Seminary
Lesson 157—I-assess ang Iyong Pagkatuto 10: Pagninilay sa Iyong Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan


“Lesson 157—I-assess ang Iyong Pagkatuto 10: Pagninilay sa Iyong Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto 10,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 157: Ang Mga Saligan ng Pananampalataya at Opisyal na Pahayag 1 at 2

I-assess ang Iyong Pagkatuto 10

Pagninilay sa Iyong Pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan

magkakapatid na lalaki na nakatingin sa isang photo album

Ang pagninilay at pag-assess sa ating espirituwal na pagkatuto ay makatutulong sa atin na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maalala at masuri kung paano nakatulong sa kanilang espirituwal na pag-unlad ang pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Mga espirituwal na alaala

Maaari kang magdala ng personal na retrato sa klase. Ipakita ang retrato at magbigay ng maikling paglalarawan tungkol sa mga naaalala mo na nauugnay sa mga tao o pangyayari sa larawan. Kung ipinagawa sa mga estudyante ang aktibidad sa paghahanda ng estudyante, anyayahan sila na maikling ibahagi ang kanilang mga retrato at alaala sa maliliit na grupo o sa klase. Maaari din silang magbahagi ng mga retrato na nasa kanilang telepono.

  • Sa inyong palagay, bakit natutuwa ang mga tao kapag tinitingnan ang mga retrato ng mga tao o pangyayari mula sa kanilang nakaraan?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga alaala natin na hindi makukunan ng retrato?

Nagsalita si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ating mga espirituwal na alaala.

16:43
Elder Neil L. Andersen

Masayang alalahanin ang inyong mga sagradong alaala. Paniwalaan ang mga ito. Isulat ang mga ito. Ibahagi ang mga ito sa inyong pamilya. Magtiwala na dumarating ang mga ito sa inyo mula sa inyong Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Hayaan silang maghatid ng pagtitiis sa inyong mga pagdududa at pag-unawa sa inyong mga paghihirap. Ipinapangako ko sa inyo na kapag malugod ninyong kinilala at maingat na pinahalagahan ang mga pangyayari na espirituwal na nagpapatibay sa inyong buhay, mas marami pang darating sa inyo. Kilala at mahal kayo ng Ama sa Langit! (Neil L. Andersen, “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay,” Liahona, Mayo 2020, 22)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang pagnilayan ang ating mga espirituwal na alaala?

    Ipaliwanag na ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong pagnilayan ang ilang espirituwal na alaala o karanasan nila habang pinag-aaralan ang Doktrina at mga Tipan at kasaysayan ng Simbahan sa nakalipas na taon.

    Bago bigyan ng oras ang mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong, tukuyin ang pahayag sa pambungad sa Doktrina at mga Tipan na nagsasabing, “Sa mga paghahayag ay maririnig natin ang magiliw subalit matatag na tinig ng Panginoong Jesucristo.” Maaaring anyayahan ang mga estudyante na balikan ang mga kaalamang naitala nila sa kanilang study journal sa buong taon o ang mga minarkahan o itinala nila sa kanilang mga banal na kasulatan upang matulungan silang sagutin ang mga tanong na ito.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo habang pinag-aaralan mo ang Kanyang mga salita ngayong taong ito sa Doktrina at mga Tipan?

  • Paano nagbago ang iyong ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa nakalipas na taon?

  • Ano ang ilang scripture passage na napag-aralan mo na nakaapekto sa iyo? Paano ka naapektuhan ng mga passage na ito?

  • Ano ang ilang katotohanan ng ebanghelyo na sinikap mong ipamuhay? Ano ang nakita o inaasahan mong makita dahil sa iyong mga pagsisikap?

Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase ang ilan sa kanilang espirituwal na alaala, kung naaangkop na ibahagi ang mga ito. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, hikayatin ang iba na sumali sa talakayan sa pamamagitan ng pagtatanong ng “Sino ang may karanasang katulad niyon?” o “Ano ang maidaragdag ninyo sa ibinahagi ng inyong kaklase?”

Pagtanggap ng paghahayag

Ipaalala sa mga estudyante na inanyayahan sila buong taon na magpraktis at matutuhan kung paano tumanggap ng personal na paghahayag.

Pangulong Russell M. Nelson

Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag. …

Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. … Magpasiyang gawin ang espirituwal na bagay na kailangan upang matamasa ang kaloob na Espiritu Santo at marinig ang tinig ng Espiritu nang mas madalas at mas malinaw. (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95–96)

Upang makatulong na ilarawan ang paanyaya ni Pangulong Nelson na dagdagan pa ang ating espirituwal na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag, maaari kang magpakita ng mga lobo na may iba’t ibang laki. Anyayahan ang estudyante na isipin kung aling lobo ang pinakakumakatawan sa kanilang kakayahan na tumanggap ng personal na paghahayag sa simula ng taon at kung alin ang kumakatawan sa kanilang kakayahan ngayon. Bilang bahagi ng kanilang pagninilay, maaaring pag-isipan ng mga estudyante ang mga sumusunod na tanong. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi.

  • Ano ang nakatulong sa iyo na “dagdagan ang iyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag” sa taong ito?

  • Ano ang ilang scripture passage mula sa Doktrina at mga Tipan na nakatulong para mas maunawaan mo ang pagtanggap ng paghahayag?

    Kung kailangan ng tulong ng mga estudyante, maaari kang magbigay ng ilang halimbawa tulad ng Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–20 at Doktrina at mga Tipan 8:2–3; 9:7–9; 11:12–13; 88:118.

  • Ano ang mga naging karanasan ninyo kamakailan sa personal na paghahayag?

Pagpapaliwanag sa Pagpapanumbalik

Magpaskil ng maraming larawan sa palibot ng silid na nagpapakita ng mahahalagang pangyayari sa Pagpapanumbalik, tulad ng sumusunod. Maaari mo ring sabihin sa klase na ilista sa pisara ang mahahalagang pangyayari sa Pagpapanumbalik. Bilang klase, pumili ng apat o lima na tatalakayin. Isulat ang mga ito sa iba’t ibang papel at ilagay ang mga papel sa palibot ng silid.

Ang Unang Pangitain

Ang Unang Pangitain

Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood

Ang paglabas ng Aklat ni Mormon

Ang Paglabas ng Aklat ni Mormon

Pagtatayo ng mga templo

Pagtatayo ng mga Templo

Hatiin ang mga estudyante sa mga grupo at anyayahan ang bawat grupo na magtipon sa magkakaibang larawan o papel. Magtalaga ng lider ng grupo na siyang mangangasiwa sa talakayan tungkol sa pangyayaring iyon sa Pagpapanumbalik. Hikayatin ang lider na anyayahan ang lahat ng miyembro ng grupo na magbahagi. Pagkatapos ng sapat na oras, anyayahan ang mga grupo na lumipat sa isang bagong larawan at pumili ng bagong lider ng grupo. Ang mga sumusunod na pahiwatig ay makatutulong sa lider ng grupo na pamunuan ang talakayan sa bawat istasyon.

  1. Ibahagi ang naaalala ninyo tungkol sa pangyayaring ito.

  2. Ipaliwanag kung bakit makabubuti para sa mga tao sa buong mundo na malaman ang bahaging ito ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

  3. Talakayin kung paano nakatulong ang bahaging ito ng Pagpapanumbalik na madagdagan ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Si Propetang Joseph Smith

Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring gamitin bilang karagdagan sa aktibidad na pagninilay na ginawa ng mga estudyante sa simula ng lesson.

Magpakita ng larawan ni Propetang Joseph Smith. Itanong sa mga estudyante kung naaalala nila kung aling doctrinal mastery passage ang naglalarawan sa dakilang gawaing isinagawa ni Joseph sa kanyang buhay. Pagkatapos ay sabay-sabay na basahin o bigkasin ang Doktrina at mga Tipan 135:3. Ipaalala sa mga estudyante na ang patotoong ito tungkol kay Joseph Smith ay isinulat kaagad pagkatapos ng pagpaslang sa kanya. Tulungan sila na maghanda na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith bilang propeta ng Panginoon.

Isipin kung paano nagbago ang sarili ninyong damdamin at patotoo tungkol kay Joseph Smith sa nakalipas na taon. Maaari ninyong isulat ang inyong mga saloobin habang pinagninilayan ninyo ang mga sumusunod:

  • Paano mo nalaman na nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan?

  • Paano makatutulong ang gawaing gustong ipagawa ng Panginoon kay Joseph Smith upang mas mapalapit ka sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Kung hindi ka sigurado sa tungkulin ni Joseph Smith bilang propeta ng Diyos, ano ang magagawa mo para malaman mo ito?

Maaari mong tapusin ang lesson sa pamamagitan ng pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Joseph Smith.