Seminary
Lesson 76—Doktrina at mga Tipan 63:57–64: Pagpipitagan sa Sagradong Pangalan ni Jesucristo


“Lesson 76—Doktrina at mga Tipan 63:57–64: Pagpipitagan sa Sagradong Pangalan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Doktrina at mga Tipan 63:57–64,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 76: Doktrina at mga Tipan 60–63

Doktrina at mga Tipan 63:57–64

Pagpipitagan sa Sagradong Pangalan ni Jesucristo

nagtuturo ang Tagapagligtas

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, ipinahayag ng Tagapagligtas ang Kanyang hangarin para sa Kanyang mga tagasunod na “mag-ingat kung paano nila sinasambit ang [Kanyang] pangalan sa kanilang mga labi” (Doktrina at mga Tipan 63:61). Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na madama ang kahalagahan ng paggamit ng pangalan ng Tagapagligtas nang may pagpipitagan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Maingat sa halip na kaswal

Isulat ang pariralang Maingat sa halip na kaswal sa pisara. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang sitwasyon kung saan mahalaga para sa isang tao na maging maingat sa halip na kaswal? Bakit?

    Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong sa pag-iisip ng mga ideya, maaari kang magbanggit ng ilang halimbawa, tulad ng pagmamaneho ng kotse, pagsasaliksik sa internet, paggupit ng buhok, o pagsasagawa ng medical procedure o operasyon.

  • Ano sa palagay mo ang ilang bagay na nais ng Tagapagligtas na maging maingat tayo sa ating buhay?

Itinanong ni Sister Rebecca L. Craven ng Young Women General Presidency ang sumusunod:

Sister Rebecca L. Craven

Maingat ba tayo sa ating pananalita? O kaswal nating tinatanggap ang magaspang at mahalay? (Rebecca L. Craven, “Maingat Laban sa Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 10)

Ano ang ilang sitwasyon kung saan maaari kang makarinig ng pananalitang walang pagpipitagan sa Diyos o sa iba pang sagradong bagay?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang nadarama nila kapag nakakarinig sila ng gayong pananalita. Hikayatin sila sa pag-aaral nila na maghanap ng mga turo na makatutulong sa kanila na madama ang kahalagahan ng pagiging maingat sa paraan ng pagsasalita nila tungkol sa mga sagradong bagay, lalo na kung paano nila ginagamit ang mga pangalan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Pagpipitagan sa pangalan ni Jesucristo

Ang sumusunod na paliwanag ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng mga talatang pag-aaralan nila sa Doktrina at mga Tipan 63.

Sa panahon ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 63, ginamit ng ilan sa mga Banal sa Kirtland, Ohio, ang pangalan ng Panginoon nang walang wastong awtoridad ng priesthood (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 63:62). Kinondena ng Panginoon ang mga gawaing ito at itinuro Niya sa mga Banal ang mahahalagang katotohanan kung paano dapat gamitin ang Kanyang pangalan.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 63:58–64, at alamin ang nais ng Panginoon na maunawaan ng mga Banal tungkol sa Kanya.

  • Ano ang ipinauunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol kay Jesucristo?

  • Ano ang natutuhan mo mula sa talata 61–64 tungkol sa kung paano natin dapat gamitin ang pangalan ng Tagapagligtas?

    Ang isang katotohanan na maaaring mabanggit ng mga estudyante mula sa mga talatang ito ay ang pangalan ni Jesucristo ay sagrado at dapat gamitin nang may pag-iingat.

  • Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng gamitin ang pangalan ng Tagapagligtas nang may pag-iingat?

  • Ano ang mga tanong mo tungkol sa natutuhan mo sa mga talatang ito?

Kung may mga tanong ang mga estudyante tungkol sa kahulugan ng paggamit ng “pangalan ng Panginoon … nang walang kabuluhan” (talata 62), ipaliwanag na maaaring kabilang dito ang pagsasalita nang walang pagpipitagan tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo (tingnan sa Dallin H. Oaks, “Reverent and Clean,” Ensign, Mayo 1986, 49–50). Maaaring kabilang din dito ang paggamit ng awtoridad ng priesthood ng Tagapagligtas nang hindi karapat-dapat (tingnan sa Neil L. Andersen, “Kapangyarihan sa Priesthood,” Liahona, Nob. 2013, 93). Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na angkop na magsalita tungkol sa Tagapagligtas sa ebanghelyo o sa pakikipag-usap araw-araw kapag pinag-uusapan natin Siya nang may pagmamahal at paggalang.

Bago itanong ang sumusunod, makatutulong na sabihin sa mga estudyante na ipagpalagay na may kakilala sila na hindi nakakaunawa sa kahalagahan ng paggamit ng pangalan ng Tagapagligtas nang may pagpipitagan. Maaari nilang isaisip ang taong ito habang nagtatalakayan sila.

  • Ano sa palagay mo ang makatutulong sa atin para magkaroon tayo ng mas malaking hangaring gamitin ang pangalan ni Jesucristo nang may pagpipitagan?

Pagdama ng higit na pagmamahal at pagpipitagan kay Jesucristo

Ipaliwanag na ang pag-unawa pa kung sino si Jesucristo at kung ano ang ginawa Niya para sa atin ay makatutulong sa atin na makadama ng higit na pagmamahal at pagpipitagan sa Kanya.

Bago ipaalam ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga karanasan nila o mga katotohanang alam nila mula sa mga banal na kasulatan na naghihikayat sa kanila na mag-isip at magsalita nang mapitagan tungkol kay Jesucristo. Maaari ka ring magbahagi ng halimbawa mula sa sarili mong buhay.

Maglaan ng oras na saliksikin ang sources na itinalaga ng Diyos na makatutulong sa iyo na madama ang higit na pagmamahal kay Jesucristo at hangaring magsalita tungkol sa Kanya nang may pagpipitagan. Maaari mong saliksikin ang mga banal na kasulatan, mga pahayag mula sa mga lider ng Simbahan, mga himno, o iba pang kapaki-pakinabang na resources na naglalarawan sa kung sino Siya o kung ano ang Kanyang ginawa. Isulat ang mga naisip at nadama mo sa iyong study journal.

Maaaring maghanap ng resources ang mga estudyante nang mag-isa o nang may kapartner. Kung kinakailangan, maaari mo silang bigyan ng ilang halimbawa ng resources na masasanggunian nila, tulad ng mga himno na nagtuturo ng kasagraduhan ni Jesucristo o ilan sa mga sumusunod na banal na kasulatan: Mateo 8:23–27; 2 Nephi 25:13; Doktrina at mga Tipan 18:23–25; 35:1–2; 110:1–5.

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan at nadama nila mula sa kanilang pag-aaral. Kung nakahanap ang mga estudyante ng makabuluhang mga himno, maaaring sama-samang kantahin ng klase ang isa o mahigit pa sa mga ito. Maaari mo ring anyayahan ang mga estudyante na basahin ang isang banal na kasulatan na nahanap nila at ibahagi kung bakit ito makabuluhan sa kanila.

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga estudyante na maibahagi ang kanilang mga nalaman:

  • Ano ang napag-aralan mo na naghikayat ng pasasalamat o paggalang sa Tagapagligtas?

  • Paano makakaapekto sa iyong mga pagpili ang pag-alaala sa napag-aralan mo?

Maaari mong palawakin ang talakayan tungkol sa pangalawang tanong sa pamamagitan ng paghati sa mga estudyante sa maliliit na grupo at pag-anyaya sa kanila na talakayin kung paano ito makakaapekto sa partikular na mga aspeto ng kanilang buhay kapag nakadarama tayo ng higit na pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kabilang sa mga halimbawa ng mga aspeto ng kanilang buhay na mapag-uusapan nila ang:

  • Mga pagpiling ginagawa nila na may kaugnayan sa paggamit ng media.

  • Mga pakikipag-ugnayan nila sa iba.

  • Kahandaan nilang ibahagi ang ebanghelyo.

  • Paraan ng kanilang pagdarasal sa Ama sa Langit.

Pag-uugnay nito sa iyong buhay

Upang matulungan ang mga estudyante na mapagnilayan ang kanilang natutuhan, sabihin sa kanila na sagutin ang kahit isa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal:

  • Batay sa natutuhan mo mula sa Espiritu o sa iyong mga kaklase ngayon, anong mga pagbabago ang napansin mo sa nadarama o pananaw mo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Ano ang isang bagay na nadarama mong nais mong gawin nang mas mabuti o naiiba dahil sa natutuhan mo ngayon?

Sabihin sa ilang handang estudyante na ibahagi ang isinulat nila. Pagkatapos ay tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at ipaliwanag kung bakit sagrado ang mga pangalan Nila para sa iyo.