Seminary
Alma 31:12–38: Ang Ating Pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo


“Alma 31:12–38: Ang Ating Pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 31:12–38,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 31:12–38

Ang Ating Pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

dalagitang nagdarasal

Ang pagsamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay para sa layuning mas mapalapit tayo sa Kanila. Ngunit paano kung mawala sa atin ang tunay na dahilan ng pagsamba? Ang mga Zoramita, na dating kabilang sa totoong Simbahan ng Diyos, ay nagsimulang maniwala sa mga maling turo. Ang kanilang tiwaling uri ng pagsamba ay naglayo sa kanilang mga puso sa Diyos at humantong sa panghuhusga at pagmamalupit sa iba. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na mapatibay ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-iisipan mo kung paano nakakaimpluwensya ang kapalaluan at pagpapakumbaba sa iyong kaugnayan sa Kanila at sa iba.

Pagkukumpara at paglalahad ng pagkakaiba. Sa mga banal na kasulatan, ang isang doktrina o alituntunin ay kadalasang nililinaw kapag inihambing o ikinumpara sa iba pang bagay. Kapag napansin ang pagkakatulad at pagkakaiba sa mga turo, tao, o pangyayari, mas lalong napagtutuunan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Sikaping bigyang-diin ang mga halimbawa kapag ang mga inspiradong manunulat ay nagsasama ng mga ganitong pagkukumpara.

Paghahanda ng estudyante: Bilang paghahanda sa pag-aaral ng Alma 31, sabihin sa mga estudyante na manalangin, at pagtuunan ang mga pangangailangan ng iba.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagsusuri sa mga epekto ng ating pagsamba

Upang matulungan ang mga estudyante na isipin na ang pagsamba ay isang paraan para magpakita ng pagmamahal at katapatan sa Diyos, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na larawan o iba pang pinili mo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nakaapekto sa kanilang kaugnayan sa Diyos ang pagsamba sa mga ganitong paraan.

grupo ng mga kabataan sa labas ng templo
binatilyong nagbibigay ng sakramento
babaeng nagdarasal
binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Maaaring sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at isulat ang anumang ideya sa kanilang study journal tungkol sa pagpapatibay ng kanilang personal na ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba. Huwag ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga sagot.

  • Gaano mo kadalas nadarama na tapat mong sinisikap na ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsamba?

  • Sa anong mga paraan mo nadarama, kung mayroon man, na maaaring hindi ganoon katapat o nakatuon sa mga maling bagay ang iyong pagsamba?

Ang mga Zoramita ay sumasamba sa Ramiumptum

Nang matuklasan ni Alma at ng kanyang mga kapatid na inililigaw ng mga Zoramita ang mga landas ng Panginoon, naglakbay sila patungong Antionum. Doon nila natagpuan ang mga Zoramita na sumasamba sa paraang kailanma’y hindi pa nila nakita (tingnan sa Alma 31:12).

Maaari mong ipakita ang sumusunod na larawan at anyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang ginagawa ng mga tao. Maaaring basahin ng mga estudyante ang Alma 31:21 para makita ang pangalan ng lugar na tinitindigan nila para manalangin.

mga Zoramita na nagdarasal sa Ramiumptum

Tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na pagkukumpara at paglalahad ng pagkakaiba. Ang mga estudyante ay maaaring hatiin sa mga grupo at anyayahang pagkumparahin ang mga panalangin ng mga Zoramita at ang panalangin ni Alma. Maaari kang gumawa ng chart sa pisara tulad ng sumusunod at ipasulat sa mga estudyante ang natuklasan nila sa buong lesson. Tulungan silang pagkumparahin (1) ang pinagtutunan ng mga panalangin, (2) kung ano ang sinabi, at (3) kung bakit.

Panalangin ng mga Zoramita

Panalangin ni Alma

Basahin ang Alma 31:13–23, at punan ang kaliwang column ng chart ng pinakanapansin mo tungkol sa paraan ng pagsamba ng mga Zoramita. Maaari mo ring panoorin ang video na “Ipinangaral ni Alma at ng Kanyang mga Kapatid ang Salita ng Diyos sa mga Zoramita” mula sa time code na 0:22 hanggang 3:58, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

6:7
  • Ano ang napansin mo tungkol sa paraan ng pagsamba ng mga Zoramita? Sa iyong palagay, paano ito nakaapekto sa kaugnayan nila sa Diyos?

Nanalangin si Alma para sa mga Zoramita

Nananalangin si Alma para sa mga Zoramita

Dahil nakita ni Alma ang kasamaan sa mga Zoramita, nanalangin siya para sa kanila.

Basahin ang Alma 31:24–38, at alamin ang mga ang pinagtuunan, damdamin, at hangarin ni Alma sa kanyang panalangin. Punan ang kanang column ng chart batay sa nalaman mo. Matutulungan ka nitong ikumpara ang panalangin ni Alma sa panalangin ng mga Zoramita.

Maaari mong panoorin ang video na “Ipinangaral ni Alma at ng Kanyang mga Kapatid ang Salita ng Diyos sa mga Zoramita” mula sa time code na 4:03 hanggang 5:55, na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org. Sa bahaging ito ng video, maririnig mo ang panalangin ni Alma habang nakikita ang pagsisikap ni Alma at ng kanyang mga kasama na turuan ang mga Zoramita.

6:7

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na gamitin ang chart para ibahagi ang natutuhan nila sa pagkukumpara sa mga panalangin ni Alma at ng mga Zoramita.

Maaari mong ihanda ang mga estudyante na matuto mula sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Uchtdorf sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng “Paano nakaapekto ang kapalaluan sa mga Zoramita?” at “Ano ang naiiba tungkol sa ugali ni Alma?”

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

Kapag puno ng kapalaluan ang ating puso, nagkakasala tayo nang mabigat, dahil nilalabag natin ang dalawang dakilang utos. Sa halip na sambahin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa, inilalantad natin ang tunay nating sinasamba at minamahal—ang larawang nakikita natin sa salamin. Ang kapalaluan ay ang malaking kasalanang pag-aangat ng sarili. Ito para sa napakarami ay isang personal na Ramiumptum, isang banal na tindigan na nagbibigay-katwiran sa inggit, kasakiman, at kayabangan. (Dieter F. Uchtdorf, “Kapalaluan at ang Priesthood,” Liahona, Nob. 2010, 56)

Basahin ang Alma 32:1–5, at alamin kung paano pinakitunguhan ng mga Zoramita ang mga tao.

  • Paano pinakitunguhan ng mga Zoramita ang iba?

  • Ano ang nadama ni Alma sa iba at paano niya sila pinakitunguhan? (tingnan sa Alma 31:1–2, 24–25, 34–35).

  • Anong mga alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa mga epekto ng kapalaluan o pagpapakumbaba?

Ang isang alituntunin na matututuhan natin ay ang ating kapalaluan o pagpapakumbaba ay nakakaapekto sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa iba.

  • Sa iyong palagay, paano nakakaimpluwensya ang ating kapalaluan o pagpapakumbaba sa paraan ng pagsamba natin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Sa iyong palagay, paano nakakaimpluwensya ang ating kapalaluan o pagpapakumbaba sa paraan ng pakikitungo natin sa iba?

  • Ano ang natututuhan mo mula kay Alma tungkol sa pagpapakumbaba? Ano ang itinuro sa iyo ni Jesucristo tungkol sa pagiging mapagpakumbaba?

Pumili ng dalawa o tatlong paraan na maaari tayong magpakita ng pagpapakumbaba sa kung paano natin sinasamba ang Diyos. Isulat ang bawat isa sa iyong study journal.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod. Maaari mo silang hikayating magsulat sa kanilang study journal o magdagdag ng tala sa kanilang mga digital scripture.

Suriin sandali kung paano mo personal na sinasamba ang Ama sa Langit at si Jesucristo at kung paano nakakaimpluwensya ang iyong pagsamba sa kaugnayan mo sa Kanila. Isipin din kung paano nakakaapekto ang kapalaluan at pagpapakumbaba sa paraan ng pakikitungo mo sa iba. Magpasiya kung may anumang pagbabago na gusto mong gawin.

Maaari kang magbahagi ng patotoo kung paano nakaimpluwensya ang iyong pagsamba sa nadarama mo tungkol sa Diyos at kung paano mo pinakikitunguhan ang iba.