Seminary
Lesson 168—Pagbaling sa mga Itinalagang Tulong o Sources na Itinalaga ng Diyos para Makahanap ng mga Sagot


“Lesson 168—Pagbaling sa mga Itinalagang Tulong o Sources na Itinalaga ng Diyos para Makahanap ng mga Sagot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan, (2025)

“Pagbaling sa mga Itinalagang Tulong o Sources na Itinalaga ng Diyos para Makahanap ng mga Sagot,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 168: Doctrinal Mastery: Paghahanap ng mga Sagot sa Aking mga Tanong

Pagbaling sa mga Itinalagang Tulong o Sources na Itinalaga ng Diyos para Makahanap ng mga Sagot

Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4

Kabataang nag-aaral sa computer

Ang isa sa mga layunin ng doctrinal mastery ay tulungan ang mga estudyante na matutuhan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng paghahanap ng katotohanan mula sa sources na buong pagmamahal na ibinigay ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Kasaganaan ng impormasyon

Maaari kang magdala ng isang baso ng tubig na ipapakita. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na inalok sila ng inumin. Itanong sa kanila kung ano ang gusto nilang malaman tungkol sa tubig bago sila magpasiya kung iinumin nila ito.

Tulad ng gusto nating malaman ang pinagmulan ng mga bagay na inilalagay natin sa ating katawan, kapag may mga tanong o paksa tayo tungkol sa ebanghelyo na gusto nating mas malaman pa, kailangan nating suriin ang sources kung saan tayo maghahanap ng impormasyon.

Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf, na dating nasa Unang Panguluhan:

Elder Dieter F. Uchtdorf

Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng mundo na mas madali tayong nakakakuha ng maraming impormasyon—ang ilan dito ay totoo, ang ilan ay mali, at karamihan sa mga ito ay bahagyang totoo.

Bunga nito, ngayon lang sa kasaysayan ng mundo naging mas mahalagang matutuhan kung paano makikilala nang tama ang katotohanan sa kamalian. (Dieter F. Uchtdorf, “Ano ang Katotohanan?” [mensahe sa Church Educational System devotional, Ene. 13, 2013], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org)

  • Anong sources ang karaniwan ninyong tinitingnan kung may tanong kayo tungkol sa ebanghelyo?

  • Paano ninyo malalaman kung mapagkakatiwalaan ang isang source?

Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan

Upang matulungan ang mga estudyante na matanto ang pangangailangang umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kanilang paghahanap ng katotohanan, maaari mong i-display sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference.

Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na pag-aralan ang ilan o lahat ng talata nang mag-isa o kasama ang isang grupo. Maaari mo silang anyayahang isulat sa pisara ang mga salita o parirala na nakita nila na naglalarawan ng mga katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, at hanapin ang mga salita o parirala na tutulong sa inyo na maunawaan kung bakit dapat tayong umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo para sa katotohanan:

  • Ano ang ipinauunawa sa inyo ng mga talatang ito kung bakit dapat tayong umasa sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang naghahanap ng katotohanan?

    Bilang bahagi ng inyong talakayan, ipaliwanag na ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng katotohanan. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa pisara.

  • Saan natin makikita ang katotohanang nagmumula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Paghahanap ng mapagkakatiwalaang sources

Ang sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung bakit nila gugustuhing gamitin ang sources na ipinagkaloob ng Diyos sa kanila.

Basahin ang mga talata 11–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2023). Maghanap ng mga turo na gagabay sa ating mga pagsisikap na mahanap ang mga sagot sa ating mga tanong.

  • Anong mga salita o parirala ang nakita ninyo na naglalarawan kung bakit mahalagang gumamit ng sources na itinalaga ng Diyos?

  • Ano ang ilang sources mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na magagamit natin sa paghahanap natin ng katotohanan? Paano ipinapakita ng sources na ito ang pagmamahal sa atin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Ang mga sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano maghanap ng sources na itinalaga ng Diyos at masuri kung gaano mapagkakatiwalaan ang iba pang source na maaari nilang makita. Maaari mong gamitin ang isa o dalawang aktibidad, depende sa magagamit mong oras at sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Aktibidad A: Maghanap ng sources na itinalaga ng Diyos

Bago anyayahan ang mga estudyante na kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad, maaari mong ipakita kung paano gamitin ang mga tulong sa pag-aaral na gawa ng Simbahan para mahanap ang sources na itinalaga ng Diyos. Maaari kang pumili ng isang paksa ng ebanghelyo at maaari mong ipakita sa mga estudyante kung saan mahahanap ang iba pang impormasyon gamit ang resources na nakalista sa step 2.

Matapos ipakita sa mga estudyante kung paano maghanap ng sources na itinalaga ng Diyos, hayaan silang magsanay nang mag-isa o nang may ka-partner. Maaari mong ibahagi at ipakita ang mga sumusunod na tagubilin para matulungan ang mga estudyante na magsimula.

Magsanay gamit ang mga tulong sa pag-aaral na gawa ng Simbahan para makahanap ng sources na itinalaga ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa dalawang hakbang na ito:

  1. Pumili ng isang paksa ng ebanghelyo para makahanap ng impormasyon tungkol dito. Kabilang sa mga halimbawa ng mga paksa ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain, at Word of Wisdom. Maaari kang pumili ng anumang paksa ng ebanghelyo na interesado ka.

  2. Maghanap ng sources na itinalaga ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit ng mga tulong sa pag-aaral na gawa ng Simbahan. Kabilang sa mga halimbawa ng mga tulong sa pag-aaral ang Mga Paksa at Mga Tanong, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, ang search function sa Gospel Library, Mga Paksa sa Kasaysayan ng Simbahan, at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya.

    Habang naghahanap ang mga estudyante ng sources na itinalaga ng Diyos, maaari kang maglibot sa klase para matulungan mo ang mga estudyante na maaaring may mga tanong o pangangailangan. Matapos ang sapat na oras na makapag-aral ang mga estudyante, ang mga sumusunod na tanong ay maaaring makatulong sa kanila na talakayin ang kanilang mga karanasan.

  3. Ano ang mga nalaman ninyo sa proseso ng paghahanap ng sources na itinalaga ng Diyos?

  4. Anong kapaki-pakinabang na impormasyon ang nahanap ninyo?

Aktibidad B: Suriin ang sources ng impormasyon

May mga pagkakataon sa paghahanap natin ng katotohanan na nakakakita tayo ng mga mapagkukunan ng impormasyon na hindi gawa ng Simbahan. Sa mga pagkakataong ito, mahalagang suriin natin kung mapagkakatiwalaan ang impormasyong ina-access natin.

  • Ano ang magagawa natin upang matukoy ang kaibhan ng mapagkakatiwalaan at di-mapagkakatiwalaang sources ng impormasyon?

Ipakita ang mga sumusunod na tanong o ibigay ang mga ito sa mga estudyante bilang handout. Bukod pa sa pag-anyaya sa mga estudyante na basahin ang mga tanong nang mag-isa o bilang isang klase, maaari mong ipabasa sa kanila ang mga banal na kasulatan na nauugnay sa mga tanong.

Pagtukoy ng Katotohanan sa Kamalian

Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan—Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman, Bahagi 4

Basahin ang mga sumusunod na tanong. Pag-isipan kung paano makatutulong sa iyo ang mga tanong na tulad ng mga ito para matukoy mo kung mapagkakatiwalaan at kapaki-pakinabang ang iba’t ibang sources ng impormasyon.

  • Ano ang naramdaman ko mula sa Espiritu Santo nang mabasa o marinig ko ang impormasyong ito? (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:23–24.)

  • Mas inilalapit ba ako ng impormasyong ito kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan? (Tingnan sa Moroni 7:15–17.)

  • Hinihikayat ba ako nito na sumunod sa mga kautusan ng Diyos?

  • Tumutugma ba ito sa itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng mga makabagong propeta? (Tingnan sa 2 Timoteo 3:15–17; Doktrina at mga Tipan 1:38.)

  • Pinagtitibay ba nito ang katotohanang naramdaman ko na sinabi sa akin ng Espiritu Santo na totoo, o hinihikayat ba ako nitong pagdudahan ang mga katotohanang iyon? (Tingnan sa Moroni 10:5.)

  • Nagmumula ba ito sa isang source na maituturing na mapagkakatiwalaan ng Tagapagligtas o ng mga lider ng Kanyang Simbahan?

  • Ano ang masasabi ng aking mga magulang o mga lider ng Simbahan tungkol sa impormasyong ito? (Kung natutukso akong itago ito sa kanila, ano ang sinasabi niyon sa akin tungkol sa source nito?)

Matapos basahin ng mga estudyante ang mga tanong, sabihin sa kanila na ibahagi kung bakit sa palagay nila ay makatutulong sa kanila na isipin ang mga tanong na tulad nito. Maaari mo rin silang anyayahang magbahagi ng mga halimbawa kung paano nila ginamit ang mga tanong na ito o ang mga katulad na tanong para masuri kung mapagkakatiwalaan ang impormasyon.

Pagsasabuhay ng natutuhan ninyo

Upang matulungan ang mga estudyante na isapuso ang kanilang natututuhan, maaari mong sabihin sa kanila na isulat ang kanilang sagot sa isa o dalawa sa mga sumusunod na tanong sa kanilang study journal. Pagkatapos ay maaari mo silang anyayahang ibahagi ang kanilang mga ideya sa isang ka-partner o sa klase.

  • Ano ang natutuhan mo ngayon na makatutulong sa iyo na mas mahanap ang mga sagot sa iyong mga tanong tungkol sa ebanghelyo?

  • Sa iyong palagay, paano makakaimpluwensya ang natutuhan mo sa araw na ito sa mga gagawin mo sa hinaharap?

Patotohanan ang mga katotohanang napag-aralan ninyo ngayon, at hikayatin ang mga estudyante na hanapin ang katotohanang inihayag ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos.