Seminary
Moroni 4–5: Ang Sakramento


“Moroni 4–5: Ang Sakramento,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Moroni 4–5,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Moroni 4–5

Ang Sakramento

tinapay at tubig ng sakramento

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, inaanyayahan tayong makibahagi sa mga banal na ordenansa at makipagtipan sa ating Ama sa Langit. Kapag nagsikap tayong tuparin ang ating mga tipan, pinagpapala tayo ng Ama sa Langit. Ang ordenansa kung saan pinakamadalas tayong nakikibahagi ay ang sakramento. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na tuparin ang tipan na ginagawa mo kapag tumatanggap ka ng sakramento upang mapasaiyo ang Espiritu ng Panginoon.

Unawain ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga estudyante. Sikaping maunawaan ang mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga estudyante sa iyong klase. Maaaring kabilang dito ang mga kagustuhan ng mag-aaral gayundin ang anumang hamon sa pag-aaral. Humanap ng mga paraan para maisama ang iba’t ibang pamamaraan sa pag-aaral, tulad ng mga visual aid, group work, o indibiduwal na pag-aaral, upang masulit ng mga estudyante ang kanilang karanasan sa seminary.

Paghahanda ng estudyante: Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pumasok sa klase na handang bigkasin ang mga panalangin sa sakramento nang walang kopya hangga’t kaya nila.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Bakit ka nagsisimba?

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng tungkol sa sakramento, maaari mong ibahagi ang sumusunod na salaysay o personal na karanasan tungkol sa kahalagahan ng sakramento.

Ibinahagi ni Sister Cheryl A. Esplin, dating tagapayo sa Primary General Presidency, ang tanong ng isang anak sa 96 na taong gulang na ama nito: “Itay, bakit po kayo nagsisimba? Hindi na kayo makakita, hindi na kayo makarinig, nahihirapan na kayong maglakad. Bakit po kayo nagsisimba?” (“Ang Sakramento—Isang Pagpapanibago ng Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2014, 14).

  • Sa iyong palagay, paano kaya sinagot ng ama ang tanong na ito?

“Sumagot ang ama, ‘Dahil sa sakramento. Nagsisimba ako para makatanggap ng sakramento’” (Cheryl A. Esplin, “Ang Sakramento,” 14).

  • Ano ang alam mo tungkol sa sakramento na maaaring dahilan kung bakit ganito ang sagot ng ama?

    Ang mga sumusunod na tanong ay nilayon para sa pansariling pagninilay-nilay. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal. Maaaring makatulong din na anyayahan silang magtanong tungkol sa sakramento.

  • Gaano kahalaga ang sakramento para sa iyo? Bakit?

  • Anong mga pagsisikap ang ginagawa mo para magkaroon ng makabuluhang karanasan sa sakramento?

Bilang bahagi ng kanyang isinulat, isinama ni Moroni ang mga panalanging ibinigay noon ni Jesucristo sa mga Nephita para sa pangangasiwa ng sakramento (tingnan sa Moroni 4:1–2). Habang pinag-aaralan mo ang mga panalanging ito sa Moroni 4–5, makinig sa mga pahiwatig upang malaman mo kung ano ang magagawa mo para matupad ang mga tipang ginagawa mo kapag tumatanggap ka ng sakramento.

Ang sakramento

Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit at pinaninibago natin ang mga tipang ginawa natin sa binyag (tingnan sa Mosias 18:8–10; Doktrina at mga Tipan 20:37). “Ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao o grupo ng mga tao. Nagtatakda ang Diyos ng mga partikular na kundisyon, at nangangako Siyang pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang mga kundisyong iyon” (Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Tipan,” ChurchofJesusChrist.org).

Maaari mong kopyahin ang sumusunod na chart sa pisara at anyayahan ang klase na punan ang kaliwang column gamit ang Moroni 4:3. Maaari din itong kopyahin ng mga estudyante sa kanilang study journal.

Ang Tipan sa Sakramento

Ang ipinapangako kong gawin

Mga paraan para tuparin ang aking mga pangako

  • Paano mo ibubuod ang ipinapangako natin kapag tumatanggap tayo ng tinapay ng sakramento?

Ang isang paraan para ibuod ang ating bahagi sa tipan sa sakramento ay kapag tumatanggap tayo ng sakramento, nangangako tayo na magiging handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga kautusan.

Maaaring hatiin ang mga estudyante sa grupong may tigtatatlong miyembro. Magtalaga sa bawat grupo ng isa sa mga pangakong ginagawa natin bilang bahagi ng tipan sa sakramento. Sabihin sa grupo na talakayin ang itinalagang pangako sa kanila at magbahagi ng mga ideya na magagamit para punan ang pangalawang column sa chart.

Pagkatapos ng sapat na oras, hatiin ang klase sa mga bagong grupo na may tigtatatlong miyembro. Bawat bagong grupo ay dapat binubuo ng mga estudyante na nag-aral ng iba’t ibang bahagi ng tipan sa sakramento. Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natutuhan nila sa kanilang orihinal na grupo at tulungan ang isa’t isa na punan ang pangalawang column sa chart.

Kung makatutulong sa mga estudyante na pag-aralan pa ang tungkol sa ibig sabihin ng pagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas sa kanilang sarili, maaari mong gamitin ang sumusunod na pahayag at mga tanong. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung gaano nila ginugusto ang ninanais ng Tagapagligtas kumpara sa gusto nila o kung ano ang nais ng mundo para sa kanila.

Maaari mo ring gamitin ang Mosias 18:8–10 at Juan 14:15 upang matulungan ang mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa mga paraan ng pagtupad ng tipan sa sakramento.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng pagiging handang taglayin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas?

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:

Nangangako tayong tataglayin ang Kanyang pangalan sa ating sarili. Ibig sabihin dapat nating makita ang ating sarili na katulad Niya. Uunahin natin Siya sa ating buhay. Gugustuhin natin ang gusto Niya sa halip na ang gusto natin o ang itinuturo ng mundo na gustuhin natin. (Henry B. Eyring, “That We May Be One,” Ensign, Mayo 1998, 67)

  • Paano mo mas mapagbubuti ang pagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas sa iyong sarili?

  • Sa paanong paraan tayo matutulungan ng pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ng Tagapagligtas para maging katulad Niya tayo?

Mapasaatin ang Kanyang Espiritu sa tuwina

babaeng nakikibahagi sa sakramento

Basahin ang Moroni 4:3 at 5:2, at alamin ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng panalangin sa tinapay at ng panalangin sa alak (tubig).

  • Anong mga pagkakatulad ang nakita mo?

  • Ano ang gagawin ng Ama sa Langit kung tutuparin natin ang tipang ginagawa natin sa oras ng sakramento?

Ang isang alituntuning natututuhan natin ay kapag tinupad natin ang tipang ginagawa natin sa oras ng sakramento, mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon.

  • Isipin kung paano nakatutulong sa iyo ang kahandaan mong tuparin ang mga sumusunod na pangako para maging karapat-dapat ka na mapasaiyo sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon:

    • Taglayin sa iyong sarili ang pangalan ng Tagapagligtas.

    • Lagi Siyang alalahanin.

    • Sundin ang Kanyang mga kautusan.

  • Paano ka makikinabang ng pagsama sa iyo sa tuwina ng Espiritu Santo?

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan kung ano ang gagawin natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento at kung paano tayo mapagpapala sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan nito. Basahin ang sumusunod na pahayag o panoorin ang video na “The Aaronic Priesthood and the Sacrament” mula sa time code na 6:48 hanggang 7:22 sa ChurchofJesusChrist.org.

2:3

Tayo ay inutusang magsisi sa ating mga kasalanan at lumapit sa Panginoon nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, at tumanggap ng sakramento bilang pagsunod sa mga tipan nito. Kapag pinapanibago natin ang ating mga tipan sa binyag sa ganitong paraan, pinapanibago ng Panginoon ang nakalilinis na epekto ng ating binyag. Sa ganitong paraan tayo ay malilinis at mapapasaatin sa tuwina ang Kanyang Espiritu. Ang kahalagahan nito ay makikita sa utos ng Panginoon na tumanggap tayo ng sakramento bawat linggo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:8–9). (Dallin H. Oaks, “The Aaronic Priesthood and the Sacrament,” Ensign, Nob. 1998, 38)

Pagtupad sa tipan sa sakramento

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa sakramento at anyayahan ang mga handang estudyante na gawin din iyon.

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan kung ano ang magagawa nila para tuparin ang kanilang tipan sa sakramento. Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na talata at anyayahan ang mga estudyante na sumagot sa kanilang study journal. Maaari mo ring imungkahi na maaaring maging isa sa kanilang mga mithiin sa pag-unlad ng mga kabataan ang pagtupad sa tipan sa sakramento.

Isipin ang mga pagsisikap mong tuparin ang mga pangakong ginagawa mo kapag tumatanggap ka ng sakramento. Ano ang naisasakatuparan mo nang maayos? Ano ang maaaring pagbutihin pa?

Pumili ng isa o mahigit pang pangako na gusto mong pagtuunan. Magsulat ng isang partikular na bagay na magagawa mo. Maaari mong pagnilayan ito sa susunod na tatanggap ka ng sakramento.

Bigyang-pansin kung paano nakatutulong sa iyo ang pagtupad sa iyong mga tipan na mapasaiyo ang Espiritu Santo at ang kaibhang nakikita mo sa iyong buhay.