2011
Mahalaga Kayo sa Kanya
Nobyembre 2011


Mahalaga Kayo sa Kanya

Lubhang kakaiba ang gamit na panukat ng Panginoon sa mundo upang timbangin ang kahalagahan ng isang kaluluwa.

President Dieter F. Uchtdorf

Si Moises, isa sa mga pinakadakilang propeta na kilala sa mundo, ay pinalaki ng anak na babae ni Faraon at ginugol ang unang 40 taon ng kanyang buhay sa maharlikang palasyo ng Egipto. Alam niya ang kabantugan at karingalan ng sinaunang kahariang iyon.

Makalipas ang mga taon, sa tuktok ng isang malayong bundok, malayo sa karingalan at kariktan ng makapangyarihang Egipto, si Moises ay tumayo sa harapan ng Diyos at nakipag-usap sa Kanya nang harapan tulad ng isang taong nakikipag-usap sa kanyang kaibigan.1 Sa pag-uusap na iyon, ipinakita ng Diyos kay Moises ang gawa ng Kanyang mga kamay, tinulutan siyang masulyapan ang Kanyang gawain at kaluwalhatian. Nang matapos ang pangitain, nalugmok si Moises sa lupa sa loob ng maraming oras. Nang manumbalik ang kanyang lakas, natanto niya na may isang bagay, sa buong panahon niya sa palasyo ni Faraon, na hindi niya naisip noon.

“Aking nalaman,” sabi niya, “na ang tao ay walang kabuluhan.”2

Mas Mababa ang Ating Kabuluhan Kaysa Inaakala Natin

Kapag mas marami tayong natututuhan tungkol sa sansinukob, mas nauunawaan natin—kahit bahagya lamang—ang nalaman ni Moises. Ang sansinukob ay napakalawak, napakahiwaga, at napakaringal kaya hindi ito maarok ng isipan ng tao. “Mga daigdig na di mabilang ang aking nilalang,” ang sabi ng Diyos kay Moises.3 Ang mga kamang-manghang bagay na makikita sa kalangitan sa gabi ay isang magandang patotoo sa katotohanang iyan.

May ilang mga bagay na lubos na nakamamangha sa akin habang nasa himpapawid ako sa kadiliman ng gabi patawid sa mga karagatan at kontinente at pagtingin sa labas ng bintana sa walang hanggang kariktan ng milyun-milyong bituin.

Sinikap ng mga astronomer na bilangin ang mga bituin sa sansinukob. Kinalkula ng isang grupo ng mga siyentipiko na ang bilang ng mga bituin na abot-tanaw ng ating mga teleskopyo ay 10 beses ang dami kaysa lahat ng butil ng buhangin sa mga dalampasigan at disyerto sa buong mundo.4

Ang konklusyong ito ay kapansin-pansing may pagkakatulad sa pahayag ng sinaunang propetang si Enoc: “Kung mabibilang ng tao ang maliliit na bahagi ng mundo, oo, milyun-milyong mundo na tulad nito, ito ay hindi magiging simula sa bilang ng inyong mga nilikha.”5

Kapag inisip natin ang laki at lawak ng mga nilikha ng Diyos, madaling maunawaan kung bakit pinayuhan ng dakilang si Haring Benjamin ang kanyang mga tao na “laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos, at ang inyong sariling kawalang-kabuluhan.”6

Tayo ay Higit na Mahalaga Kaysa Inaakala Natin

Bagaman ang tao ay walang-kabuluhan, nanggilalas ako at namangha nang maisip ko na “ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”7

At habang minamasdan natin ang lawak ng sansinukob at sinasabing, “Ano ang halaga ng tao kung ihahambing sa kaluwalhatian ng paglikha?” Sinabi mismo ng Diyos na tayo ang dahilan kaya Niya nilikha ang sansinukob! Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian—ang layunin para sa napakagandang sansinukob na ito—ay iligtas at dakilain ang sangkatauhan.8 Sa madaling salita, ang lawak ng kawalang-hanggan, ang mga kaluwalhatian at hiwaga ng walang-katapusang kalawakan at panahon ay nilikha para sa kapakinabangan ng mga pangkaraniwang taong tulad natin. Nilikha ng Ama sa Langit ang sansinukob upang maabot natin ang ating potensiyal bilang Kanyang mga anak na lalaki at babae.

Ito ang kabalintunaan ng tao; kung ihahambing sa Diyos, ang tao ay walang-kabuluhan; subalit tayo ang pinakamahalaga sa Diyos. Kapag inihambing sa walang-hanggang paglikha tayo ay tila walang-kabuluhan, ngunit may munting apoy na walang-hanggan na nag-aalab sa ating kalooban. Tayo ay pinangakuan ng kadakilaan na di-kayang maunawaan—mga daigdig na walang hanggan—na abot-kamay natin. At matinding hangarin ng Diyos na tulungan tayo na makamtan ito.

Ang Kahangalan ng Kapalaluan

Alam ng tusong manlilinlang na isa sa mga epektibo niyang paraan para mailigaw ang mga anak ng Diyos ay gamitin ang kahinaan ng tao. Sa ilan, ginagamit niya ang palalo nilang pag-uugali, uudyukan silang magmataas at maniwala na sila lang ang mahalaga at mahusay. Sinasabi niya sa kanila na hindi sila pangkaraniwang tao at nang dahil sa kanilang kakayahan, maharlikang pinagmulan, o katayuan sa lipunan, sila ay mas mahusay sa mga taong nakapaligid sa kanila. Pinaniniwala niya sila na hindi sila sakop ng mga patakaran ng sino mang tao at hindi dapat gambalain ng mga problema ng iba.

Sinasabing gusto ni Abraham Lincoln ang tulang ito:

O bakit kailangang tao’y magmataas?

Gaya ng pabulusok na bulalakaw, ng madaling mapawing alapaap,

Gaya ng malaking alon, ng mabilis na kidlat,

Tao ay pumapanaw at sa himlayang libingan di na nagmumulat.9

Nauunawaan ng mga disipulo ni Jesucristo na kung ihahambing sa kawalang-hanggan, ang ating mortal na buhay ay “maikling sandali” lamang sa kawalang-hanggan.10 Alam nila na ang tunay na kabuluhan ng tao ay di-gaanong pinahahalagahan ng daigdig. Alam nila na maaari ninyong makamit ang yaman sa buong mundo ngunit hindi nito mababayaran ang mga pagpapalang ibibigay ng Diyos.

Ang mga “magmamana ng kaharian ng Diyos”11 ay ang mga naging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig.”12 “Ang bawa’t nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.”13 Nauunawaan ng mga disipulo “na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.”14

Hindi Tayo Kinalilimutan

Isa pang paraan ng panlilinlang ni Satanas ang pagpapahina ng ating kalooban. Inuudyukan niya tayong magtuon ng pansin sa ating kawalang-kabuluhan hanggang sa mag-alinlangan na tayo sa ating kahalagahan. Sinasabi niya sa atin na napakaliit natin para mapansin ng iba, na tayo ay nakalimutan na—lalo ng Diyos.

Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang isang personal na karanasan na maaaring makatulong sa iba na nakadaramang sila ay walang-kabuluhan, nalimutan, o nag-iisa.

Maraming taon na ang nakalilipas damalo ako sa pagsasanay ng mga piloto sa United States Air Force. Malayo ako sa tahanan namin, ako ay isang bata pang sundalong taga West Germany, isinilang sa Czechoslovakia, na lumaki sa East Germany at hirap na hirap magsalita ng Ingles. Malinaw ko pang naaalala ang paglalakbay ko papunta sa aming training base sa Texas. Sakay ako ng eroplano, nakaupong katabi ng isang pasahero na matatas magsalita ng wika ng mga taga Timog. Halos wala akong maintindihan sa sinasabi niya. Naisip ko pa nga na baka mali ang naiturong wika sa akin. Nangamba ako nang maisip kong kailangan kong makipagtagisan para sa pinakaaasam na mataas na posisyon sa training ng mga piloto sa mga estudyanteng Ingles ang katutubong wika.

Nang dumating ako sa air base sa maliit na bayan ng Big Spring, Texas, hinanap at natagpuan ko ang branch ng mga Banal sa mga Huling Araw, na kinabibilangan ng ilang mababait na miyembro na nagpupulong sa paupahang mga silid doon mismo sa air base. Ang mga miyembro ay kasalukuyan pang nagtatayo ng isang maliit na meetinghouse na magiging permanenteng lugar para sa Simbahan. Noong panahong iyon ang mga miyembro ang halos gumagawa sa mga bagong gusali.

Araw-araw akong dumalo sa training ng mga piloto at nag-aral na mabuti sa abot ng makakaya ko at madalas na ginugol ang libre kong oras sa pagtatrabaho sa bagong meetinghouse. Doon ay nalaman ko na ang two-by-four ay hindi sayaw kundi sukat ng isang pirasong kahoy. Nalaman ko rin kung paano mag-ingat upang hindi matamaan ang aking hinlalaki kapag nagpupukpok ng pako.

Marami akong ginugol na oras sa pagtatrabaho sa meetinghouse kung kaya’t ang branch president—na nagkataong isa sa aming mga flight instructor—ay nag-alala sa akin at sinabing dapat sigurong mas bigyan ko ng oras ang pag-aaral.

Ang mga kaibigan ko at kapwa estudyanteng piloto ay may aktibidad din sa kanilang libreng oras, bagaman masasabi kong ang ilan sa mga aktibidad na iyon ay hindi ayon sa polyeto ngayon na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa ganang akin, masaya akong aktibong makibahagi sa maliit na west Texas branch na ito, ginagamit ang natutuhan kong bagong kasanayan sa pagkakarpintero, at pinaghuhusay ang pagsasalita ng Ingles habang ginagampanan ko ang aking tungkuling magturo sa elders quorum at Sunday School.

Noon, ang Big Spring, sa kabila ng pangalan nito, ay isang maliit, walang gaanong halaga, at di-kilalang lugar. At kadalasan gayon din ang nadarama ko—walang-kahalagahan, di-kilala, at parang nag-iisa. Kahit ganito, ni minsan ay hindi ko inisip na nalimutan ako ng Panginoon o kung matatagpuan ba Niya ako roon. Alam ko na hindi mahalaga sa Ama sa Langit kung saan ako naroon, kung ano ang antas ko sa aming pilot training class, o kung ano ang katungkulan ko sa Simbahan. Ang mahalaga sa Kanya ay ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko, na mahal ko Siya, at handa kong tulungan ang mga tao sa aking paligid. Alam ko na kung gagawin ko ang lahat ng aking makakaya, magiging maayos ang lahat.

At naging maayos nga ang lahat.15

Ang Huli ay Mauuna

Hindi mahalaga sa Panginoon kung nagtatrabaho tayo sa mga gusaling yari sa marmol o yari sa kahoy. Alam Niya kung saan tayo naroroon, gaano man kaaba ang ating kalagayan. Gagamitin Niya—sa Kanyang sariling pamamaraan at para sa Kanyang banal na mga layunin—ang mga taong nagmamahal sa Kanya.

Alam ng Diyos na ang ilan sa pinakamabubuting tao na nabuhay sa mundong ito ay yaong hindi makikita sa mga talaan ng kasaysayan. Sila ang mapapalad, mapagpakumbabang mga tao na sumusunod sa halimbawa ng Tagapagligtas at ginugugol ang mga araw ng kanilang buhay sa paggawa ng mabuti.16

Isang mag-asawa, mga magulang ng kaibigan ko, ang naging mabuting halimbawa ng alituntuning ito para sa akin. Ang ama ay nagtatrabaho sa pagawaan ng bakal sa Utah. Tuwing tanghalian kukunin niya ang kanyang mga banal na kasulatan o isang magasin ng Simbahan at babasahin ito. Nang makita ito ng iba pang mga trabahador, kinutya siya ng mga ito at binatikos ang kanyang pinaniniwalaan. Sa tuwing ginagawa nila ito, kinakausap niya sila nang may kabaitan at katatagan. Hindi siya nagalit o nabalisa dahil sa kawalan nila ng galang.

Makalipas ang mga taon isa sa mga mapanglait ang nagkasakit nang malubha. Bago siya mamatay hiniling niya na magsalita sa kanyang burol ang mapagpakumbabang lalaking ito—na ginawa naman niya.

Ang tapat na miyembrong ito ng Simbahan ay hindi kilala sa lipunan o mayaman, ngunit lubos niyang naimpluwensyahan ang lahat ng nakakakilala sa kanya. Namatay siya sa aksidente nang huminto siya para tulungan ang isang katrabaho na hindi makaalis sa niyebe.

Sa taon ding iyon ang kanyang asawa ay kinailangang operahan sa utak, at dahil dito ay hindi na makalakad. Gayunman gusto ng mga taong magpunta sa kanya dahil nakikinig siya sa kanila. Maalalahanin siya. Mapagmalasakit. Dahil hindi makasulat, isinaulo niya ang mga numero sa telepono ng kanyang mga anak at apo. Buong pagmamahal niyang naaalala ang mga petsa ng kaarawan at anibersaryo.

Ang mga bumibisita sa kanya ay umuuwing mas maganda ang pananaw sa buhay at kanilang sarili. Dama nila ang kanyang pagmamahal. Alam nilang nagmamalasakit siya. Hindi siya kailanman nagreklamo kundi ginugol ang kanyang panahon sa pagtulong sa iba. Sinabi ng isa niyang kaibigan na ang babaeng ito ay isa sa iilang taong kilala niya na tunay na halimbawa ng pag-ibig at buhay ni Jesucristo.

Ang mag-asawang ito ang maaari sanang unang magsabi na hindi sila gaanong mahalaga sa mundong ito. Ngunit lubhang kakaiba ang gamit na panukat ng Panginoon sa mundo sa pagtimbang sa kahalagahan ng isang kaluluwa. Kilala Niya ang tapat na mag-asawang ito; mahal Niya ang mga ito. Ang kanilang mga ginawa ay buhay na patotoo ng kanilang malakas na pananampalataya sa Kanya.

Mahalaga Kayo sa Kanya

Mga kapatid, maaaring totoo na walang-kabuluhan ang tao kumpara sa laki at lawak ng sansinukob. May panahong maaaring madama natin na hindi tayo mahalaga, di-pinapansin, nag-iisa, o nalimutan. Ngunit laging alalahanin—mahalaga kayo sa Kanya! Kung mag-aalinlangan kayo diyan, isaisip ang apat na banal na alituntuning ito:

Una, mahal ng Diyos ang mapagpakumbaba at maamo, sapagkat sila ang “pinakadakila sa kaharian ng Langit.”17

Pangalawa, ipinagkatiwala ng Panginoon “ang kabuuan ng [Kanyang] ebanghelyo [upang] maihayag ng mahihina at ng pangkaraniwang mga tao sa mga dulo ng daigdig.”18 Pinili Niya “ang mahihinang bagay ng sanlibutan [upang] magsilabas at buwagin ang mga makapangyarihan at ang malalakas”19 at ilagay sa kahihiyan “ang mga bagay na malalakas.”20

Pangatlo, saanman kayo manirahan, gaano man kaaba ang inyong kalagayan, hamak man ang inyong trabaho, limitado man ang inyong mga kakayahan, simple man ang kaanyuan ninyo, o di-mataas ang katungkulan sa Simbahan, hindi kayo nalilimutan ng inyong Ama sa Langit. Mahal Niya kayo. Alam Niya na mapagpakumbaba ang inyong puso at nagmamalasakit at nagpapakita kayo ng kabaitan. Taglay ang mga ito, bumubuo ito ng walang hanggang patotoo ng inyong tapat na pagsunod at pananampalataya.

Ang pang-apat at huli, mangyaring unawain na ang nakikita ninyo at nararanasan ngayon ay hindi ang naroroon sa kawalang-hanggan. Hindi na kayo mag-iisa, malulungkot, masasaktan, o panghihinaan ng loob magpakailanman. Tapat na ipinangako sa atin ng Diyos na hindi Niya kalilimutan ni tatalikdan ang mga nagmamahal sa Kanya.21 Umasa at manalig sa pangakong iyan. Matutuhang mahalin ang inyong Ama sa Langit at maging disipulo Niya sa salita at gawa.

Makatitiyak kayo na kung magtitiis lamang kayo, mananalig sa Kanya, at mananatiling tapat sa pagsunod sa mga utos, mararanasan ninyo balang-araw ang mga pangakong ipinahayag kay Apostol Pablo: “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”22

Mga kapatid, ang pinakamakapangyarihang Katauhan sa sansinukob ay ang Ama ng inyong espiritu. Kilala Niya kayo. Ganap ang pagmamahal Niya sa inyo.

Hindi lamang kayo itinuturing ng Diyos bilang isang mortal na tao sa isang maliit na planeta na mabubuhay sa maikling panahon—itinuturing Niya kayo na Kanyang anak. Itinuturing Niya kayo na isang nilalang na may kakayahan at nilayong maging gayon. Gusto Niyang malaman ninyo na kayo ay mahalaga sa Kanya.

Nawa ay manalig tayo, magtiwala, at pagbutihin ang ating buhay nang sa gayon ay maunawaan natin ang ating tunay na walang hanggang kahalagahan at potensiyal. Nawa’y maging karapat-dapat tayo sa natatanging pagpapala ng ating Ama sa Langit na inilaan para sa atin ang aking dalangin sa pangalan ng Kanyang Anak, maging si Jesucristo, amen.