alma 1:4).

Pagkaraan ng mga 15 taon, dumating si Korihor sa mga Nephita na nagtuturo at nagpapalaganap ng doktrina ni Nehor. Nakatala sa Aklat ni Mormon na “siya ay isang Anti-Cristo, sapagkat siya ay nagsimulang mangaral sa mga tao laban sa mga propesiya … hinggil sa pagparito ni Cristo” (Alma 30:6). Ipinangaral ni Korihor “na hindi maaaring magsagawa ng isang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao, kundi ang bawat tao ay namumuhay sa buhay na ito alinsunod sa pangangasiwa ng nilikha; anupa’t ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang likas na talino, at ang bawat tao ay nagagapi alinsunod sa kanyang lakas; at ang ano mang gawin ng tao ay hindi pagkakasala” (Alma 30:17). Ang mga bulaang propetang ito at kanilang mga alagad ay “hindi naniniwala sa pagsisisi ng kanilang mga kasalanan” (Alma 15:15).

Tulad noong mga panahon nina Nehor at Korihor, nabubuhay tayo sa panahong malapit na ang pagdating ni Jesucristo—ang panahon ng paghahanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito. At katulad noon, ang mensahe tungkol sa pagsisisi ay kadalasang hindi tinatanggap. Sinasabi ng ilan na kung talagang may Diyos, hindi Siya mag-uutos sa atin ng dapat gawin (tingnan sa Alma 18:5). May iba namang nagsasabi na patatawarin ng mapagmahal na Diyos ang lahat ng kasalanan basta’t ipagtapat lamang ito, o kung tunay mang may kaparusahan sa mga kasalanan, “hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 28:8). Ang iba, tulad ni Korihor, ay itinatangging mayroong Cristo at sinasabing walang kasalanan. Ang doktrina nila ay na ang mga pinahahalagahan, pamantayan, at maging ang katotohanan ay dependeng lahat sa tao. Kaya nga, anuman ang inaakala ng tao na tama para sa kanya ay hindi maaaring husgahan ng iba na mali o kasalanan.

Sa unang tingin ay tila kaakit-akit ang gayong mga pilosopiya dahil tinutulutan tayo nitong gawin ang anumang pita o nais natin anuman ang kahinatnan nito. Sa paggamit ng mga turo nina Nehor at Korihor, mapangangatwiranan natin ang anumang bagay. Kapag dumating ang mga propeta na nananawagang magsisi, “tinatapos nito ang mga pagsasaya.” Ngunit ang totoo ay dapat tanggapin nang may galak ang panawagang ito ng propeta. Kung walang pagsisisi, walang tunay na pagsulong o pag-unlad sa buhay. Ang magkunwaring walang kasalanan ay hindi nagpapagaan sa bigat at pasakit nito. Hindi binabago ng pagdurusa sa kasalanan ang anumang bagay. Tanging sa pagsisisi lamang mas bumubuti ang buhay. At, mangyari pa, sa pamamagitan lamang ng pagsisisi natin nakakamtan ang biyaya ng pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang kaligtasan. Ang pagsisisi ay isang banal na kaloob, at dapat ay may ngiti sa ating mukha kapag pinag-uusapan natin ito. Inaakay tayo nito patungo sa kalayaan, pagkakaroon ng tiwala, at kapayapaan. Sa halip na pigilin ang pagsasaya, tunay na kaligayahan ang dulot ng kaloob na pagsisisi.

Posible lamang ang pagsisisi dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Kanyang walang-hanggang sakripisyo ang “nagbibigay ng daan sa mga tao upang sila ay magkaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi” (Alma 34:15). Ang pagsisisi ay kinakailangan, at ang biyaya ni Cristo ang kapangyarihan kung saan “mabibigyang-kasiyahan ng awa ang hinihingi ng katarungan” (Alma 34:16). Ito ang aming patotoo:

“Aming nalalaman na ang pagbibigay ng katwiran [o pagpapatawad sa mga kasalanan] sa pamamagitan ng biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay makatarungan at totoo;

“At amin ding nalalaman, na ang pagpapabanal [o pagpapadalisay mula sa mga epekto ng kasalanan] sa pamamagitan ng biyaya ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo ay makatarungan at totoo, sa lahat ng yaong nagmamahal at naglilingkod sa Diyos nang buo nilang kakayahan, pag-iisip, at lakas” (D at T 20:30–31).

Ang pagsisisi ay isang malawak na paksa, ngunit ngayon ay gusto kong bumanggit lamang ng limang bahagi ng pangunahing alituntuning ito ng ebanghelyo na sana ay makatulong sa atin.

Una, ang paanyayang magsisi ay nagpapakita ng pagmamahal. Nang ang Tagapagligtas ay “nagpasimulang mangaral … at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17), ito ay mensahe ng pagmamahal, na inaanyayahan ang lahat ng gustong maging karapat-dapat na sumama sa Kanya “at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan [mismo] sa daigdig na darating” (Moises 6:59). Kung hindi natin aanyayahang magbago ang iba o tayo mismo ay hindi magsisisi, hindi natin nagagawa ang pangunahing obligasyon natin sa sarili at sa isa’t isa. Ang totoo, mas inaalala ng mapangunsinting magulang, ng kaibigang walang pakialam, ng takot na pinuno ng Simbahan ang kanilang sarili kaysa kapakanan at kaligayahan ng mga taong matutulungan nila. Oo, ang panawagang magsisi kung minsan ay itinuturing na hindi pagpaparaya o nakasasakit ng damdamin at maaari ngang ikagalit pa, ngunit sa patnubay ng Espiritu, ang totoo ay nagpapakita ito ng tunay na malasakit (tingnan sa D at T 121:43–44).

Ikalawa, ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagsisikap na magbago. Isang pagkutya sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ang asamin nating gawin Niya tayong mabubuting nilalang nang wala tayong kapagud-pagod. Bagkus, hinahangad natin ang Kanyang biyaya upang matugunan at magantimpalaan ang ating pagsusumigasig (tingnan sa 2 Nephi 25:23). Marahil tulad ng pagdarasal natin na kahabagan tayo, dapat tayong manalangin na magkaroon tayo ng oras at pagkakataong magpakabuti at magsikap at madaig ang kasalanan. Tiyak na pagpapalain ng Panginoon ang taong nais humarap sa paghuhukom nang karapat-dapat, na tunay na nagsusumikap sa araw-araw na gawing kalakasan ang kanyang kahinaan. Ang tunay na pagsisisi, ang tunay na pagbabago ay maaaring mangailangan ng paulit-ulit na pagsisikap, ngunit may isang bagay na nagpapadalisay at nagpapabanal sa gayong pagsisikap. Ang pagpapatawad at pagpapagaling ng Diyos ay kusang dumarating sa taong iyon, sapagkat tunay na ang “karangalan ay nagmamahal sa karangalan; liwanag ay kumukunyapit sa liwanag; [at] awa ay may habag sa awa at inaangkin ang kanya” (D at T 88:40).

Sa pamamagitan ng pagsisisi patuloy nating mapaghuhusay ang ating kakayahang ipamuhay ang selestiyal na batas, sapagkat nalalaman natin na “siya na hindi makasusunod sa batas ng isang kahariang selestiyal ay hindi makatitigil sa isang kaluwalhatiang selestiyal” (D at T 88:22).

Ikatlo, ang ibig sabihin ng pagsisisi ay hindi lamang pagtalikod sa kasalanan kundi determinasyong sumunod. Nakasaad sa Bible Dictionary, “Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbaling ng puso at kalooban sa Diyos, [at] pagtalikod [din] sa kasalanang nagawa dahil sa pagiging likas na tao natin.”1 Ang isa sa ilang halimbawa ng turong ito mula sa Aklat ni Mormon ay matatagpuan sa mga salita ni Alma sa isa sa mga anak niyang lalaki:

“Kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos, na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan;

“Na ikaw ay bumaling sa Panginoon nang buo mong pag-iisip, kakayahan at lakas” (Alma 39:12–13; tingnan din sa Mosias 7:33; 3 Nephi 20:26; Mormon 9:6).

Upang lubos tayong makabaling sa Panginoon, dapat itong kapalooban ng isang tipan na susundin natin Siya. Madalas nating banggitin ang tipang ito bilang tipan ng binyag yamang ipinapakita ito sa pamamagitan ng pagpapabinyag sa tubig (tingnan sa Mosias 18:10). Pinagtibay ng sariling binyag ng Tagapagligtas, na nagpakita ng halimbawa, ang Kanyang tipan na susundin Niya ang Ama. “Ngunit sa kabila ng kanyang pagiging banal, ipinakikita niya sa mga anak ng tao na, ayon sa laman siya sa kanyang sarili ay nagpapakumbaba sa harapan ng Ama, at pinatototohanan sa Ama na siya ay magiging masunurin sa kanya sa pagsunod ng kanyang mga kautusan” (2 Nephi 31:7). Kung wala ang tipang ito, hindi malulubos ang pagsisisi at hindi mapapatawad ang mga kasalanan.2 Sa di-malilimutang pahayag ni Propesor Noel Reynolds, “Ang pasiyang magsisi ay pasiyang alisin ang mga hadlang sa lahat ng direksyon upang matahak [nang may determinasyon] magpakailanman ang tanging nag-iisang daan, ang nag-iisang landas patungo sa buhay na walang hanggan.”3

Ikaapat, kinakailangan sa pagsisisi ang tapat na layunin at kahandaang patuloy na magsikap na madaig ang kasalanan, kahit mahirap. Ang pagtatala ng mga hakbang sa pagsisisi ay maaaring makatulong sa iba, ngunit maaari ding humantong sa pagsisising walang tunay na hangarin o pagbabago. Ang tunay na pagsisisi ay hindi paimbabaw. Dalawang mahalagang bagay ang hinihingi ng Panginoon: “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:43).

Ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan ay malalalim na konsepto. Higit pa ito sa simpleng pagsasabi ng “Inaamin ko; Patawad.” Ang pagtatapat ay isang taos-puso, kung minsan ay mahirap na pag-amin ng kamalian at pagkakasala sa Diyos at sa tao. Ang kalungkutan at pighati at mga luha ng kapaitan ay madalas madama sa nagtatapat, lalo na kung ang ginawa niya ay nakasakit sa iba o, ang mas malala pa, nagtulak ito sa iba na magkasala. Ang matinding pagdurusang ito, ang pagtingin sa mga bagay kung ano talaga ang mga ito, ang siyang nagtutulak sa isang tao, tulad ni Alma, na magsumamo, ‘O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan” (Alma 36:18).

Dahil sa pananampalataya sa mahabaging Manunubos, at sa Kanyang kapangyarihan, ang kawalang-pag-asa ay nauuwi sa pag-asam. Nagbabago ang puso at hangarin ng tao, at ang kasalanang minsang naging kaakit-akit ay naging kasuklam-suklam. Ang determinasyong iwaksi at talikdan ang kasalanan at iwasto ang nagawang pinsala, nang lubos sa abot ng makakaya, ay naroon na sa pusong iyon na nagbago na. Ang determinasyong ito kalaunan ay humahantong sa tipan na sundin ang Diyos. Matapos magawa ang tipang iyan, ang Espiritu Santo, na sugo ng banal na biyaya, ay magdadala ng kapanatagan at kapatawaran. At mahihikayat ang isang tao na ipahayag na muli ang sinabi ni Alma, “At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (Alma 36:20).

Ang anumang pasakit na nagtulak sa atin na magsisi ay di-mapapantayan ang pagdurusang kailangan upang matugunan ang hinihingi ng katarungan para sa mga kasalanang hindi pa napagsisihan. Bahagyang nangusap ang Tagapagligtas tungkol sa dinanas Niya upang matugunan ang hinihingi ng katarungan at mabayaran ang ating mga kasalanan, gayunman ito ang Kanyang ipinahayag:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro” (D at T 19:16–18).

Ikalima, gaano man kahirap magsisi, napapawi ito ng kagalakan na ikaw ay napatawad. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na pinamagatang “The Brilliant Morning of Forgiveness,” ibinigay ni Pangulong Boyd K. Packer ang analohiyang ito:

“Noong Abril ng 1847, pinamunuan ni Brigham Young ang unang grupo ng mga pioneer palabas ng Winter Quarters. Kasabay nito, sa 1,600 milya [2,575 km] sa kanluran ay naglalakbay ang mga kaawa-awang nakaligtas na kabilang sa Donner Party sa dalisdis ng Sierra Nevada Mountains patungo sa Sacramento Valley.

“Nagdanas sila ng matinding taglamig at hindi makaalis sa makapal na niyebe sa ibaba ng bundok. Hindi kapani-paniwalang may nakaligtas sa gutom at matinding hirap sa loob ng maraming araw at linggo at buwan.

“Isa sa mga nakaligtas ay ang labinlimang-taong-gulang na si John Breen. Noong gabi ng Abril 24, nakarating siya sa Johnson’s Ranch. Makalipas ang mga taon isinulat ni John:

“‘Gabi na nang makarating kami sa Johnson’s Ranch, kaya umaga na nang makita ko ito sa kauna-unahang pagkakataon. Maganda ang panahon, natatakpan ng mga luntiang damo ang lupa, umaawit ang mga ibon mula sa mga puno, at tapos na ang paglalakbay. Halos hindi ko mapaniwalaang buhay ako.

“‘Ang tanawing nakita ko nang umagang iyon ay tila naukit sa aking isipan. Karamihan sa mga nangyayari ay naglalaho sa alaala, ngunit palagi kong naaalala ang lugar malapit sa Johnson’s Ranch.’”

Sinabi ni Pangulong Packer: “Sa una ay nagtaka ako sa sinabi niya na ‘karamihan sa mga nangyayari ay naglalaho sa alaala.’ Paanong naglaho sa kanyang isipan ang maraming buwan ng matinding pagdurusa at kalungkutan? Paano napalitan ng isang maningning na umaga ang matinding taglamig na iyon?

“Matapos kong pag-isipan pa ito, nagpasiya akong hindi nga ito nakapagtataka. Gayon din ang nakita kong nangyari sa mga taong kilala ko. Nakita kong namulat ang isang taong nagdusa sa kasalanan at espirituwal na pagkagutom nang mahabang panahon tungo sa liwanag ng kapatawaran. Pagsapit ang umaga, ito ang natutuhan nila:

“‘Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito’ [D at T 58:42].”4

Kinikilala ko nang may pasasalamat at pinatototohanan na ang hindi maarok na pagdurusa, kamatayan at Pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon ay “isasakatuparan ang hinihingi ng pagsisisi” (Helaman 14:18). Ang banal na kaloob na pagsisisi ay susi sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang buhay. Sa mga salita ng Tagapagligtas at may lubos na pagpapakumbaba at pagmamahal, inaanyayahan ko ang lahat na “mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17). Alam ko na sa pagtanggap sa paanyayang ito, makakamtan ninyo ang kagalakan ngayon at magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Bible Dictionary, “Repentance.”

  2. Paulit-ulit na binanggit sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa “mabibinyagan tungo sa pagsisisi” (tingnan sa Mosias 26:22; Alma 5:62; 6:2; 7:14; 8:10; 9:27; 48:19; 49:30; Helaman 3:24; 5:17, 19; 3 Nephi 1:23; 7:24–26; Moroni 8:11). Ginamit din ni Juan Bautista ang mga salitang ito (tingnan sa Mateo 3:11), at binanggit ni Pablo ang “bautismo ng pagsisisi” (Ang Mga Gawa 19:4). Ang mga kataga ay nasa Doktina at mga Tipan din (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35:5; 107:20). Ang “bautismo ng pagsisisi o pagbibinyag tungo sa pagsisisi” ay tumutukoy lamang sa katotohanan na ang binyag lakip ang tipan nito na maging masunurin ang huling hakbang sa pagsisisi. Kapag lubos na nagsisi, lakip ang pagpapabinyag, ang tao ay karapat-dapat sa pagpapatong ng mga kamay para sa kalob na Espiritu Santo, at sa pamamagitan ng Espiritu Santo natatanggap ng tao ang binyag sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa Juan 3:5) at kapatawaran ng mga kasalanan: “Sapagkat ang pasukang inyong dapat pasukin ay pagsisisi at binyag sa pamamagitan ng tubig; at pagkatapos darating ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa pamamagitan ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:17).

  3. Noel B. Reynolds, “The True Points of My Doctrine,” Journal of Book of Mormon Studies, tomo 5, blg. 2 (1996): 35; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. Boyd K. Packer, sa Conference Report, Okt. 1995, 21; tingnan din sa “The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 18.