Lesson 17—Doktrina at mga Tipan 6: “Isaalang-alang Ako sa Bawat Pag-iisip; Huwag Mag-alinlangan, Huwag Matakot”
“Lesson 17—Doktrina at mga Tipan 6: ‘Isaalang-alang Ako sa Bawat Pag-iisip; Huwag Mag-alinlangan, Huwag Matakot,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 6,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
“Isaalang-alang Ako sa Bawat Pag-iisip; Huwag Mag-alinlangan, Huwag Matakot”
Noong Abril 5, 1829, nakilala ni Oliver Cowdery si Joseph Smith sa unang pagkakataon. Makalipas ang dalawang araw, naging tagasulat siya ni Joseph para sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Kasama sa Doktrina at mga Tipan 6 ang payo mula sa Panginoon na tumatalakay sa marami sa mga tanong at alalahanin ni Oliver tungkol sa pakikibahagi sa gawain ng Panginoon. Ang lesson na ito ay naglalayong tulungan ang mga estudyante na magtiwala sa Tagapagligtas kapag nahaharap sila sa mga pag-aalinlangan at takot.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga pag-aalinlangan at takot
Ano ang ilang takot, pag-aalinlangan, o alalahanin na posibleng mayroon ang mga teenager?
Si Oliver Cowdery ay nagsimulang tumulong kay Joseph Smith
Si Oliver Cowdery ay isang guro sa paaralan na nagsimulang manuluyan sa mga magulang ni Joseph Smith noong taglagas ng 1828. Habang naninirahan kasama ang pamilya Smith, nalaman ni Oliver ang tungkol sa banal na tungkulin ni Joseph at sa patuloy na pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Nadama ni Oliver na magtanong kung maaari niyang tulungan si Joseph sa pagsasalin. Noong tagsibol ng 1829, sumama si Oliver sa kapatid ni Joseph na si Samuel patungo sa Harmony, Pennsylvania, upang makilala ang Propeta sa unang pagkakataon.
Kung kayo ang nasa sitwasyon ni Oliver Cowdery, ano kaya ang mga tanong o alalahanin ninyo sa panahong ito?
Hindi nagtagal pagdating sa Harmony, naging tagasulat ni Joseph Smith si Oliver. Bagama’t nakatanggap na si Oliver ng banal na pagpapatibay tungkol sa kaloob na pagsasalin ni Joseph bilang propeta, may mga tanong pa rin siya tungkol sa kanyang sariling pakikibahagi sa gawain ng Panginoon. Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6 sa panahong ito.
Pagkilala at pagtitiwala sa Tagapagligtas
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:14–24, 32–37, at alamin ang ilan sa mga payo ng Panginoon kay Oliver. Partikular na bigyang-pansin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili na makatutulong sa atin sa mga oras ng kawalang-katiyakan o takot.
Ano ang natutuhan ninyo tungkol kay Jesucristo na makatutulong sa inyo na magtiwala sa Kanya kapag nahaharap kayo sa takot, pag-aalinlangan, o mga alalahanin?
Paano makatutulong sa inyo ang mga katotohanang ito tungkol sa Tagapagligtas sa gayong mga panahon?
Paano ninyo ibubuod ang katotohanang itinuro sa talata 36?
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng isaalang-alang si Jesucristo sa bawat pag-iisip?
Sa inyong palagay, bakit nais ng Tagapagligtas na “masdan” natin ang Kanyang mga sugat? (Doktrina at mga Tipan 6:37).
Ano ang epekto sa atin ng pag-alaala sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli?
May ilang tanong si Anna tungkol sa ebanghelyo na hindi nasagot. Kung minsan, pakiramdam niya ay hindi sapat ang kanyang patotoo para matulungan siyang mapaglabanan ang kanyang mga pag-aalinlangan.
Nahihirapan si Eric dahil sa nadarama niya na hindi siya mahalaga. Pakiramdam niya ay hindi siya napapansin ng sinuman sa paaralan.
Nahihirapan ang mga magulang ni Sophie na matustusan ang kanilang pamilya. Nag-aalala siya na maaaring walang sapat na pera ang kanyang mga magulang para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ano ang kahit tatlong paraan na makakaasa ang mga taong ito kay Cristo sa kanilang mga sitwasyon?
Paano makagagawa ng kaibhan ang paggawa ng mga bagay na iyon sa buhay ng mga taong ito?
Ipamuhay ito
Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol kay Jesucristo ngayon na makatutulong sa mga takot, alinlangan, o alalahanin mo?
Ano ang ilang partikular na paraan na sisikapin mong sundin ang payo ng Tagapagligtas na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot”?