Seminary
Doctrinal Mastery: 2 Nephi 26:33: “Pantay-pantay ang Lahat sa Diyos”


“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 26:33: ‘Pantay-pantay ang Lahat sa Diyos,’” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“Doctrinal Mastery: 2 Nephi 26:33,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

Doctrinal Mastery: 2 Nephi 26:33

“Pantay-pantay ang Lahat sa Diyos”

grupo ng mga tao

Sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 26, nalaman mo na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos” (talata 33) at inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak na lumapit sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa 2 Nephi 26:33, maipaliwanag ang doktrina, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa totoong buhay.

Kapangyarihan mula sa personal na paghahanda. Sinabi ng Panginoon kay Hyrum Smith na hangarin munang “matamo” ang Kanyang salita, at pagkatapos ay bibigyan siya ng Espiritu ng kapangyarihan “sa ikahihikayat ng mga tao” (Doktrina at mga Tipan 11:21). Masigasig na mag-aral, manalangin, at magnilay bago ka magturo. Sa paggawa nito, magagabayan ka ng Espiritu Santo sa paghahanda ng mga lesson at mahihiwatigan mo ang mga pangangailangan habang nagtuturo ka. Ang kakayahang magturo sa pamamagitan ng Espiritu ay nagmumula sa personal na pagsisikap at paghahanda ng lesson.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na isaulo ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala nito: 2 Nephi 26:33, “Pantay-pantay ang lahat sa Diyos.” Ang isang paraan upang magawa ito ay gamitin ang Doctrinal Mastery app.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ginawa upang maituro pagkatapos ng lesson na “2 Nephi 26,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na 2 Nephi 26:33. Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggong iyon.

Ipaliwanag at isaulo

Basahin ang 2 Nephi 26:33 at rebyuhin ang doktrinang natutuhan mo sa nakaraang lesson na pantay-pantay ang lahat sa Diyos.

  • Ano ang mga sitwasyon kung saan makatutulong ang doktrina sa talatang ito? Ipaliwanag kung paano.

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong isaulo ang reperensya para sa doctrinal mastery scripture passage na 2 Nephi 26:33 at ang kasama nitong mahalagang parirala. Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano ito gagawin.

Isulat ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala nito para sa 2 Nephi 26:33, “Pantay-pantay ang lahat sa Diyos,” sa iyong study journal. Ulitin ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala nito nang ilang beses (nang malakas o sa pamamagitan ng pagsusulat) hanggang sa maisaulo mo ito.

Ang isa pang opsiyon ay ang sabihin nang sabay-sabay ng kalahati ng mga estudyante ang reperensyang banal na kasulatan, na susundan ng pag-ulit ng natitirang kalahati ng klase sa mahalagang parirala nito. Ulitin ito nang maraming beses.

Pagsasanay ng pagsasabuhay

Pag-aralan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman na itinuro sa mga talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2022).

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman bilang paghahanda sa sumusunod na pagsasanay ng pagsasabuhay, basahin ang isang pangungusap mula sa mga talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2022) para sa bawat alituntunin. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang alituntuning binigyang-diin sa pangungusap. Maaari mong ulitin ito nang ilang beses gamit ang iba’t ibang pangungusap.

Ang sumusunod na salaysay, na hango sa artikulong “I Will Take It in Faith [Tatanggapin Ko Po Ito Nang May Pananampalataya]” ni Elizabeth Maki (history.ChurchofJesusChrist.org), ay tungkol sa isang lalaking naapektuhan ng restriksyon sa priesthood. Upang malaman ang tungkol sa restriksyon sa priesthood, tingnan ang heading ng Opisyal na Pahayag 2 sa katapusan ng Doktrina at mga Tipan.

icon, handoutMaaari kang magpakita o magbigay ng kopya ng handout na “Kuwento ni George Rickford” sa ibaba.

Habang binabasa mo ang kuwento ni Brother Rickford, maghanap ng partikular na katibayan ng bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa kanyang buhay.

Kuwento ni George Rickford

Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser—Doctrinal Mastery: 2 Nephi 26:33: “Pantay-pantay ang Lahat sa Diyos”

Noong 1969, si George Rickford, isang young adult na nakatira sa Leicester, England, ay may nakilalang mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Noong una ay tinanggihan ni George ang kanilang mensahe, ngunit kalaunan ay nagsimula siyang makipagkita sa mga missionary. Pagkaraan ng tatlong buwan ng matinding pagsisiyasat, nagising si George isang umaga na may matibay na paniniwala na totoo ang Simbahan.

Sabik si George na ibahagi ang kanyang bagong patotoo sa mga elder. Bago niya ito nagawa, ipinabatid nila sa kanya na hindi siya kwalipikadong tumanggap ng priesthood bilang miyembro ng Simbahan dahil sa kanyang magkahalong lahi, na kinabibilangan ng mga ninunong itim na African.

Isang araw, ikinuwento ni George sa isang malapit na kaibigan ang tungkol sa kanyang mga karanasan sa mga missionary at sinimulan niyang ituro sa kanyang kaibigan ang tungkol kay Propetang Joseph Smith. Paggunita niya, “Habang ikinukuwento ko iyon, naging mas masaya ako at may kung anong [pumuspos] sa akin at talagang napasigla ako.”

Pinagtibay ng karanasang iyon ang patotoo ni George, ngunit naroon pa rin ang alalahanin niya tungkol sa restriksyon sa priesthood. Nang manalangin siya para sa mas malalim na pag-unawa, natanggap niya ang mensaheng ito: “Hindi mo kailangang maunawaan ang lahat ng bagay tungkol sa aking ebanghelyo bago mo tanggapin ito. Bakit hindi mo ipakita ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng pagtanggap sa iyong narinig at ipaubaya ang iba sa aking mga kamay?”

Napanatag dahil sa mensaheng ito, mapanalanging tumugon si George, “Opo, Panginoon, gagawin ko po. Tatanggapin ko po ito nang may pananampalataya. At siya nga po pala, maraming salamat po.” Pagkaraan ng dalawang buwan, si George ay nabinyagan at naging tapat na miyembro ng Simbahan.

Noong 1975, tatlong taon bago ang paghahayag tungkol sa priesthood, ipinahayag ni George ang kanyang paniniwala sa isang makatarungang Diyos, at isinulat niya na tinanggap niya ang restriksyon “nang may pananampalataya, nang walang anumang pasubali.” Sinabi pa niya, “Nagpapasalamat talaga ako na narito na muli sa mundo ang priesthood ng Panginoon, kasama ang lahat ng mga pagpapala, awtoridad, at responsibilidad na kalakip nito. Hindi gaanong mahalaga sa akin kung sino ang maytaglay nito o wala nito dahil ang mas mahalaga ay kung paano ito ginagamit.”

Noong 1978, nalaman ni George ang tungkol sa paghahayag na nagbibigay ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na kalalakihan (tingnan sa Opisyal na Pahayag 2).

“Nang makauwi na si George, buong magdamag silang nag-usap ni June [kanyang asawa] tungkol sa kung ano ang magiging kahulugan ng balitang iyon para sa kanilang pamilya. Napakalaki ng pagbabagong iyon. Kinaumagahan, inorden si George Rickford bilang priest sa Aaronic Priesthood. Pagkaraan ng dalawang buwan, naorden siya sa Pitumpu at naging senior na miyembro ng korum ng Pitumpu ng stake. At pagkaraan ng dalawang buwan, sina George at June Rickford ay ibinuklod sa London England Temple, pati na rin sa kanilang apat na anak” (“Tatanggapin Ko Po Ito Nang May Pananampalataya”).

  • Sa iyong palagay, ano kaya ang nadama ni George nang marinig niyang hindi siya kwalipikadong tumanggap ng priesthood?

Maaari mong hayaang ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagtatanong muna ng, “Anong katibayan ang nakita mo kay Brother Rickford gamit ang bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman?” Bilang alternatibo, maaaring gumawa ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo upang sagutin ang mga sumusunod na tanong o maaaring mag-assign sa kanila ng isang alituntunin na pagtutuunan.

Kumilos nang may pananampalataya

  • Sa anong mga paraan kumilos si Brother Rickford nang may pananampalataya? Paano ito nakatulong sa kanya?

Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw

  • Paano nakatulong ang sagot ng Ama sa Langit sa panalangin ni Brother Rickford upang makita niya ang kanyang sitwasyon nang may walang-hanggang pananaw? Paano ito nakatulong kay Brother Rickford na sundin ang Panginoon?

Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos

  • Sa anong mga paraan naging source ang Espiritu Santo na tumutulong kay Brother Rickford?

  • Anong iba pang sources na itinalaga ng Diyos sa ating panahon ang maaaring makatulong sa isang taong may mga tanong tungkol sa restriksyon sa priesthood? Paano makatutulong sa kanya ang Opisyal na Pahayag 2 at 2 Nephi 26:33?

Para sa karagdagang impormasyon upang makatulong sa mga tanong tungkol sa restriksyon sa priesthood, sumangguni sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” sa katapusan ng lesson na ito.

Maaaring makatulong na magtanong ng mga karagdagang tanong na tulad ng sumusunod: Sa iyong palagay, bakit isang doctrinal mastery passage ang 2 Nephi 26:33? Ano ang natutuhan o nadama mo sa iyong pag-aaral ngayon? Paano mo personal na maipamumuhay ang halimbawa ni Brother Rickford at ang scripture passage na ito?

Magtapos sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa pagmamahal ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak o pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang nadarama at karanasan tungkol sa pagiging pantay-pantay sa Diyos.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Dapat gamitin ang sumusunod na aktibidad sa pagrerebyu sa isang lesson na ituturo kaagad pagkatapos nito.

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Sabihin sa mga estudyante sa bawat grupo na magsalitan sa pagsasabi ng isang salita o numero nang paisa-isa hanggang sa makumpleto ng grupo ang buong reperensya at mahalagang pariralang “2 Nephi 26:33: ‘Pantay-pantay ang lahat sa Diyos.’” Halimbawa, sasabihin ng unang estudyante ang “2,” sasabihin ng pangalawang estudyante ang “Nephi,” at iba pa hanggang sa sabihin ng isang estudyante ang huling salita na, “Diyos.” Pagkatapos, maaaring magsimulang muli ang susunod na estudyante sa pamamagitan ng pagsasabi ng “2.”

Sabihin sa bawat grupo na bigkasin nang tama ang reperensya at mahalagang parirala nang maraming beses hangga’t kaya nila sa ibinigay na oras.