“Moroni 10:26–34: ‘Lumapit kay Cristo,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Moroni 10:26–34,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Moroni 10:26–34
“Lumapit kay Cristo”
Ipinadala tayo sa mundo para matuto at umunlad upang magtamo tayo ng buhay na walang hanggan. Upang matulungan tayo, isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Tumawag din Siya ng mga propeta upang magturo at magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Sa mga huling talata ng Aklat ni Mormon, inanyayahan ni Moroni ang lahat na sundin ang Tagapagligtas. Matutulungan ka ng lesson na ito na “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Mga layunin ng Aklat ni Mormon
Naiisip mo ba kung bakit ibinigay sa atin ng Diyos ang Aklat ni Mormon?
Ngayong araw, pag-aaralan mo ang mga huling talata ng Aklat ni Mormon. Sa iyong pag-aaral, isipin ang mga layunin at pagpapala ng Aklat ni Mormon.
Sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, ipinahayag ni Moroni na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang hikayatin tayo na “si Jesus ang Cristo.” Ang salitang “Cristo” ay “sa wikang Griyego ay katumbas ng salitang Mesiyas. Ang ibig sabihin nito ay pinahiran ng langis na Propeta, Saserdote, Hari, at Tagapagligtas” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
-
Paano napalakas ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang iyong paniniwala kay Jesucristo?
-
Paano nakatulong sa iyo ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon na sundin si Jesucristo?
-
Kumusta na ang pagsisikap mong sumunod sa Kanya?
Mga huling paanyaya ni Moroni
Matapos ituro ang tungkol sa mga kaloob ng espiritu at magbabala tungkol sa mga bunga ng kawalang-paniniwala, nagsalita si Moroni tungkol sa Aklat ni Mormon.
Basahin ang Moroni 10:27–29, at alamin ang ipinropesiya ni Moroni na mangyayari.
-
Ano sa palagay mo ang mararamdaman mo kapag nakita mo si Moroni sa hukumang-luklukan?
Pagkatapos ay ipinahayag ni Moroni ang kanyang mga huling payo, o paanyaya.
Basahin ang Moroni 10:30–34, at alamin ang paanyaya ni Moroni na gawin natin at ang mga ipinangakong pagpapala na ibinahagi niya
Pag-aralan ang kahit dalawang paanyaya at dalawang pangako mula sa Moroni 10:30–34. Maaaring makatulong ang sumusunod na chart. Makatutulong na ilista ang mga karagdagang banal na kasulatan at mga tulong sa pag-aaral sa iyong mga banal na kasulatan sa tabi ng mga partikular na parirala mula sa Moroni 10:30–34. Maaari mo ring pag-aralan ang iba pang mga paanyaya o pangako na makikita mo sa Moroni 10:30–34 na hindi nakalista sa chart.
Ang dapat nating gawin (mga paanyaya ni Moroni) |
Ang ipinapangako ng Ama sa Langit |
---|---|
Ang dapat nating gawin (mga paanyaya ni Moroni) Manangan sa bawat mabuting kaloob. (Tingnan sa Moroni 7:19; Doktrina at mga Tipan 6:7.) Iwasan ang masasamang kaloob at maruruming bagay. (Tingnan sa 2 Nephi 4:27–28; Mormon 9:28.) Pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan. (Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 16:25–26; Mosias 3:19.) Ibigin ang Diyos nang buo nating kakayahan, pag-iisip, at lakas. (Tingnan sa Mateo 22:36–38; Omni 1:26.) | Ang ipinapangako ng Ama sa Langit Ang Kanyang biyaya ay sapat at magagawa tayong ganap. (Tingnan sa 2 Nephi 10:24; 25:23; Eter 12:27; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.) Tayo ay pababanalin at tatanggap ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. (Tingnan sa 3 Nephi 27:20; Doktrina at mga Tipan 76:41; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.) Tayo ay magiging banal na walang bahid-dungis. (Tingnan sa Levitico 19:2; Doktrina at mga Tipan 87:8; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Banal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.) |
Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay kapag lumapit tayo kay Jesucristo, tayo ay magiging ganap sa Kanya.
“Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya”
Maaari mong panoorin ang video na “Come unto Christ: 2014 Theme Song” (4:48), matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Pagnilayan kung paano nakatulong sa iyo ang biyaya ng Tagapagligtas sa oras ng iyong pangangailangan.
Mag-isip ng isang bagay na magagawa mo para lumapit kay Cristo at maging ganap sa Kanya. Kung hindi ka sigurado kung ano ang gagawin, maaaring makatulong ang pag-isipan ang mga sumusunod na tanong. Kung may isang bagay na sa palagay mo ay magagawa mo ngayon mismo, gawin ito. Maaaring isa sa iyong mga mithiin sa pag-unlad ng mga kabataan ang nakatutulong na sa iyong lumapit kay Cristo. Maaari mong ipagpatuloy ang paggawa ng mithiing iyon.
-
Mayroon bang anumang kasamaan sa buhay ko na kailangan kong ipagkait sa aking sarili (halimbawa, mga impluwensya ng media o masasamang gawi)?
-
Paano ko mas mamahalin ang Diyos nang buo kong kakayahan, pag-iisip, at lakas?
-
Paano makatutulong sa akin ang paggawa ng mga bagay na ito para maging higit na katulad ni Jesucristo?