Mga Pambungad na Pahina ng Aklat ni Mormon
Ang mga Patotoo ng Tatlong Saksi at Walong Saksi
“Nakita Namin … ang mga Lamina”
Sa loob ng ilang panahon, hindi pinahintulutan si Joseph Smith na ipakita ang mga laminang ginto kahit kanino. Bilang katuparan ng propesiya, inihayag kalaunan ng Panginoon kay Joseph na may mga karagdagang saksi na pahihintulutang makita ang mga lamina at magpapatotoo sa katotohanan ng mga ito (tingnan sa 2 Nephi 27:12–14). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang kahalagahan na maraming saksi ang Aklat ni Mormon at pag-isipan ang sarili mong patotoo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga saksi sa mga lamina
Isipin kung ano kaya ang nadama ni Joseph Smith na siya lang ang nakakakita sa mga laminang ginto. Isipin kung gaano kahirap para sa iyo kung hindi ka paniniwalaan, kung kukutyain, at tatawagin kang manlilinlang dahil hindi mo maipakita sa mga tao ang mga lamina. Isipin na kailangan mong sabihin sa mga taong sumuporta sa iyo na hindi nila maaaring makita ang mga lamina.
Habang isinasalin ang Aklat ni Mormon, idinikta ni Joseph ang mga salita ng mga ipinangako ng Panginoon hinggil sa mga lamina. Basahin ang 2 Nephi 27:12–14 para makita ang mga ipinangako ng Panginoon tungkol sa mga lamina (tingnan din sa Eter 5:2–4).
-
Ano ang pinakamahalaga para sa iyo tungkol sa propesiyang ito? Bakit?
-
Ano kaya ang nadama ni Joseph habang binabasa niya ang propesiyang ito? Bakit?
-
Ano ang natutuhan mo sa scripture passage na ito tungkol sa Panginoon at sa Aklat ni Mormon?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin sa mga propesiyang ito ay naglaan ang Panginoon ng maraming saksi sa mga lamina ng Aklat ni Mormon.
-
Bakit mas madaling maniwala na totoo ang isang bagay kapag hindi lang iisa ang saksi nito?
Habang patuloy kang nag-aaral, hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo para maunawaan ang kahalagahan ng mga saksi ng mga laminang ginto, at isipin kung paano makatutulong sa iyo ang kanilang mga patotoo para magkaroon o mapalakas ang sarili mong patotoo.
Naglaan ang Panginoon ng isang grupo ng tatlo at pagkatapos ay walong kalalakihan na makakakita sa mga lamina. Marami sa mga saksing ito ang may naitulong sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Halimbawa, inanyayahan ni David Whitmer sina Joseph at Emma na manirahan sa kanila habang nagsasalin si Joseph, isinangla ni Martin Harris ang kanyang sakahan upang mabayaran ang mga gastusin sa pagpapalimbag ng Aklat ni Mormon, at si Oliver Cowdery ay nagsilbing tagasulat ng karamihan sa isinalin. Ang ama ni Joseph at ang kanyang mga kapatid na sina Hyrum at Samuel ay mga saksi rin ng mga lamina at nakatulong kay Joseph sa mahahalagang paraan. Bagama’t ilan sa mga lalaking ito ang umalis kalaunan sa Simbahan, wala ni isa sa kanila ang nagtatwa sa kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. (Tingnan sa Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, “Mga Saksi ng Aklat ni Mormon,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/history/topics?lang=tgl.)
Basahin ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” at “Ang Patotoo ng Walong Saksi,” at alamin kung ano ang nakita, nadama, at nalaman nila.
Ang Patotoo ng Tatlong Saksi at Walong Saksi
Tatlong Saksi: |
Walong Saksi: | |
---|---|---|
Ang nakita at nadama ng mga saksi. | ||
Ang nalaman ng mga saksi. | ||
Ang ginawa ng mga saksi. |
-
Anong mga pagkakatulad at pagkakaiba ang nakita mo sa mga karanasan ng dalawang grupo?
-
Bakit kaya mahalaga ang mga pagkakaiba?
Bagama’t kung minsan ay gusto nating maranasan ang naranasan ng mga saksing ito, nagpatotoo ang Panginoon na kahit makita ng mga tao ang mga bagay na ito ay hindi sila makukumbinsi sa katotohanan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 5:7). Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan:
Sa ating panahon, kailangan nating malaman ang katotohanan ng nasa mga laminang ginto nang di nakikita ang mga ito. Hindi natin ito makikita at mahahawakan na tulad ng Tatlong Saksi at Walong Saksi. Ilan sa mga taong talagang nakakita at nakahawak sa mga laminang ginto ay hindi nanatiling tapat sa Simbahan. Dakilang karanasan ang makakita ng anghel, ngunit mas dakilang malaman ang kabanalan ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya at patotoo ng Espiritu [tingnan sa Juan 20:29]. (James E. Faust, “Hindi Ito Mangyayari sa Akin,” Liahona, Mayo 2002, 48)
-
Bakit mahalaga sa iyo ang itinuro sa pahayag na ito?
Ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon
Ang isang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang mga tao na si Jesus ang Cristo (tingnan ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Isipin kung ang personal na patotoo mo tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon ay kasinglakas ng ninanais mong mangyari sa iyong patotoo. Isipin kung paano maaaring maging pagpapala sa iyo at sa iba ang pagkakaroon o pagpapalakas ng patotoong iyon.
Isulat ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Aklat ni Mormon. Kung sa palagay mo ay wala ka pang patotoo, isulat kung ano ang magagawa mo upang makatanggap nito. Isama kung paano maaaring makaimpluwensya sa sarili mong patotoo ang patotoo ng iba. Maaari mo itong dagdagan habang patuloy mong pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon.