Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Nawa’y sumaatin at manatili sa atin ang diwang nadama natin dito habang abala tayo sa mga bagay na ginagawa natin sa bawat araw.
Mga kapatid, alam kong sasang-ayon kayo sa akin na lubhang nagbigay-inspirasyon ang kumperensyang ito. Nadama natin nang sagana ang Espiritu ng Panginoon nitong nakaraang dalawang araw nang maantig ang ating mga puso at napalakas ng banal na gawaing ito ang ating patotoo. Nagpapasalamat kami sa lahat ng lumahok, pati na sa mga Kapatid na nag-alay ng mga panalangin.
Narito tayong lahat dahil mahal natin ang Panginoon at gusto natin Siyang paglingkuran. Pinatototohanan ko sa inyo na inaalala tayo ng ating Ama sa Langit. Kinikilala ko ang Kanyang tulong sa lahat ng bagay.
Muli ay napakaganda ng musika, at ako mismo ay nagpapasalamat at ang buong Simbahan sa mga handang magbahagi sa atin ng kanilang mga talento.
Pinasasalamatan namin ang mga Kapatid na na-release sa kumperensyang ito. Nakapaglingkod sila nang tapat at mahusay at marami silang naitulong sa gawain ng Panginoon.
Labis kong pinahahalagahan ang aking matatapat at dedikadong tagapayo at hayagan ko silang pinasasalamatan sa suporta at tulong nila sa akin. Sila ay tunay na marurunong at maunawain, at napakahalaga ng kanilang paglilingkod.
Salamat sa aking mga kapatid sa Korum ng Labindalawa sa walang-pagod nilang paglilingkod sa gawain ng Panginoon. Pinasasalamatan ko rin ang mga miyembro ng mga Korum ng Pitumpu at ang Presiding Bishopric sa kanilang di-makasarili at epektibong paglilingkod. Gayundin ang mga babae at lalaking naglilingkod bilang mga general auxiliary officer.
Mga kapatid, tinitiyak ko sa inyo na alam ng ating Ama sa Langit ang mga hamong kinakaharap natin sa mundo ngayon. Mahal Niya tayo at pagpapalain tayo kapag sinisikap nating sundin ang Kanyang mga utos at nananalangin tayo sa Kanya.
Mapalad tayo na napasaatin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ibinibigay nito ang mga sagot sa mga tanong kung saan tayo nagmula, bakit tayo narito, at saan tayo pupunta pagkamatay natin. Nagbibigay ito ng kahulugan at layunin at pag-asa sa ating buhay.
Salamat sa inyong kahandaang maglingkod sa isa’t isa. Tayo ang mga kasangkapan ng Diyos dito sa lupa, na inutusang mahalin at paglingkuran ang Kanyang mga anak.
Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo sa inyong mga ward at branch. Salamat sa inyong kahandaang maglingkod sa mga posisyon kung saan kayo tinawag, anuman ito. Bawat isa ay mahalaga sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon.
Tapos na ang kumperensya. Sa ating pag-uwi, nawa’y makarating tayo nang ligtas. Nawa’y naging maayos ang lahat habang wala tayo. Nawa’y sumaatin at manatili sa atin ang diwang nadama natin dito habang abala tayo sa mga bagay na ginagawa natin sa bawat araw. Nawa’y maging mas mabait tayo sa isa’t isa. Nawa’y lagi nating gawin ang gawain ng Panginoon.
Nawa’y mapasainyo ang mga pagpapala ng langit. Nawa’y mapuspos ng pagkakasundo at pagmamahal ang inyong tahanan. Nawa’y lagi ninyong pangalagaan ang inyong patotoo, nang maging proteksyon ito sa inyo laban sa kaaway.
Bilang inyong abang lingkod, buong puso kong hinahangad na gawin ang kalooban ng Diyos at paglingkuran Siya at kayo.
Mahal ko kayo; ipinagdarasal ko kayo. Muli kong hihilingin na alalahanin ninyo ako at ang lahat ng General Authority sa inyong mga panalangin. Kaisa ninyo kami sa pagsusulong ng kagila-gilalas na gawaing ito. Pinatototohanan ko na tayong lahat ay nasa gawaing ito at bawat lalaki, babae, at bata ay may tungkulin dito. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng lakas at kakayahan at determinasyong gampanan nang mahusay ang ating tungkulin.
Pinatototohanan ko sa inyo na ang gawaing ito ay totoo, na ang ating Tagapagligtas ay buhay, at ginagabayan at pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan dito sa lupa. Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay at mahal Niya tayo. Tunay na Siya ang ating Ama, at Siya ay tunay at personal na nakikitungo sa atin. Nawa’y matanto at maunawaan natin kung gaano Niya kagustong mapalapit sa atin, gaano Niya kagustong tulungan tayo, gaano Niya tayo kamahal, at gaano Siya kahandang tumulong sa atin.”
Nawa’y pagpalain Niya kayo. Nawa’y mapasainyo ang pangako Niyang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Paalam sa inyo hanggang sa muli nating pagkikita pagkaraan ng anim na buwan, at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos, amen.