Seminary
Lesson 166—Pagkilos nang may Pananampalataya upang Mahanap ang mga Sagot


“Lesson 166—Pagkilos nang may Pananampalataya upang Mahanap ang mga Sagot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pagkilos nang may Pananampalataya upang Mahanap ang mga Sagot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 166: Doctrinal Mastery: Paghahanap ng mga Sagot sa Aking mga Tanong

Pagkilos nang may Pananampalataya upang Mahanap ang mga Sagot

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 2

babaeng nakahawak sa laylayan ng bata ni Cristo

Inaanyayahan tayo ni Jesucristo na umasa sa Kanya at kumilos nang may pananampalataya habambuhay. Mahalagang magtuon tayo sa Tagapagligtas, lalo na kapag hindi natin madaling malutas ang mga tanong o sitwasyon. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo habang naghahanap sila ng mga sagot sa kanilang mga tanong.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang kahalagahan ng pagtatanong

Bago magklase, maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na tanong mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf. Sa pagpasok ng mga estudyante, sabihin sa kanila na pag-isipan kung paano nila sasagutin ang kanyang tanong at bakit ganoon ang isasagot nila. Pagkatapos magkaroon ang mga estudyante ng oras na mag-isip, anyayahan sila na ibahagi ang kanilang mga sagot.

Itinanong ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay kabilang sa Unang Panguluhan, ang sumusunod:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Ayos lang bang magtanong tungkol sa Simbahan o sa doktrina nito? (Dieter F. Uchtdorf, “The Reflection in the Water” [Church Educational System devotional, Nob. 1, 2009], thechurchnews.com)

  • Paano ninyo sasagutin ang tanong na ito? Bakit ganoon ang isasagot ninyo?

Habang binabasa ninyo ang natitirang bahagi ng pahayag ni Pangulong Uchtdorf, alamin kung paano maikukumpara ang inyong mga sagot sa mga sagot niya.

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

Mahal kong mga kaibigan, tayo ay mga taong mahilig magtanong dahil alam natin na ang pagtatanong ay humahantong sa katotohanan. Sa ganyan nagsimula ang Simbahan—mula sa isang binatilyong may mga tanong. Katunayan, hindi ko tiyak kung paano matutuklasan ng isang tao ang katotohanan nang hindi nagtatanong. …

… Sa pagtatanong nagsisimula ang patotoo. … Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; simula iyon ng pag-unlad. (Dieter F. Uchtdorf, “The Reflection in the Water” [Church Educational System devotional, Nob. 1, 2009], thechurchnews.com)

  • Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga banal na kasulatan, kasaysayan ng Simbahan, o sa sarili ninyong buhay na naglalarawan na nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magtanong tayo?

Paminsan-minsan ay may matutuklasan tayong mga bagong impormasyon tungkol sa doktrina, gawain, o kasaysayan ng Simbahan na tila mahirap unawain. Maaaring may mga tanong din tayo na mahirap sagutin. Ang pagkakaroon ng mga tanong ay hindi katulad ng pag-aalinlangan. Ang matapat na pagtatanong ay makadaragdag sa ating pang-unawa at patotoo tungkol kay Jesucristo. Ang pag-aalinlangan ay maaaring makaapekto nang negatibo sa ating pananampalataya sa Kanya (tingnan sa Mga Paksa at Mga Tanong, “Pagsagot sa mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo,” topics.ChurchofJesusChrist.org).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga tanong nila tungkol sa Simbahan o sa doktrina nito na hindi nila madaling masagot. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ang mga tanong na ito sa kanilang study journal. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga katotohanan sa lesson na ito na makatutulong sa kanila kapag dumating ang mahihirap na tanong.

Pagsagot sa mahihirap na tanong

Upang mailarawan ang kahalagahan ng pagtatanong at maipakita kung paano kumilos nang may pananampalataya, maglahad ng isang sitwasyon sa klase. Gamitin ang paglalarawan sa ibaba o ipanood ang video na “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman: Kuwento ni Madison,” na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org, mula sa time code na 0:00 hanggang 1:44.

Sa seminary, nalaman ni Madison na si Joseph Smith ay nag-asawa ng higit sa isa. Matapos niya itong marinig, may ilang tanong na pumasok sa kanyang isipan.

8:35

Upang matulungan ang mga estudyante na matalakay ang mga sumusunod na tanong, maaari mong hatiin ang klase sa mga magkaka-partner o sa maliliit na grupo. Matapos talakayin ang mga tanong, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.

  • Ano ang ilang negatibo at positibong paraan na maaaring gawin ni Madison para masagot ang kanyang mga tanong?

  • Sa inyong palagay, bakit negatibo o positibo ang mga paraang ito?

Kapag nagkaroon tayo ng mahihirap na tanong, makatutulong na gamitin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Maaaring naranasan na ng ilang estudyante na pag-aralan ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa seminary. Kung gayon, itanong sa mga miyembro ng klase kung maaari nilang sabihin ang tatlong alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Kung kailangan, sabihin sa kanila na basahin ang talata 4 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2023). Maaari mong isulat ang mga alituntuning ito sa pisara:

  • Kumilos nang may pananampalataya.

  • Suriin ang mga konsepto at tanong nang may walang-hanggang pananaw.

  • Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.

Kumilos nang may pananampalataya

Ang karanasan sa pag-aaral ngayon ay magtutuon sa alituntunin ng pagkilos nang may pananampalataya.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:36. Tukuyin kung paano makatutulong sa atin ang paanyayang ito mula sa Tagapagligtas na kumilos nang may pananampalataya.

  • Anong mga salita o parirala sa talatang ito ang makatutulong kay Madison o sa iba pa na may mga tanong tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan?

  • Bakit makatutulong ang mga salita o pariralang iyon?

Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga sagot, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Kapag may mga tanong tayo na hindi nasagot, makakaasa tayo kay Jesucristo at hindi tayo mag-aalinlangan.

Ipaliwanag sa mga estudyante na maraming halimbawa kung paano tayo makaaasa kay Jesucristo ang matatagpuan sa Doctrinal Mastery Core Document.

Basahin ang mga talata 5–7 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document, at alamin ang mga paraan na maaari kayong kumilos nang may pananampalataya kapag mayroon kayong mga espirituwal na tanong.

  • Alin sa mga pahayag mula sa mga talatang ito ang sa palagay ninyo ay pinakamakatutulong sa isang taong may mahirap na tanong? Bakit?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na maghanap ng mga banal na kasulatan na sumusuporta sa kanilang mga sagot. Halimbawa, kung babanggitin ng mga estudyante ang panalangin, maaari nilang tingnan ang 2 Nephi 32:8–9 o Santiago 1:5–6. Kung babanggitin nila ang pag-aaral ng banal na kasulatan, maaari nilang tingnan ang 2 Nephi 32:3 o 2 Timoteo 3:15–17.

Maghanap ng mga karaniwang pagkakataon na ipaalala sa mga estudyante ang kahalagahan ng paggawa ng mga gawaing ito nang nakatuon kay Jesucristo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano maaaring maging halimbawa ng pag-asa kay Jesucristo ang mga gawaing natukoy nila.

Mga halimbawa ng pagkilos nang may pananampalataya

Ibahagi ang katapusan ng kuwento ni Madison. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin kung paano pinili ni Madison na kumilos nang may pananampalataya habang humahanap siya ng mga sagot sa kanyang mga tanong. Maaari mong ipanood ang video na “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman: Kuwento ni Madison,” mula sa time code na 1:44 hanggang 8:35; kung walang video, basahin ang sumusunod na talata.

8:35

Pagkatapos ng klase, nilapitan ni Madison ang kanyang titser at tinanong niya kung bakit nag-asawa si Joseph Smith ng higit sa isa. Hinikayat siya ng kanyang titser na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo at magdasal nang taimtim habang naghahanap siya ng mga sagot. Habang nagdarasal at sinasaliksik ni Madison ang kanyang mga banal na kasulatan, nakatanggap siya ng pahiwatig na makatatanggap siya ng sagot sa tamang panahon. Patuloy na kumilos si Madison nang may pananampalataya at umasa siya sa patotoo niya sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano, at unti-unti siyang nagsimulang makahanap ng mga sagot na nakatulong sa kanya na makadama ng kapayapaan. Sa buong proseso, nadama ni Madison na tumibay ang kanyang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nalaman niya na kapag kumilos tayo nang may pananampalataya, ibibigay ng Diyos ang mga sagot o kapayapaang hinahanap natin.

Bilang bahagi ng talakayan tungkol sa sumusunod na tanong, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung alin sa mga ginawa ni Madison ang nauugnay sa napag-aralan nila sa Doctrinal Mastery Core Document.

  • Paano nakita sa mga ginawa ni Madison ang pananampalataya niya kay Jesucristo?

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa karanasan ni Madison?

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na isipin at ibahagi ang mga pagkakataon na napagpala sila dahil sa pagkilos nang may pananampalataya kapag nahaharap sila sa mahihirap na tanong. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na isipin ang natutuhan at nadama nila ngayon na maaaring makatulong sa kanilang personal na kalagayan at mga tanong. Maaari mo silang bigyan ng oras na isulat sa kanilang study journal ang mga naisip at impresyon nila.

Tapusin ito sa iyong patotoo tungkol sa kahalagahan ng pagkilos nang may pananampalataya nang nakatuon kay Jesucristo kapag naghahanap tayo ng mga sagot sa ating mga tanong.