Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 2: 1 Nephi 16–2 Nephi 25


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 2: 1 Nephi 16–2 Nephi 25,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

I-assess ang Iyong Pagkatuto 2

1 Nephi 162 Nephi 25

taong nakatingin sa repleksyon ng kanyang sarili

Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.

Pagpapaalala sa mga estudyante ng kanilang mga personal na mithiin: Bilang bahagi ng programang Mga Bata at Kabataan, maaaring nakagawa ang mga estudyante ng mga espirituwal, panlipunan, pisikal, at intelektuwal na mithiin upang tulungan silang maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Palaging anyayahan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano makatutulong sa kanila ang mga katotohanang natututuhan nila sa seminary upang makamit ang kanilang mga mithiin.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang ilan sa natutuhan nila sa 1 Nephi 16 hanggang 2 Nephi 25 at dumating sa klase na handang magbahagi ng mga paboritong banal na kasulatan o mahahalagang katotohanan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagninilay tungkol sa pag-aaral ng ebanghelyo

Layunin ng lesson na ito na tulungan ang mga estudyante na i-assess (1) ang mga mithiing itinakda nila, (2) ang kanilang kakayahang ipaliwanag ang mga turo sa Aklat ni Mormon, o (3) kung paano nagbabago ang kanilang pag-uugali, hangarin, at kakayahang ipamuhay ang ebanghelyo. Ang pag-aaral ng klase ng 1 Nephi 16 hanggang 2 Nephi 25 ay maaaring nakapagbigay-diin sa iba pang mga katotohanan maliban pa sa nasa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaaring iangkop ang mga aktibidad upang maisama ang mga katotohanang iyon.

Upang matulungan ang mga estudyante na makita ang kahalagahan ng pagninilay tungkol sa kanilang espirituwal na pag-unlad habang pinag-aaralan nila ang Aklat ni Mormon, magdala ng salamin. Sabihin sa mga estudyante na talakayin kung paano nagiging kapaki-pakinabang ang makita nila ang kanilang sarili (makita ang mga bagay sa likod nila, makita ang kanilang repleksyon, at iba pa). Pagkatapos ay sabihin sa kanila na isaalang-alang ang kahalagahan ng pag-isipan at i-assess ang kanilang pag-aaral ng ebanghelyo at ang kanilang mga pagpili. Maaari kang magtanong ng tulad ng mga sumusunod:

  • Ano ang mga naitutulong ng pagkakaroon ng salamin?

  • Paano natutulad ang pagtingin sa ating sarili sa salamin sa pag-isipan at i-assess ang natutuhan natin sa ebanghelyo?

Pagninilay tungkol sa espirituwal na pag-unlad

Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang karanasan sa paghingi ng paghahayag at pagkilos ayon sa paghahayag mula sa Ama sa Langit nang pag-aralan nila ang Aklat ni Mormon.

Pagnilayan ang mga pahiwatig at damdamin mula sa Espiritu Santo na maaaring natanggap mo sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Maraming paraan para makipag-ugnayan sa iyo ang Espiritu Santo. Halimbawa, maaaring napansin mo ang ilang partikular na talata at nadama mong gusto mong markahan ang mga ito. Maaaring nakadama ka ng kapayapaan o pagmamahal. Maaaring nagbasa ka at nahikayat kang kumilos sa isang partikular na paraan o nakahanap ka ng sagot sa isang katanungan mo.

Ipakita ang mga sumusunod na tanong upang mapag-isipan ng mga estudyante ang mga ito sa oras na itinakda nila. Maaaring makatulong din na sabihin sa mga estudyante na itala ang kanilang mga sagot sa dalawa o tatlo sa mga tanong sa kanilang study journal.

  • Aling mga salaysay o scripture passage mula sa Aklat ni Mormon ang nakatulong sa iyo na makita kung paano nakikipag-ugnayan ang Ama sa Langit sa Kanyang mga anak?

  • Anong mga ideya ang naisip mo o ano ang mga nadama mo sa seminary o sa iyong personal na pag-aaral sa taong ito?

  • Ano ang ginawa mo para makatanggap ng paghahayag mula sa Ama sa Langit?

  • Ano ang magagawa mo upang makatanggap ng paghahayag at maging handang matukoy ang paghahayag kapag dumating ito?

  • Paano ka kumilos ayon sa mga impresyong natanggap mo?

Anyayahan ang mga estudyante na handang magbahagi sa klase ng ilan sa kanilang mga sagot, kung naaangkop. Maaari ding magbahagi ang mga estudyante nang magkakapartner o sa maliliit na grupo.

Ipaliwanag ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Para sa sumusunod na aktibidad, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na makipagtulungan sa isang kaklase kung saan pipili ang bawat kapartner ng isa sa mga naka-italicize na paksa sa susunod na talata.

Umalis sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

Ipagpalagay na isa kang missionary at ikaw at ang iyong kompanyon ay naghahandang magturo sa isang tao tungkol sa Pagkahulog. Napagpasiyahan ninyo na dapat ituro ng isa sa inyo ang tungkol sa Pagkahulog at ang mga epekto nito sa sangkatauhan at dapat ituro naman ng isa kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog.

Gamitin ang mga banal na kasulatan upang tulungan kang ipaliwanag ang paksang pinili mo. Maaaring makatulong na pag-aralan ang 2 Nephi 2:17–27; 9:6–12; 10:23–25, mga tala sa iyong study journal, o “Pagkahulog nina Adan at Eva” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org) upang matulungan kang maghandang magbahagi.

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa kanilang kapartner o sa buong klase ang inihanda nila. O maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ipadala ang kanilang paliwanag sa isang tao sa kanilang pamilya, isang kaibigan, o isang lider ng Simbahan.

Ang nadarama ko tungkol kay Jesucristo

Layunin ng bahaging ito ng lesson na mapagnilayan ng mga estudyante ang kanilang nadarama tungkol kay Jesucristo.

Bigyan ng oras ang mga estudyante na magbasa at magnilay tulad ng iminumungkahi sa sumusunod na talata. Maaari kang magpatugtog nang mahina ng mga mapitagang himno tungkol sa Tagapagligtas tulad ng “Ako ay Namangha” (Mga Himno, blg. 115) o “Ang Pag-ibig ng Ating Tagapagligtas” (Mga Himno, blg. 64).

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo. Pagnilayan ang natutuhan o napag-aralan mo tungkol sa Tagapagligtas. Rebyuhin ang mga kabanatang napag-aralan mo, tulad ng 1 Nephi 19, 2 Nephi 9, at 2 Nephi 25. Maaari mo ring hanapin ang mga scripture passage na minarkahan mo. Maaaring makatulong na basahing muli ang isinulat mo sa iyong study journal, lalo na ang mga entry na naglalaman ng nadarama mo tungkol sa Kanya.

  • Sumulat ng isang tula o liham sa Tagapagligtas na nagpapahayag ng iyong nadarama sa Kanya. Maaari kang gumamit ng mga salita o parirala mula sa mga banal na kasulatan o magbanggit ng mga scripture passage.

  • Gumawa ng listahan ng mga salitang naglalarawan ng iyong nadarama tungkol sa Tagapagligtas. Magsama ng ilang paglalarawan mula sa mga banal na kasulatan. Gumawa ng isang word cloud, o isulat ang mga salita sa mga piraso ng papel at maaari mong isabit ang mga ito sa iyong silid o sa ibang lugar kung saan makikita mo ang mga ito nang madalas.

  • Magdrowing ng isang bagay na tumutulong sa iyo na maipahayag ang iyong nadarama tungkol sa Tagapagligtas.

Kung may oras pa, hayaang ibahagi ng mga estudyante ang ginawa nila upang maipahayag nila ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang ginawa sa kanilang pamilya o sa ibang tao. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa pasasalamat mo sa Tagapagligtas.