Seminary
Lesson 173: Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan


“Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan (2025)

“Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Doktrina at mga Tipan

Lesson 173: Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Pag-unawa sa Konteksto ng mga Banal na Kasulatan

binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Ang pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan ay nakatutulong sa atin na matukoy ang mga hangarin ng mga inspiradong may-akda. Mapapalalim nito ang ating pang-unawa sa kanilang mga salita at matutulungan tayong marinig ang salita ng Panginoon sa ating buhay. Ang layunin ng lesson na ito ay tulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano ginagawang mas makabuluhan ng konteksto ng mga banal na kasulatan ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang buong larawan

Simulan ang klase sa pagpapakita ng mga sumusunod na larawan nang paisa-isa at pagtatanong ng mga sumusunod. O kaya, maaaring magsulat ang mga estudyante ng mga caption para sa mga larawan habang ipinapakita mo ang bawat isa. Pagkatapos ay maaari nilang talakayin kung paano nagbago ang caption matapos nilang makita ang buong larawan.

Sa halip na gamitin ang mga larawan sa ibaba, maaaring pumili ang mga estudyante ng isang larawan mula sa camera roll sa kanilang telepono, i-zoom lamang ang isang bahagi ng larawan, at pahulaan sa kapartner kung ano ang nangyayari sa larawan. Pagkatapos ay maaari nilang i-zoom out ito at itanong kung paano nagbago ang pag-unawa ng isa pang estudyante.

batang lalaki na itinutulak ang isa pang batang lalaki
  • Ano ang nangyayari sa larawang ito?

batang lalaki na itinutulak ang isa pang bata palayo sa daraanan ng paparating na kotse
  • Paano nagbabago ang ating pag-unawa kapag nakita natin ang buong larawan?

    Maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magbahagi ng mga halimbawa mula sa kanilang buhay kung saan may naidulot na pagkakaiba nang makita nila ang kabuuan ng larawan. Maaaring kabilang sa ilang posibleng halimbawa ang pagte-text o pagpo-post ng isang bagay bago malaman ang lahat ng detalye, paghusga sa isang tao nang hindi nalalaman ang kanyang kuwento, o pag-iisip ng maling konklusyon mula sa isang naka-crop na larawan.

  • Paano ito nauugnay sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Habang sinasagot ng mga estudyante ang tanong na ito, i-assess ang kanilang pag-unawa sa konteksto ayon sa pagkakaugnay nito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Batay sa iyong assessment ng kanilang pang-unawa, maaari mong gamitin ang lahat o mga bahagi ng sumusunod na seksyon.

Bigyang-kahulugan: Pag-unawa sa konteksto

Maaari mong isulat sa pisara ang salitang konteksto.

Maaaring may makaligtaan tayong mahahalagang detalye at hindi natin lubos na maunawaan ang nangyayari kung walang konteksto.

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang salitang konteksto?

Maaari mong isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Kung kinakailangan, ibahagi ang sumusunod na kahulugan ng konteksto:

Ang konteksto ay ang background, mga kondisyon, at lugar kung saan nagaganap ang mga pangyayari na nagbibigay-daan sa atin na mas maunawaan kung ano ang nangyayari.

Basahin ang sumusunod mula kay Elder David A Bednar hinggil sa pahayag ni Propetang Joseph Smith (1805–1844):

David A. Bednar

“May susi ako kung paano ko nauunawaan ang mga banal na kasulatan. Nagsasaliksik ako, ano ba ang tanong na humantong sa sagot, o ang dahilan ng pagbanggit ni Jesus ng talinghaga?” (History of the Church, 5:261). Kaya, ang pagsisikap na maunawaan ang tanong na nauna sa isang partikular na paghahayag, talinghaga, o kabanata ay makatutulong sa atin sa pagtatamo ng mas malalim na pang-unawa sa mga banal na kasulatan. (David A. Bednar, sa “Witnesses of the Prophet Joseph Smith,” Ensign, Ene. 2009, 15)

  • Paano makatutulong sa iyo ang pag-aaral ng konteksto ng mga banal na kasulatan para maunawaan mo ang mga aral na itinuturo ng mga ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano nila kadalas sinusubukang alamin ang background at pinangyarihan. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng isa o dalawang minuto para pag-isipan kung paano sila napagpala, o maaaring pagpalain, ng pag-aaral ng konteksto ng mga banal na kasulatan sa kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip o personal na karanasan.

Halimbawa: Doktrina at mga Tipan 121

Ang sumusunod ay isang halimbawa kung paano nagiging mas makabuluhan ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan kapag nauunawaan ang konteksto. Kung gusto mo, maaari kang pumili ng iba’t ibang talatang gagamitin bilang halimbawa.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:7–8, at alamin kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith.

  • Ano ang makabuluhan para sa iyo sa mga talatang ito?

    Maaari mong paghiwa-hiwalayin ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang talakayin nila ang mga sagot sa sumusunod na tanong. Sabihin sa kanila na gumawa ng listahan ng resources na tutulong sa atin na malaman ang konteksto.

  • Ano ang ilang tool o resources na makatutulong sa atin na malaman ang konteksto nito at ng iba pang mga banal na kasulatan?

Maaaring ilista ng mga estudyante ang ilan sa mga sumusunod na resources: section o mga heading ng kabanata, mga kaugnay na talata, mga komentaryo sa mga banal na kasulatan, mga manwal, mga mensaheng ibinigay ng mga lider ng Simbahan, at mga kuwento sa banal na kasulatan para sa mga bata.

Maaari mong banggitin na ang ilan sa partikular na resources na makukuha para sa Doktrina at mga Tipan at kasaysayan ng Simbahan ay kinabibilangan ng mga Banal, Tomo 1 at Revelations in Context. Kung gusto pa ng mga estudyante na malaman pa ang tungkol dito, maaari mong ipakita kung paano maa-access ng mga estudyante ang resources na ito sa Gospel Library app. Tiyakin sa mga estudyante na bagama’t makatutulong ang pag-aaral ng iba’t ibang sources, ang simpleng gawi sa pagbabasa ng section heading bago sila mag-aral ay maaaring magbigay ng higit na kabuluhan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Iyan ang magiging pokus ng lesson na ito.

Basahin ang section heading ng bahagi 121, at hanapin ang impormasyon na makatutulong sa atin na mas maunawaan ang mga talatang ito. Maaari mo ring basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:1–6 para sa karagdagang ideya.

Basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 121:7–8 nang may pag-unawa sa konteksto.

  • Paano nakatutulong ang kontekstong ito na palalimin ang iyong pag-unawa sa mensaheng ibinigay ng Panginoon kay Joseph sa mga talatang ito?

  • Paano ginagawang mas makabuluhan para sa iyo ng bagong pag-unawang ito ang mga talatang ito?

Habang sumasagot ang mga estudyante, maghanap ng mga paraan para mabigyang-diin o itanong kung ano ang itinuturo sa atin ng kontekstong ito tungkol sa Panginoon. Halimbawa, mapagmahal na binigyan ng Panginoon ang Propetang Joseph Smith ng kapayapaan, pananaw, at pangako ng mga pagpapala sa hinaharap sa mahirap na panahon. Ang pag-unawa sa kontekstong ito ay tumutulong sa atin na malaman na mabibigyan din tayo ng Panginoon ng kapayapaan at direksyon sa ating buhay.

Sanayin ang pag-unawa sa konteksto ng mga banal na kasulatan

Upang matulungan ang mga estudyante na magsanay sa pag-unawa sa konteksto, maaari mong ipakita ang mga sumusunod na scripture reference at mga tanong sa pisara. Maaari mong ipabasa sa mga estudyante ang isa o mahigit pang scripture reference nang magkakapartner at isulat ang natutuhan nila mula sa mga ito sa gitna ng isang papel. Pagkatapos ay maaari nilang basahin ang section heading kasama ang mga kaugnay na talata. Sa mga naisulat na nila, maaari silang magdrowing o magsulat ng isang bagay na naglalarawan sa konteksto (ang buong background o sitwasyon).

Doktrina at mga Tipan 3:6–9

Doktrina at mga Tipan 8:2–3

Doktrina at mga Tipan 27:1–2

Doktrina at mga Tipan 28:2, 7

Doktrina at mga Tipan 46:3–5

Doktrina at mga Tipan 49:15–17

Doktrina at mga Tipan 98:1–3

Doktrina at mga Tipan 109:22–23

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila. Kung makatutulong, maaari mong itanong ang mga sumusunod:

  • Paano pinalalalim ng konteksto ng section o bahagi ang inyong pang-unawa sa natutuhan ninyo sa mga talata?

  • Paano tumutulong sa inyo ang konteksto na malaman pa ang tungkol sa Tagapagligtas, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, o Kanyang kapangyarihan sa ating buhay?

Kung may oras pa, maaaring praktisin ng mga estudyante ang kasanayang ito gamit ang kasalukuyang bahagi o kabanata sa kanilang personal na pag-aaral o pag-aaral ng pamilya ng mga banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makagagawa ng kaibhan ang pag-aaral ng konteksto sa kanilang personal na pag-aaral at kung paano nila mapagbubuti ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng paggamit ng kasanayang ito.

Sa pagpapraktis ng mga estudyante ng kasanayang ito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa darating na mga linggo, maaari kang maghanap ng mga paraan para maibahagi nila ang mga ideyang natutuhan nila sa klase bilang bahagi ng mga debosyonal sa klase sa hinaharap.