Seminary
Lesson 154—Ang mga Saligan ng Pananampalataya: Pag-aaral ng mga Saligang Katotohanan ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas


“Lesson 154—Ang mga Saligan ng Pananampalataya: Pag-aaral ng mga Saligang Katotohanan ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Ang mga Saligan ng Pananampalataya,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 154: Ang mga Saligan ng Pananampalataya at Mga Opisyal na Pahayag 1 at 2

Ang mga Saligan ng Pananampalataya

Pag-aaral ng mga Saligang Katotohanan ng Ebanghelyo ng Tagapagligtas

mga kabataang nakangiti

Noong Marso 1, 1842, tumugon si Propetang Joseph Smith sa isang kahilingan mula sa patnugot ng pahayagan na si John Wentworth upang magbigay ng impormasyon tungkol sa kasaysayan at mga paniniwala ng Simbahan. Bilang bahagi ng kanyang sagot, ipinahayag ni Joseph ang 13 pangunahing alituntunin ng ebanghelyo na kilala ngayon bilang mga Saligan ng Pananampalataya. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pag-unawa sa doktrina ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga katotohanang nakapaloob sa Mga Saligan ng Pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pagpapaliwanag ng ating mga paniniwala

Maaari mong simulan ang klase sa sumusunod na sitwasyon.

Kunwari ay may kaibigan ka na gustong mas malaman kung ano ang pinaniniwalaan ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kaibigan mo ay lubhang interesado pero may ilang minuto lang para makinig bago pumunta sa klase.

  • Ano ang gusto mong maunawaan ng iyong kaibigan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?

    Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng tatlong minuto para isulat ang kanilang mga sagot sa kanilang study journal. Bilang alternatibo, maaari nilang talakayin kung ano ang ibabahagi nila bilang isang klase o isadula ang sitwasyon kasama ang isang kapartner.

  • Anong resources ang maibabahagi mo sa iyong kaibigan para matulungan siyang mas makilala ang Tagapagligtas at ang Kanyang ebanghelyo?

Kung kinakailangan, banggitin na ang isang kapaki-pakinabang na resource ay ang mga Saligan ng Pananampalataya. Tiyaking mahahanap ng mga estudyante ang mga Saligan ng Pananampalataya sa kanilang mga banal na kasulatan. Maaari mo silang bigyan ng ilang sandali upang masuri ang antas ng kanilang pagiging pamilyar sa mga Saligan ng Pananampalataya. Halimbawa, maaari mong itanong sa mga estudyante kung naisaulo na nila ang isa o ginamit nila ang ilan habang nagtuturo ng lesson, nagsusulat ng mensahe, o nagbabahagi ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa iba.

Ang mga Saligan ng Pananampalataya

Upang matulungan ang mga estudyante na malaman kung paano tayo nagkaroon ng mga Saligan ng Pananampalataya, maaari mong ibahagi sa mga estudyante ang video na “Ang mga Saligan ng Pananampalataya” (4:43), na makikita sa ChurchofJesusChrist.org. Maaari mo ring ibuod ang sumusunod na impormasyon ng konteksto:

4:41

Ang mga Saligan ng Pananampalataya

Inilalarawan ng mga Saligan ng Pananampalataya ang mga pangunahing paniniwala ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Saan nagmula at ano ang mga ito?

Noong 1842, sumagot si Joseph Smith sa isang liham na natanggap niya mula kay John Wentworth, na nanirahan sa Chicago, Illinois. Si Wentworth ang patnugot ng isang pahayagan na tinatawag na Chicago Democrat at naghangad na mas malaman pa ang mga paniniwala at kasaysayan ng mga Banal na naninirahan sa Nauvoo, Illinois. Sa mga bahagi ng liham, nagbahagi si Joseph ng mga detalye tungkol sa pagtatatag at tadhana ng Simbahan ng Tagapagligtas. Tinapos ng Propeta ang liham sa 13 maikling pahayag na naglalaman ng mga pangunahing katotohanan at doktrina ng Simbahan. Ang mga pahayag na ito ay pinamagatang mga Saligan ng Pananampalataya at inilathala noong 1851 sa unang edisyon ng Mahalagang Perlas.

Ibinahagi ni Elder L. Tom Perry (1922–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kung paano makatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga Saligan ng Pananampalataya.

14:29

Ang mga Doktrina at Alituntuning Nasa mga Saligan ng Pananampalataya

Bawat saligan ng pananampalataya ay nagdaragdag ng kakaibang halaga sa ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Elder L. Tom Perry

Kayong mga kabataang lalaki—hinihikayat ko kayong gamitin ang inyong talino para pag-aralan at matutuhan ang Mga Saligan ng Pananampalataya at ang mga doktrinang itinuturo nito. Kabilang ito sa pinakamahalaga at tiyak na pinakamaiikling pagpapahayag ng doktrina sa Simbahan. Kung gagamitin ninyong gabay ang mga ito sa inyong pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ninyo na handa kayong patotohanan ang ipinanumbalik na katotohanan sa mundo. Maipapahayag ninyo sa simple, tuwiran, at malalim na mga paraan ang mahahalagang paniniwalang itinatangi ninyo bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. (L. Tom Perry, “Ang mga Doktrina at Alituntuning Nasa mga Saligan ng Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2013, 48)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag na ito tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral at pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga Saligan ng Pananampalataya?

Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa anumang pagpapalang napansin mo sa pag-aaral sa mga Saligan ng Pananampalataya at paggamit ng mga ito para ipahayag ang ebanghelyo ng Tagapagligtas.

Pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo at ng mga Saligan ng Pananampalataya

icon ng handoutAng sumusunod na ideya ay isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa mga Saligan ng Pananampalataya. Maaari mong ipamahagi ang handout na may pamagat na “Aktibidad sa Pag-aaral ng mga Saligan ng Pananampalataya.“ Bigyan ng oras ang mga estudyante na kumpletuhin ang mga aktibidad sa handout. Hikayatin sila na pagtuunan ng pansin ang mga espirituwal na pahiwatig o ideyang natatanggap nila mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral sila. Tiyaking pagtutuunan ng ilang estudyante ang unang apat na saligan ng pananampalataya, na nagtuturo ng mahahalagang katotohanan tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa Kanilang doktrina.

Maging handang tulungan ang mga estudyante, ngunit anyayahan silang gamitin ang mga kasanayan sa pag-aaral na natutuhan nila sa tahanan, simbahan, at seminary upang kumpletuhin ang mga aktibidad. Kung mabilis na matatapos ng mga estudyante ang aktibidad, sabihin sa kanila na pumili ng ibang saligan ng pananampalataya at ulitin ang proseso.

Aktibidad sa Pag-aaral ng mga Saligan ng Pananampalataya

Hakbang 1: Pumili ng isa sa mga Saligan ng Pananampalataya na gusto mong pag-aralan ngayon at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Anong walang-hanggang katotohanan o mga katotohanan ang natutuhan mo mula sa saligan ng pananampalatayang ito?

  • Paano maiimpluwensyahan ng mga turo mula sa saligan ng pananampalatayang ito ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Hakbang 2: Pumili ng kahit dalawa sa mga sumusunod na opsiyon para matulungan kang malaman ang iba pa tungkol sa pinili mong saligan ng pananampalataya:

  1. Isaulo. Mag-isip ng ideya na tutulong sa iyo na isaulo ang iyong saligan ng pananampalataya at gumugol ng oras sa pagsasaulo nito.

  2. Maghanap ng kaugnay na resources. Maghanap ng mga kaugnay na banal na kasulatan o pahayag mula sa mga lider ng Simbahan na may kaugnayan sa pinili mong saligan ng pananampalataya. Maaari mong gamitin ang mga tool tulad ng mga footnote sa iyong mga banal na kasulatan, Topical Guide, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ang search function sa Gospel Library app para matulungan ka.

  3. Gumawa ng visual representation. Gumamit ng sining upang tulungan kang ipahayag o ipakita ang mga turo mula sa pinili mong saligan ng pananampalataya. Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang isang drowing, collage, word cloud, o meme. (Dahil sa sagradong katangian ng Diyos, iwasang magdrowing ng mga miyembro ng Panguluhang Diyos.)

  4. Gumawa ng sitwasyon. Mag-isip ng mga sitwasyong kinakaharap mo o ng iba pang tinedyer, o mga tanong tungkol sa ebanghelyo na kung saan maaaring makatulong ang iyong saligan ng pananampalataya. Isulat ang sitwasyon o mga tanong at ipaliwanag kung paano o bakit makatutulong ang mga katotohanang itinuro sa saligan ng pananampalataya.

  5. Magpatotoo. Isulat ang iyong patotoo sa mga katotohanang itinuro sa iyong saligan ng pananampalataya. Ilarawan kung paano napagpala ng mga turong ito ang iyong buhay at mas naglapit sa iyo sa Diyos.

Ibahagi ang natutuhan mo

Mag-isip ng mga paraan upang matulungan ang mga estudyante na ibahagi at ilahad ang natutuhan nila. Maaari mong isulat ang numero 1–13 sa 13 maliliit na piraso ng papel at ilagay ang mga ito sa isang sumbrero. Bumunot ng isa nang random at itanong kung may sinumang estudyanteng pinag-aralan ang saligan ng pananampalatayang iyon na handang magbahagi. Para sa mas malaking klase, pagpartner-partnerin o hatiin sa maliliit na grupo ang mga estudyante at anyayahan silang magbahagi sa isa’t isa.

Pagkatapos ng pagbabahagi, maaaring ipaskil ng mga handang estudyante ang kanilang mga papel sa silid para makita ito ng iba.