“Ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa Tao na Siya ay Kumilos para sa Kanyang Sarili”
Isipin kunwari na wala kang anumang pagpili na gagawin. Ang kalayaang pumili, o ang kakayahang pumili, ay isa sa mga pinakadakilang kaloob ng Diyos sa atin. Naranasan na ng anak ni Lehi na si Jacob ang maraming pagsubok sa murang edad, kaya itinuro sa kanya ni Lehi ang mahahalagang katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at kalayaang pumili. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginagampanan ng kalayaang pumili sa plano ng Ama sa Langit.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mahahalagang pagpili
Sa susunod na dalawang minuto, isulat ang ilan sa mahahalagang pagpiling ginawa mo sa nakaraang ilang araw.
Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pagpili sa ating mortal na buhay at sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit?
Isipin ang natutuhan mo mula sa mga pagpiling ipinagmamalaki mo, gayundin sa mga pinagsisisihan mo. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang malaman kung ano ang maaaring makatulong sa iyo para mas maunawaan at magamit ang kakayahan mong pumili. Kung may mga tanong ka tungkol sa kalayaang pumili, ipagdasal din at hanapin ang mga sagot habang nag-aaral ka.
Mahahalagang aspeto ng kalayaang pumili
Ang anak ni Lehi na si Jacob ay isinilang sa ilang matapos lisanin ng kanilang pamilya ang Jerusalem. Bago pumanaw si Lehi, itinuro niya kay Jacob ang mahahalagang katotohanan tungkol sa kalayaang pumili.
Basahin ang 2 Nephi 2:1–4 upang malaman kung paano sinimulan ni Lehi ang kanyang mensahe kay Jacob. Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng salitang “ilaan” ay italaga o gawing banal (tingnan sa “Paglalaan, Batas ng Paglalaan” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan [scriptures.ChurchofJesusChrist.org]).
Bakit maaaring makabuluhan para sa isang taong nakaranas ng maraming pagsubok na maunawaan ang kahalagahan ng kakayahang pumili?
Anong mga katotohanan mula sa mga talatang ito ang pinakamahalaga sa iyo? Bakit?
Itinuro ni Lehi kay Jacob ang maraming mahahalagang aspeto ng kalayaang pumili. Basahin ang mga sumusunod na opsiyon. Pumili ng dalawa na sa palagay mo ay magiging makabuluhan na pag-aralan mo, at pagkatapos ay pag-aralan ang sumusunod na impormasyon.
Ang pangangailangan natin sa Tagapagligtas
Walang sinuman maliban sa Tagapagligtas ang perpektong nakagamit ng kalayaang pumili sa mortalidad. Lahat tayo ay nagkakasala, at kung walang tulong tayong lahat ay “[mala]layo … at magiging kaaba-aba magpakailanman” (2 Nephi 2:5).
Habang iniisip ito, basahin ang 2 Nephi 2:6–8 upang makita kung ano ang ginawa ni Jesucristo para sa ating lahat.
Kung gusto mong mas maunawaan ang itinuturo sa 2 Nephi 2:6–8, tingnan ang impormasyong makikita sa bahaging “Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa??” para sa mga talatang ito.
Paano pinili ng Tagapagligtas na tulungan ka?
Paano nakakaimpluwensya sa nadarama mo kay Jesucristo ang pag-unawa dito tungkol sa Kanya?
Ano ang natutuhan mo sa halimbawa ng Tagapagligtas tungkol sa pagpili?
Mag-isip ng isang pagkakataon kung saan, sa tulong ni Jesucristo, pinagsisihan mo ang isang kasalanan. Paano nakaapekto sa iyo ang pagsisisi?