Seminary
3 Nephi 18:1–14: “Sa Pag-alaala sa Akin”


“3 Nephi 18:1–14: ‘Sa Pag-alaala sa Akin,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 18:1–14,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 18:1–14

“Sa Pag-alaala sa Akin”

sacrament cup na may tubig at pinirasong tinapay

Palagi tayong may mga pagkakataong tumanggap ng sakramento. Sa 3 Nephi 18, itinuro ni Jesus kung paano mapagpapala ng sakramento ang ating buhay at kung paano isagawa ang ordenansang ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na magkaroon ng mga makabuluhang karanasan sa pag-alaala sa Tagapagligtas kapag tumatanggap ka ng sakramento.

Pagtulong sa mga mag-aaral na makahanap ng kaugnayan sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Maaaring mahirapan ang ilang estudyante na makita kung paano nauugnay ang ebanghelyo sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Mapanalanging maghanap ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na madama na ang natututuhan nila ay makabuluhan at kapaki-pakinabang sa kanilang mga personal na kalagayan, tanong, at pangangailangan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano makabuluhan ang kanilang mga karanasan sa sakramento. Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para mapagbuti pa ang mga ito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Isang matibay na ugnayan

Ang sumusunod na ideya ay makatutulong sa mga estudyante na pag-isipan kung ano kinasasaligan ng matitibay na ugnayan. Ang pag-iisip ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang ugnayan sa Tagapagligtas at tumuklas ng mga paraan para mas mapalapit sa Kanya. Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng sakramento.

Isipin ang ilang tao na sa palagay mo ay talagang malapit sa iyo at may matibay na ugnayan sa iyo.

  • Ano ang nagawa mo o niya para mapatibay ang mga ugnayang iyon?

Ngayon, isipin kung gaano ka kalapit sa Tagapagligtas.

  • Ano sa palagay mo ang makatutulong sa iyo para mapatibay ang iyong ugnayan sa Tagapagligtas?

Sa pag-aaral mo ngayon, anyayahan ang Espiritu Santo na turuan ka kung paano mas mapapalapit sa Tagapagligtas at mas mapagtitibay ang iyong ugnayan sa Kanya.

pinasimulan ni Jesucristo ang sakramento

Ang Tagapagligtas ay napuspos ng pagkahabag sa mga tao nang mahiwatigan Niya ang hangarin nila na manatili pa Siya sa kanila nang mas matagal (tingnan sa 3 Nephi 17:1–6). Matapos basbasan ang mga bata at ang may karamdaman at nahihirapan, naglaan ang Tagapagligtas ng paraan para palaging makasama ng mga tao ang Kanyang Espiritu.

Basahin ang 3 Nephi 18:1–11, at alamin kung ano ang ginawa ng Tagpagligtas.

Maaari mong ipabasa sa isang grupo ng mga estudyante ang 3 Nephi 18:1–7 at sa isa pang grupo ang 3 Nephi 18:8–11. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga tanong tungkol sa kahulugan ng mga talatang binasa nila o ng ordenansa ng sakramento. Kung kinakailangan, makahahanap ka ng makatutulong na impormasyon sa Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Sacrament,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Maaari mong ipanood ang video na “Pinasimulan ni Jesucristo ang Sakramento,” matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:12 hanggang 6:12 matapos basahin ng mga estudyante ang mga talata o habang sumasabay sila sa pagbabasa. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong sa isang talakayan pagkatapos ng video: Ano ang pinakamahalaga para sa iyo? Ano sa palagay mo ang nadama ng mga tao nang tanggapin nila ang sakramento? Bakit? Sa iyong palagay, paano maiiba ang iyong karanasan kung ang Tagapagligtas ang mangangasiwa ng sakramento sa iyo?

10:49
  • Ano ang natuklasan mo tungkol sa sakramento mula sa mga turo ng Tagapagligtas?

  • Ano ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga panalangin sa sakramento kung palagi natin Siyang aalalahanin?

Maaari mong markahan ang alituntunin sa 3 Nephi 18:7, 11 na kapag tumatanggap tayo ng sakramento at palagi nating inaalala ang Tagapagligtas, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu upang makasama natin.

Kapag sinabi ni Jesucristo na nasa atin ang Kanyang Espiritu, ang tinutukoy Niya ay ang kaloob na Espiritu Santo.

  • Ano ang ilang paraan na palagi nating maaalala ang Tagapagligtas sa ating buhay sa araw-araw? Paano makatutulong sa atin ang pag-alaala sa Tagapagligtas para mapasaatin ang Espiritu Santo?

  • Paano napagpapala ang iyong buhay ngayon dahil nakakasama mo ang Espiritu Santo?

Ang ating karanasan sa sakramento

Maaari mong isulat sa pisara o sa magkakahiwalay na papel ang mga item na ito sa survey. Maaaring sagutin ng mga estudyante ang survey sa kanilang journal; hindi ibabahagi ang kanilang mga sagot.

Isipin kung paano mapatitibay ang iyong ugnayan sa Tagapagligtas kung mayroon kang mas makabuluhang mga karanasan sa pagtanggap ng sakramento. Sagutin ang bawat pahayag gamit ang “palagi,” “minsan,” “bihira,” o “hindi kailanman.”

  1. Naglalaan ako ng oras bago magsimba para makapaghanda para sa sakramento.

  2. Sa oras ng sakramento, sinisikap kong alalahanin si Jesucristo.

  3. Ang karanasan ko sa sakramento ay nakakaimpluwensya sa gagawin ko sa buong linggo.

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga kabataan na gumawa ng mga makabuluhang paraan para maalaala si Cristo sa oras ng sakramento. Maaari mong gawin ang chart na ito sa pisara at anyayahan ang mga estudyante na magsulat ng mga sagot. Maaaring may mga ideya na ang ilang estudyante kung ano ang nakatutulong sa kanila na maalaala ang Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang ginagawa na nila para makatulong sa pagkakaroon ng mga ideya.

Maaari ding gumawa ang mga estudyante ng mas personal na chart sa kanilang study journal. Maaari nilang kunan ng mga larawan ang kanilang chart pagkatapos bilang paalala sa susunod na pagtanggap nila ng sakramento.

Mas makabuluhang karanasan sa sakramento

  • Ano ang gusto kong maalaala tungkol kay Jesucristo?

    Isipin ang mga sumusunod:

    • Ang Kanyang pinagdusahan

    • Ang nagawa Niya para sa akin o sa iba pang kilala ko

  • Paano ako makapaghahanda para sa sakramento?

  • Ano ang magagawa ko sa oras ng sakramento para maalaala si Jesucristo?

Ang mga pangako ng pagtanggap ng sakramento

Basahin ang 3 Nephi 18:12–14, at alamin ang ipinangako ng Tagapagligtas sa mga taong inaalaala Siya at tumatanggap ng sakramento.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tumayo sa bato ng Tagapagligtas?

    Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong para maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng nakatayo sa bato ng Tagapagligtas, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin nito ay gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Kanya, hinahangad nating tularan ang Kanyang halimbawa, at dahil dito ay matatamasa natin ang mga pagpapala ng Kanyang awa at lakas.

  • Paano makatutulong sa atin ang pagtanggap ng sakramento sa pagtayo sa bato ng Tagapagligtas?

  • Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan ang pagtanggap ng sakramento bawat linggo?

Patotohanan kung paano tayo matutulungan ng sakramento na itayo ang ating buhay sa bato ng Tagapagligtas. Maaari kang magbahagi ng isang bagay na ginagawa mo para maging makabuluhan ang sakramento para sa iyo. Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan at ibahagi kung anong mga pagpapala ang matatanggap nila kung aalalahanin nila ang Tagapagligtas habang pinaghahandaan at tinatanggap nila ang sakramento.