Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto 9: Mormon 7–Eter 15


“I-assess ang Iyong Pagkatuto 9: Mormon 7–Eter 15,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 9,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

I-assess ang Iyong Pagkatuto 9

Mormon 7Eter 15

binatilyong nakasandal sa puno

Ang pagninilay at pagsusuri sa mga espirituwal na natutuhan mo ay makatutulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maalala at masuri kung paano nakatulong sa iyong espirituwal na pag-unlad ang natutuhan mo sa Mormon 7Eter 15.

Tulungan ang mga estudyante na gamitin ang self-assessment para lumapit kay Cristo. Ang regular at palagiang assessment ay makatutulong sa mga estudyante na makita kung paano sila nagiging higit na katulad ng Tagapagligtas. Anyayahan ang mga estudyante na mapanalanging pag-isipan ang nalalaman at nadarama nila tungkol kay Jesucristo. Hikayatin sila na taimtim na suriin ang kanilang progreso at pag-isipan ang mga pagbabagong magagawa nila habang sinisikap nilang ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang natutuhan nila sa pamamagitan ng pagtapos sa sumusunod na pahayag: “Ang isang aral mula sa Mormon 7Eter 15 na gusto kong ibahagi sa isang kaibigan ay …”

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Sa lesson na ito magkakaroon ang mga estudyante ng mga pagkakataong ipaliwanag ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo at pagnilayan ang kanilang mga pagsisikap na sumampalataya kay Jesucristo. Ang pag-aaral ng iyong klase ng Mormon 7Eter 15 ay maaaring nakapagbigay-diin sa mga katotohanan maliban pa sa mga katotohanan sa mga sumusunod na aktibidad. Kung gayon, maaari mong iangkop ang mga aktibidad para maisama ang mga katotohanang iyon.

Mga linyang paikot sa loob ng katawan ng puno

Ang bahaging ito ng lesson ay naglalayong ihanda ang mga estudyante na ipaliwanag ang ilan sa natutuhan nila at suriin ang mga mithiing maaaring naitakda nila sa kanilang pag-aaral ng Mormon 7Eter 15. Magandang pagkakataon din ito upang ipabahagi sa mga estudyante ang kanilang mga sagot mula sa aktibidad sa paghahanda.

Magpakita ng larawan ng mga linyang paikot sa loob ng katawan ng puno at sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung ano ang matututuhan natin tungkol sa isang puno sa pamamagitan ng pagsuri sa mga linyang paikot nito.

putol na puno na may mga linyang paikot sa loob ng katawan nito

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan:

2:3

Kapansin-pansing marami tayong matututuhan tungkol sa buhay sa pag-aaral ng kalikasan. Halimbawa, maaaring suriin ng mga siyentipiko ang mga linyang paikot sa mga puno at malalaman nila ang tungkol sa klima at mga kondisyon habang tumutubo ang mga ito sa nakalipas na daang taon o maging libong taon. Isa sa mga bagay na natutuhan natin mula sa pag-aaral ng paglaki ng puno ay kapag maganda ang kondisyon ng panahon, normal ang pagtubo ng mga puno. Ngunit kapag hindi angkop ang mga kondisyon, bumabagal ang paglaki nito at umaasa na lamang sa mga likas na makikita sa kapaligiran upang mabuhay. (Dieter F. Uchtdorf, “Sa mga Bagay na PinakamahalagaLiahona, Nob. 2010, 19)

Tulad ng mga puno, mayroon tayong mga panahon ng pag-unlad at panahon kung kailan pakiramdam natin ay gusto lang nating manatiling buhay. Bawat isa sa atin ay dumaranas ng pag-unlad sa magkakaibang paraan at sa magkakaibang bilis. Isipin ang mga pagkakataon sa iyong buhay kung saan nakaranas ka ng espirituwal na pag-unlad.

  • Ano ang ilan sa mga kalagayan na nakatulong sa iyo na espirituwal na umunlad? Anong uri ng pag-unlad ang naranasan mo?

  • Ano ang ilang paraan na masusuri natin paminsan-minsan ang ating espirituwal na pag-unlad?

Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong ipaliwanag ang ilan sa mga natutuhan mo at suriin ang mga mithiing maaaring naitakda mo habang pinag-aaralan mo ang Mormon 7Eter 15.

Ipaliwanag ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon

Sa bahaging ito ng lesson, aanyayahan ang mga estudyante na ipaliwanag ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Maaari nilang gamitin ang napag-aralan nila sa Mormon 8. Kung gusto mo, maaari mong palawakin ang aktibidad para maisama ang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtulong na tipunin ang Israel, na ginagamit ang 3 Nephi 21.

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante, tulad ng mga missionary. Ang isang paraan para magawa ito ay magsulat sa mga papel ng iba’t ibang lugar o bansa para sa isang mission assignment. Isulat ang bawat mission assignment sa dalawang magkahiwalay na papel. Pagkatapos ay ipamahagi ang mga papel sa klase. Malalaman ng mga estudyante ang kanilang makakasama sa pamamagitan ng paghahanap sa taong may kaparehong mission assignment.

Kunwari ay isa kang missionary na nagpapaliwanag sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Bibigyan mo ng kopya ng Aklat ni Mormon ang isang tao para basahin niya ito.

Ihanda ang sasabihin mo gamit ang isa o mahigit pang scripture passage sa Mormon 8. Maaari mo ring gamitin ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon. Maghanap ng mga pagkakataon para ipaliwanag kung paano tayo natutulungan ng Aklat ni Mormon na maniwala kay Jesucristo.

Lumibot sa silid-aralan, at tulungan ang magkakapartner kung kinakailangan. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pagtukoy ng mga scripture passage, maaari mong ituro sa kanila ang Mormon 8:14–16, 25–26, 34–35. Kung kinakailangan, ipaalala sa kanila na ang mga talata 16 at 25 ay tumutukoy kay Joseph Smith.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa magkakapartner na isadula ang sitwasyon kasama ang isa pang magkapartner. Kung may oras pa, maaaring magsanay ang magkakapartner na magpaliwanag ulit sa ibang magkapartner.

Pagnilayan ang mga plano sa pagsampalataya kay Jesucristo

Ang bahaging ito ng lesson ay makatutulong sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga pagsisikap na sumampalataya kay Jesucristo. Maikukumpara ng mga estudyante ang pagsampalataya kay Jesucristo sa pagbi-bake ng tinapay.

Kung maaari, magdala ng mangkok at mga sangkap para makagawa ng tinapay. Maaari ka ring magdala ng tinapay para ibahagi sa mga estudyante. Sabihin sa mga estudyante na maikling ipaliwanag ang proseso ng paggawa ng tinapay sa pamamagitan ng pagtatanong ng tulad ng mga sumusunod:

tinapay
  • Ano ang ilang sangkap ng tinapay?

  • Bukod sa paghahalu-halo ng mga sangkap, ano pa ang kailangan mong gawin para makagawa ng tinapay?

Maaaring kabilang sa mga sangkap sa tinapay ang harina, pampaalsa, asin, at tubig. Maaaring kailangan mo ring maglaan ng oras para umalsa ang tinapay, at kailangan mong i-bake ito.

Ang pagbi-bake ng tinapay ay maikukumpara sa pagsampalataya kay Jesucristo. Ang mga resulta, patotoo, o himala na hinahanap mo ay tulad ng isang lutong tinapay. Ang iyong mga pagsisikap na sumampalataya kay Jesucristo ay maikukumpara sa mga sangkap, tagal ng pagpapaalsa, at pagbi-bake ng tinapay. Sa mga lesson kamakailan, pinag-aralan mo ang mga salaysay tungkol sa mga taong sumampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Eter 3:1–16; 12:6–22). Pinag-aralan mo rin ang mga salita ng mga propeta na nag-aanyaya sa iyo na sumampalataya sa Panginoon at humingi ng mga himala (tingnan sa Mormon 9:15–27; Eter 12:6–9).

Maaari mong mas maikumpara ang pagsampalataya sa paggawa ng tinapay sa pamamagitan ng pagtalakay sa ilan sa mga sumusunod: ang paghihintay sa Panginoon ay tulad ng tagal ng oras ng pagpapaalsa (tingnan sa Isaias 40:31), ang pagtupad sa ating mga tipan ay tulad ng asin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:39), at ang kapangyarihan ng Tagapagligtas ay tulad ng tubig (tingnan sa Juan 4:14).

Basahin ang Mormon 9:19–21; Eter 3:9; 12:6–9 para matulungan kang maalala ang napag-aralan mo tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo at ang mga plano na ginawa mo.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga resulta, patotoo, o himalang hinahangad nila habang sinasagot nila ang mga sumusunod na tanong. Maaari mong ipakita ang mga tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang mga ito sa kanilang study journal.

  • Ano ang nagawa mo para sumampalataya kay Jesucristo?

  • Kung ang pagsampalataya kay Jesucristo ay tulad ng pagbi-bake o pagluluto ng tinapay, nasa anong bahagi ng proseso ka na sa kasalukuyan? Nagtitipon ka pa rin ba o naghahalo ng mga sangkap? Naghihintay ka ba na umalsa ito? Bine-bake o niluluto na ba ang tinapay? O nakain mo na ba ang tinapay? Ipaliwanag kung bakit.

  • Ano ang ilang hamon na naranasan mo o kailangan mo pa ring madaig? Ano ang nakatulong o makatutulong sa iyo para madaig ang mga ito?

  • Paano mo nararamdamang pinagpapala ka para sa mga pagsisikap na ginawa mo na sumampalataya kay Jesucristo?

Anyayahan ang mga estudyante na gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan sa pagsampalataya kay Jesucristo at ng epekto nito sa kanilang buhay. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kung paano ka pinagpala dahil nananampalataya ka kay Jesucristo.