Isipin kung ano ang maaaring nadama ni Mormon nang masaksihan niya ang kalungkutan at pagkawasak na dulot ng mga huling digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Bago siya masawi sa mga digmaang ito, tinapos ni Mormon ang kanyang mga isinulat sa pamamagitan ng pagtuturo tungkol kay Jesucristo at sa walang hanggang kaligayahan na naghihintay sa mga sumusunod sa Kanya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na sundin si Jesucristo at maghandang mamuhay sa piling ng Diyos sa walang hanggang kaligayahan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang buhay ni Mormon
Sagutan ang sumusunod na quiz para malaman kung ano ang naaalala mo tungkol sa propetang si Mormon.
Paano inilarawan si Mormon noong kabataan niya? (Tingnan sa Mormon 1:2.)
Isa siyang tagapagdala ng mga armas sa hukbong Nephita
Siya ay takot
Siya ay mabilis magmasid
Ano ang naranasan ni Mormon sa edad na 15? (Tingnan sa Mormon 1:15.)
Siya ay dinalaw ng Panginoon
Ang kanyang pangangaral ay nagpabalik-loob sa maraming tao
Siya ay nasugatan sa digmaan
Tinatayang ilang bahagi ng Aklat ni Mormon ang isinulat o pinaikli ni Mormon?
1/2
2/3
3/4
Si Mormon ay may responsibilidad na paikliin, isulat, at ingatan ang sagradong banal na kasulatan na kilala natin ngayon bilang Aklat ni Mormon. Sa pagtatapos ng kanyang buhay, sumaksi at nakibahagi si Mormon sa malaking digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Ang digmaang ito kalaunan ang kumitil sa buhay ni Mormon (tingnan sa Mormon 8:3). Bago ipinasa ang mga sagradong talaan sa kanyang anak na si Moroni, isinulat ni Mormon ang kanyang huling mensahe sa mga babasa ng Aklat ni Mormon sa hinaharap.
Habang pinagninilayan mo ang buhay, karanasan, at patotoo ni Mormon, ano sa palagay mo ang maaari niyang isulat sa kanyang huling mensahe sa mga babasa ng Aklat ni Mormon sa hinaharap? Bakit?
Sa pag-aaral mo ng Mormon 7, tingnan kung paano maaaring maging makabuluhan ang mensahe ni Mormon hindi lamang sa mga tao sa gitna ng digmaan kundi pati sa mga tao sa anumang sitwasyon sa buhay.
Ang nais ni Mormon na malaman natin
Basahin ang Mormon 7:2–7. Markahan sa iyong mga banal na kasulatan o ilista sa iyong journal ang mga bagay na nais ni Mormon na malaman ng mga mambabasa. Pagtuunan ng pansin lalo na ang itinuro ni Mormon tungkol kay Jesucristo sa talata 5–7.
Sa iyong palagay, bakit nadama ni Mormon na ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na dapat nating malaman?
Alin sa mga turong ito ang personal na pinakamakabuluhan sa iyo? Bakit?
Bakit mahalagang malaman “na kayo ay mula sa sambahayan ni Israel” (Mormon 7:2)?
Maaaring napansin mo na habang si Mormon ay napaliligiran ng kasamaan at digmaan, umasa siya sa Pagkabuhay na Mag-uli at pagtubos ni Jesucristo. Itinuro niya na dahil kay Jesucristo, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan at sa gayon ay handa tayong mamuhay sa piling ng Diyos sa maligayang kalagayan (tingnan sa Mormon 7:7).
Ano ang ilang hamon o negatibong impluwensya na nakapaligid sa iyo?
Paano nagsilbing pinagmumulan ng pag-asa at lakas sa buhay mo ngayon ang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang potensyal na magkaroon ng walang-hanggang kaligayahan?
Pagkilos ayon sa kaalaman
Ang kaalaman na makapananahanan tayo kasama ng Diyos sa walang hanggang kaligayahan ay makapagbibigay sa atin ng malaking pag-asa. Para matulungan tayong makamit ang kaligayahang ito, hinikayat tayo ni Mormon na kumilos ayon sa nalalaman natin. Ito ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng paggamit niya ng mga salitang “kaya nga” sa talata 8.
Sa iyong study journal, isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: “Makakapiling ko ang Diyos sa maligayang kalagayan kapag ako ay …”
Basahin ang Mormon 7:8–10 at kumpletuhin ang pahayag sa pamamagitan ng pagsusulat ng kahit tatlong aksiyon o bagay na iniaanyaya ni Mormon na gawin natin. Tandaan na sa talata 9, ang “ito” ay tumutukoy sa Aklat ni Mormon, at ang “roon” ay tumutukoy sa Banal na Biblia.
Ano ang ilang paraan na magagawa natin ang mga ito?
Paano tayo maihahanda ng mga aksiyong ito na matanggap ang ipinangakong kaligayahan sa pamamagitan ni Jesucristo?
Pag-isipan kung gaano mo nasusunod ang payo ni Mormon. Tingnan ang sumusunod na scale at i-rate ang iyong sarili sa bawat kategorya (1 = hindi kailanman; 5 = halos palagi).
Pumili ng isa sa mga paanyaya ni Mormon na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo na hangarin ang kaligayahan na matatamo sa pamamagitan ni Jesucristo. Magpasiya kung ano ang magagawa mo para kumilos ayon sa paanyayang iyon at kung paano ito makatutulong sa iyo na magtuon sa Tagapagligtas.