Nadama mo na ba na parang naguguluhan at nalilito ka tungkol sa dapat mong gawin o pagtuunan ng pansin sa buhay? Paano maaaring maiba ang buhay mo kung mas nahihiwatigan mo ang paggabay na sinisikap na ibigay sa iyo ng Panginoon? Hindi nagtagal matapos lisanin ng pamilya ni Lehi ang Jerusalem, binigyan sila ng Panginoon ng karagdagang gabay sa pamamagitan ng Liahona. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mahiwatigan at masunod ang paggabay ng Panginoon sa iyong buhay.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Gabay sa ilang
Suriin ang ilan sa mga paglalarawan sa mahimalang kasangkapan na ibinigay kay Lehi hindi pa nagtatagal matapos niyang pamunuan ang kanyang pamilya palabas sa Jerusalem.
Ano ang alam mo tungkol sa bagay na ito na ipinapakita sa mga larawang ito? (tingnan sa 1 Nephi 16:10).
Ano ang layunin nito?
Matapos patnubayan ng Panginoon na maglakbay patungo sa ilang, nagising si Lehi at nakita ang isang mahimalang kasangkapan, o instrumento, na inilaan ng Panginoon. Ang Liahona ay “isang bolang tanso na may dalawang panuro na nagbibigay ng mga direksiyon—tulad ng isang aguhon—gayon din ng mga espirituwal na tagubilin para kay Lehi at sa kanyang mga tagasunod kapag sila ay mabubuti” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Liahona,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng gumising isang umaga at makita sa tabi ng iyong pintuan ang isang instrumentong tulad ng Liahona na magagami mo upang gabayan ka sa buong maghapon.
Ano kaya ang maaaring naiiba sa buhay mo kung mayroon kang katulad ng Liahona na gagabay sa iyo?
Ano ang ilang sitwasyon na nararanasan mo sa kasalukuyan kung saan gusto mong magkaroon ng dagdag na gabay at patnubay?
Inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang dahilan kung bakit dapat nating sikaping mas maunawaan kung paano gumagana ang Liahona. Pansinin na ang pariralang “halimbawa at kahalintulad” ay tumutukoy sa mga bagay, pangyayari, kuwento, o tao na kumakatawan sa ibang bagay.
Ang paglalarawan ng Aklat ni Mormon sa Liahona, ang gabay o kompas na ginamit nina Lehi at ng kanyang pamilya sa paglalakbay nila sa ilang, ay talagang isinama sa talaan bilang halimbawa at kahalintulad ng ating panahon at bilang mahalagang aralin tungkol sa dapat nating gawin upang matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu Santo. (David A. Bednar, “Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Liahona, Mayo 2006, 30)
Mga Pagkakatulad ng Liahona at ng Espiritu Santo
Sa iyong study journal, gumawa ng chart na katulad ng nasa ibaba. Pag-isipang ilista ang ilan sa mga pagkakatulad ng Liahona at ng Espiritu Santo na alam mo na. Sa iyong pag-aaral, isipin ang natututuhan mo na tumutulong sa iyo na mas maunawaan ang Espiritu Santo at kung paano mo mas magagamit ang kaloob na ito sa iyong buhay.
Mga Katangian ng Liahona
Mga Pagkakatulad sa Espiritu Santo
Mga Katangian ng Liahona
Mga Pagkakatulad sa Espiritu Santo
Basahin ang mga sumusunod na reperensyang banal na kasulatan, at itala ang mga detalye tungkol sa Liahona sa kaliwang column ng iyong chart. Maaaring kabilang dito kung paano gumagana ang Liahona, bakit ito ibinigay, at kung ano ang nangyari kaya hindi na ito gumana. Pagkatapos ay mapanalanging pag-isipan kung paano nauugnay o isinasagisag ng mga detalyeng ito tungkol sa Liahona ang mga gawain ng Espiritu Santo. Isulat ang mga pagkakatulad sa kanang column ng iyong chart. Halimbawa, sa 1 Nephi 16:10, nalaman natin na itinuro ng Liahona ang daan kung saan dapat magtungo si Lehi at ang kanyang pamilya sa ilang. Gayundin, maituturo ng Espiritu Santo ang landas na dapat nating tahakin sa buhay.
Kailan mo naranasan o kailan naranasan ng iba ang isa o mahigit pa sa mga katotohanang ito tungkol sa Espiritu Santo?
Paano nakakaimpluwensya sa iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ang paghahangad na makilala at sundin ang patnubay ng Espiritu Santo?
Pag-isipan sandali ang kakayahan mong tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo at ang impluwensya nito sa mga desisyon mo. Pag-isipang isulat ang anumang ideya o impresyon na maaaring mayroon ka.