Nang lumaganap ang ebanghelyo sa iba’t ibang panig ng mundo noong ikadalawampung siglo, nanalangin ang mga lider ng Simbahan para sa patnubay tungkol sa isang patakaran na nagbabawal sa mga miyembro ng Simbahan na may lahing African na matanggap ang priesthood. Maraming Banal ang piniling sumampalataya kay Jesucristo habang nahaharap sila sa mga tanong tungkol sa patakaran. Noong Hunyo 8, 1978, inanunsyo ng Unang Panguluhan ang isang paghahayag na nag-alis sa mga restriksyong ito. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na kumilos nang may pananampalataya kapag nahaharap sila sa mga walang katiyakang sitwasyon o mga espirituwal na tanong.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Mga halimbawa ng pananampalataya
Noong Abril 1972, bumisita ang mga misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa apartment nina Helvécio at Rudá Martins ng Rio de Janeiro, Brazil. Mabilis na nagkaroon ang mga Martins ng patotoo sa katotohanan ng mensahe ng mga misyonero. Nalaman din nila ang patakaran ng Simbahan na nagbabawal sa mga lalaking Itim na may lahing African na maorden sa priesthood. Sina Helvécio at Rudá, na may lahing African, ay may mga tanong para sa mga misyonero (tingnan sa “Elder Helvécio Martins of the Seventy,“ Ensign, Mayo 1990, 106; Mark Grover, The Autobiography of Elder Helvécio Martins [1994], 43).
Ano kaya ang mga itatanong ninyo sa mga misyonero kung kayo ang nasa sitwasyong ito?
Ano ang ilan sa mga posibleng paraan kung paano maaaring tumugon ang isang tao sa sitwasyong tulad nito?
Pagkilos nang may pananampalataya
Matapos malaman ang restriksyon sa priesthood, pinili ng pamilya Martins na kumilos nang may pananampalataya. Hindi nagtagal ay nabinyagan sila at tapat na naglingkod sa Simbahan sa loob ng maraming taon. Kalaunan ay ginunita ni Elder Martins na, “Natagpuan na namin ang katotohanan, at walang makapipigil sa amin na ipamuhay ito.”
Noong 1975, ibinalita ng Simbahan na magtatayo ng templo sa São Paulo, Brazil. ‘“Kahit hindi namin inaasahang makapasok dito, tumulong kami sa pagtatayo ng templo, tulad ng iba pang miyembro,’ pagbabalik-tanaw ni Elder Martins. ‘Sapagkat alam kong ito ay bahay ng Panginoon.’ Ipinagbili ni Sister Martins ang kanyang alahas upang makatulong sa paglikom ng pondo, at naglingkod si Brother Martins sa publicity committee” (sa “Elder Helvécio Martins of the Seventy,” Ensign, Mayo 1990, 106).
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo sa tugon ng pamilya Martins?
Sa inyong palagay, bakit pinili nilang kumilos nang may pananampalataya sa sitwasyong ito?
Basahin ang pambungad sa Opisyal na Pahayag 2, at hanapin ang impormasyon na nauugnay sa pahayag na ito.
Ano sa palagay ninyo ang mahalagang maunawaan mula sa talatang ito?
Ang Opisyal na Pahayag 2 ay naglalaman ng opisyal na anunsyo ng paghahayag na natanggap ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Hunyo 1, 1978.
Basahin ang apat na talata sa ilalim ng pariralang “Mga Minamahal na Kapatid” sa Opisyal na Pahayag 2. Maaari ninyong markahan ang mga salita o mga parirala na sa palagay ninyo ay mahalaga.
Ano ang pinakamahalaga para sa inyo mula sa binasa ninyo?
Ano ang ipinauunawa o ipinadarama sa inyo ng karanasang ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Epekto ng paghahayag
Ang paghahayag na ito ay nagkaroon ng malaking epekto sa kalalakihan at kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi nagtagal matapos itong matanggap, nagpadala ng mga misyonero sa Africa. Mula noon, nagtayo ng mga templo sa kontinenteng iyon, at daan-daang libo ng tao na may lahing African sa buong mundo ang tumanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pumanaw na ninuno.
Matapos malaman ang paghahayag na nagkakaloob ng priesthood sa lahat ng karapat-dapat na kalalakihan, ginunita ni Helvécio:
“Nag-uumapaw sa galak ang puso ko. Nagpunta kami ni Rudá sa aming silid, lumuhod, at nanalangin. Umiyak kami at nagpasalamat sa ating Ama sa Langit para sa pangyayaring pinangarap lamang namin. Sa wakas ay sumapit na ang araw na pinakahinihintay, at nangyari ito sa panahon ng aming mortal na buhay” (The Autobiography of Elder Helvecio Martins, [1994], 69–70).
Hindi nagtagal matapos ang paghahayag noong 1978, nabuklod sa templo ang pamilya Martins. Si Helvécio ay naging lokal na priesthood leader at kalaunan ay tinawag na maglingkod bilang miyembro ng Pitumpu (tingnan sa “Elder Helvécio Martins of the Seventy,” 106).
Paano kaya mag-iiba ang mga mangyayari sa pamilya Martins kung hindi nila piniling manampalataya kay Jesucristo?
Ano ang natutuhan ninyo mula sa halimbawa ng pamilya Martins na makatutulong sa inyo sa mga walang katiyakang sitwasyon o mga tanong na hindi nasagot?
Ano ang ilang paraan kung paano kayo maaaring kumilos nang may pananampalataya kapag nahaharap kayo sa mga walang katiyakang sitwasyon o espirituwal na tanong?
Paano kayo pinagpala ng Panginoon o ang mga taong kilala ninyo dahil sa pagkilos nang may pananampalataya?
Gumawa ng plano
Ano ang natutuhan o nadama mo ngayon na makatutulong sa iyo sa iyong mga walang katiyakang sitwasyon o mga espirituwal na tanong?
Ano ang isang partikular na bagay na gagawin mo upang sumampalataya kay Jesucristo sa mga sitwasyong ito?