Seminary
2 Nephi 21–24: Ang Milenyo


“2 Nephi 21–24: Ang Milenyo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 21–24,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 21–24

Ang Milenyo

isang leon at isang tupa

Isipin kung ano kaya ang magiging buhay kung walang kasamaan sa mundo. Balang-araw ang mundo ay magiging ganito. Mangyayari ito sa panahon ng paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Maraming propeta, kabilang sina Nephi at Isaias, ang nagpropesiya tungkol sa 1,000 taon ng kapayapaan na tinatawag na Milenyo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan at mapaghandaan ang paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo.

Pagtuon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag nagpapasiya kung anong mga katotohanan o alituntunin ang makatutulong sa mga estudyante sa pagtuklas, alamin kung ano ang makatutulong sa kanila na lumapit kay Jesucristo. Matutulungan ka ng Espiritu Santo na malaman ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan sa bawat alituntunin, kautusan, at turo ng propeta.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang nalalaman nila tungkol sa Milenyo at dumating sa klase na handang magtanong tungkol dito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang hinaharap

Maaaring isulat ng mga estudyante sa pisara ang kanilang mga sagot sa mga sumusunod na tanong o maaari nilang talakayin ang mga ito sa maliliit na grupo.

  • Ano ang ilang mahahalagang pangyayari sa hinaharap na inaasahan mo? Bakit?

  • Ano ang nadarama mo habang pinag-iisipan mo ang mga pangyayaring ito?

  • Ano ang ginagawa mo para maghanda?

Ang Milenyo

Ang isang mahalagang pangyayari sa hinaharap ay ang Milenyo.

Pakinggang mabuti kung paano sumagot ang mga estudyante sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong ilista sa pisara ang mga tanong ng mga estudyante. Sa halip na direktang sagutin ang mga ito, hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga sagot habang nag-aaral sila.

Iangkop ang lesson ayon sa mga sagot na ibibigay nila. Halimbawa, kung maraming estudyante ang may parehong tanong, maaari ninyong hanapin ang sagot bilang klase. Ang mga estudyanteng may mga magkakatulad na tanong ay maaaring igrupu-grupo upang sama-samang maghanap ng mga sagot.

  • Ano ang nalalaman mo tungkol sa Milenyo? Ano ang mga tanong mo tungkol dito?

Sumulat ang propetang si Nephi tungkol sa mga huling araw at isinama niya ang marami sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa mga huling araw. Ipinropesiya ni Isaias ang pagkawasak ng Asiria at Babilonia bilang halimbawa ng pagkawasak sa Ikalawang Pagparito (tingnan sa 2 Nephi 2023). Ipinropesiya rin niya ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo bago ang paghahari ni Jesucristo sa milenyo. Ang kanyang mga propesiya ay maraming simbolismo at paglalarawan na nagpapalalim sa ating pag-unawa tungkol sa Milenyo.

Basahin ang mga sumusunod na propesiya mula kina Nephi at Isaias at maghanap ng mga paglalarawan sa Milenyo.

Maaari kang maglagay ng mga papel na may mga sumusunod na scripture reference sa buong silid at anyayahan ang mga estudyante na maglakad-lakad at basahin ang iba’t ibang scripture passage. Ang isa pang opsiyon ay anyayahan ang mga estudyante na magdrowing sa study journal o sa pisara ng ilan sa mga paglalarawan sa mga talatang ito.

Kung kailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan. Halimbawa, maaari mong ipaliwanag na ang mga hayop na magkakasamang naninirahan nang hindi naglalabanan ay kumakatawan sa mga kundisyon ng kapayapaan (tingnan sa 2 Nephi 21:6–7) o na ang mga tubig na pumupuno sa karagatan ay kumakatawan sa kaalaman sa Panginoon na pumupuno sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 21:9).

  • Mula sa mga paglalarawang ito, sa iyong palagay, paano maiiba ang iyong buhay sa Milenyo?

  • Anong mga paglalarawan tungkol sa Tagapagligtas ang nahanap mo? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga ito tungkol sa Kanya?

Isa sa mga katotohanang natutuhan natin mula sa mga banal na kasulatang ito ay si Jesucristo ay maghahari sa mundo sa kabutihan at kapayapaan sa panahon ng Milenyo.

Ilarawan sa iyong isipan kung ano ang maaaring maging pakiramdam ng mabuhay sa panahon ng Milenyo—kapag naghahari ang Tagapagligtas sa kabutihan at kapayapaan. Pag-isipan kung paano mababasbasan ng kapayapaan ng Tagapagligtas ang iyong buhay.

Inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang isa pang pagpapala ng Milenyo:

Ang hindi pagkakaroon ng asawa, hindi pagkakaroon ng mga anak, kamatayan, at diborsyo ay humahadlang sa mga pamantayan at nag-aantala sa katuparan ng mga pagpapalang ipinangako. … Nangako ang Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na sumusunod sa mga kautusan, na tapat sa kanilang mga tipan, at hinahangad yaong matwid.

Marami sa pinakamahahalagang bagay na ipinagkait sa mortalidad ay itatama sa Milenyo, na panahon upang isakatuparan ang lahat ng hindi kumpleto sa dakilang plano ng kaligayahan para sa lahat ng karapat-dapat na anak ng ating Ama. Alam natin na totoo iyan sa mga ordenansa sa templo. Naniniwala ako na totoo rin ito sa mga ugnayan at karanasan ng pamilya. (Pangulong Dallin H. Oaks, “The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 75)

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng pahayag na ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Alin sa mga pagpapala ng Milenyo ang pinakahinahangad mo? Bakit?

  • Sa lesson, anong mga sagot ang nahanap mo sa iyong mga tanong tungkol sa Milenyo?

Kung naghahanap pa rin ang mga estudyante ng mga sagot sa kanilang mga tanong, ituro sila sa kung saan sila makahahanap ng sagot. Maaaring makatulong ang ilan sa mga sumusunod na scripture passage: Doktrina at mga Tipan 29:11; 88:110; 101:26–34; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10. Tingnan din sa “Milenyo” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o sa Mga Paksa ng Ebanghelyo.

Paghahanda para sa Milenyo

Ang Salt Lake Temple habang ginagawa ang renobasyon

Noong 2020, nagsimula ang mga renobasyon sa Salt Lake Temple. Nagsalita si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga renobasyong ito. Alamin kung paano niya inihambing ang mga ito sa sarili nating buhay. Panoorin ang video na “Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 14:51 hanggang 15:26, o basahin ang pahayag sa ibaba.

2:3

Taimitim na inaaasam ng mga pinuno ng Simbahan na malaki ang maitulong ng malawakang renobasyon ng Salt lake Temple sa katuparan ng hangarin ni Brigham Young na “maitayo ang templo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.” Sa darating na mga taon, nawa’y tulutan natin ang mga pagbabagong gagawin sa Salt lake Temple na antigin at hikayatin tayo, bilang mga indibiduwal at pamilya, upang tayo man—kahalintulad nito—ay “maitayo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo.” (Gary E. Stevenson, “Isang Matibay na Pundasyon Laban sa Panahong Darating,” Liahona, Mayo 2020, 51–52)

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “maitayo sa isang paraan na magtatagal hanggang sa milenyo”?

Maaari mong tukuying muli ang mga pangyayari sa hinaharap na inaasam ng mga estudyante at talakayin kung ano ang ginagawa nila para mapaghandaan ang mga ito. Pagkatapos ay talakayin ang mga paraan para mapaghandaan ang Milenyo.

Maaaring makinabang ang mga estudyante sa pagsagot sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Kapag iniisip mo ang paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo, ano ang nadarama mo?

  • Ano ang magagawa mo ngayon para mapaghandaan ang Milenyo?

  • Anong mga hamon ang maaari mong harapin habang ginagawa mo ang mga paghahandang ito?