“Doktrina at mga Tipan 18:11–16: ‘Anong Laki ng Inyong Kagalakan,’” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)
“Doktrina at mga Tipan 18:11–16,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan
Lesson 28: Doktrina at mga Tipan 18
Doktrina at mga Tipan 18:11–16
“Anong Laki ng Inyong Kagalakan”
Sa patuloy na paghahayag ng Panginoon ng Kanyang kalooban hinggil sa Kanyang Simbahan, nangusap Siya kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at David Whitmer tungkol sa kagalakang nagmumula sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo. Ang lesson na ito ay makatutulong na mapag-ibayo ang hangarin ng mga estudyante na ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas sa iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ano ang nagdudulot ng kagalakan?
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na makadama tayo ng kagalakan (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Sa Doktrina at mga Tipan 18, ipinahayag ng Tagapagligtas kung ano ang naghahatid sa Kanya ng kagalakan at ipinaliwanag Niya kung paano rin natin mararanasan ang gayong uri ng kagalakan.
Ang kagalakan ni Jesucristo
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:11–13 at alamin kung ano ang nagdudulot ng malaking kagalakan sa Tagapagligtas.
-
Sa iyong palagay, bakit labis na nagagalak ang Panginoon kapag tayo ay nagsisisi?
-
Paano makakaimpluwensya ang kaalamang ito tungkol sa Tagapagligtas sa iyong mga kilos at hangarin?
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:14–16 at markahan ang mga parirala na nagpapakita ng nais ng Tagapagligtas para sa atin.
-
Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga hangarin para sa atin?
Nagsalita si Elder Marcus B. Nash ng Pitumpu tungkol sa kagalakang maaaring magmula sa pagbabahagi ng ebanghelyo:
Kapag natutuhan ng isang tao ang maluwalhating layunin ng buhay, naunawaan na nagpapatawad at sumasaklolo si Cristo sa lahat ng sumusunod sa Kanya, at pagkatapos ay piniling sundin si Cristo at nagpabinyag, bumubuti ang kalagayan ng buhay—kahit hindi nagbabago ang mga pangkalahatang sitwasyon sa buhay.
Isang masayahing sister na nakilala ko sa Onitsha, Nigeria, ang nagsabi sa akin na simula nang malaman niya ang ebanghelyo at nagpabinyag (at ngayon babanggitin ko ang mga katagang sinabi niya), “lahat ay mabuti para sa akin. Masaya ako. Ako ay nasa langit na.” Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan at pag-asa sa mga kaluluwa ng nagbibigay at tumatanggap. Tunay ngang, “anong laki ng inyong kagalakan” kapag ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo! Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdaragdag sa taglay na kagalakan at pag-asa. (Marcus B. Nash, “Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan,” Liahona, Nob. 2021, 71)
-
Sa iyong palagay, bakit ang paggabay sa ibang tao patungo kay Jesucristo ay nagdudulot ng labis na kagalakan sa isang tao?
-
Ano ang mga naranasan (o nalaman) mo kung saan nakita mo ang kagalakan ng pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba?
Pagdaig sa mga balakid
Isulat kung ano ang maaari mong ibahagi sa taong may mga alalahanin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas. Pag-isipang isama ang mga sumusunod:
-
Ang nalalaman mo tungkol sa Tagapagligtas na makadaragdag sa hangarin mong dalhin ang iba sa Kanya (at isang talata sa banal na kasulatan na nagpapatotoo sa nalalaman mo, kung maaari)
-
Kung paano nagdulot sa iyo ng kagalakan ang paglapit sa Tagapagligtas at kung bakit gusto mong matanggap ng iba ang mga pagpapala ring iyon
-
Ang mga karanasan mo o ng ibang kakilala mo sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo at kung paano nagdulot ng kagalakan ang mga karanasang iyon
Maglaan ng oras para pagnilayan ang natutuhan at nadama mo sa lesson na ito. Isulat ang nadarama mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo at pagsisikap na ilapit ang iba kay Jesucristo. Maaari mong isama ang anumang natutuhan mo, lalo na ang tungkol sa Tagapagligtas, na gusto mong matandaan.