Seminary
Lesson 75—Doktrina at mga Tipan 63:1–23: Ang Batas ng Panginoon sa Kalinisang-puri


“Lesson 75—Doktrina at mga Tipan 63:1–23: Ang Batas ng Panginoon sa Kalinisang-puri,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 63:1–23,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 75: Doktrina at mga Tipan 60–63

Doktrina at mga Tipan 63:1–23

Ang Batas ng Panginoon sa Kalinisang-puri

babaeng pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan

Noong tag-init ng 1831, bumalik si Propetang Joseph Smith mula sa Missouri at nalaman niya na nakagawa ng mabibigat na kasalanan ang ilan sa mga Banal sa Kirtland, kabilang na ang paglabag sa batas sa kalinisang-puri. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, nagbabala ang Panginoon sa mga Banal tungkol sa kabigatan ng kanilang mga kasalanan. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng personal na pagsunod sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kahalagahan ng kabutihan

nakangiti si Jesus

Para simulan ang klase, maaari kang mag-display ng isang larawan na ipinapakita ang Tagapagligtas. Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa una sa mga sumusunod na tanong. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ipaliwanag ang isinulat nila at ibahagi kung paano nila sasagutin ang pangalawang tanong.

  • Ano ang ilang salita o parirala na naglalarawan ng mga katangiang nais ng Tagapagligtas na taglayin natin?

    Idagdag ang salitang mabait sa pisara kung wala pa ito roon. Ipaliwanag na kabilang sa pagiging mabait ang pagkakaroon ng integridad, pagiging dalisay ang puri, at pagkakaroon ng espirituwal na kapangyarihan at lakas (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kabaitan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

  • Sa iyong palagay, bakit mahalagang maging katangian natin ang pagiging mabait?

  • Paano tinutuligsa sa ating panahon ang utos ng Tagapagligtas na maging mabait?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano kahalaga para sa kanila na maging mabait at dalisay ang puri. Maaari din nilang isipin ang mga tanong nila o mga balakid na personal nilang kinakaharap na may kaugnayan sa kautusang ito. Hikayatin ang mga estudyante na bigyang-pansin ang mga espirituwal na pahiwatig na makatutulong sa kanila na madama ang mas matinding hangaring mamuhay nang dalisay at mabait.

Kinukundena ng Tagapagligtas ang kasalanang seksuwal

Ang sumusunod na impormasyon ng konteksto ay makatutulong sa mga estudyante na maghandang pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 63.

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, tinalakay ng Tagapagligtas ang mga makasalanang pag-uugali ng ilan sa mga Banal sa Kirtland, Ohio. Siya ay nagbabala tungkol sa kabigatan ng mga kasalanang ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:1–6) at nagbahagi ng mga katotohanan tungkol sa kahalagahan ng pagiging dalisay ang puri.

Pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 63:13–16, at alamin ang mga paanyaya at babala ng Panginoon.

Kung kinakailangan, tulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahulugan ng mahahalagang salita o parirala sa mga talatang ito. Halimbawa, maaaring makatulong na ipaliwanag na ang “pakikiapid” ay tumutukoy sa seksuwal na relasyon ng isang taong may-asawa at ng isang taong hindi niya asawa. Ang ibig sabihin ng “pagnasaan” ay tumingin sa isang tao sa paraang pupukaw sa damdaming seksuwal. Kabilang dito ang panonood ng pornograpiya. “Nakasaad sa batas ng kalinisang-puri na sinasang-ayunan ng Diyos ang seksuwal na aktibidad sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babaeng ikinasal” (Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili [2022], 23).

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa maaaring maging epekto ng mga kasalanang seksuwal sa atin?

  • Ano ang matututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa Kanyang mga salita sa mga talatang ito?

Ang isang katotohanan na angkop na bigyang-diin sa talakayang ito ay kinukundena ng Tagapagligtas ang pagnanasa at lahat ng iba pang uri ng kasalanang seksuwal.

Palalimin ang pag-unawa tungkol sa batas ng kalinisang-puri

Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang utos ng Tagapagligtas na maging dalisay ang puri ay kadalasang tinutukoy bilang batas ng kalinisang-puri. Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa batas na ito.

Sabihin sa klase na pag-usapan ang ilang tanong ng mga tinedyer tungkol sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri. Maaaring mas komportable ang mga estudyante na magtanong nang hindi nagpapakilala sa pamamagitan ng pagsusulat ng kanilang mga tanong. Pumili ng ilang naaangkop na tanong at ilista ang mga ito sa pisara.

Upang matulungan kang maghandang sagutin ang mga tanong mo o ng iba tungkol sa batas ng Panginoon sa kalinisang-puri, pag-aralan ang mga sumusunod na bahagi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022): “Lumakad sa liwanag ng Diyos” (pahina 16–21) at “Ang inyong katawan ay sagrado” (pahina 22–29).

Maaaring makipagtulungan ang mga estudyante sa isang kapartner o sa maliliit na grupo para mahanap ang mga sagot sa mga tanong na pinili nilang pagtuunan. Bukod pa sa pag-aaral ng mga bahagi mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (2022), maaari ding anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng iba pang resources ng ebanghelyo.

Ang ilang karagdagang resources na maibabahagi mo sa mga estudyante ay matatagpuan sa “Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral” sa katapusan ng lesson.

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na talakayin ang natuklasan nila sa kanilang pag-aaral. Sabihin sa maraming estudyante na ibahagi ang mga ideya nila. Maaaring makatulong sa talakayan ang isang tanong na tulad ng sumusunod.

  • Ano ang natuklasan ninyo na nagpalalim sa inyong pag-unawa kung bakit iniutos sa atin na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri?

Mga pagpapala sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri

Matapos balaan ang mga Banal tungkol sa kabigatan ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, hinikayat sila ng Tagapagligtas na sundin ang Kanyang mga kautusan, at nangako Siya ng mga pagpapala para sa pagsunod.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:19–20, 23, at alamin ang itinuro ng Tagapagligtas.

  • Anong mga pagpapala ang ipinapangako ng Panginoon sa mga taong sumusunod sa Kanyang mga kautusan?

  • Paano nakahihikayat sa atin ang pag-alaala sa mga pagpapalang ito na mamuhay nang mabuti?

Maaaring may ilang estudyante na nakagawa ng mga kasalanan na may kaugnayan sa batas ng kalinisang-puri. Ipaalala sa klase na kapag taos-puso nating sinisikap na pagsisihan ang ating mga kasalanan, tayo ay lubos na patatawarin at pagagalingin ng Tagapagligtas. Para matulungan ang sinumang nag-aalala na nakagawa na sila ng mga pagkakamali, maaari mong bigyang-diin ang Doktrina at mga Tipan 58:42–43.

Alalahanin ang natutuhan mo

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang natutuhan at nadama nila sa kanilang pag-aaral ngayon. Ang isang paraan para magawa ito ay anyayahan silang isulat ang kanilang mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal.

  • Ano ang mga naging impresyon o damdamin mo habang nag-aaral ka ngayon?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa kahalagahan ng pagiging dalisay ang puri at ang maaaring maging epekto ng pagpili nito sa iyong buhay?

  • Ano ang isang bagay na nahihikayat kang gawin o baguhin?

Tapusin ang lesson sa pagpapaalala sa mga estudyante ng pangako ng Tagapagligtas na pagpapalain ang lahat ng tapat na nagsisikap na sundin ang batas ng Panginoon sa kalinisang-puri.