Seminary
Pahina ng Pamagat: Ang Layunin ng Aklat ni Mormon


“Pahina ng Pamagat: Ang Layunin ng Aklat ni Mormon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Pahina ng Pamagat,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon

Pahina ng Pamagat

Ang Layunin ng Aklat ni Mormon

Si Moroni, ang anak ni Mormon, na nagsusulat sa mga laminang ginto

Bakit natin kailangan ang Aklat ni Mormon samantalang mayroon na tayong salita ng Diyos sa Biblia? Sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon, tinulungan tayo ng propetang si Moroni na maunawaan kung bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang maunawaan at maipaliwanag ang mga layunin ng Aklat ni Mormon.

Isakatuparan ang Layunin ng Seminaries and Institutes of Religion. Tandaan na “ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na maunawaan ang mga turo at Pagbabayad-sala ni Jesucristo at umasa rito, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion [2012], x).

icon, tagubilin sa pagtuturo

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung bakit binibigyang-diin at ginagamit nang madalas ang Aklat ni Mormon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kahalagahan ng kaalaman tungkol sa layunin ng isang bagay

icon, tagubilin sa pagtuturo

Maaari kang magpakita ng mga larawan ng mga kagamitan na hindi pamilyar sa mga estudyante o magdala ng mga kagamitan na iyon sa klase upang makita at mahawakan ng mga estudyante. Ang kagamitan sa ibaba ay isang cross-staff, na ginamit noong sinaunang panahon para sa nabigasyon.

Nakakita ka na ba ng kagamitan tulad ng nasa sumusunod na larawan? Ipagpalagay na kailangang ipaliwanag ang layunin at kahalagahan ng isang hindi pamilyar na kagamitan sa iba.

Larawan ng cross staff
  • Bakit nakatutulong na malaman at maunawaan ang layunin o kahalagahan ng isang bagay bago ito gamitin o ibahagi sa iba?

    icon, tagubilin sa pagtuturo

    Maaari kang magpakita ng kopya ng Aklat ni Mormon bago ang susunod na tanong.

  • Paano ito maiuugnay sa pag-unawa sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon?

Isipin kung gaano kalaki ang kumpiyansa mo sa pagpapaliwanag ng layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa isang taong walang kaalaman tungkol dito. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, alamin kung ano ang nakatutulong sa iyo para maunawaan ang layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon at kung paano mo maibabahagi sa iba ang naunawaan mo.

Pag-unawa sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon

icon, tagubilin sa pagtuturo

Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pangungusap at sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pangungusap gamit ang malalaman nila.

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang …

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang …

Ang pahina ng pamagat ay naglalaman ng mga huling salitang isinulat ni Moroni sa huling pahina ng mga laminang ginto. Basahin ang pahina ng pamagat at ang unang tatlong talata ng pambungad sa Aklat ni Mormon. Maghanap ng mga paraan upang makumpleto ang pangungusap sa itaas. Makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na tanong habang ginagawa mo ito.

  • Para kanino isinulat ang Aklat ni Mormon?

  • Tungkol kanino ang Aklat ni Mormon?

  • Bakit isinulat ang Aklat ni Mormon?

(Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa “Maikling Paliwanag tungkol sa Ang Aklat ni Mormon” sa mga pambungad na pahina.)

Nagpatotoo si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga layunin ng Aklat ni Mormon.

Pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay kasangkapan ng Diyos upang maisagawa ang pagtitipon ng Israel sa ating panahon at maipakilala sa mga tao ang Kanyang Anak na si Jesucristo. (Ulisses Soares, “Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon,” Liahona, Mayo 2020, 35)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa iyong sariling pag-aaral at sa pahayag ni Elder Soares tungkol sa mga layunin ng Aklat ni Mormon?

Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo ay ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang makatulong sa pagtitipon ng Israel at hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo.

  • Anong katibayan ang nakikita mo tungkol dito sa pangalawang talata ng pahina ng pamagat?

icon, tagubilin sa pagtuturo

Ang sumusunod na dalawang aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa tungkol sa katotohanan sa itaas na nakasulat sa mga bold letter. Ang mga aktibidad na ito ay maaaring gawin sa iba’t ibang paraan. Maaari mong ipakita ang bawat aktibidad para sa mga estudyante o bigyan sila ng kopya ng bawat isa. Maaaring piliin ng mga estudyante na gawin ang isa sa mga ito at pagkatapos ay ituro sa isa’t isa ang natutuhan nila. Maaari din silang gumawa nang magkakapartner o sa maliliit na grupo upang magawa ang dalawang aktibidad.

Aktibidad A: Layunin ng Aklat ni Mormon na makatulong sa pagtitipon ng Israel

Ang Aklat ni Mormon ay madalas tumutukoy sa tipang ginawa ng Panginoon upang tipunin ang Israel. Basahin ang pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson at ang dalawa o tatlo sa mga reperensyang banal na kasulatan sa ibaba.

[Sa] Aklat ni Mormon, matututuhan ninyo ang doktrina ng pagtitipon, mga katotohanan tungkol kay Jesucristo, Kanyang Pagbabayad-sala, at ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo na hindi makikita sa Biblia. Ang Aklat ni Mormon ay sentro [o mahalaga] sa pagtitipon ng Israel. Sa katunayan, kung wala ang Aklat ni Mormon, ang pangakong pagtitipon ng Israel ay hindi magaganap. (Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018],” suplemento sa Liahona, 13, SimbahanniJesucristo.org)

  • Sa iyong palagay, paano makatutulong ang Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel?

Isipin kung paano nakatulong ang Aklat ni Mormon sa iyo o sa iba na matipon sa totoong Simbahan ni Jesucristo. Maaari mong isulat ang mga pagpapalang dumating dahil sa pagtitipon na ito.

  • Paano kaya maiiba ang iyong buhay kung wala ang Aklat ni Mormon?

  • Kanino mo maibabahagi ang Aklat ni Mormon?

Aktibidad B: Layunin ng Aklat ni Mormon na hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo

Pagnilayan kung ano ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at kung paano nakaimpluwensya ang Aklat ni Mormon sa kaugnayan mo sa Kanya. Pagkatapos ay ilista sandali ang dalawa o tatlong banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon na nagtuturo sa iyo tungkol kay Jesucristo. Kung kailangan mo ng tulong, tingnan ang entry na “Jesucristo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo?

icon, tagubilin sa pagtuturo

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring iangkop upang magsadula ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Ipagpalagay na kausap mo ang isang kaibigan na hindi pamilyar sa Aklat ni Mormon o hindi nadarama na napakahalaga nito. Ano ang maaari mong ibahagi sa taong ito tungkol sa Aklat ni Mormon at sa layunin nito? Maaari kang magsama ng mga personal na karanasan, parirala mula sa pahina ng pamagat at pambungad, o anumang reperensya mula sa Aklat ni Mormon na sa palagay mo ay maaaring makatulong.

icon, tagubilin sa pagtuturo

Maaari mong tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong personal na patotoo tungkol sa layunin at kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Maaari ding magbahagi ang mga estudyante ng kanilang patotoo o damdamin tungkol sa kanilang pag-aaral ng banal na talaang ito noon at sa hinaharap.