Seminary
Lesson 170—Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan: Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin


“Lesson 170—Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan: Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 170: Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Paghahanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo sa mga Banal na Kasulatan

Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin

pagmamarka ng mga talata sa mga banal na kasulatan

Sa mga banal na kasulatan, pinangalagaan ng Panginoon ang mga katotohanan ng ebanghelyo—ang walang-hanggang doktrina at mga alituntunin ng Kanyang ebanghelyo—na naglalapit sa atin sa Kanya at mahalaga sa ating pag-unlad at kaligtasan. Ang lesson na ito ay makatutulong na madagdagan ang kakayahan ninyong mahanap ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan at mas mapalapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang talinghaga tungkol sa mga mamahaling bato

babaeng naghahanap sa buhanginan
paghahanap ng mga mamahaling bato sa buhanginan

Kung hindi available ang sumusunod na video, maaari mong simulan ang klase sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga larawan sa itaas at pagsasabi sa mga estudyante na kunwari ay may taong naghahanap at nakakita ng mga mamahaling bato sa buhanginan sa dalampasigan. Itanong, “Paano maihahalintulad ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan sa paghahanap ng mga mamahaling bato sa buhanginan?”

Panoorin ang video na “The Parable of the Gems“ (6:47; panoorin mula sa time code na 2:13 hanggang 4:20) at isipin kung paano maaaring natutulad ang kuwento sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan.

19:24

Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo

Hinikayat ni Elder Holland ang mga miyembro ng Simbahan na gawin ang makakaya nila para ipamuhay ang ebanghelyo at nagpatotoo na ang pagmamahal at tulong ng Diyos ay mapapasakanila.

Kung hindi mo maipanood ang video, laktawan ang una sa mga sumusunod na tanong. Maaari mo ring baguhin ang huling tanong at gawin itong “Ano ang maaaring gawin ng isang tao para masuri at mapahalagahan ang mga mamahaling bato?”

  • Ano ang pinakanapansin ninyo sa video na ito?

  • Ano ang maaaring katawanin ng buhanginan? Ano ang maaaring katawanin ng mga mamahaling bato?

  • Ano ang ginawa ng bata para malaman ang tungkol sa mga mamahaling bato na nakita niya o para pahalagahan ang mga ito?

Maaari mong ipaliwanag ang sumusunod sa sarili mong mga salita:

Ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ay maaaring tulad ng mga mamahaling bato sa analohiya. Isa sa mga pangunahing layunin ng banal na kasulatan ay ituro ang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang doktrina ay isang pangunahin at hindi nagbabagong katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang alituntunin ng ebanghelyo ay isang gabay na nakabatay sa doktrina na maaaring gamitin ng mga tao upang matulungan sila sa paggawa ng mga desisyon. Ang pinakamahalagang doktrina at mga alituntunin na natutuhan natin mula sa mga banal na kasulatan ay tumutulong sa atin na makilala ang Ama sa Langit at si Jesucristo at maunawaan kung paano makababalik sa Kanilang piling.

Sa manwal na ito, kung minsan ay makakakita ka ng mga paanyaya sa mga estudyante na tumukoy ng “mga katotohanan.” Ito ay mas simpleng paraan ng pagsasabi ng mga alituntunin o pahayag ng doktrina. Sabihin sa mga estudyante na suriin kung gaano kadali nilang matutukoy ang mga katotohanan (mga alituntunin o pahayag ng doktrina) mula sa mga banal na kasulatan.

  • Alin sa mga sumusunod na pahayag ang pinakamahusay na kumakatawan sa nadarama ninyong tiwala sa inyong kakayahan na mahanap ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa mga banal na kasulatan?

    • Talagang hindi tiwala

    • Medyo tiwala

    • Tiwalang-tiwala

Pakinggang mabuti ang mga sagot ng mga estudyante. Maaari mong itanong kung bakit ganoon ang nadarama nila. Humanap ng mga paraan sa buong lesson para matulungan silang makadama ng higit na tiwala sa sarili habang nagsisikap silang maghanap ng mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ipaliwanag

icon ng handout Ibigay sa mga estudyante ang kalakip na handout. Basahin ito nang sabay-sabay bilang isang klase. Magbigay ng anumang karagdagang paliwanag na sa palagay mo ay kailangan para maipaliwanag ang kasanayang ito.

Matutong Tukuyin ang Doktrina at mga Alituntunin

Ang ilang doktrina at mga alituntunin ng ebanghelyo ay malinaw na nakasaad sa mga banal na kasulatan. Ang iba pang doktrina at mga alituntunin ay maaaring nakapahiwatig sa kuwento at matatagpuan lamang sa pamamagitan ng pag-aaral ng buong aklat ng banal na kasulatan, isang kabanata, o isang talata. Maaari mong praktisin ang sumusunod na mahahalagang hakbang sa tuwing nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan para matulungan kang matukoy ang mga katotohanan ng ebanghelyo:

  1. Magbasa nang dahan-dahan at mabuti.

  2. Maghanap ng mga katotohanan na malinaw na ipinahayag. Kung minsan ay nakasaad ang mga ito kapag gumagamit ang may-akda ng mga salitang tulad ng “sa gayon makikita natin,” “kaya nga,” “kaya’t,” o “masdan.”

  3. Maghanap ng mga katotohanang ipinahiwatig. Mahahanap mo ang mga katotohanang ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong sarili ng tulad ng mga sumusunod:

    1. Mayroon bang anumang mahahalagang ideya, salita, o parirala—lalo na ang anumang tumutulong sa iyo na mas makilala ang Ama sa Langit at ang Kanyang plano o si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo?

    2. Ano ang mga sanhi at epekto sa kuwentong ito?

    3. Ano ang mensahe o aral ng kuwento?

    4. Sa iyong palagay, bakit isinama ng may-akda ang mga pangyayari o talatang ito?

  4. Isulat sa sarili mong mga salita ang nahanap mo at markahan ang mga salita sa mga banal na kasulatan na nagtuturo nito.

  5. Pagnilayan kung bakit mahalaga sa iyo ang katotohanan. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

    Elder Jeffrey R. Holland

    Pagnilayan [at] suriin ang bawat salita, bawat mamahaling bato sa mga banal na kasulatan. … Itapat ito sa liwanag at ipihit, at tingnan kung ano ang maaaninag at mababanaag dito. … Ang gayong pagsusuri ay maaaring makatuklas ng kayamanan na nakatago sa bukid: isang mahalagang perlas; isang perlas na walang katumbas ang halaga. (“Students Need Teachers to Guide Them” [mensahe sa Church Educational System religious educators, Hunyo 20, 1992], 4)

Ipakita

Pag-isipang ipakita kung paano ito gagawin ng buong klase sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang sa handout. Ipaalam sa mga estudyante na magkakaroon sila kalaunan ng pagkakataon na subukan ito nang mag-isa. Magdrowing ng isang mamahaling bato sa pisara. Sa tabi nito, isulat ang mga katotohanang natukoy ng mga estudyante. Ang paggamit ng mga salita ng mga estudyante ay isang magandang paraan para magkaroon sila ng tiwala sa sarili sa pakikibahagi sa klase.

mamahaling bato
  1. Basahin nang dahan-dahan at mabuti ang Doktrina at mga Tipan 18:10–11.

  2. Maghanap ng mga katotohanan na malinaw na ipinahayag.

    Maaaring makahanap ang mga estudyante ng doktrinang tulad ng ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.

  3. Maghanap ng mga nakapahiwatig na katotohanan sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilan sa mga nakalista sa handout.

Bilang tugon sa unang tanong sa handout, maaaring mahanap ng mga estudyante ang katotohanang ito: Maaari tayong magsisi at lumapit kay Cristo dahil nagdusa Siya para sa ating mga kasalanan at pasakit at sa huli ay namatay para sa atin.

Kung napansin ng mga estudyante ang sanhi at epekto sa mga talata 10 at 11, maaari nilang makita ang katotohanang ito: Dahil ang kahalagahan ng ating mga kaluluwa ay napakadakila sa paningin ng Diyos, handang magdusa si Jesucristo upang tayo ay makapagsisi at lumapit sa Kanya.

Kung pag-iisipan ng mga estudyante ang huling tanong, maaari nilang makita ang katotohanang ito: Nais ni Jesucristo, ang ating Manunubos, na malaman natin kung gaano tayo kahalaga sa Kanya.

Isulat ang katotohanang nakita mo sa isang piraso ng papel, sa margin ng iyong mga banal na kasulatan, o bilang isang tala sa Gospel Library app. Maaari mo ring markahan ang mga salitang nagtuturo nito sa mga banal na kasulatan.

Maglaan ng sandali na pagnilayan kung bakit ang katotohanang nahanap mo ay maaaring mahalaga o makabuluhan sa iyo. Pag-isipan sandali ang katotohanang natukoy mo. Maaaring makatulong ang sumusunod na tatlong tanong:

  1. Bakit maituturing na mamahaling bato ang katotohanang ito?

  2. Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  3. Paano ito makatutulong sa iyo ngayon?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip. Kapag narinig nila ang iniisip at pinagninilayan ng kanilang mga kaklase, mahihikayat sila nitong pag-isipan nang mas malalim ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan.

Magsanay

Sabihin sa mga estudyante na gawin ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa. Maaaring gawin ng mga estudyante ang aktibidad sa kanilang study journal o kaya, kung gusto mong ibahagi nila ang nalaman nila sa iba pang mga estudyante sa aktibidad sa ibaba, sa magkakahiwalay na piraso ng papel. Magagamit nila ang ibinigay na handout para makatulong sa kanila.

Para sa pagsasanay, gawin ang sumusunod na aktibidad:

  1. Magdrowing ng dalawang mamahaling bato.

  2. Habang pinag-aaralan mo ang kahit dalawa sa mga sumusunod na scripture passage, o iba pang passage na pinili mo, maglista ng isang “mamahaling bato” ng katotohanan na mahahanap mo para sa bawat isa: Doktrina at mga Tipan 1:30; 8:2–3; 18:15–16; 19:16–19; 21:4–6; 49:15–17; 58:42–43; 76:22–24; 131:1–4; 135:3.

  3. Isulat kung bakit ang bawat katotohanan ay isang espirituwal na mamahaling bato sa iyo. Isama kung ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano ito makatutulong sa iyo ngayon.

Kung nagawa na ng mga estudyante ang aktibidad sa magkakahiwalay na piraso ng papel, maaari silang makipagpalitan ng papel sa iba pang mga estudyante at magbahagi ng natutuhan nila sa isa’t isa. Maaari ding magmungkahi ang mga estudyante ng mamahaling bato ng banal na kasulatan na sa palagay nila ay makabuluhan lalo na sa mga kabataan ngayon at maaari nilang ilista ang mga ito sa pisara.

Batay sa naranasan mo ngayon, bakit maaaring gustuhin mong hanapin at pagnilayan ang mga katotohanan habang nag-aaral ka?

Isulat sa iyong study journal kung paano mo gustong mahanap ang mga katotohanan habang pinag-aaralan mo ang ebanghelyo. Ang isang paraan na maaari mo itong gawin ay tukuyin at pagnilayan ang kahit isang katotohanan sa bawat araw mula sa iyong personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong isulat ang mga katotohanang natuklasan mo sa iyong mga banal na kasulatan o sa scripture journal.

Maaari mong anyayahan ang isang estudyante kada araw para sa susunod na ilang lesson na magbahagi ng isang mamahaling bato ng banal na kasulatan na nakita nila sa kanilang pag-aaral. Magagawa ito ng mga estudyante sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isang banal na kasulatan bilang bahagi ng debosyonal. Maghanap ng iba pang mga oportunidad sa mga susunod na lesson para patuloy na mapraktis ng mga estudyante ang mahalagang kasanayang ito.