Seminary
2 Nephi 26: Pagtingin, Pagmamahal, at Pakikitungo sa Kapwa tulad ng Ginagawa ng Diyos


“2 Nephi 26: Pagtingin, Pagmamahal, at Pakikitungo sa Kapwa tulad ng Ginagawa ng Diyos,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“2 Nephi 26,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

2 Nephi 26

Pagtingin, Pagmamahal, at Pakikitungo sa Kapwa tulad ng Ginagawa ng Diyos

Si Jesucristo na napalilibutan ng maraming tao

Araw-araw ay nahaharap tayo sa mga mensahe at impormasyon na may layuning impluwensyahan ang ating damdamin at pananaw. Sa 2 Nephi 26, itinuro ni Nephi ang pananaw ng Diyos. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makita, mahalin, at pakitunguhan ang ating kapwa tulad ng ginagawa ng Diyos.

Pagtulong sa mga estudyante na madamang pinahahalagahan ang kanilang mga kontribusyon. Ipakita sa mga estudyante na pinahahalagahan mo ang kanilang mga tanong at komento sa pamamagitan ng pakikinig nang mabuti at tapat na pagsisikap na umunawa. Ipakita ang iyong interes sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa sinasabi ng mga estudyante at hindi sa susunod na sasabihin mo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na itanong sa kanilang mga magulang o sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan kung paano nila sinusubukang makita ang iba tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang ating pananaw

Sa halip na ipakita ang mga sumusunod na larawan, maaari kang magdala ng iba’t ibang uri ng salamin na maisusuot ng mga estudyante at pagkatapos ay talakayin kung paano binabago ng bawat salamin ang kanilang paningin at pananaw. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga personal na karanasan sa pagsusuot ng iba’t ibang salamin o corrective lens at ang kaibhang nagagawa nito.

Suriin ang mga sumusunod na larawan at isipin kung paano nakakaapekto ang iba’t ibang salamin sa ating paningin.

batang babae na nakasuot ng 3D glasses
dalagitang nakasuot ng sunglasses
binatilyong nakasuot ng goggles
dalagitang nakasuot ng VR goggles
  • Paano maaaring makaapekto ang iba’t ibang salamin na ito sa pananaw ng isang tao?

  • Ano ang ilang bagay na nakakaapekto sa pagtingin at pakikitungo natin sa ating kapwa?

Maglaan ng ilang sandali upang pagnilayan ang pananaw mo tungkol sa iba. Isipin kung ano ang maaaring humuhubog sa iyong pananaw at kung paano ito makaiimpluwensya sa nadarama at pakikitungo mo sa iba. Sa iyong pag-aaral, maghangad ng inspirasyon na malaman kung ano ang magagawa mo upang makita at pakitunguhan ang iyong kapwa tulad ng ginagawa ng Tagapagligtas.

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makita, mahalin, at pakitunguhan ang ating kapwa tulad ng ginagawa ng Diyos.

Ang katangian ng Diyos

Sa 2 Nephi 26, nakita ni Nephi ang ministeryo ng Tagapagligtas sa mga Nephita, gayundin ang kasamaan at lubusang pagkawasak ng kanyang mga tao. Nakita rin niya ang kasamaan ng mga Gentil sa mga huling araw. Kabaligtaran nito, binigyang-diin niya ang pagmamalasakit ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak.

Isipin ang sumusunod na tatlong tanong habang binabasa mo ang 2 Nephi 26:12–13, 23–33:

Bigyan ang mga estudyante ng maraming oras upang pag-aralan ang 2 Nephi 26:12–13, 23–33, at maaari mong sabihin sa kanila na markahan ang mga salita at pariralang sumasagot sa mga sumusunod na tanong. Magkaroon ng isang mapitagang kapaligiran kung saan makapagtuturo ang Espiritu. Maaari kang magpatugtog ng mahinang musika habang naglalakad ka sa buong silid, at tahimik na tinatanong sa mga estudyante kung ano ang natututuhan, nadarama, o minamarkahan nila habang nag-aaral sila.

Maaaring makatulong na ipakita ang mga tanong habang nagbabasa ang mga estudyante.

  • Paano tinitingnan ng Diyos ang Kanyang mga anak at ano ang nadarama Niya para sa kanila?

  • Paano Niya ito ipinapakita?

  • Paano Niya ninanais na tingnan at pakitunguhan natin ang ating kapwa?

Matapos pag-aralan ng mga estudyante ang mga turo ni Nephi tungkol sa katangian ng Diyos, anyayahan silang ibahagi ang natutuhan nila. Ang mga sumusunod na tanong, pati na ang mga karagdagang follow-up na tanong, ay maaaring makatulong na makahikayat ng pagbabahagi. Bilang alternatibo, maaaring ilista ng mga estudyante sa pisara ang mga katotohanan tungkol sa Diyos na natutuhan nila at pagkatapos ay talakayin ang kahulugan at kahalagahan ng mga ito.

  • Anong mga salita, parirala, o katotohanan ang minarkahan mo na maaaring makasagot sa mga tanong? Bakit?

  • Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa katangian ng Diyos?

  • Paano makaiimpluwensya ang pag-alala sa mga katotohanang ito tungkol sa Diyos sa iyong ugnayan sa Kanya? Paano ito makaiimpluwensya sa pakikitungo mo sa iyong kapwa?

Maaaring napansin ng mga estudyante ang iba’t ibang katotohanan tungkol sa katangian ng Diyos. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung bakit makabuluhan ang mga katotohanang nalaman nila at purihin sila para sa kanilang mga ideya. Ang susunod na bahagi ng lesson na ito ay magtutuon sa katotohanan sa talata 33 na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos.” Makatutulong ito sa mga estudyante na maghandang gamitin ang scripture passage na ito sa pagsasanay ng pagsasabuhay ng doctrinal mastery sa sumusunod na lesson.

Pansinin na sa 2 Nephi 26:33, binigyang-diin ni Nephi ang maraming iba’t ibang uri ng mga indibiduwal sa pamamagitan ng pagpares sa kanila sa ibang grupo. Maaaring makatulong sa iyo ang mga sumusunod na kahulugan upang mas maunawaan ang mga ito. Maaari mong isulat ang mga kahulugang ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng talatang ito.

  • Alipin: Isang alila.

  • Di binyagan: Isang taong hindi naniniwala sa Diyos.

  • Judio at Gentil: Isang pariralang tumutukoy sa lahat ng nabibilang sa sambahayan ni Israel at sa mga taong hindi nabibilang.

icon, doctrinal mastery Ang 2 Nephi 26:33 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuro sa doctrinal mastery passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Ano ang maaaring maging kaibhan kung tatanggapin at ipamumuhay ng mundo ang mga turo sa talata 33?

Pagnilayan sandali ang iyong pananaw, pati na ang nadarama at pakikitungo mo sa iyong kapwa, kumpara sa pananaw ng Diyos at sa nadarama at pakikitungo Niya sa mga tao.

Ang isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na ihambing kung paano nila pinakikitunguhan ang iba sa kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, ay sabihin sa mga estudyante na i-rephrase ang mga tanong na ibinahagi ni Nephi sa 2 Nephi 26:25–28 para maiangkop sa kanilang sarili. Halimbawa, “Ipinadarama ko ba sa mga tao na gusto kong lumayo sila sa akin? o hindi sumamba kasama ko? O ipinapalagay ko ba na hindi sila dapat makibahagi sa kabutihan ni Jesucristo?”

ChurchofJesusChrist.org

1:0

Ang mga sumusunod na tanong at talata ay makatutulong sa mga estudyante na suriin ang kanilang damdamin at pakikitungo sa kanilang kapwa at pagkatapos ay ipamuhay ang natututuhan nila. Maaaring isulat ng mga estudyante sa kanilang journal ang mga sagot nila sa mga tanong o talakayin nila ang mga ito.

  • Paano maaaring makaimpluwensya sa iyo ang pag-alala sa pananaw at nadarama ng Diyos sa lahat ng tao?

  • Sa anong mga paraan mo nakikita at pinakikitunguhan nang mabuti ang iba tulad ng pakikitungo ng Ama sa Langit at ni Jesus sa kanila?

  • Paano makatutulong sa iyo ang pag-alala sa mga turo tungkol sa Panginoon sa 2 Nephi 26:33 na makita, mahalin, at pakitunguhan ang iyong kapwa tulad ng ginagawa ng Diyos?

Sa susunod na ilang araw, subukang pansinin kung paano mo tinitingnan, pinakikitunguhan ang iyong kapwa, at ano ang nadarama mo sa kanila. Pakinggan ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo at humingi ng tulong sa Panginoon na magawa ang anumang kinakailangang pagbabago upang mas mahalin at pakitunguhan ang ating kapwa tulad ng ginagawa ng Diyos.