“2 Nephi 25: Iniligtas ni Jesucristo,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“2 Nephi 25,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
2 Nephi 25
Iniligtas ni Jesucristo
May tao bang nakatulong o nakasagip sa iyo mula sa isang mahirap na sitwasyon? Ano ang nadama mo tungkol sa taong iyon matapos niyang tumulong? Matapos bigyang-diin ang kahalagahan ng mga turo ng propeta, nagpatotoo si Nephi na tanging si Jesucristo lamang ang may kapangyarihang iligtas ang lahat ng tao. Ang lesson na ito ay tutulong sa iyong maunawaan kung paano ka inililigtas ng biyaya ni Jesucristo.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang tanging paraan upang maligtas tayo
Sa 2 Nephi 25, ipinaalala ni Nephi sa kanyang mga tao na ang mga propeta ay nagpatotoo na si Jesucristo ang Mesiyas, na ibig sabihin ay Ang Pinahiran o Tagapagligtas, ng lahat ng tao (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mesiyas,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Itinala ni Nephi na bagama’t ikakalat ang mga Judio dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, kung maniniwala sila kay Jesucristo, sila ay titipunin at “[ibabalik ng Panginoon] mula sa kanilang ligaw at nahulog na kalagayan” (2 Nephi 25:15–17).
Basahin ang 2 Nephi 25:18–20, at alamin ang itinuro ni Nephi tungkol sa kung paano maliligtas ang mga Judio (at lahat ng anak ng Diyos). Maaaring makatulong na malaman na sa mga banal na kasulatan ang salitang pangalan ay maaaring gamitin upang kumatawan sa kapangyarihan o awtoridad ng isang tao. Totoo ito lalo na sa pagtukoy sa Tagapagligtas.
-
Mula saan tayo inililigtas ni Jesucristo?
-
Ano kaya ang mangyayari kung wala tayong Tagapagligtas?
Iniligtas sa pamamagitan ng biyaya
Basahin ang 2 Nephi 25:23, at alamin kung paano tayo inililigtas ni Jesucristo.
-
Ano ang ilang bagay na maaari mong itanong upang magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa mga turo ni Nephi sa talata 23?
Ang biyaya ay ang banal na tulong o lakas na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. …
Ang biyaya ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit na ibinibigay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang salitang biyaya, ayon sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ay karaniwang tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Biyaya,” topics.ChurchofJesusChrist.org)
Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:
Kung minsa’y naiisip ko kung nagkakamali tayo sa pag-unawa sa mga katagang “sa kabila ng lahat ng ating magagawa.” Kailangan nating maunawaan na ang “sa kabila” ay hindi katumbas ng “dahil.”
Hindi tayo naliligtas “dahil” sa lahat ng ating magagawa. May nakagawa na ba sa atin ng lahat ng ating magagawa? Naghihintay ba ang Diyos hanggang sa maubos natin ang lahat ng pagsisikap bago Siya makialam sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nakapagliligtas na biyaya?
Maraming taong pinanghihinaan ng loob dahil palagi silang nagkukulang. Alam nila mismo na “ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman” [Mateo 26:41]. Inilalakas nila ang kanilang tinig na kasama ni Nephi sa pagpapahayag na, “Ang aking kaluluwa ay nagdadalamhati dahil sa aking mga kasamaan” [2 Nephi 4:17].
Natitiyak ko na alam ni Nephi na ang biyaya ng Tagapagligtas ay nagtutulot at nagbibigay-kakayahan sa atin na iwasang magkasala [tingnan sa Alma 34:31]. Kaya nga nagsumigasig si Nephi na hikayatin ang kanyang mga anak at kapatid “na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos” [2 Nephi 25:23].
Kunsabagay, iyan ang ating magagawa! At iyan ang ating gawain sa mortalidad! …
Ngayon at magpakailanman ang biyaya ng Diyos ay para sa lahat na bagbag ang puso at nagsisisi ang espiritu [tingnan sa 3 Nephi 9:19–20]. (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Kaloob na Biyaya,” Liahona, Mayo 2015, 110)
-
Paano mo ilalarawan ang iyong mga nadarama para sa Tagapagligtas, batid na ang Kanyang biyaya ay para sa iyo mismo?
-
Ano ang ilan sa mga paraan na matatamo mo ang biyaya ng Tagapagligtas?
-
Anong mga aspeto ng iyong buhay ang maaaring mag-iba kung mas nadarama mo ang biyaya ng Tagapagligtas? Sa anong mga paraan?
Pagnilayan sandali ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na siyang tanging paraan upang maligtas ka. Anong mensahe o katotohanan ang pinakamahalaga sa iyo o naghikayat sa iyong papurihan si Jesucristo? Ano ang nahikayat kang gawin dahil sa natutuhan at nadama mo ngayon? Maaari mong isulat sa iyong study journal ang mga saloobing ito.
Magalak kay Cristo
Dahil alam ni Nephi ang biyaya at kapangyarihan ng Tagapagligtas na magligtas, sumulat siya upang tulungan ang iba na maniwala kay Cristo. Basahin ang 2 Nephi 25:26 at alamin kung ano ang magagawa natin upang matulungan ang iba na maniwala kay Jesucristo. Maaari mong markahan ang iba’t ibang pandiwa na ginamit sa talatang ito.
-
Anong mga salita sa talatang ito ang mahalaga para sa iyo?
-
Paano naimpluwensyahan ang buhay mo ng isang bagay na ibinahagi ng ibang tao tungkol kay Jesucristo?
-
Paano mapalalakas ang iyong ugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabahagi sa iba ng mga personal na nadarama mo tungkol sa Kanya?
Mag-isip ng isang tao sa buhay mo na maaaring matulungan kapag ipinaalala sa kanya ang pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas. Gumawa ng isang mensahe (tulad ng text, post sa social media, o personal na liham) na maaari mong ibahagi sa kanya.